You are on page 1of 1

Alamat ng Bayabas

Noong unang panahon, may isang bayan na pinamumunuan ng isang sakim at mapagmataas na hari. Si
Haring Barabas ay kinatatakutan ng kanyang mga sinasakupan ngunit palihim din nila itong
kinamumuhian. Walang ibang alam gawin ang hari kundi ang mag-utos at pagalitan ang kanyang mga
alipin. Ang mga utos pa man din nito ay imposibleng gawin at hindi makatwiran. Ang hari ay mahilig
kumain, matulog at mag-aksaya ng kayamanan niya.

Nagkaroon ng matinding taghirap sa kanyang kaharian. Hindi maganda ang naging ani ng mga
magsasaka at naging mahina ang benta ng mga mangangalakal. Ang lahat sa kaharian ay inutusang
magtipid upang maka-alpas sa taghirap na kanilang nararanasan.

Lahat nga ng tao ay gumawa ng kanya-kanyang paraan upang makatipid maliban sa isang tao. Ang
mismong hari na si Barabas ay hindi sumusunod sa kanyang utos. Walang itong pakialam na naghihirap
ang mga taong kanyang nasasakupan. Patuloy siya sa paglustay ng kanyang kayamanan sa mga walang
kwentang mga bagay.

Habang ang lahat ng tao ay nagtitipid at minsan lang sa isang araw kung kumain, ang hari ay parang
piyesta kung magpaluto sa kanyang mga alipin. Iba’t ibang putahe ng iba’t ibang mahal na klase ng
pagkain ang kanyang ipinapahanda. At ang masaklap pa dun ay siya lamang ang kakain ng mga pinaluto
niya. Maski sobra ang mga pagkain ay hindi niya niyayaya ang kanyang mga kasambahay o ang mga
taombayan na saluhan siyang kumain. Ang mga hindi niya maubos ay hinahayaan lang niya hanggang sa
tuluyan na itong masira at hindi na puwedeng makain.

Isang araw habang nagpipiyesta ang hari sa harapan ng kanyang palasyo ay may lumapit na isang
matandang pulubi. Humingi ng limos ang pulubi maski pagkain na lamang pantawid sa kanyang gutom
ngunit hindi pinansin ng hari ang matanda. Sa halip, pinagtabuyan pa niya ito. Nawawalan daw siya ng
ganang kumain dahil sa mabahong amoy ng pulubi.

Nagalit ang pulubi at sinabi sa hari na dahil sa kasakiman nito ay bibigyan niya ito ng isang leksiyong
hindi niya makakalimutan. Hindi pa natatapos magsalita ang matanda ay biglang kumulog at kumidlat.
Ang hari ay unti-unting nagbago ng anyo. Nagsisigaw itong humihingi ng tawad sa matanda ngunit huli
na ang lahat. Biglang naglaho ang matanda habang ang hari ay naging isang ganap na halaman.

Nakita ng taombayan ang lahat ng pangyayari at ng lapitan ang halaman ay may nakita silang bunga nito.
Ito ay bilugan at may koronang nakapatong. Ito na nga ang kanilang hari na si Barabas na dahil sa
kasakiman ay naging isang halaman.

Mula noon tinawag nila ang halaman na bayabas mula sa pangalan ni Haring Barabas.

You might also like