You are on page 1of 1

Gintong Pagkilala sa Galing at Talino ng Pinoy

Auwen Febelle B. Robles

Tumatak ang galing ng Pinoy sa larangan ng Biyoteknolohiya nang magawaran at makilala sa 46 th


International Exhibition of Inventions Geneva sa Switzerland, buwan ng Abril taong 2018. Ito ay dahil sa
binuong inobasyon ng mga siyentipiko mula sa Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila na pinangunahan ni
Dr. Raul V. Destura. Ito ay ang Biotek-M Dengue Aqua Kit na kung saan ay nakatutulong upang mas
madaling mamataan ang malalang sakit na dala ng dengue virus sa mas abot-kayang halaga.

Ang kadalasang ginagamit upang makita ang impeksiyon ay ang mga ospital at mga naglalakihang
laboratoryo. Ang mga isinasagawang pag-aaral at pagsusuri ay nagkakahalaga ng anim na daan
hanggang pitong daang piso ayon sa Laboratory Price List ng gobyerno sa taong 2017. Sa tulong ng Loop-
Mediated Isothermal Amplification, naging mas madali ang pagbuo ng maliit na modelo. Ito ay ginagamit
sa pagkuha ng nucleic acid mula sa dugo ng pasyente. Ilalagay ito sa test kit at hihintayin ang pagbabago
sa kulay matapos ang isang oras. Malalaman na mayroong dengue ang pasyente kung ang kulay na
mapapansin ay luntian at ligtas naman sa dengue ang pasyente kung ang kulay na mapapansin ay kahel.

Ayon kay Dr. Destura, tinawag rin ang diagnostic kit na ito bilang “lab in a mug” dahil sa kabila ng sukat
nito, nagagawa nitong matuklasan ang mga virus o iba pang bacteria na nagdudulot ng sakit, kagaya ng
zika virus, chikungunya, schistosomiasis, at salmonella. Inaabangan rin Dr. Destura at kanyang mga
kasamahan ang susunod pang mga hakbang upang makamit ang panibagong kit na makakatuklas rin sa
iba pang malalang sakit na dulot ng virus at bacteria. Halimbawa na rito ang tuberculosis o TB, influenza,
malaria, hepatitis-B, at ang Human Immunodeficiency Virus o HIV. Kasalukuyan ding pinag-aaralan ang
mga estrtehiyang gagamitin sa pagpapakalap ng Biotek-M, partikyular sa mga ospital at health centers
sa bansa.

Tunay ngang maipagmamalaki ang galing ng mga Pilipino. Ang tulong na maibibigay ang imbensiyong ito
sa mga mamamayan ay hindi matatawaran. Kaakibat ang husay, talino at pagmamalasakit sa kapwa,
naging karapat-dapat ang paggawad ng gintong pagkilala. Pinatunayan nito na ang mga layuning ugat sa
pagpapaunlad ay kinakailangang kaakibat rin ng layuning ugat sa kabutihan.

Photo credits: biotech-manila.upm.edu.ph Photo credits: govserv.org/ph

You might also like