You are on page 1of 12

Ang Panalangin

“Oy Suzy, ang tagal, inumin mo na ‘to!” pagmamadali sa akin ni Ched.

“Ako na naman? Katatapos ko lang e!” sagot ko kay Ched, pero sige, bakit ka nga ba tatanggi sa

alak? Pagkaubos na pagkaubos ko ng alak ko, kaagad akong tinagayan ni Ched.

“Ikaw naman! Kanina pa ‘ko inom nang inom!”

“E kanina pa rin akong umiinom, pinapahabol lang kita!” asar ni Ched.

Makatatlong ikot pa ng ginebra, mukhang hilo na si Ched maski hindi niya pa nauubos ang

huling tagay sa kanya.

“Mahina ka pala, Ched. Wala ka pala!” hirit ko sa kanya.

“Anong mahina? Sinong mahina? Ako mahina?” pikong sagot ni Ched na medyo hindi na rin

malinaw ang pagkakabigkas.

“Oo, ikaw kako, mahina ka. Iilan pa lang yan tumba ka na.”

“Gusto mong ikaw patumbahin ko?”

“Gawa!”

Sabay kaming tumayo mula sa kinauupuan na para bang nag-aambahan ng suntok sa isa’t isa.

Pagkatayong-pagkatayo’y nasukahan ako ni Ched sa sobrang kalasingan. Tawanan ang buong

lamesa. Kinuha ko na rin agad ang gamit ko at gamit ni Ched na nakalupaypay na sa mga upuan.

Inakay ko na siya palabas para isakay sa taxi. Wala na ka’ko ‘to sabi ko sa isip ko.

Maglilimang-taon na kaming magkakilala ni Ched at iilang buwan na rin kaming nagkakasabay

sa inuman dito sa Peppers. Napapansin kong ilang linggo na rin niya kong tinititignan at

pinaaabutan ng libreng beer pero ito ang unang pagkakataon na nagkasama kaming dalawa.

Kakilala noong highschool si Ched pero ‘yong tipong kakilala mo lang sa pangalan. Mahiyain at

tahimik din kasi ako noong highschool kaya bilang lang din sa daliri ang naging mga kaibigan ko

pero heto’t ginawa sa akin ng kolehiyo at ng pag-inom ng alak. Nagkataong parehas kami ng bar

na iniinuman at condong tinutuluyan. Siya sa ika-22 palapag ako naman sa ika-16.

Habang nasa taxi pauwi, nakasandal si Ched sa balikat ko. Napakaamong tupa kung titignan

kapag tulog ‘tong si Ched maski lasing. Maya-maya’y nararamdaman kong nadadampi ang

1
kamay ni Ched sa kamay ko na noo’y nakapatong sa hita ko. Pagod na rin ako para magkapaki

kaya hinayaan ko na lang at isa pa, langong-langong tulog si Ched sa balikat ko. Ilang sandali

pa’y ramdam kong mabagal na paghinga ni Ched sa leeg ko, amoy ko ang amoy chico niyang

hininga, kasabay nito ang unti-unting pagdiin ng kanyang pataas-pababang paghaplos sa mga

hita ko. Kasabay nito ang pagbilis ng kabog ng aking dibdib at paglalim ng aking paghinga. Ilang

sandali pa’y walang ka-alinlaalinlanga’y sinubukan niya ‘kong halikan. Imbes na labi’y

malutong na palad ang sumalubong sa mukha ni Ched. Akala mo Ched, ha?

***

Hilong nagising kinabukasan kaya kinailangang bumili muna ng kape. Nakita kong naglalaptop

si Ched sa may coffee shop na bininilhan ko. Lumabas na rin agad ako ng coffee shop at kinatok

na lang si Ched sa may salamin. Inaya niya akong pumasok. Wala rin naman akong pupuntahan

kaya binalikan ko na siya.

“Mukhang ubos na kilay mo riyan sa ginagawa mo ah. Ano ba ‘yan?”

“Pasahan kasi nitong project namin mamayang hapon. Alam mo naman, napasarap sa gimik

kagabi, kaya heto, cram. Haha!” sagot ni Ched.

Ibang-iba ang Ched na kaharap ko sa Ched na nakikita ko sa Peppers kapag gabi. ‘Yong

basagulerong tataob sa lamesa at magbabasag ng bote sa bar ay responsableng estudyante naman

pala sa umaga.

“O ano, Suzy, Peppers mamaya, g?” yaya ni Ched.

“Parang ‘di ka nalasing kagabi ah,” sagot ko kay Ched.

“Ano ka ba, Sabado ngayon saka huling araw ng term. That’s a call for celebration!”

“Basta ba sagot mo unang round e. G agad.”

“G agad, basta ikaw,” bola ni Ched.

Pagkaubos ko ng iniinom ‘kong tsokolate, iniwan ko na rin si Ched para ‘di na rin makaabala pa

sa ginagawa niya.

2
Nagkita na lang kami sa inuman. Kagaya nang madalas, kasama ni Ched ang mga kaibigan niya

at dahil sabado ngayon, ako lang mag-isa. Hindi na rin ako nahiya dahil nakasama ko na rin

naman sila kagabi.

“O, Ched, ito na ba bago mo?” biro ng kaibigan niya

“Sira! Kasama na natin kagabi ‘to. Si Suzy, kaibigan ko noong highschool,” pakilala ni Ched.

Kumaway ako sa mga kaibigan niya sabay sambit ng “Mga gago kayo iniwan niyong puro suka

‘tong si Ched sa’kin kagabi!”

“Ikaw pala ‘yon!” sabay-sabay na nagtawanan ang mga kaibigan niya. “Welcome sa crew!”

sabay abot ng napakalamig na bote ng sanmig sa akin. Tuloy ang inuman.

“O Suzy, panglimang bote ko na ‘to, pangalawa mo pa lang ‘yan,” puna ni Ched.

“Pang-apat ko na ‘to at pangatlo pa lang ni Ched. Kung tama pa ang bilang ko? Medyo amats

na rin pero sige. Bakit ba ‘ko tatanggi sa alak?” sabi ko sa sarili ko sabay tungga ng hawak na

pang-apat at inom ng panglimang abot ni Ched, kung tama pa nga talaga ang bilang ko.

Hindi ko na maalala kung nakailang bote pa ako. Parang umiikot ang paligid pagkatayo ko

papuntang banyo. Dahil hindi makalakad nang diretso, nakaakbay ako kay Ched habang

nakaalalay siya sa bewang ko kung saan pahigpit nang paghigpit ang kanyang pagkakahawak.

Bago pa man kami makarating sa banyo ni Ched, isinandal niya ako sa pader at tinitigan. Hindi

makawala ang mga mata ko sa napakalagkit niyang mga tingin na kung may kakayahan lang

gumalaw ay baka unti-unti na akong hinubaran.

Sino at ano pa nga bang makapipigil sa damdamin ng dalawang lasing na hinahalina ng

kamunduhan? Wala. Walang anu-ano’y bumalik kami sa lamesa para magpaalam. Para bang

nawala lahat ng amats ko at para ‘kong natapunan ng kumukulong sisig na paboritong orderin ni

Ched tuwing nag-iinom. Kaagad kaming nag-abang ng taxi at noo’y hinayaang mangyari ang

kung anong naudlot noong unang pagkakataong sabay kaming umuwi.

3
At kung ano pa man ang mga nangyari mula pagkasakay at pagbaba ng taxi, pag-akyat ng

elevator, at pagkarating sa unit ni Ched hanggang sa paggising kinabukasan ay kwentong mas

nakagigising pa sa kape at mas nakaiinit kaysa serbesa.

***

“Day 40: Pangulo, inaasahang iaangat na ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa
Maynila; bilang ng positibo sa COVID-19 patuloy pa rin sa pagtaas”

Tangina, walang kwentang presscon na naman ‘to. Mapupuyat na naman ako sa pagkuda nitong

presidenteng ‘to. Wala namang kaplano-plano! Puta, 40 days na. Batong-bato na ‘ko at beer lang

ata ang makagagamot sa sakit ng lalamunan kong ‘to!

*Ping!* *Ping!* *Ping!* *Ping!*

Nasaan na ba yung cellphone ko? Sa ilang araw na wala ‘kong natatanggap na text at tawag e

nilamon na ata ng kama ko ‘yung cellphone ko. Aaaaaaaah, bukas nga makapagpalit na ng kobre

kama at medyo magdadalawang linggo na rin ‘tong kumot at punda ko. Pero teka nasaan ba yung

cellphone ko! Aaaaaaaaaah!

*One new message from Ched*

Ched: Uy, Suzy.

Uy, napatext si Ched. Matagal-tagal ding walang paramdam ‘to ah mula noong huling kita namin

bago mag-ECQ. Bakit kasi naisipan ko pang umuwi ng probinsya?

Suzy: Uy, Ched. Musta?

Ched: Okay lang naman ako, Suzy. Ikaw ba?

Suzy: Okay lang din naman. Napamessage ka ata.

Ched: Naalala kasi kita sa kapeng iniinom ko. ;)

4
Sa sandaling mabasa ko ang text na ‘yan mula kay Ched, para bang lalong uminit ang

pakiramdam ko. Hindi ko alam kung dahil summer na, dahil kay Ched, o baka kasi nga ilang

araw na rin akong sinisinat-sinat.

Suzy: Hala. :o Bakit naman, Ched?

Ched: Hmm..wala. Miss lang kita. ;)

Ano bang gustong iparating ni Ched at may pakindat-kindat pa siya sa mga text niya? Tag-init

nga naman talaga oh!

Suzy: Ah ganun ba. :)

Ched: Ikaw naman, di ka mabiro. May plans ka ba after ECQ?

Suzy: Wala naman. Bakit mo natanong?

Ched: Kita tayo?

Suzy: Saan?

Ched: Inom o kape? O inom hanggang sa magkape? :)

Bumilis ang kabog ng dibdib ko nang mabasa ko ang text ni Ched. Gaano katagal pa ba ang ECQ

at gustong-gusto ko nang kumawala!

Sa kaiisip sa mga text ni Ched, nalimutan ko nang magreply.

*Ping!* *Ping!* *Ping!* *Ping!*Ping!*

Tulala, balisa, at nangingiti akong mag-isa habang nararamdaman ko ang sunod-sunod na

pagvibrate ng cellphone kong parang nahigaan ko ata. Naaalala ko si Ched sa bawat yanig ng

cellphone ko gaya na lang noong huling gabing nagkasama kami.

*5 new messages from Ched*

***

5
Magmula ng magtext si Ched, hindi na mawala sa isipan ko ang huling gabing nagkasama kami

bago ang ECQ. Sariwa ang aking gunita ng bawat segundong pinagsamahan namin Ched.

Alalang-alala ko pa kung paanong hindi na namin alintana ang driver sa taxi nang gabing iyon.

Walang pinipiling lugar ang kapusukan at kalasingan. Wala. Itinuloy namin ang naudlot na

sandali noong unang beses kaming magsabay umuwi galing inuman. Dahan-dahang inilapit ni

Ched ang kanyang mukha sa aking leeg. Damang-dama ko sa aking batok ang init ng kanyang

hininga. Hindi na rin ako nanlaban at sa unang pagkakataon, may kakaiba akong init na

naramdaman sa aking katawan na sigurado akong hindi sa alak nanggaling. Nalasahan ko ang

naghahalong tamis at pait ng ininom na alak sa mga madulas na labi ni Ched na kagaya ng kulay

kalawang na bote ng sanmig.

*Ping!* *Ping!* *Ping!*

Napaigtad ako sa muling pagvibrate ng cellphone ko pero hindi nito naputol ang aking

paggunita. Lumalim at bumabagal ang aking paghinga kagaya noong unang beses kong

maramdaman ang mga palad ni Ched. Pero may ilang araw na rin akong hirap huminga, lalo na

tuwing umaga pagkakagising o pagkamaaalimpungatan sa gabi. Aaaah hindi ko na alam.

Halos magmadali kaming tumakbo ni Ched para abutan ang pasarang pinto ng elevator. Dahil sa

may kasabay na tatlong magkakaibigan, pahawi-hawi lang ng buhok at paghawak sa braso ang

aming kilos. Tila nawawala sa sarili si Ched sa pagmamadali habang sinususian ang pinto ng

kanyang unit. Kasabay nang pagpasok namin sa unit ang pagpasok ng aming mga dila sa bibig

ng isa’t isa. Lasang-lasa ko ang pagpapalitan namin ng laway na kagaya ng pakiramdam tuwing

lumalagok ng malamig na beer. Suwabe at may hagod.

*Ping!* *Ping!* *Ping!*

Kung paano akong nakahiga ngayon (at sa araw-araw mula nang mag-ECQ), ganito ako

untiunting inihiga ni Ched na parang babasaging bote ng beer na nilalapag sa lamesa.

Pakiramdam ko’y namumula na ako sa sandaling ito. Para bang nararamdaman ko ngayon ang

6
mainit na mga kamay niya sa’king likod, pababa nang pababa nang pababa. Nararamdaman kong

nagbubutil ang aking pawis kasabay ng pagtindig ng aking mga balahibo. Napapapikit ako sa

alaala ng pakiramdam ng patuloy na paghaplos ni Ched. Malinaw sa aking isipan ang larawan ng

pagbubukas ng bote ng beer: ang pag-alsa ng espiritu at ang pag-alingasaw ng naghahalong pait

at tamis na amoy ng malta. Sa mga sandaling iyon, pakiramdam ko’y para kong bagong bukas na

bote ng beer. Naaalala ko at gumagapang sa aking mga balat ang pakiramdam kung paanong

sinipat ng mga daliri ni Ched ang nguso ng bote, kung paanong iniikot-ikot niya ang rima, sabay

aamuyin, at papatunugin matapos ikutin ng kanyang hinlalaki ang butas nito, ‘pop!’

*Ping!* *Ping!* *Ping!*

Parang napagod ako, hindi ko alam kung sa hindi ko na magbilang na araw nang pagkakahiga. sa

pag-alala ng mga gunita, sa magdamagang pag-ubo sa gabi o sa maghapong pag-iisip kung ano

na nga bang pupwedeng mangyari pagkatapos ng ECQ? At kung gaano kahabang panahon ang

hihintayin ko para muling makita si Ched, gayundin ang paghihintay sa resulta mula sa lab.

*Ping!* *Ping!* *Ping!*

Temperature Check: 37.8°C

Mareplyan na nga si Ched at mukhang naparami na ang text niya.

***

“Day 54: Pagtaas ng positibong kaso ng COVID-19 bumabagal na; ECQ iaaangat na bukas –
Pangulo”

*Ping!*

*One new message from Ched*

Ched: Kape bukas, g?

Suzy: Basta ba sagot mo e. G agad.

Ched: G agad, basta ikaw.

7
Nailalarawan ko na sa aking isipan na parang mga ibong hindi mapapakaling magsisilabasan ang

mga tao - matapos ang ilang buwang pagkabato sa bahay, pagkauhaw sa serbesa, panghihina sa

sakit, at pagkaulila kay Ched, makalalabas na rin. Makalalaya. Makakawala.

*Ping!*

*One new message from Ched*

Ched: Dito na ‘ko kapihan, wait kita.

Suzy: On the way. See you!

Pagkarating sa coffee shop, nasa dating lamesa si Ched kung saan siya nakaupo nang makita ko

siyang gumagawa ng kanyang project. Bumilis na naman ang kabog ng dibdib ko habang

naglalakad patungo sa kanyang kinauupuan. Bagamat hindi kita ang mga ngiti sa likod ng mga

suot naming face mask, bakas sa mga mata ang galak sa malalagkit na titig sa isa’t isa. Hindi ko

pa natitikman ang biniling kape pero parang pinagpapawisan na ako sa init na nadarama. Bago

pa man ako nakakaupo dala-dala ang kape ko, tumayo na agad siya na parang nagmamadali.

Inabot ni Ched ang aking kamay at hinila palabas ng coffee shop. Mabuti na lang pala at pina-to

go ko ang kape ko. At kung anumang uhaw ang nararanasan ko ngayon, alam kong walang alak

at kapeng makakaibsan nito.

*Ping!*

*One new message from Unknown Number*

Habang naghihintay ng taxi pauwing condo, nakatanggap ako ng text. Wala na rin naman akong

inaasahang magtetext pa dahil kasama ko na si Ched pero sino kaya ang unknown number na

ito?

“Greetings, Ms. Suzy Samuel! This text message was sent to notify you that your test results were
delivered to your email. This is a generated message. Please do not reply. If you have concerns
or inquiries, kindly reply to the email. Thank you.”

Pucha. Kung gaano ko katagal hinintay itong muling pagkikita ni Ched, mas matagal kong

hinintay ‘tong mga resultang ‘to pero tiyempo naman bakit ngayon?

8
Pagkasakay ng taxi ninais ko na ring i-tsek ang email, para naman malaman natin at matapos na.

Tutal, wala na rin naman akong nararamdaman.

“Ched, may data ka ba?” tanong ko sa kasama.

“Meron, bakit?” sagot niya.

“Pa-hotspot naman, may kailangan lang akong tignan,” pakiusap ko.

“Sige, pero, anong kapalit?” panunukso ni Ched.

Titig at ngiti lang ang naisagot ko kay Ched. Noon din unti-unting lumapit si Ched para

mangyapos. Anong social social distancing? Walang pinipiling lugar ang kapusukan at kalas-

pagkaulila. Habang nakayakap si Ched sa akin, nag-online na ‘ko para tignan ang resulta.

*Ping!* *Ping!* *Ping!* *Ping!*

Tignan mo nga naman ang napakaraming notification kapag medyo matagal kang hindi

nagonline.

“Ano bang titignan mo, baka pwedeng mamaya na ‘yan?” sabi ni Ched habang nakasilip din sa

aking cellphone.

“Bakit nakikitingin ka, cellphone mo? Email mo?” pabiro kong sagot.

“I-tsek mo na, bilis na,” pagmamadali sa akin ni Ched.

“Eto na, o, eto na!”

Lumalim ang aking paghinga, hindi ko alam kung naramdaman ni Ched. Hindi ko rin alam kung

dahil sa kasama ko na ulit si Ched o dahil sa kaba ng nalimutan ko ng resultang hinihintay.

Binuksan ko ang email.

“Ms. Suzy Samuel,


We apologize for the delay of your results. We are saddened to inform you that you are positive
with the novel corona virus or COVID-19. If you have the capability to admit yourself to the
nearest hospital, please do so. In case you do not, do not hesitate to contact us and we will send
a medical representative to fetch you. Despite the crisis that we are experiencing, let us stay
positive and believe that we will all heal as one.”

9
Putangina. Ang kanina’y nagbabaga kong katawan e parang pinaliguan ng nagyeyelong beer –

nanlalamig at balisa. Para akong nahilo sa nabasa ko. Nanlaki ang mga mata ni Ched at

napabitaw sa pagkakayapos.

Kung alak ang realidad ng balitang ‘to, hilo ata ako sa pagkalasing. Kailangan ko ng kape bago

pa man ako paglamayan. At kung ganun man, San Miguel, ipanalangin niyo po ako.

10
Kung paanong naisulat ni Nikky Necessario ang kanyang akda

Kung magiging matapat, hindi naging madali ang prosesong ito ng pagsusulat. Matinding

kalaban ang inip sa panahon ng kuwarantina ngunit mas matinding katunggali ang katamaran.

Hindi ko alam kung saan ako huhugot ng lakas at motibasyong magsulat o maski magbasa man

lang. Nakagagalit ang mga balita sapagkat napakaraming nagugutom, ikinukulong, at pinapatay.

Pati na rin ang halos dalawang buwang pagkaburyong sa bahay at hindi pagkakita ng ibang tao

maliban sa pamilya at mga kapitbahay. Suwerte pa ngang maituturing dahil nakakapamili pa ng

kakainin at may internet pa para pagkaabalahan. Sa likod ng mga balakid na ito, ang deadline na

nga siguro ang tanging puwersang humihila sa akin para magsulat sa panahong ito.

Hindi naging madali ang pagkokosenptwalisa ng ideya at kung anong kuwento ang isusulat.

Kagaya ng ibang kuwentong aking nalikha, isa lamang itong ideyang bigla na lang tumalon sa

aking isipan at muli, kung magiging matapat, ‘para matapos na lang.’

Sa proseso ng aking pagsulat, hindi naging madaling basta na lang ang mga detalye bilang lagi

kong naiisip ang lohikal na pag-uugnay ugnay ng bawat detalye. Gawa na rin siguro ng naging

report ko noong huling Sabado bago ang araw ng pasahan.

Kung mahirap ang naging proseso ng paglikha ng kuwento mula bula, mas mahirap ata ang

gumawa ng mas maayos na kuwento mula sa mga mungkahi at suhestyon ng propesor, mga

kaklase, at mga kaibigang matiyagang binasa ang kuwentong naisulat.

Gising pa rin at isinusulat itong papel limang oras bago ang klase sa 9n.u. at mga tatlong oras pa

lamang ang nakalilipas mula ng matanto ko ang gusto ko talagang mangyari sa aking kuwento.

Maaaring magmukhang minadali ang naisulat pero kakaibang gana ang pumasok sa akin nang

maisip ko na kung ano talaga ang gusto kong mangyari.

11
Paumanhin po kung hindi ako naging matapat sa buod na aking ipinasa. May kung anong

pumasok sa aking isipan para tuluyang ibahin ang kuwento (na sana sa lagay na ito ay

makabuluhan pa rin).

Naging malaking hamon ang pagsusulat ng erotika lalo pa’t wala gaanong karanasang

mapaghahanguan nito (at aaminin ko na rin na kailangan ko ang metaporang prominente kong

ginamit sa kuwento – alak).

Maaaring hindi ko man aminin, kagagawan siguro ng aking hindi malay na kamalayan ang pagbuo

sa karakter at sitwasyon ni Suzy – nababato, nauuhaw, at nangungulila. Hindi lang sa kung sino si

Ched kundi pati na rin ang tipikal na buhay na nararanasan nilang dalawa.

Nagdadala ng kakaibang pagkaulol at pagkabaliw ang ilang buwang pagkakulong sa bahay na sana

ay matagumpay kong nailarawan sa sitwasyon ni Suzy – at kung hindi man, naniniwala akong

mayroong pagkakataon para magrebisa.

12

You might also like