You are on page 1of 2

Originals #6

JUNE 3, 2014  / SEKONDKRONIKELS

Sabi ng tatay ko “Pag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay.” Alam ko naman na


yung pagbato dun ng bato ay hindi lang yung literal na pagbato ng bato. Pwede rin
yung pag-inaway ka, sinuntok ka o inasar ka. Kaya tuwing inaasar ako ni Paul
naghahanap ako ng tinapay. Kaso nga lang di ako pinagbabaon ni nanay ng tinapay.
Buti nalang may mga kaibigan akong pwedeng kasama tuwing nandyan si Paul.

Nandyan sila Matthew, Juan at Jude. Si Matthew ang pinakamayaman sa amin. Nasa
Saudi ang tatay niya at siya lang ang pinagbabaon ng pagkain at pera. Si Juan naman
yung sobrang kulit. Magkakaparehas kami ng grade pero siya yung pinakabata sa
amin at kahit na sobrang kulit niya mahal parin namin siya. Si Jude naman ang
pinakamagaling saming apat. Siya yung matalino, malinaw ang mata, mabilis
tumakbo, pogi at maraming alam. Madami daw tinuturo sa kanya yung tatay niya.

Si Paul yung kaklase namin na lagi akong inaaway. Sa totoo lang di lang naman ako
yung inaaway nya. Yung iba rin naming kaklase kaya wala syang kaibigan. Tapos pag
may klase sya rin yung pinakamagulo. Halos lahat ng mga teacher namin naiinis sa
kanya.

Isang beses nga nung nanakaw yung pera ni Matthew pinagkamalan nila na si Paul
yung nagnakaw. Tandang-tanda ko pa yung araw na yun kasi nung recess nun nakabili
ako  ng tinapay. Tinabi ko yun para ibigay kay Paul kung awayin niya ko. Tuwang-
tuwa ako kasi sa wakas magagawa ko narin yung sinasabi ni tatay. Buti na nga lang
linibre ako ni Jude nun. Di ko nga lang alam bakit gustong taguan ni Jude nun si
Matthew at Juan.

Tanda ko pa nun na late pumasok sa klase si Paul. Medyo umiiyak-iyak pa nga sya
nun, di ko alam bakit. Inaabangan ko nalang nun na lumapit siya sakin at asarin pero
nung palapit na siya sakin biglang lumapit si Mam Isabel kasama si Matthew at
kinausap si Paul. Mukhang pinapagalitan siya. Linapitan ko sila at sinabi ni Matthew
na may nagnakaw daw ng baon at iniisip daw nila ay si Paul yung kumuha.

“Bakit nyo naman nasabi na si Paul yung kumuha?” tanong ko. Alam kong madalas
ako awayin ni Paul pero di ako naniniwala na sya yung nagnakaw ng baon ni
Matthew.
Tinitigan lang ako ni Mam Isabel tapos pinagalitan nya ulit si Paul at sinabihan na
ilabas nya na raw yung pera kundi mapriprinsipal sya.

“Anong oras ba nawala yung pera Matthew?”

“Mga recess ata. Pagbalik ko kasi nun wala na e.”

“E diba late na dumating si Paul? Mam imposible po na si Paul yung kumuha nun.”
Tinitigan lang ako ng masama ni Mam pero di ko sila tinigilan. Sa haba ng usapan
namin dinala pa kami sa Principal’s Office. Pero pagkatapos ng lahat lumabas na
hindi nga si Paul yung nagnakaw. Lumagpas pa kami ng lunchtime nun bago matapos
tapos at wala daw baon si Paul. Di nya pako inaasar nun pero binigay ko na yung
tinapay ko. May baon din kasi akong dala.

Piptin pesos din yung tinapay nayun. Tig-isa kami ni Jude. Di ko lang alam bakit
pagkatapos nung araw na yun di na masyadong sumama samin si Jude. Tapos tinigilan
narin akong asarin ni Paul. Medyo naging close narin sya samin nun pagkatapos.

Meron pakong nabasa sa isang libro na parang kaparehas nung sabi ni tatay. Parang
pag sinaktan ka daw ng iba, pasuin mo sila hindi para masaktan sila, para daw
matauhan sila. Parang ganun siguro yung nangyari samin ni Paul. Di ko nga lang
maalala kung napaso ko nga ba sya. Basta ang alam ko natauhan sya tapos di nya
nako inaway ulit nun. O mali siguro pagkakaalala ko sa nabasa ko nun?

“TINAPAY”
by: Hujan

You might also like