1. Bakit hindi maiiwasan ang pagtatanghal sa iba't ibang bansa ang
pagsasadula?
Hindi maiiwasan ang pagtatanghal sa iba’t-ibang bansa sa kadahilanang ito
ay nagiging kultura na natin at nagiging libangan ito ng tao upang maging masaya at makakapulot rin ng mga aral. Nagbibigay ng aral ang pagsasadula patungkol sa kasaysayan, pangyayari sa lipunan at iba pang mahahalagang isyung kinakaharap natin. Nakakatulong ito upang mapukaw ang kaalaman ng tao at ang kanilang pag-iisip tungkol sa mga pangyayari sa lipunan. Napapahalagahan nila ang bansa at nagkakaroon ng pagkakaisa upang makamit ang mithiin at tunguhin sa pamamagitan ng dula. Napakahalaga ng dula kasi ito ay parte na ng ating kultura. Nabibigyan tayo ng kaalaman kung ano ang nangyayari sa kasaysayan na hindi na natin binabasa o isinasaulo pa. Nagagamit ang ating makrong kasanayang panonood at pakikinig. Sa mahabang panahon ay ginamit na ang salitang dula bilang pantukoy sa lahat ng uri ng palabas. Bilang isang salitang karaniwang gamit sa pagtukoy ng mga pagtatanghal at palabas, madaling ihanay ang dula bilang isang uri ng representasyon ng buhay o yaong tinatawag ni Aristotle na mimesis ng buhay Ngunit katulad na rin ng binabanggit ni Umberto Eco na ang unang hudyat ng gamit ng talinghaga ay ang pagturing na literal sa isang matalinghagang pahayag kung kaya’t magmumukha itong mali, kakaiba o walang katuturan, mahalagang suriin ang pag-iral ng salitang dula ng lampas pa sa kanyang literal na gamit. Sinakop rin tayo ng ibat-ibang mananakop at bawat pagsakop nila ay binuhay parin ang dula sapagkat nagbibigay ito ng aliw sa lahat ng manonood at nagbibigay ito ng pagpapahalaga sa mga kultura at buhay ng bawat isa.
. 2. Gaano kasigla ang pagtanggap ng sambayanang Pilipino sa mga sarsuwela?
Napakasigla ng pagtanggap ng mga sambayang Pilipino sa sarsuwela.
Isinasadula at ginagawa natin ito upang maaliw at makakuha ng mahahalagang impormasyon sa kasaysayan at panitikang Pilipino. Ang sarsuwela o zarzuela ay isang dulang may kantahan at sayawan, na mayroong isa hanggang limang kabanata. Ito’y nagpakita ng mga sitwasyon ng Pilipino na may kinalaman sa mga kuwento ng pag-ibig at kontemporaryong isyu. Ang sarsuwela ay impluwensiya ng mga Kastila. Kung ihahalintulad natin ang sarsuwela sa isang realistikong dula, ito ay walang gaanong kaibahan, kaya lamang ang ibang linya sa sarsuwela ay kadalasang kinakanta at patula ang dialogo nito. Kadalasan ang sarsuwela ay nagtatapos palagi sa masayang pagwawakas, kasiyahan o nakakaaliw na tagpo. Ang tunggalian nang sarsuwela ay pahaplis at pahapyaw lamang. Ito ay ipinangalan sa la Zarzuela ng Espanya. Kahit na galing sa espanya ito ay tinanggap natin kasi nagbibigay ito ng buhay at pagpapahalaga sa ating panitikan. Ang sarsuwela at isang komedya o melodramang may kasamang awit at tugtog na nanghihingil sa mga punong damdamin ng tao tulad ng pag-ibig, kapootan, paghihiganti, kasakiman, kalupitan, at iba pa o kayâ naman ay tungkol sa mga suliraning panlipunan o pampolitika. Ayon sa kasaysayan nito, ito ay sinasabing hinango ng mga Espanyol sa opera ng Italya sapagkat magkahalo ang mga diyalogong ginagamit dito — "patula" at "pasalita". Ang patulang bahagi ay karaniwang diyalogo ng mga pangunahing tauhan, bukod ito sa nilagyan ng komposition na maaaring awitin. Samantala, ang tuluyang diyalogo ay yaong ginamit naman ng mga katulong na tauhan. Ang sarsuwela ay binubuo ng tatlong yugto. Ang mga tagpo ay magkahalong seryoso at katawa-tawa. Melodrama kung ito ay tawagin o kaya'y tragikomedya. Hango sa tunay na buhay ang paksa nito at kung minsan ay nasosobrahan sa damdamin, lalo na sa pag-ibig kayâ nagiging "soap operatic". Bagama't ipinakilala ito noong panahon ng mga Espanyol, ay lubos na namulaklak noong panahon ng himagsikang Pilipino at Amerikano sa pangunguna nina Severino Reyes na kilala sa taguring "Lola Basyang" sa kanyang dulang Walang Sugat; Aurelio Tolentino sa kanyang kahapon, Ngayon at bukas, Juan Abad sa kanyang Tanikalang Ginto; Juan Crisosmo Soto sa kanyang Anak ng katipunan; Amando Navarette Osorio sa kanyang Patria Amanda; At iba pa. Isa naman sa dahilan ng panghina o kawalan ng sikat o pagkilala ng sarsuwela ay ang bodabil o stage show. Ang pagtatanghal na ito ay halos wala nang istorya, puro kantahan at sayawan lamang ang nangyari kung kayâ sa paglaganap ng bodabil naging purong panlibangan na lamang ang teatro. Sa kasalukuyan, ang mga dulang pantanghalang ito ay patuloy pa ring ginagawa sa ating bansa bilang pag-alala sa mahalagang pagdiriwang na may kinalaman sa pananampalatayang katolisismo (catholicism) at upang talakayin ang mga suliraning panlipunang nangyayari sa bansa.