You are on page 1of 14

Republic of the Philippines

COLLEGE OF THE IMMACULATE CONCEPTION


Cabanatuan City, Philippines

Pamagat ng Kurso: FIL 303 (Panunuring Pampanitikan)


Paksa: Ang Subyang sa Puso ng mga Tauhan sa Pelikulang Magnifico ni
Maryo J. De los Reyes
Tagapaglahad: NERISSA L. PONCE
Professor: VIRGILIO F. MANALANG, MAEd

_____________________________________________________________________________________

I. PANIMULA
Ang pelikulang “Magnifico” ay isa sa naging bantog noong 2003. Kinilala itong 2003 Philippine
FAMAS Award-winning drama film. Hindi lamang iyan ang nakamit na gantimpala ng nasabing pelikula
kundi marami pang iba. Noong 2011, ang Gawad Urian Awards Committee ay iprinoklama ang
“Magnifico” bilang “Best Film of the Decade.” Ito ay mula sa panulat ni Michiko Yamamoto at sa
direksyon ni Maryo J. De los Reyes.
Nagsasalarawan ang pelikulang ito na ang tao ay may maiilap na pangarap at mga natatanaw na
pag-asa sa buhay. Ang totoong nagaganap sa buhay ng tao ay masisinag sa iba’t ibang karanasang nakikita
sa kapaligiran.
Hindi lamang tayo nanonood para malugod kundi upang makahanap ng mga mahahalagang
kaalaman at kaisipan na gagabay sa paglutas ng ating mga suliranin sa buhay. Kung kaya’t makatutulong
din ang pelikula sa pagbibigay linaw sa mga bagay na hindi lubos na nauunawaan at mahuhubog nito ang
pagkatao ng bawat isa na magdadala sa kanila sa mabuti at kapaki-pakinabang na bukas dahil ito’y
mailalapat din sa mga pangyayari sa pang-araw-araw na buhay. Magiging buhay at makulay lalo pa’t
mapagsasandigan ng kaisipang matatayog. Gayundin, ang diwang inihahayag ng kwento sa panonood ng
pelikula ay mahalaga upang makita ang tagong lalim ng diwang nakapaloob dito.

Pinatunayan pa ito ni Mabanglo sa kanyang pahayag na:


“…masasabing ang kwento ay hindi lamang bunga, kundi isa ring pamumuna sa mga pangyayari
ng buhay, kung gayon, ang kabatiran ukol sa bisa at hibo nito ng tao, at sa buhay ring gayon, ay
matatamo lamang sa malayang pagtanggap ng mga karanasang kanyang iniaalay.”

II. PANUNURING TALAKAYAN

Mga Tauhan: (Higit na binigyang-pansin sa pagsusuri.)


 Magnifico/Pikoy – pangunahing tauhan; isang batang sobrang bait at matulungin; maagang
namulat sa kahirapan
 Gerardo/Gerry – ama ni Pikoy
 Edna – ina ni Pikoy; walang trabaho
 Helen –bunso sa magkakapatid na may cerebral palsy
 Miong – panganay sa magkakapatid na natanggalan ng scholarship
 Lola Magda– nadiskubreng may kanser sa lapay; pinaglaanan ni Pikoy ng maraming bagay para
kapag namatay ito.
 Ka Doring – isang matandang paos ang boses; mag-isang naninirahan sa looban ng sementeryo;
nagbebenta ng kabaong
 Mang Domeng – may-ari ng wheelchair; isang masipag at walang bisyong tao.
 Atbp.

Buod:
Bata pa lamang ay namulat na sa kahirapan si Pikoy. Isang kahig, isang tuka ang kanilang pamilya.
Madalas nyang nakikitang nag-aaway ang kanyang magulang nang dahil sa pera at sa gagastusin sakaling
mamatay ang kanyang Lola Magda. Pasan pa nya ang pag-aalaga sa kanyang kapatid na may cerebral
palsy at hindi makalakad, at natanggalan pa ng scholarship ang kanyang kuya.

Sa murang edad ay nagsikap sya upang makatulong sa araw-araw na gastusin sa abot ng kanyang
makakaya. Gumawa si Pikoy ng paraan upang unti-unting buuin ang kabaong ng kanyang Lola sa tulong
ng kanyang kaibigan. Walang reklamong narinig sa kanya ang kanyang magulang.

Sa huli, hindi inaasahan ang mga nangyari. Nasagasaan si Pikoy at sya ang gumamit ng ginawa
nyang kabaong para sa kanyang Lola. Naging inspirasyon ang butihing bata sa mga nagawa nito.
_____________________________________________________________________________________
Bawat tao ay may kakanyahan, kanya-kanyang pinahahalagahan, isinasaalang-alang na desisyon sa
mga sitwasyong kinakaharap, at dahilan at pamamaraan kung paanong ipagpapatuloy ang buhay sa araw-
araw. Bahagi ng buhay ang pagsubok sapagkat ito ang nagbibigay kulay sa buhay ng bawat isa, ang
nagpapatatag at humuhubog sa pagkatao at siyang lumilikha ng isang mabuting tao. Iyan ay kung talagang
positibo ang pagtingin at hakbang na gagawin sa paglaban sa mga pagsubok na pinagdaraanan.

Nagsimula ang kwento sa dalawang magkaklase na kung saan ipinakita na matapos ang
pagbibigay ng isa, ay ito pa ang nawalan. Masakit sa isang batang masuklian ang kanyang
pagmamalasakit ng pang-aabuso ng iba. Pansinin ang kanilang diyalogo:
“Rochelle, pahingi naman ng siopao mo….Sige na.”
“Sige, tikim lang ah?”
“Oh sige, tikim lang.” (Pagkakain…)
“Inubos mo na eh.”
“Eh ganon. Nagpaalam ako, pinagbigyan mo ko kaya wala tayong problema.”
“Sabi mo titikman mo lang? Pa’no ko? Wala na ko.” (Umiyak…)

Kung minsan naman, hindi lang bata sa kapwa bata ang natutukso’t nasasaktan ang damdamin
kundi maging bata sa matanda. Nahuhusgahan sila sa panlabas nang hindi nalalaman ang nakatagong
dahilan sa pagkakaroon nito ng paos na boses.
(Mga batang niloloko si Ka Doring sa harap ng bahay nitosa pamamagitan ng
paghawak sa kanilang leeg at paglikha ng ipit na tunog.)
Ka Doring : Anong ginagawa n’yo rito?... Magsilayas kayo! Sinabi kong ‘wag kayong
pupunta rito ‘pag wala kayong dalang patay. Mga buwisit! ‘Wag kayong pupunta rito kundi
ipapasok ko kayo sa kabaong.

Dahil sa hindi batid nang nakararami ang kwento ni Ka Doring, hindi nila lubos na maunawaan
ang pinag-ugatan ng pagiging masungit nito -- ang lungkot, sakit at dalamhati sa likod nito. Hindi nila
talos ang naging dagok nito sa buhay na naging salik sa pag-iisip nitong kitlin na ang sariling buhay. Ito
rin marahil ang dahilan kung bakit matapos maagapan ang kanyang buhay, mas pinili niyang mamuhay
mag-isa sa looban ng sementeryo sapagkat dala-dala niya pa rin ang pagluluksa sa nakaraan at upang
malayo rin sa mga tao. Nagkaroon ng linaw ang usaping ito kay Pikoy bagama’t hindi naman siya
kabilang sa mga nanunukso kay Ka Doring:
Miong: …mamamatay na dapat yan noon. Do’n ba naman magtali ng alambre sa
leeg, magpapakamatay. Mabuti na lang nakita ni Aling Pasing, tumawag ng kapitbahay, ayon
naagapan. Sabi kasi nila namatay daw ang lahat ng pamilya niya sa sunog. Siya na lang natira
kaya simula no’n galit na sa lahat ng tao.

Kadalasan, sa dami ng problemang kinakaharap, maraming tanong. Minsan, Diyos na


mismo ang nakukwestyon. Sa sobrang sakit na dinadala buhat sa nagkapatong-patong na hamon sa buhay,
walang katapusan ang “Bakit?”.
Gerry: Bakit ba ko binigyan ng ganitong mga anak, Nay? ‘Yong isa may sakit, ‘yong
isa mahina ang ulo, isa, matalino nga pero hindi naman nakakatulong. Nay, parusa ba ‘to?
Dahil ba inaasahan ko silang ‘wag sanang sagasaan ng mga tao sa hirap? (Umiiyak…)
(Dumating si Edna dala ang pinamili buhat sa palengke.)
Edna: Hay buhay… walang katapusang dusa.

Walang taong manhid. Lahat nasasaktan kapag nakaririnig/napagsasalitaan ng masakit,


inintensyon man ito nang iba o hindi. Magkagayunman, mahalaga pa rin ang pagbibigay-paliwanag dito:
(Nakita ni Gerardo na umiiyak si Pikoy sa labas ng kanilang bahay.)
Pikoy: Tay, galit pa po ba kayo sa akin dahil bobo po ako?
Gerry: Hindi ako galit sa ‘yo anak. ‘Wag mo ng pansinin ang Tatay mo. Marami rin akong
problema eh. ‘Wag mo na iisipin yon ah. Sorry na nga anak.

Masakit din sa magulang na nagpapakapagod sa pagtatrabaho mapagtapos lamang ang anak at sa


huli’y mabibigo. Sinisikap maitaguyod ang pag-aaral nito sa paniniwalang ito ang mag-aahon sa kanila sa
hirap subalit hindi sinasadyang nawala ang malaking tulong nang maituturing pangsuporta sa pinansyal na
pangangailangan bilang panustos dito. Nakakalungkot subalit hindi masisisi sa kadahilanang hindi naman
ito nagbulakbol, kinapos lang ang grado sa pag-aaral. Bigyang-pansin ang pag-uusap na ito ng mag-ama:
Gerry: Kelan ba balik mo sa eskwela?... Sige babale na lang ako kay Ka Orly tutal
meron naman kaming gawa sa bayan eh.
Miong: Eh di Tay ‘di na lang muna ko babalik ng Maynila.
Gerry: Paano pag-aaral mo?
Miong: Tutulungan ko na lang po kayo dito. Nasabi ko na rin ho kay Nanay.
Natanggal po kasi ako sa scholarship eh.
Minsan, sa kabila ng kagustuhang mapagtapos ang anak sa pag-aaral, namamaliit ang kanilang
kakayahan lalo na kapag hindi nila naabot ang sa kanila’y inaasahan. Sa madaling salita, sa iba
naibubuhos ang pagkainis sa pangyayaring nagaganap sa buhay na nagdudulot ng pagbaba ng tingin nito
sa sariling abilidad.
Edna: Hoy gabi na matulog na kayo. (Ang sabi ni Edna sa kanilang dalawang anak
na kung saan binabasahan ni Pikoy ang kapatid na may cerebral palsy.)
Gerry: Hayaan mo na. Nag-aaral ang bata.
Edna: Nag-aaral eh wala namang pumapasok sa utak n’yan. Sayang pangmatrikula n’yan.

Gayunpaman, ang sakit na nararamdaman ng anak, ay doble o triple pa sa sakit na nararamdaman


ng ina para sa kanya. Ganon ang naramdaman ni Maria para kay Hesus, ganon din si Edna sa kanyang
anak. Kahit masakit, walang ibang magagawa kundi tanggapin. Sapagkat anupaman ang ipinagkaloob,
biyaya pa rin ng Diyos na maituturing. Nagagawang makasakit kung minsan kahit hindi talaga intensyon.
Edna: Anak, sabi ng Doctor kaya mo raw magsalita. Sabihin mo nanay, na…nay…,
na… nay…, na… nay…, na nay, na nay! (Umiiyak na ang kanyang bunso habang hawak-
hawak n’ya ang panga nito.)
Pikoy: Nay, tama na po. Nasasaktan na po s’ya,” singit ni Pikoy pagkakita rito.

Walang katapusan ang pagsubok. Ito ay isang siklo. Patuloy na uusbong sa buhay. Maaaring
magaan tungo sa mabigat o mabigat tungo sa magaan. Parang isang kagubatan na may kumbinasyon ng
katahimikan at pagiging masukal. Nasa tao kung magpapatuloy o aatras sa pagbagtas. Minsan pa’y hindi
natutunton agad ang tinatahak na lugar sapagkat naglalabasan ang mababagsik na hayop na susubok sa
katapangan. Maihahalintulad ito sa pangyayari sa pamilya ni Picoy. Bukod sa kahirapan, matapos
mahulog ang kanyang Lola buhat sa bubong ng kanilang bahay, pinaospital, nagkagastos at napag-
aalaman pa ang ganito:
Doktor: May diabetes s’ya.
Gerry: Doc, sigurado ba kayo rito?
Doktor: I’m afraid so. Hindi lang yan, according to the test results, meron s’yang
cancer sa lapay.
Gerry: Cancer?
Doktor: Nasa advance stage na ‘to. Tanging magagawa na lang natin ay makontrol
ang sakit n’ya para hindi na magkaroon ng kumplikasyon pa.
Hindi maikukubli ang katotohanang ang lahat ay papanaw rin. Mawawala. Sabi nga sa isang
palabas, “Una-una lang yan.” Subalit kakambal nito ang pangamba sa mangyayaring paglisan – ang
subyang sa puso ng mga maiiwan dala ng kahirapan. Gaya na lamang nito:
Pikoy: …Sabi po ni Nanay hindi na kayo magtatagal.
Lola Magda: ’Pag nabuhay akong matagal, mahihirapan kayo. ‘Pag namatay naman
ako, gastos din. Eh kung bakit kasi hindi ako nag-ipon dati para kung mamatay man ako,
hindi na ko mag-iiwan ng problema kay Gerardo.

Kaakibat din ng tinik sa dibdib ang pangangailangang magsakripisyo. Kung saan, hindi natutupad
ang talagang plano. Gaya na lamang ng Ᵽ306.00 ni Picoy na kanyang kinita sa pagtitinda ng samalamig sa
perya at gagamitin sanang pangrenta ng wheelchair para sa magiging isang gabing kasiyahan ni Helen
dito. Patunay ito na ang dagok pa sa buhay ang nagpapatalino kung minsan sa tao para mabigyang
solusyon ang problema. Walang bata, walang matanda sa pagiging madiskarte. Sa kagustuhan ni Pikoy
magkapera pantulong sa pamilya, gumawa siya ng paraan para rito. Masakit sa bahagi ni Picoy na hindi
natupad ang kanyang gusto. Isang kabiguan. Subalit sulit din namang maituturing dahil mas mahalaga ang
pinaglaanan:
(Matapos makita ni Pikoy ang kanyang Lola sa sahig…)
Gerry: Magpahinga muna kayo Nay, didilhensya lang muna ko sa labas.
Lola Magda: ’Wag na anak.
Gerry: Nay, magpagaling na lang kayo. ‘Wag na kayong mag-alala.
Lola Magda: Pambili mo na lang ng pagkain ‘yong didilhensyahin. Ayos na ko anak.
Gerry: ’Wag kang magsalita ng ganyan. Ako na ang bahala.
Lola Magda: Sige na nga.
Pikoy: Tay, ‘wag ka ng dumilhensya…
(Ginamit ni Pikoy ang kanyang pera pambili ng gamot.)

May mga pagkakataong hindi naiiwasang maisip ang pagsuko sa laban ng buhay sa sobrang sakit
na nararamdaman. Kahit ang mga mahal sa buhay ay patuloy namang lumalaban para sa kanya.
(Umiiyak ang kanyang Lola habang nakahiga ito.)
Pikoy: La, bakit po?
Lola Magda: Masakit ang tyan ko.
Pikoy: …Gusto n’yo po ba tanungin ko si Tatay para buhatin kayo?
Lola Magda: Hindi… hindi, ‘wag na. Hirap na hirap na ‘ko. Hindi ko na ito matitiis.
Gusto ko nang mamatay. Ang sakit.

Nang dahil sa mas mahalagang bagay na napag-ukulan ng pera at mas kapaki-pakinabang na


unahin at bigyan na ng pansin, nabali ni Pikoy ang kanyang binitiwang salita kay Mang Domeng kahit
hindi niya ibig.
Mang Domeng: ….Akala ko ba aarkilahin mo ‘yong wheelchair?
Pikoy: Opo, Mang Domeng. Susubukan ko po mamaya. Eh kaya lang po Mang Domeng,
‘yong perang ‘yon eh napambili ko na po ng… ng… ga… (Iniwan na sya nito.) ng gamot para sa
Lola ko eh.

Gayunpaman, matapos ang kinitang Ᵽ306.00 ni Pikoy sa peryaan, hindi na ito nasundan pa dahil
may nauna ng iba sa kanila para magtinda. Kung kaya’t naging bigo siya sa pagsubok na makalikom muli
ng pera para maarkila ang wheelchair sa kapatid.
(Nadatnan ng dalawang magkaibigan sa perya ang dalawang dalagitang nagtitinda na
ng palamig.)
“Okay lang yon pare. Eh kuha na nila eh. Wala na tayong magagawa ron.”

Pansinin din ito. Kahit wala ng kaugnayan sa sariling buhay, hindi naiiwasan kung minsan ang
makisali dahil sa pagmamalasakit. Matapos itapon lang ni Ka Doring ang unang gamot na ginawa ni
Pikoy para sa kanyang lalamunan, hindi pa rin ito sumuko na gawan at bigyan siya nito sapagkat malaki
ang kanyang pang-unawa sa kalagayan nito.
Pikoy: Ka Doring… Ka Doring… Ka Doring.
(Iniwan na lang sa harapan ng pintuan ang ginawa niya muling gamot na nasa bote.
Kalakip ang sulat na “’Pag po gumaling kayo, pramis hindi na po kayo magsusungit.”)
(Tinungga ito ni Ka Doring. Sinubukang magsalita subalit balewala.Inulit subalit ganon
pa rin hanggang sa binalibag na lang ang bote.)

Sa dalawang tao namang nagmamahalan, ang matutulan ng magulang sa kanilang nais ay isang
tinik na pumapagitan sa kanila para hindi magkalapit. Isang subyang ang ‘di masunod ang tinitibok ng
kanilang mga puso. Gayundin naman, hindi masisisi ang magulang sapagkat iniisip lamang nito ang sa
kanyang palagay na makabubuti sa anak. Kung kaya’t inilalayo at pinaglalayo kapag para sa kanila ay
hindi iyon ang nababagay sa anak. Mahirap din ito sa magulang, lalo na kay Gerry. Ang walang magawa
at maapi ng iba nang dahil sa kanilang estado ng pamumuhay.
(Nahuli si Miong at Isang na naliligo sa ilog.)
Ka Romy: At ano papakain mo sa anak ko, ha? Ang babata n’yo pa sabak na kayo nang
sabak.
Isang: Itay, wala naman hong nangyari eh.
Ka Romy: Ikaw hindi mo mabibilog ang ulo ko. Maghanap ka ng ibang maloloko mo.
‘Wag ang anak ko.
Miong: Mahal ko po si Isang. Wala po akong intensyon para lokohin s’ya.
Ka Romy: Ano bang inaakala mo? Na bigla kang yayaman dahil papakasalan mo ang
anak ko? Hoy! nagkakamali ka. Dahil ni singko hindi ko kayo bibigyan.
Gerry: ’Wag mo namang bastusin ang anak ko Ka Romy. ‘Di porket mahirap kami, mukha
na kaming pera.
Ka Romy: Sinasabi ko lang naman ang nalalaman ko sa anak mo eh.
Gerry: Wag kang mag-alala dahil simula ngayon, hindi na magkikita ang dalawang yan.
Ka Romy: Talagang hindi na! Dahil dadalhin ko sa Maynila si Isang. Do’n s’ya mag-
aaral. Hindi s’ya babalik dito hangga’t hindi s’ya nagtitino.

Malaki ang kaugnayan ng hirap na nararanasan sa kapagurang naidudulot nito sa tao. May mga
insidenteng ang mas mababaw pa sa pinagdadaanan ng iba ang mas nakakaisip ng pagod, ang mas
nakakapagreklamo. At kahit minamahal naman ang isang tao, napapag-isipan ito ng hindi makatwirang
dahilan para makatulong sa pamilya.
(Sa bahay…)
Gerry: Ang atupagin mo ‘yong trabaho mo. Hindi ‘yong kung ano-ano
pinagkakaabalahan mo. Mag-ipon ka. Para may mangyari sa buhay mo.
Miong: Mag-aaral po ako ulit.
Edna: Tama yan anak, kumuha ka ng scholarship sa bayan.
Miong: Babalik po ako ng Maynila.
Edna: Bakit hindi ka na lang dito mag-aral?
Miong: Napapagod na ho ako dito Nay. Puro na lang ho problema. Sakit dito, sakit
d’yan. Kailangan ng pera, wala kong pera. Nakakasawa na po.
Gerry: T*r*nt*do ‘to ah. Ikaw pa may lakas ng loob magreklamo. Hindi ka naman
nakakatulong ah!
Miong: Tay makakatulong na nga sana ko eh… kung nagkatuluyan lang sana kami ni
Isang. Kasama kayong yayaman. Eh ang kaso napurnada ho.
(Akmang susuntukin ni Gerardo ang anak. Napigilan lamang ni Edna.)

Dahil sa paglalâ ng kalagayan, naibubuhos na rin mismo sa mga bagay na walang kinalaman ang
inis.
(Binubuo ni Gerry ang kanyang rubik’s cube.)
Edna: Ano ka ba? ‘Wag mo nang pag-aksayahan ng panahon yan. Wala rin namang
mangyayari kahit na mabuo mo yan eh.
Gerry: Buwisit na buhay ‘to. Parang ito lang, ‘di ko pa mabuo.
Edna: Ilang taon na ba ang sinayang mo dahil sa laruang yan?

Kahit nanlulumo si Pikoy sa nangyari, pinilit niya pa ring madala ang kapatid sa perya upang
sumaya. At sa kabila ng pait, nandyang sisibol ang ligaya sapagkat nakapagbigkas na ng salita ang
kapatid.
(Pagkauwi ni Pikoy…)
Edna: Pikoy, kanina ka pa hinihintay ni Helen.
Helen: Pu…pun…ta… pe…per…ya…?
(Niyakap ito ni Pikoy nang umiiyak ang kapatid at kinalong na sa kanyang likuran.)
Helen: Na… nay… punta perya… punta per… ya…
(Nangiti at naiyak ang ina at lola dahil nakapagsalita na ito.)

Isa lamang ang pinatutunayan ng ambon, ulan, kidlat at dagundong ng kulog sa indibidwal.
Matatapos at malalampasan kung titibayan ang loob. Sabi nga, “Hindi palaging ulan, mayroon pa ring
araw na sumisinag.” Iba ang nagagawa ng kabusilakan ng puso, ng pagiging mabuting tao. Ito marahil
ang dahilan kung bakit kahit walang sapat na pera si Pikoy sa kanilang pagpunta sa perya ng kapatid,
nagawa pa rin nila at nakamit ang mga bagay na ‘di na niya inaasahang matatamasa. At narito ang mga
liwanag sa kabila ng dilim na matutunghayan din sa buhay ni Pikoy:
 (Si Picoy pasan-pasan ang kapatid.)
“Pikoy sa’n kayo pupunta? Pupunta ba kayo ng perya? Eh halika na sumakay na kayo.”
yaya ng kaibigan ng kanyang Kuya Miong habang nasa loob ito ng sasakyan.

 (Binabanggit lang n’ya ang nasa paligid gaya ng ice cream, cotton candy.)
“Ayan dito na tayo sasakay sa kabayo. Kaya lang pipili pa tayo.”
(Dinudukot ang pera pambayad sa kahera.)
“Oh sige pwede na ‘to. Tigtatlong piso na lang kayo isa.”

 “Magnifico, tingnan mo nanalo ko. Ang dami noh?”


“Opo, ang dami po.”
“Oh eto sandaan. Balato ko sa ‘yo yan.Oh sige sakay mo sya dyan sa caterpillar, do’n sa
kaklase.”

 “Oh Pikoy kasama mo ang kapatid mo. Hello, Helen, Helen… Oh eto sandaan, isakay mo
ang kapatid mo sa caterpillar o mamili kayo. Basta isakay mo na.”
“Hindi, sige po.”
“Sige na itago mo nay an.”
“Salamat po ah…”
 (Tagabantay sa entrance ng catterpillar rides.)
“Pikoy, Pikoy pumunta na kayo rito. Nakakaawa naman kayo eh. Walang bayad dito.
Pasok na dali. Oh sakay nyo na to ah. Akin ‘to.)

 (Nagtitinda ng lobo.)
“Gusto mo ng lobo? Para sayo yan ah…”
“Magkano po? Ah wag na. Para sa kanya yan.”
“Hindi. Magkano po?”
“Bigay ko na lang sa kanya yan.”
“Salamat po ah?”
“Oh sige.”
Nang makita ni Mang Domeng sina Pikoy, Helen, kasama ang kanilang ama papauwi, at
maobserbahan ang ganda ng samahan ng pamilya nito sa kabila ng mga pinagdaraanan, naisip niyang
ibigay na lang ang wheelchair ng kanyang yumaong ina.
Edna: … Oo nga pala, muntik ko nang makalimutan. Nakasalubong ko si Mang Domeng
kaninang umaga. Punta ka raw sa kanya.
Pikoy: Po? Bakit po kaya?
Edna: Ewan ko…Mag-ingat ka ah. (Pinisil sa pisngi si Pikoy.)

Lahat ng sugat ay nawawala sa pagkasariwa sa tamang panahon. Maaaring mag-iwan pa rin ng


peklat ngunit ang sakit ay hindi na tulad ng panahon na nagkaroon nito. Kadalasan, ito ay nagdudulot ng
pagkatuto, ng tamang pag-iisip. Nariyan na ang pangangalaga at pagpapatunay na hindi na ito mauulit.
Kung kaya, matapos sabihin ni Pikoy sa kanyang Kuya Miong na humingi ng tawad kay Isang, ganito ang
kanyang sinambit:
Miong: Inaamin ko Isang lolokohin sana kita no’ng una eh. Pero hindi ka mahirap
mahalin. Isang magsusumikap ako. Patutunayan ko sa Tatay mo’t sa ‘yo na mahal talaga kita.
Sana mahintay mo.

Sa unang bahagi rin ng pelikula ay makikita ang paghikbi ng isang bata sa pagkamatay ng kanyang
tuta. Tila napakasakit sa isang bata ang mamatayan ng alagang hayop na talaga namang napamahal na sa
kanya. Animo’y inagawan ng kendi ng kalaro na bigla naman nitong sinubo kaya wala ng habol.
Mahihirapan patahanin ng ina kahit palitan pa ito ng panibago. Marahil ang pinag-ugatan ng pag-iyak ay
mababaw para sa ilang mga nakatatanda subalit sa bata, halos bahagi na ng nagpapakumpleto sa buhay
nila ang nawala. Ganito ang kanyang nawika habang iyak nang iyak:
“Kasi Kuya nakita namin kagabi si Chiky patay na.”

Ang paniniwala ng karamihan, “Kung sino ang siya pang mababait, siya pa ang unang
binabawian ng buhay ng Panginoon.” Maaari itong may katotohanan o wala, depende sa paniniwala ng
tao. Maaaring nagawa niya na ang kanyang gampanin dito sa mundo at oras niya na talaga. Kung kaya’t
kadalasan, ang pagsisisi ay kung kelang huli na. Wala na. Ang tulong na nais ibigay rito ay hindi na niya
makikita. Subalit makabuluhan pa ring masasabi kung napakinabangan naman. Gaya na lamang sa
tinanong ni Pikoy na halaga ng lupang binili ni Mang Domeng noon na tatayong kanyang puntod at
ibinigay na lamang na tulong sa pamilya ni Pikoy para iyon ang magsilbi nitong payapang himlayan.
Gayundin naman, ang hindi natuloy na pagbibigay na lang sana ni Mang Domeng ng wheelchair dito
matapos mabilib sa samahan ng mag-aama matapos makita ni Gerry ang kanyang dalawang anak buhat sa
perya.
Kaya ng isang taong baguhin ang nasa kanyang paligid, mapahanga ang iba sa kanyang taglay na
katangian na siyang babaunin ng mga ito sa pagpapatuloy ng kanilang buhay. Pansin kung paano
nagwakas ang pelikulang “Magnifico”.
(Sa kalye…)
Pikoy: Mang Domeng… Mang Domeng…”
Mang Domeng: Pikoy… (Kinawayan ni Mang Domeng para lumapit habang nasa
magkabilaan sila ng kalsada.)
(Hanggang sa…)
“Ang bata nasagasaan. Tulong! Ang bata nasagasaan… Tulungan n’yo! Tulungan n’yo
ko. Ang bata nasagasaan. Wala ba kayong awa? Ang bata…”
(Nagtakbuhan ang lahat ng residenteng nakarinig papunta sa lugar ng aksidente.)

Dahil sa pangyayaring iyon, doon lubos na naunawaan ni Gerry ang malaking baul na ginagawa
noon ng anak at tinulungan niya pang tapusin. Masakit mawalan ng minamahal ng biglaan lalo na kung
wala namang itong sakit at pagkakaaksidente ang kumitil ng kanyang buhay. Ganoon ang nararamdaman
din ng buong pamilya matapos maunahan pa ni Pikoy ang kanyang lola rito.
(Umiiyak ni nilalagari ni Gerry ang inaakala niyang baul lamang no’n na ginawa ni
Pikoy upang umiksi at kasya lamang sa anak. Hanggang sa niyakap siya ni Miyong.)

(Umiiyak ding inayos ni Edna ang mga gamit sa pag-aaral ng anak hanggang sa may
nakita s’yang nakabalot na papel at may nakasulat na “Para sa bulaklak ni Lola” kalakip ang
pera. Niyakap niya ang mga gamit nito.)

(Umiiyak din ang lola.)


(Si Ka Doring ay umiiyak din na lalong naiyak matapos bawalin sa salita ang mga bata
at mapagtantong wala na ang pagkapaos ng kanyang boses.)

May mga bagay na ‘di nadidiskubre agad na kaya pala ng isang tao. Nahahangganan minsan ang
kanilang kakayahan ng iba subalit mayroon naman palang ibubuga. Gaya na lamang ng pagkakita ni Gerry
sa rubik’s cube na buo na at kagagawan ni Pikoy. Patunay lamang ito na wala talagang taong bobo. Lahat
may kanya-kanyang natatanging talino at abilidad. Maaaring hindi pa lamang nadidiskubre ng iba.
“Edna, Nay, tingnan mo oh… Nabuo na, binuo ni Pikoy.”
(At nagdasal ang mag-anak bago maghapunan sa harap ng hapag kainan.)

Nakakalungkot ang pagpanaw ni Pikoy. Isang subyang o tinik sa dibdib ito sa lahat bilang mga
napahanga sa angking kabutihang kanyang naipakita. Ang kabusilakan ng kanyang puso makatulong sa
mga tao sa paligid ng walang hinihinging kapalit. Subalit ang sakit na iniwan niya sa bawat isa ay hindi
malilimot lalong higit kung nahipo nito ang kanilang mga puso para sa magandang pagbabago at
mabigyan ng kalakasang maging matatag sa anumang unos na darating.

“Lahat ng sugat ay pinaghihilom ng panahon,” iyan ang madalas na sinasambit ng ibang tao
kapag mayroong dumaranas at nakararamdam ng kirot, pait, sakit at kapighatian sa buhay. Ito ay sapagkat
walang permanente rito sa mundo. Hindi palaging lungkot sapagkat mayroon ding saya, hindi rin palaging
liwanag sapagkat nandiyan din ang dilim. Ang mahalaga, ay kung paano makasusunod sa agos nito kapag
biglang umalon o tumindi ang paghampas ng tubig nito sa indibidwal. Sabi nga, “Hindi masamang
madapa paminsan-minsan, basta siguraduhin mong babangon ka kahit walang mag-abot na tulong ng
iba.”

III. KONKLUSYON
Sabi nga “Sa bawat pagsubok sa buhay, ‘wag kang matakot dahil habang may buhay, may pag-
asa at laging may bagong umaga. At higit sa lahat, nandyan ang Diyos para samahan ka.” Ang sarap sa
pakiramdam na maging inspirasyon sa iba, na mahipo ang kalooban nila. Kung kaya, sa kabuuan,
natunghayan ko sa kwento ang halaga ng pagiging mabuting tao. Maaaring hindi ka palagi masuklian ng
kabutihan subalit ang walang kapagurang pagpapadama nito sa iba at pagbibigay nito ng walang
inaasahang kapalit ay sapat na. Sapagkat maaaring hindi ka nabigyan ng sapat na pagkakakilala habang
ikaw ay nabubuhay subalit ang pagkilala naman na maibibigay ng Diyos sa kabilang buhay ay isang
malaking gantimpala.
Mga Sanggunian:
 http://www.sdmags.net/2013/11/pelikula-nagbibigay-ng-bagong-anyo-sa-panitikan/
 https://en.wikipedia.org/wiki/Magnifico_(film)
 Ruth Mabanglo, atbp., Panunuring Pampanitikan. Alemar’s Phoenix Publishing House, Inc.,
Manila, Philippines.
 https://beinspiredwith.wordpress.com/2011/03/15/suring-pelikula-magnifico/
 https://www.google.com.ph/search?
q=quotation+tungkol+sa+pagsubok&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0ahUKEwiz0ZD1hqjU
AhXIG5QKHafHDfUQ_AUICigB&biw=1093&bih=530#imgrc=3SVB9jkjDa-pXM:

You might also like