You are on page 1of 1

Si Ingkong Emo

Dapit hapon na ng matapos ni Ingkong Emo ang kanyang pinuputing bataw at sayote, ng biglang
bumuhos ang malakas na ulan. Hirap na hirap ang sitenta anyos na matanda sa pagbagtas ng makipot na
pilapil ng kanyang taniman. Pasan ang sako ng gulay sa kanyang likod, at hawak ang sanga ng kahoy na
nagsisilbi niyang tungkod sa kabilang kamay, dahan-dahan siyang lumakad pababa sa bundok. Madilim
na ang paligid ng marating niya ang paanan ng bundok.

Dali-dali siyang pumasok sa kanyang maliit at tagpi-tagping kubo. Kinuha ang takure na
nakataob sa paminggalan, at nag-init ng tubig. Ang gasera na nagsisilbing ilaw niya ang tumatanglaw sa
kabuuan ng munting kubo. “Sana ay tumila na ang ulan,” tahimik niyang nasambit.

Pasado alas-2 na ng madaling araw ng tumila ang ulan. Malamig ang ihip ng hangin at tumatagos
ito sa mga siwang ng kubo ni Ingkong Emo. Namaluktot ang matanda at pilit na pinagkasya ang payat
nitong katawan sa maikling kumot.

Napabalikwas si Ingkong Emo ng mamalayan niya ang oras, “alas-6 na pala, nakupo tanghali na
ako”, aniya. Nagmamadaling nagtimpla ng kape at nagpalit ng damit na mahaba manggas. Bitbit ang
sako ng kanyang ani ay lumakad na siya patungo sa bayan ng San Juan. “Linggo ngayon, tiyak na marami
ang tao sa plasa, sana ay makaubos ako ng paninda”, naibulong niya sa kanyang sarili. Inabot din siya ng
isang oras ng paglalakad. Pagdating sa plasa, ay humanap ng mappwestuhan si Ingkong Emo upang
ilatag ang paninda niya sa sako. Maraming tao ang naglisaw, karaniwan ay galing sa katatapos pa lang na
misa sa di kalayuang simbahan. “Bili na kayo ng sariwang bataw at sayote, murang mura lang”, tawag
niya sa mga mamimili.

Magtatanghali na ng makaubos si Ingkong Emo ng kaniyang paninda. Bumili siya ng isang kilong
bigas at isdang tamban sa palengke. “Salamat sa Diyos at ako ay nakaubos ngayon, sana ay laging
ganito”, sabay buntong hininga niya.

You might also like