You are on page 1of 2

Alamat ng Lansones

Noong unang panahon, sa isang bayan sa Laguna matatagpuan ang napakaraming mga puno na may
mga bilog-bilog na bunga. Mukhang masarap ang prutas ngunit wala sino man ang mangahas na kumain
nito sapagkat ang mga bunga ay lason. Ni lumapit sa nasabing puno ay ayaw gawin ng mga taong bayan.

Napatunayan nilang lason ang mga bunga nang isang araw ay may napadpad na manlalakbay sa kanilang
bayan. Dahil sa pagod, naupo ang matanda sa ilalim ng nasabing puno upang makapagpahinga. Nang
makita ng manlalakbay ang mga nakasabit na bunga ay bigla niyang naalala ang kanyang gutom at
pumitas ng mga ito.

May isa sa mga taong bayan ang nakakita nang isubo ng matanda ang bunga. Tinangka niya itong pigilan
ngunit huli na ng naabutan niya ang matanda. Nakain na nito ang lasong bunga at unti-unti na itong
nangingisay at bumubula ang bibig. Dahil sa pangyayaring ito, mas lalong natakot ang mga taong bayan
na lumapit sa puno.

Sumapit ang isang matinding tagtuyot sa lugar. Namatay ang mga pananim at ang tanging natira ay ang
mga lasong puno na hitik na hitik sa bunga. Taimtim na nag-dasal ang mga taong bayan na matapos na
sana ang tagtuyot upang sila ay muling makapagtanim at makapag-ani ng makakain sapagkat malapit ng
maubos ang naka-imbak nilang pagkain.

Isang araw sa kainitan ng tanghali, isang mahiwagang babae ang dumating at kumatok sa mga pintuan
ng mga taong bayan. Nanlilimos ang magandang babae ng makakain. Ngunit walang maibigay ang mga
tao sapagkat salat din sila sa pagkain. Isang bata ang lumapit sa magandang babae at nagbigay ng
kapiranggot na makakain. Pagpasensyahan na daw niya ito dahil iyon na lamang ang natitira niyang
pagkain.

Napangiti ang babae at kinuha ang pagkaing inabot ng bata. Pinanood ng bata ang babae habang ito ay
kumakain. Pagkatapos kumain, tinanong ng babae ang bata kung bakit nila nasabing salat sila sa pagkain
samantalang marami namang bunga ang kanilang mga punong-kahoy. Ikinuwento ng bata sa babae na
lason ang mga bungang ito. Napangiti ang babae at umiling ito.
Pumitas siya ng bunga at pinisil ito hanggang sa lumabas ang laman. Bago pa man napigilan ng bata ang
babae ay naisubo na nito ang puting laman ng bunga. Nagtaka ang bata sapagkat walang nangyari sa
babae; sa halip nakangiti nitong ibinigay ang prutas sa bata na siya namang tinikman din ang bunga.

Masarap at manamis-namis ang prutas. Sa tuwa ng bata ay napasigaw ito at tinawag ang mga
kapitbahay upang matikman din nila ang prutas. Nagsilabasan ang mga taong bayan. Noong una ayaw
nilang paniwalaan ang bata ngunit di naglaon ay tinikman din nila ito at napag-alaman ngang matamis
ang bunga. Hinanap nila ang magandang babae upang pasalamatan ngunit wala na ito.

Naniniwala silang tinanggal ng mahiwagang babae ang lason sa mga bunga. Simula ang dating "lason" ay
naging "lansones".

You might also like