Reflection Essay 1

You might also like

You are on page 1of 2

Ano ang unang tugon ng isang taong kakamulat palang ang mata at wala siyang

kahit anong alaala sa mga nakaraang taon ng kanyang buhay? siya ba’y maghihikab
sabay mag-iinat at babatiin ng “magandang umaga” ang mga tao sa paligid tulad ng
isang ordinaryong tao? Hindi, bagkus bakas sa kanyang mga matang mulat na mulat
at mga pailing-iling na wari di malaman kung tama ba ang nauwian na bahay mula sa
inumang pinanggalingan kagabi ang iba’t-ibang katanungan na namumuo sa kanyang
isipan. Pipilitin niyang kumuha ng impormasyon sa paligid na makakatulong sa kanya
upang makasagap ng kahit kakaunting unawa sa kasalukuyang reyalidad na
kinatatayuan niya. Siya’y mahihirapan na intindihin at tanggapin ang kinabibilangan
niya sa oras na iyon na para bang hindi niya alam ang kanyang susunod na gagawin o
siya’y bulag sa kinabukasan. Ngunit ano ba ang mali sa magising nang walang kahit
ano mang memorya mula sa iyong nakaraan? Bakit hindi na lang basta tumayo na
parang isang normal na araw lang at simulang gumawa ng umagahan at i-pagpatuloy
ang buhay at gumawa nalang ng mga panibagong alaala? Bakit? Sapagkat ang taong
iyon na bulag mula sa kanyang nakaraan ay bulag din sa kinabukasan. Siya’y isang
taong nakapikit ang mata na nangangapa sa kasalukuyan at hindi alam kung saan
itatapak ang kanyang paa upang makasulong.

Ang dahilan at motibo sa pag-aaral ng isang bagay o larangan ay mahalaga


sapagkat hindi sapat na aralin mo lang ang isang konsepto dahil iniutos lamang sa’yo
ng iyong guro o dahil iyon ang nakasaad sa kurikulum. Bilang isang tao, obligasyon
natin na hanapan ng mas makabuluhan o mas malalim na dahilan ang mga gawain na
kinabibilangan natin sa iba’t-ibang sistema ng lipunan lalong lalo na pagdating sa
edukasyon. Isa sa mga pinaka-kinukwestyon na larangan sa kasalukuyan ay ang
kasaysayan. Noong una, ang karunungan sa kasaysayan ang naging batayan sa
pagiging edukado ng isang mamamayan. Kung sino man siyang may alam kung
kailan isinagawa ang pag-aaral ni Charles Darwin na siyang naglalaman ng mga
detalye kung paanong nagbabago ang pisikal na anyo ng mga organismo ayon sa
kanyang kapaligiran o kung sino ang makakapagbigay ng pangalan sa Italyanong
manlalakbay na nanguna sa pagtawid sa Karagatang Atlantiko, ay siyang isang
superyor pagdating sa kaalaman at katalinuhan na nagiging batayan din kung siya’y
karapat dapat ba sa mga karaniwang mabababaw na tagumpay tulad ng pagiging
magaling na abogado o kung siya’y nararapat sa isang promosyon sa opisina. Ang
dahilan na ito sa likod nang pag-aaral ng kasaysayan ay hindi na tinatangkilik sa
kasalukuyan dahil sa kababawan nito. Ayon sa ilang eksperto pagdating sa
kasaysayan, ang kahalagaan sa pag-aaral ng larangan na ito ay malawak, ito man ay
usaping sarili o panlipunan. Ang kahalagahan nito sa pansarili ay nakikita raw sa kung
paanong natutulungan ang isang indibidwal na manaliksik ng impormasyon at salain
ito. Ang mga imprmasyon tungkol sa nakaraan mula sa iba’t-ibang libro o sanggunian
ay maaaring magbigay ng iba’t-ibang resulta, nasa sa atin bilang mga taong uhaw sa
karunungan upang mapalapit sa katotohanan at alamin kung alin sa mga natalang
impormasyon sa nakaraan ang pinakanalalapit sa katotohanan na ito. Dito makikita
kung paano hinahasa ng pag-aaral ng kasaysayan ang kritikal na pag-iisip ng isang
estudyante. Ayon din sa “Major Theories of History From the Greeks to Marxism”,
isang diskriminasyon ang paglalarawan nang “maayos” sa pagdaloy ng oras mula sa
nakaraan, kasalukuyan, at papunta sa kinabukasan pagdating sa kung paano gumalaw
at mamuhay ang mga tao kaya naman maaring masabi na imposible na makarating sa
pinaka-ugat ng katotohonan pagdating mula sa mga konsepto o pangyayari sa
nakaraan.
Para sa akin, ang kahalagahan ng kasaysayan ay makikita rin sa kung gaano ka-
kalmado ang lipunan ngayon. Ang pagkakaroon ng mga naitalang impormasyon sa
kasaysayan ang nagiging dahilan kung bakit tayo ay may mga sistemang nasa
estadong masasabing sibilisado hangga’t maaari. Sapagkat sa sobrang komplikado ng
mga gawi ng mga tao, maaaring imposible rin na masabing walang pinagmulan ang
mga pamamaraan natin ngayon. Sabi nga kanina, bulag ang isang tao sa kanyang
kinabukasan kung wala siyang alam sa kanyang nakaraan. Ganyan din tayo kung
sakali na walang mga naitatalang impormasyon tungkol sa mga nakaraang
sibilisasyon. Mayroon tayong maunlad na lipunan ngunit kung mawawala lahat ng
bakas ng nakaraan mula sa mga libro at ating mga sariling isipan, hindi natin alam
kung ano na ang gagawin mula sa punto na ito. Saan na tayo pupunta? Ano na ang
gagawin mula dito? Saang direksyon ba natin dapat itapak ang unang hakbang mula
dito? Ang mga salaysay ng nakaraan ang nagbibigay paliwanag kung bakit tayo
nandito sa kinabibilangan natin sa kasalukuyan at ang nagiging basihan kung saan
tayo tutungo mula sa ating kinatatayuan ngayon.

Pagdating sa pag-aaral sa mga nakalap na kwento mula noong mga sinaunang


panahon, ang pinakapanganib ay ang pagkakaroon ng maling impormasyon. Ang
larangan ng kasaysayan ay isang mapanganib na larangan kung saan maaaring walang
isang tamang sagot lamang pagdating sa isang konsepto na napapaloob dito. Sa
pagtatala ng mga impormasyon sa nakaraan, maaaring hindi mapigilan ng isang
eksperto ang pagiging subhetibo o bumase sa kanyang sariling emosyon pagdating sa
pagbuo ng mga detalye sa kanyang pag-aaral o sa kanyang pagtatala. Sa kadahilanan
na nabanggit ay maaaring mapalayo ang kanyang binubuong konsepto sa
katotohanan. Ito ang nagiging dahilan kung bakit ang mga aasa sa kanyang I-
pinalaganap na impormasyon ay kakapit sa maling ideya o mas mahihirapan na salain
ang kanilang nakakalap. Ngunit hindi rin naman masisisi ang mga eksperto sapagkat
sa pag-aaral ng kasysayan, sila ay bumabase lamang sa mga kakapirasaong mga
kagamitan at ebidensya na pag-aaralan nila ng mabusisi kung saan kailangan nilang
aplikahan ng karunungan mula sa iba’t-ibang larangan tulad ng sikolohiya, politika,
sosyolohiya, etika, at ekonomiks upang masiguradong ang kanilang nakalap na mga
ebidensya ay maituro sila sa tamang direksyon o sa katotohanan.

Sa madaling salita, ang kasaysayan ay tunay na malawak. Isang larangan na


nangangailangan ng tyaga at malalim na isipan kung nais aralin ito. Nararapat na
hasain ang kritikal na pag-iisip pagdating sa mga nakukuhang impormasyon sapagkat
di tulad sa larangan ng agham kung saan ang mga datos ay pirmi at subok, sa larangan
ng kasaysayan ay laging dapat isipin na maaaring hindi puro o tiyak ang makakalap
dito. Ngunit sa kadahilanang ito makikita ang natural na gawi at ugaling
pangkalahatan ng tao kung saan tayo ay masasabing tunay na komplikado at kakaiba.
Makikita rin dito ang mga kahirapan sa pag-aaral ng larangan na ito sapagkat
kinakailangan din nito ng kaalaman pagdating sa ibang larangan upang lubos na
maintindihan ang mga pamamaraan ng mga dating sibilisasyon. Basta’t dapat lang na
tandaan na sa pag-aaral ng kasaysayan, ang bukas na palaisipan ay kinakailangan.
Sabi nga sa “History: Practice and Theory” ni Jonathan Gorman, sa pagitan ng mainit
na diskurso, itatanong ng mga odinaryong tao kung sino ang tama at kung sino ang
mali ngunit mula sa mata ng pilosopo, ang katanungan na mabubuo sa kanyang isipan
ay kung maaari kaya na sa mayroong panig na tunay na nasa tama?

You might also like