You are on page 1of 2

Nagising sa Kahapon

Ang sangkatauhan ay niyanig ng isang umusbong na virus, tinawag itong COVID-19, kung saan
ito’y may kakayahan na makahawa, kumalat, at pumatay. Pangamba ang bumalot sa bawat isa dahil ang
sintomas ay marahil nakasanayan ng gamutin bago pa man ito makilala, kaya’t patuloy nitong
kinukulong sa loob ng tahanan ang sinuman— walang pinipiling antas ng pamumuhay, kasarian, edad, o
kulay ng balat upang mahawaan.

Dahil sa pangyayaring ito, tumigil ang mundo sa taong 2020, ang mga kompanya ay nalugi, ang
mga establisyemento ay nagsara, ang mga nagtra-trabaho ay nawalan ng pamumuhay, ang ekonomiya
ay bumagsak. Hindi na muli nagbukas ang mga mata para maging handa sa haharaping usok ng EDSA o
sa isa nanamang mahabang araw ng pagkakayod upang may pantustos sa kinabukasan. Ang
nakasanayan ay pansamantalang naudlot dahil sa hindi kanais-nais na pagbabagong bitbit ng COVID-19,
ngunit tuluyan na nga bang bukas ang sarili upang yakapin ang kasalukuyan?

Lahat ay hindi handa sa pandemyang uukit ng kasaysayan kaya’t sa ating pag-iwas sa virus at
pagyakap sa ating pamilya, malaki ang epekto nito sa isang kabataang kinikilala pa lamang ang sarili at
mundo. Silang kabataan na may pribilehiyong manirahan nang ligtas at malaya sa isang malawak na
bubong, at sila namang pinipilit na pagkasyahin ang sampung katawan sa pinagtagpi-tagping tahanan ay
parehong dinaranas ang walang awang pagkatok ng virus sa kanilang mga pintuan.

May kaniya-kaniyang paraan ang bawat isa sa pagharap ng pagsubok na ito; maaring ang mga
positibong dulot nito ay pagpahinga mula sa nakaraang kinagisnan kung saan nabigyan ng karampatang
tigil ang katawang pigang-piga, pagkakaroon ng oras sa pamilya upang kilalanin muli nang lubos ang
isa’t-isa at bawiin ang mga panahon na ninakaw ng kaniya-kaniyang tungkulin, at higit sa lahat ang
pagbabalik sa ating mga sarili— pagtuklas ng bagong kaalaman tungkol sa tinatagong kakayahan o
paggawa ng mga bagay na kung saan tayo naman ang una.

Kasabay ng mga pangyayaring ito na maaring humulma sa kabataan habang nasa gitna krisis ay
ang mabibigat na negatibong epekto. Ang pagsasakatuparan ng New Normal na sistema sa edukasyon ay
isa nanamang pagsubok na bitbit ng virus, likas sa mga Pilipino ang pagna-nais na makapagtapos sa
kolehiyo at bigyan ng masaganang kabuhayan ang kanilang mga magulang. Umapela ng petisyon ang
mga kabataan kung saan ang layon ay maisagawa ang pag-kansela sa school year 2020-2021, ang bilang
ng mga pumirma sa online petition na ito ay umabot sa 193,795 at makikita ito sa change.org.
Umusbong din ang mga hashtag na #AcademicFreeze #NoStudentLeftBehind sa Twitter kung saan
inilabas ang mga hinaing ng mga estudyante at guro tungkol sa New Normal na sistema. Makikita sa
estatistika na mahigit 20 milyong mag-aaral ang nagpatala at ipapagpatuloy ang pag-aaral ngunit 6 na
milyon naman ang mapag-iiwanan sa taong ito. Isa nanamang karumaldumal na daan ang tatahakin ng
nakararami sa darating na Agosto 24, araw ng pasukan, bukod sa nangunguna ang Pilipinas sa
pagkakaroon ng pinakamabagl na internet connection sa Asia-Pacific, ang balakid sa pagmamay-ari ng
matino at maayos na gadyet na kasangkapan sa pag-aaral ay isang pribilehiyo.

Ang mga ipinanganak sa taong 1995-2015 ay tinatawag na Generation Z o mas kilala sa pinaikling
Gen Z, sila ang bagong henerasyon na lumaki kasabay ng teknolohiya kaya ang kabataan at gadyets ay
hindi mapaghihiwalay. Ang pagtaas ng singil sa kuryente ay isa sa mga resulta ng pagiging pala-asa ng
mga tao sa teknolohiya; binubulag ng social media ang mga mata mula sa realidad ng buhay, bagkus,
nagiging pansamantalang takas ito ng kabataan mula sa katotohanan dahil ramdam nila ang pagiging
sangkot sa birtwal na komunidad. Ang paglalaro, pakikinig, panunuod, at iba pang libangan ay
matatagpuan sa ating mga gadyets, itong mga bagay na ito ay nagbibigay sa atin ng dahilan upang
mapalipas ang oras lalo na’t tumigil ang mundo sa labas ng ating mga tirahan.

Maliban sa pagsasamantala ng kabataan sa regalo ng siyensiya, ang mental na kalusugan at pag-


iisip ay pawa ring naapektuhan nang lubos, isang malaking kadahilanan dito ang social media kung saan
mabilis ang paglaganap ng balita. Bulag sa realidad ngunit binibingi ng mga sigaw sa pagkamit ng
hustisya ang dinig, bukas ang mga bibig at puso sa sabay na panalangin ng isang bansang babangon,
isang bansang humihingi ng limos sa gobyernong makapangyarihan. Nawa’y gampanan nila ang kanilang
tungkulin nang walang tinatapakang karapatan at hindi pagsamantalahan ang ginawad na kakayahan.
Ang hustisyang sigaw ng kabataan sa social media ay para sa mga pulitikong hindi nabigyan ng
karampatang parusa sa di pagsunod, hustisya sa mga kinulong dahil walang bubong na masilungan kundi
kaakap ang malamig na kalsada sa pagtulog, hustisya sa pag-angat ng kamay na bakal sa nakayapak at
pag-salba nito sa paang naka-sapatos. Ang pagkakamaling isinasagawa sa kasalukuyan ay magiging
nakaraan, ang mga matang bulag sa realidad ay mulat sa kahapon at kailanma’y hindi pipikit.

Upang magampanan ang sinabi ni Gat Jose Rizal kung saan ang pag-asa ng kinabukasan ay nasa
kabataan, hindi dapat matakot ihayag ang boses dahil kailanman ay hindi mapapatahimik ang may alam.
Ang ambag ng kasalukuyang administrasyon ay mabigat na balakid hindi lamang sa mental na kalusugan
ng isang kabataan kundi pati na rin sa mga susunod na taong kaakibat nito. Dagdag pa sa kargo ng
mental na kalusugan ay ang mga personal na pinagdadaanan ng indibidwal sa mga miyembro ng
pamilya, mga katanungan sa sarili at kinabukasan na nagdudulot ng sobrang pag-iisip, at ang pananabik
na makalaya sa pinalawak na kulungan ng pandemya.

Sa loob ng limang buwan ang naging takbo ng buhay ay nagsimula sa paggising, pag-selpon,
pagkain, pag-selpon, pagkain, pag-selpon, pagtulog. Tila ba’y umuulit na lamang ang kahapon sa bawat
pagkilos na gagawin kung saan naging dugtungan na ng buhay ang pagkakaroon ng gadyet. Ang ikot ng
mundo ay parang gulong na minsan nasa taas, minsan nasa baba, ngunit ang pandemyang ito ay
binigyan ng butas ang gulong na iyon at pansamantalang tumigil ang lahat sa ilalim. Patuloy paring
pinipilit na yakapin ang sistemang pinupwersa sa bawat tahanan ng mga Pilipino, ang ibang bansa ay
bumabangon na mula sa krisis na dulot ng COVID-19, kaya’t dapat tayong manalig na ang New Normal
ay hindi na isasagawa sa mga susunod na buwan dahil babalik din ang lahat sa tunay na takbo ng mundo
kung saan ang pagpasok sa trabaho, paaralan, pasyalan ay hindi na kinakatakutan, ang mga ngiti sa
mukha ay naibabahagi na sa iba, at ang bansang Pilipinas ay babalik din sa mga Pilipino.

You might also like