You are on page 1of 2

HAWLA

Shane E. Villanueva

Pagmulat ng aking mga mata ay ang napakaaliwalas na paligid ang sumalubong sa aking
paningin. Habang nakahiga sa malawak at madamong lupain ay naririnig ko ang bulong ng hangin
na simponya sa aking mga tainga. Ang sikat ng araw na marahan na sinisinagan ang aking mukha
ay tila haplos ng daigdig at sinasabing “Magiging ayos din ang lahat. Huwag kang mag-alala.”.
Ang mga puno at sanga nito ay sumasayaw sa ihip ng malamig na hangin. Ang mga insekto ay
kabilaan ang pagpapalitan ng kani-kanilang mga hiyaw. Ahh. Ang sarap sa pakiramdam.

Ngunit may pagdududang umuusbong sa aking puso. Ang kapayapaan. Ang kaaliwalasan. Ang
lahat ng ito ay mali. Nasaan ako? Isa ba itong panaginip? Ahh. Bahala na. Marahil ito na ang
gantimpala ko mula sa laban na matagal ko nang pinipilit na tapusin. Sa wakas! Kung nasaan man
ako ay hindi ko na nais pang umalis. Ang kapayapaan na hatid sa akin ng lugar na ito ay walang
katulad.

Tumayo na ako at mas humanga pa sa aking nakita. Ito na nga ang paraiso! Suot ang aking puting
bestida at hubad na mga paa, tinakbo ko ang malawak na lupain. Kinikiliti ng mga damo ang aking
mga paang walang sapin. Tanging hagikgik ko lang at ang huni ng iba’t ibang mga hayop ang
aking naririnig. Nasaan ang ibang tao? Ahh. Bahala na.

Patuloy akong tumakbo. Tumakbo nang tumakbo, hindi alintana ang dumi sa aking talampakan.
Mula sa malayo ay natanaw ko ang ang kumpol ng mga tao. May babae, may lalaki. May bata,
may matanda, may kasing edad ko. Nang lumapit ako ay bumakas ang pagkatuwa sa aking mukha.
“Nandyan pala kayo!” ani ko sa mga taong kilalang-kilala ko. Ang iba ay aking kapamilya, ang
iba ay aking mga kaibigan, at ang iba naman ay aking mga kakilala. Nang marinig ang aking tinig,
lahat sila napangiti. “Ayan na siya!” ani nila.

“Nako, iyang si Shane? Napakabait na bata niyan!”

“Ano pa ng aba! Ang tali-talino!”

“Tama nga ang balita. Mula pagkabata ay hindi naalis sa honor roll!”

“Totoo po ‘yan. Sobrang bait po niyang si Shane, hindi man lang marunog magalit.”
“Ay iyan? Balita ko tomboy ‘yan eh!”

“Totoo! Hahahahaha! Kung manamit kala mo lalaki!”

“Masunuring bata ‘yan! Nakaparesponsable, hindi mo maririnigan ng reklamo.”

“Sa UP nag-aaral kapatid niyan diba? Naku! Dapat lang pati siya sa UP rin mag-aral!”

“Dapat lang! Malaking kahihiyan kung hindi siya makapapasa!”

Sari-saring mga boses ang aking naririnig. Hindi ko na mawari kung sino ang nagsasalita. Hindi
ko na makilala kung sino ba ang siyang nagsasabi ng papuri at kung sino ang nagsasabi ng
panlalait. Ang iba’t ibang mga tinig ay naghahatid ng pagkalula sa akin. Nakakahilo. Nakalilito.
Boses dito, boses doon! Papuri dito, insulto doon!

Halos mawalan na ako ng ulirat nang mamulat akong muli. Hindi! Hindi maari! Ibalik niyo
ako sa paraiso! Paano na ang aking gantimpala? Ilabas niyo ako dito! Mula sa aking pwesto ay
nilibot ko ang aking paningin. Nakakulong na naman ako. Nandito na naman ako sa isang hawla
at nakaposas ang mga kamay at paa. Nakasusulasok. Nakakapagod. Sasayaw na naman ako sa
himig ng ibang tao. Sasabayan ko na naman ang kanilang mga inaasam para sa akin. Iindak na
naman ako ayon sa kanilang mga lubid na tila ba ko ay isang manika. Sa isang maling padyak ng
paa at sa isang maling panig ng ulo ay nagmamatyag ang mga matang matataas ang tingin sa akin.
Sa isang maliit na detalyeng aking napabayaan ay nandyaan ang mga matang nanghuhusga. Ahh.
Heto na naman tayo. Dala ng aking pagod at kabiguan ay napatingin na lamang ako sa ngayon ay
madilim ng kalangitan. Tila nakikisabay ito sa aking damdamin. Natanaw ko ang mga ibong
malayang lumilipad. Ang mga ibong malayang kinakampay ang kanilang mga pakpak. Ahh.
Nakakainggit.

Heto na naman ako at nakakulong sa imaheng binuo nila para sa akin. Ang imahe ni Shane
na walang kapintasan at isang huwaran. Ang imahe na kailangan kong panindigan, dahil ako ay
isang duwag na takot na takot na mawala sa landas na inihanda nila para sa akin. Pasensya na,
aking sarili.

Kayo ang humihila sa aking mga tali bilang inyong manika. Kayo ang magaling na may akda, ako
ang inyong tauhan. Kayo ang ang maestra, at ako…ang inyong sining.

You might also like