You are on page 1of 1

Hindi lingid sa ating kaalaman na isa sa laman ng social media ngayon ay ang mga 'memes' na

kinahuhumalingan ng sambayanang netizens at ito'y humahakot ng limpak-limpak na shares, likes at


comments. At masasabing isa sa mga naging patok na memes na nakakuha ng kiliti't atensyon ng
karamihan ay ang: "BAKIT AKO MATATAKOT", na mula sa pahayag ng isang lalaking kargado ng alak na
tila inalihan ng lakas ng loob upang murahin at hamunin ng barilan si President Rodrigo Duterte.

Tunay ngang may kakaibang dulot ang alak sa tao. Kung ang energy drink ay nagbibigay ng lakas sa
katawan, ang alak naman ay nagbibigay ng lakas ng loob. Para itong booster na mula sa wala ay biglang
magiging isang daan porsyento ang tapang mo. Mayroon itong sangkap na numanakaw ng lahat ng
kaduwagan ng taong iinom nito.

Maraming pagkakataon na umiinom ng alak ang tao at sa iba't ibang kadahilanan. Maaaring mayroon
okasyon o di kaya nama'y sadyang ginawa ng bisyo. Ngunit para sa ilan, halimbawa na sa mga kababayan
nating torpe, ito ang gamot para maibulalas nila ang kanilang damdamin sa mga taong gusto nila. Ito rin
ang iniinom ng mga anak na hindi maamin sa kanilang mga magulang na bumagsak sila sa exam. At kung
sisisirin mabuti ang usaping ito, dala rin ng labis na kalasingan sa alak ang nag-udyok upang ibulalas ng
lalaki ang kanyang sama ng loob. Tila ba may katotohanan ang mga katagang 'kung ano ang laman ng
dibdib ay siyang bukambibig'.

Kung iisipin ay parang tinakasan ng katinuan ang sinomang maglalakas loob na murahin at hamunin ng
barilan ang ating presidente. Para bang sinintensiyahan na ng tao ang sarili niyang buhay at handa na
siyang magpaalam sa mundong ibabaw. Ipinapakita dito na may kakaibang epekto ang sobrang pag-
inom ng alak sa utak ng tao. Bukod sa takot ay nawawala rin pati ang tamang kaisipan.

Hindi ko alam kung anong positibong dulot ng alak at benepisyo nito o kung mayroon nga ba, ngunit
gayonpaman, masasabi ko na mayroon tatlong uri ng tao ang nabubuhay sa mundo: isang duwag, isang
matapang at isang malakas ang loob kapag nakainom.

You might also like