You are on page 1of 6

GAWAIN: Narito ang ilang senaryo.

Humanap ng kapareha at tukuyin kung sa palagay ninyo ay etikal o hindi ang mga sitwasyon. Ipaliwanang ang
sagot. Kung hindi etikal, ano sana ang dapat ginawa? Ibahagi ang mga sagot sa klase.

1. Nagsumite ng iskrip si Marian sa kaniyang propesor sa script writing. Humiram siya ng iskrip sa isang kaibigan. Sinabi niyang gagamitin niya
lamang ito upang gawan ng ebalwasyon at kritika sa klase ngunit ipinasa niya ang ito bilang kaniyang sariling gawa.

Etikal o hindi etikal? _________________________________________________


Paliwanag: ________________________________________________________________________________________________________
Dapat sanang ginawa: __________________________________________________________________________________________________

2. Dinala ni Dr. De Gracia ang kaniyang nanay sa isang kapuwa doctor upang ipagamot. Karaniwang praktis na hindi sinisingil ng manggagamot ang
malapit na kamag-anak ng kapuwa manggagamot. Siningil ng naturang doctor ang ina ni Dr. De Gracia.

Etikal o hindi etikal? _________________________________________________


Paliwanag: ________________________________________________________________________________________________________
Dapat sanang ginawa: __________________________________________________________________________________________________

3. Tumatanggap ng malalaking donasyon ang isang simbahan mula sa isang kilalang taong may criminal record.

Etikal o hindi etikal? _________________________________________________


Paliwanag: ________________________________________________________________________________________________________
Dapat sanang ginawa: __________________________________________________________________________________________________

4. Nag-iiwan ng paninda sa labas ng kaniyang silid-aralan si Gng. Domino, isang guro sa ikatlong baiting. Doon bumibili ang mga mag-aaral niya
kapag recess. Ang kinikita niya mula rito ay pandagdag daw niya sa gastusin ng kaniyang pamilya.

Etikal o hindi etikal? _________________________________________________


Paliwanag: ________________________________________________________________________________________________________
Dapat sanang ginawa: __________________________________________________________________________________________________

5. Malaki ang kinikita ni Dado sa pagdadala ng ilang parte ng katawan (halimbawa, bahagi ng atay) sa isang ospital. Ayon sa kaniya, ang mga ito ay
“boluntaryong” donasyon. Gagamitin ang mga ito ng ospital sa mga pasyenteng nangangailangan nito. Malaki ang bayad sa mga “boluntaryong”
parte ng katawan.

Etikal o hindi etikal? _________________________________________________


Paliwanag: ________________________________________________________________________________________________________
Dapat sanang ginawa: __________________________________________________________________________________________________

ARALIN: ETIKA AT PAGPAPAHALAGA SA AKADEMIYA

Ano-ano ang katangian ng isang akademikong sulatin?

MAKATAO- May makabuluhang impormasyon na dapat mabatid para sa kapakinabangan ng mamamayan.


MAKABAYAN- Ito’y magtutulay sa kaunlaran ng mamamayan upang maging produktibong kasapi ng pamayanan at bansa.
MAKA-DEMOKRATIKO- Ito’y walang kinikilingan o kinatatakutan dahil ang hangarin ay magpahayag ng katotohanan.

HALIMBAWA NG AKADEMIKONG SULATIN


Akademikong Sanaysay Konsepto, Posisyon at Pamanahong Papel
Buklat-Ulat at Rebyu ng Aklat Abstrak
Pelikula, at iba pa Artikulo sa isang pahayagan, magasin, dyornal at gazette
Antolohiya o Antolohiya na Katalogo Akademikong Blog, Lakbay-Sanaysay, Awtobiograpiya
Pagsasaling Teknikal at Malikhaing Akda Suri-Karikatura at Editoryal
Tisis at Disertasyon
Artikulo o Sanaysay sa Sining at Disenyo Papel Pangkomperensiya

Etika at Pagpapahalaga sa Akademiya


Kahulugan ng Etika
• Galing sa salitang Griyego na ethos na may kahulugang “karakter”. Katumbas ito ng salitang “karakter”. Ang ethos ay mula sa salitang
ugat na ethicos, na nangangahulugang “moral, moral na karakter”. (www.merriamwebsterdictionary.com)
• Ayon sa artikulo ni Ferriols (1997; sa pagbanggit nina Evasco, 2011), nagmula ang etika sa salitang Griyego na ethike na nakaugat sa
ethos na nangangahulugan ng “nakaugaliang pamamalakad sa buhay” o “ugali”.
• Mula rito ay binibigyang-kahulugan ang etika bilang kaisipang kaugnay ng kung ano ang dapat at hindi dapat, mabuti at masama, o kaya’y
tama at mali.
• Halimbawa ng mga gawain o praktis kaugnay ng etika ang respeto sa kapuwa, nakatatanda, awtoridad, bata, kababaihan at maipapakita
sa iba’t ibang paraan depende sa kultura at bansa.
Pagpapahalaga (Values)
• Ito naman ay instandard o batayan-mga ideyal at gawi at institusyon gaya ng simbahan, pamilya, paaralan at negosyo-na pinagbabatayan
natin kung tama o mali ang ating mga desisyon. Tumutulong ito upang timbangin at balansehin ang ating mga desisyon. Isa itong
paniniwala ng isang tao o grupo na may sangkot o pinanggagalingang damdamin o emosyon ukol sa isang bagay na dinedesisyunan.

Etika at Pagpapahalaga
• Ito ay kapuwa gumagabay kung paano natin ihaharap ang ating sarili sa pakikiharapan ang ating kapuwa. Gayundin, tumutulong ito upang
magkaroon ng kaayusan at katahimikan sa isang lipunan.
Narito ang isang ilustrasyon ng pagkakaiba ng etika at pagpapahalaga:

Etika

Lipunan Tama/mali Tao Obligasyon


Praktis Karapatan
Mabuti/ Grupo
Kilos Katuwiran
masama Komunidad
Etikal/ di-etikal
Pagpapahalaga/ Institusyon Halaga Obligasyon
Pagbabalewala
Pagtanggap/ Karapatan
Di-pagtanggap
Katuwiran
Pagpapahalaga
Halaga
Tao, Grupo Istandard, Paniniwala Praktis, Kilos (Manipestasyon) Kapuwa/ Ibang Grupo

Mga Pangkalahatang Halimbawa ng Pagpapahalaga


Narito ang ilang pangkalahatang pagpapahalagang inaasahan sa mga tao, grupo at institusyon sa alinmang bansa o lipunan
(www.humanresources.about.com):

kompetensi dignidad pagkatuto responsibilidad integridad katapatan impluwensiya serbisyo pagkakawanggawa


paggalang seguridad katapangan dibersidad kagalingan kolaborasyon teamwork dedikasyon pagkakaibigan pagpapaunlad
katarungan pleksibilidad pananalig disiplina malayang pag-iisip pag-asa kasiyahan ambisyon pagtitiwala inobasyon

Kaugnay nito, ilang isyu o paglabag kaugnay ng etika at pagpapahalaga sa pagsusulat gamit ang sari-saring datos at reperensiya ang
mahalagang bigyang-pansin:
Copyright
-Intellectual Property Code of the Philippines o ang Republic Act No. 8293 ang mga karapatan at obligasyon ng mga may-akda, pati na ang
paggamit sa mga ginawa ng mga ito. mahalagang malinawan ang mga karapatan at obligasyong ito upang maiwasan ang anumang di-
pagkakaintindihan para sa mga pagsisipi at pagbubuod. Dapat tukuyin ang may-akda o kung saan nanggaling ang datos, petsa, naglimbag at iba
pang impormasyon.
PLAGIARISMO
-Ayon sa pahayag ng American Historical Association (1987), mula ang “plagiarismo” sa mga katagang Latin na plagiarius na nangangahulugan ng
“abdaktor” at plagiare na nangangahulugan naman ng “pagnanakaw.” Batay naman sa American Psychological Association (2002), ito ang pag-
angkin ng mga bahagi ng pananaliksik ng ibang mananaliksik.
-Sa kabuuan, tumutukoy ang plagiarismo sa pag-aangkin, panggagaya, at/o pangongopya ng mga kataga, datos, ideya, proseso, at/o resulta na
gawa at ginamit ng iba nang walang kaukulang pagkilala.
-Ayon kay Diana Hacker, tatlong paglabag ang maituturing na pliagrism: 1) hindi pagbanggit sa may-akda ng bahaging sinipi at kunuhanan ng ideya;
2) hindi paglalagay ng panipi sa hiniram na direktang salita o pahayag; at 3) hindi ginamitan ng sariling mga pananalita ang mga akdang ibinuod
(summary) at hinalaw (paraphrase).
-Kasama rin sa isyu ang “pagkopya sa sarili” kung saan ang dati nang inilathalang akda ng mismong manunulat ng sulatin ay kinopya nang hindi
binabanggit ang pinaglathalaan na nito. Kaugnay nito, ang muling pagsusumite ng isang papel sa iba-ibang asignatura ay itinuturing ding plagiarism
sa sarili at di-etikal.

LAYAG-DIWA
A. Panuto: Sagutin ang mga tanong tungkol sa tinalakay.
1. Ano-ano ang batayan upang masabing etikal ang isang gawi o gawain?
2. May pagkakataon bang nalilito ang mga Pilipino kung ano ang etika at kung ano ang pagpapahalaga? Bakit?
3. Sa iyong palagay, alin ang mas sinusunod ng mga kakilala mo, ang etika o ang pagpapahalaga? Bakit?
4. Ano-anong isyu ng paglabag sa etika at pagpapahalaga sa pagsulat dito sa Pilipinas ang pamilyar kayo? Ilahad.
5. sa iyong palagay, sapat baa ng kaparusahan na ipapataw ng iyong paaralan sa mga lumalabag sa etika ng pagsulat?

B. Magbigay ng iba pang pagpapahalagang dapat isabuhay ng mag-aaral na Pilipino. Ipaliwanag ang sagot.
1. ____________________________________________________________________________________________________
2. ____________________________________________________________________________________________________
3. ____________________________________________________________________________________________________

C. Magbigay ng reaksiyon sa isang kaso ng paglabag sa etika at pagpapahalaga sa pagsulat.


______________________________________________________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________________________.

D. Paano dapat ipaalam sa mga kabataang Pilipino ang kahalagahan ng etika at pagpapahalaga sa kanilang pamumuhay? Magbigay ng mga
mungkahi.
______________________________________________________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________________________________________________
_______________________________________________________________________________________________.
Basahin ang kuwento: Sagutin ang mga katanungan pagkatapos. Sinulat ni Benedick N. Damaso

Noong unang panahon sa isang napakalapit na kaharian, naisipan ng hari na hanapin upang parangalan ang pinakadakilang tao sa kanyang
nasasakupan. Malakas na kandidato ang mga pulitiko. Hindi rin mapasusubalian na paboritong manalo ang mga abogado, doktor, inhinyero,
businessman, arkitekto at iba pang mga propesyunal. Pero ayaw magpatalo ang mga pulis, sundalo, nars, caregiver, OFW, call center agent, pati
taga-MMDA.
Natagalan ang hari sa pamimili sa dami ng mga dumating na gustong mapili. Gabi na ng sa wakas ay humarap ang huling kandidato.
“Sino naman ito? Ano ang nagawa niya para maglakas loob na pumarito?” anang hari.
Sumagot ang sekretarya ng hari, “Nakita at nainterbyu po ninyo ang mga naunang gustong mapili. Mahal na hari, ang tao pong ito ang kanilang
guro,”
Palakpakan ang mga tao, namangha at nagkasundong ito na nga ang pinakadakila sa lahat. Pumasok ang hari sa deliberation room. Kinausap ang
mga tagapayo. Nag-debate sila at nagkasundo rin sa wakas sa pagsunod sa hari.
Paglabas ng hari para ianunsiyo ang napili, halos hindi humihinga ang lahat.
“Mga minahal kong kababayan, ang napiling pinakadakila sa lahat ay walang iba kundi ang inyong minamahal na hari. Wala ng iba pa. Ako ‘yun.”
Bulungan ang mga tao. Hindi makapaniwala. May mga nagmumura ng palihim. May gustong magtaas na ng plakard. May akmang magwewelga.
“May tumututol ba? Kung mayroon man ay magsalita na ngayon pa lang,” sabay himas sa mga alaga niyang leon na kanina pa nakabantay sa
kanyang trono. Natigil ang mga bulung-bulungan. Naitago kaagad ang mga plakard. Naisantabi ang ideya ng welga at nagpalakpakan ang lahat.
“Mabuhay ang mahal na hari, siyang pinakadakila sa lahat!” sigaw ng taumbayan.
Ito ang kwentong ibinahagi ko sa aking mga kapwa guro minsang magkaroon kami ng kwentuhan isang hapon pagkatapos ng isang araw na
pagtuturo.
Kamakailan, ibinahagi ko uli ang kwentong ito sa akin namang mga mag-aaral. Pero sa pagkakataong ito, iniba ko ang wakas.
Noong unang panahon sa isang napakalapit na kaharian, naisipan ng hari na hanapin upang parangalan ang pinakadakilang tao sa kanyang
nasasakupan. Malakas na kandidato ang mga pulitiko. Hindi rin mapasusubalian na paboritong manalo ang mga abogado, doktor, inhinyero,
businessman, arkitekto at iba pang mga propesyunal. Pero ayaw magpatalo ang mga pulis, sundalo, nars, caregiver, OFW, call center agent, pati
taga-MMDA.
Natagalan ang hari sa pamimili sa dami ng mga dumating na gustong mapili. Gabi na ng sa wakas ay humarap ang huling kandidato.
“Sino naman ito? Ano ang nagawa niya para maglakas loob na pumarito?” anang hari.
Sumagot ang sekretarya ng hari, “Nakita at nainterbyu po ninyo ang mga naunang gustong mapili. Mahal na hari, ang tao pong ito ang kanilang
guro,” Palakpakan ang mga tao, namangha at nagkasundong ito na nga ang pinakadakila sa lahat.
Bumaba ang hari mula sa kanyang trono. Nilapitan ang matanda na ring guro at pinarangalang pinakadakila sa lahat.
“Mabuhay ang guro, siyang pinakadakila sa lahat!” sigaw ng taumbayan.
Ewan ko ba. Pero habang ikinukwento ko ito sa aking mga mag-aaral, pakiramdam ko’y niloloko ko lang ang aking sarili. Hindi dahil sa hindi ako
naniniwalang pinakadakila ang mga guro kundi dahil hindi ko naman nararamdaman na ganun ang turing sa amin ng lipunan. Manhid lang siguro
ako o talagang sadyang manhid ang ating lipunan?
Bakit ko nga ba ikinwento pa ito sa aking mga mag-aaral? Marahil naghahanap ako ng kakampi, marahil naghahanap ako ng papuri, marahil
naghananap ako ng mga kaluluwang maniniwala at magsasabing tama ang aking desisyon na maging isang guro, na tamang pinasok ko ang mundo
ng pagtuturo. Naghahanap nga siguro ako ng depinisyon sa aking pagiging guro.
“Paglaki ko, gusto kong maging doktor o kaya ay inhinyero, manedyer kaya, pwede ring dentista o kaya ay sundalo, mas maganda ata kung piloto,
pero parang mas okey ata kung abogado, hmp…kahit ano na lang basta yung yayaman ako…”
Paulit-ulit, makailang libong beses ko ring nasambit ang mga ito noong ako’y bata pa, makailang libong beses ko ring napangiti ang aking mga
magulang dahil dito, makailang libong beses din itong nagpangiwi sa aming mga ibang kamag-anak at kapitbahay. Gusto ko rin sanang maging guro
noong bata pa ako, kaya lang kapag nakikita ko kung gaano kahirap ang mga pinagdadaanan ng aking mga nagiging guro, nagdadalawang isip ako.
Batid kong napakalaki kasi ng inaasahan sa kanila. Napakalaki ng responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga balikat. Mula nuon, inabandona ko
na ang pangarap na maging guro at patuloy na nangarap ng ibang pangarap. “Paglaki ko, gusto kong maging doktor o kaya ay inhinyero, manedyer
kaya, pwede ring dentista o kaya ay sundalo, mas maganda ata kung piloto, pero parang mas okey ata kung abogado, hmp…kahit ano na lang
basta yung yayaman ako…”
Subalit pagkalipas ng kulang-kulang sampung taon mula noon, heto ako ngayon, isang guro sa isang pampublikong paaralan sa isang lalawigan.
Marahil biro ng tadhana o sadyang nakatadhana, heto ako’t nagtuturo, isang guro.
Mahabang kwento kung bakit ako napadpad sa propesyong ito. Pero kung ibubuod ko ito sa simpleng pananalita, lalabas na salarin ang kahirapan.
Isang lumang kwento, parehong banghay, tauhan lang ang naiba.

Nitong nakaraang Disyembre, nagreunion kaming magkakaklase sa sekundarya. Pagkatapos ng maraming taon, masaya naming binalikan ang mga
alaala sa sekundarya. Nakatutuwa at nakatatawa. Kahit pala ang mga nakahihiya, nakagagalit at mga nakalulungkot na alaala’y nagiging masaya
na pagkatapos ng ilang taon. Sa pagitan ng kantahan, inuman at kwentuhan, nalaman kong napakarami na palang nangyari sa amin. Ang dami
nang nagbago. Andami ng naiba. (Kunsabagay inaasahan ko na iyon) May tumaba, may pumayat, may gumanda, may hindi nagbago halos ang
hitsura. Yung iba may asawa na, may anak, may namatayan ng anak, ng asawa, may nagladlad, may nakulong, may nakapag-abroad. Ang aking
mga kaklase, inhinyero na, doktor, nars, manager, businessman, arkitekto, call center agent, beterinaryo – ako isang guro.
Nalulula ako nong ikwento nila ang naabot na nila. Nanliit ako sa nang pagkumparahin namin ang aming mga sweldo. Pero ipinagmamalaki kong
ako’y naging guro kahit pa sa loob-loob ko’y nabubuo ang mga mumunting pagdududa, mga mumunting palahaw ng pagkukunwari sa harap ng mga
propesyunal kong kaklase. Nakapapagod din kasing magturo. Nakasasawa minsan. Inaamin ko, may mga panahong halos panghinaan na ako ng
loob at gusto ng tumigil sa pagtuturo. Minsan naiisip kong maghanap ng ibang trabaho.
Gusto ko naman sanang maranasang magkaroon ng trabaho na hindi ko na kailangang mapuyat sa gabi sa paghahanda ng banghay-aralin. ‘Yung
hindi ko na kailangang gumising ng madaling araw para lang gumawa ng mga kagamitang panturo. Gusto kong magkaroon ng trabaho na hindi ko
na kailangang isakripisyo ang Sabado o Linggo kapag ipinatatawag at kailangan sa eskwelahan. Gusto kong maranasan ang magkaroon ng trabaho
na nasa loob ako ng air conditioned room at hindi sa loob ng mainit at masikip na klasrum. Gusto kong magkaroon ng trabahong hindi ko na
kailangang mamaos o mawalan ng boses. Gusto kong maranasang magkaroon ng trabahong makapagbibigay sa aking ng malaking sahod.
Pero sa tuwing may mga mag-aaral pa akong naririnig na hindi marunong mag-po at opo, hindi marunong magtapon ng pinagkainan sa basurahan,
tuwing may mga mag-aaral pang hindi marunong sumulat, bumasa at bumilang, tuwing may mga bata pang nagtitiyagang pumasok kahit walang
baon, walang papel at lapis, walang matinong damit, walang tsineles – bumabalik ako sa realidad na kailangan pa ako sa eskwelahan.
Alam kong isa lamang akong patak ng tubig sa malawak na karagatan. Isang pirasong buhangin sa mainit na disyero, isang simpleng guro sa
lipunang ito. Pero ang mahalaga’y may ginagawa ako. Kadalasan, ang mga iskor sa mga pagsusulit, proyektong ipinasa, gawaing ipinakita,
partisipasyon sa klase at kung anu-ano pa ang nagiging panukat namin para tukuyin kung sinu-sino ang mga nagunguna o pinakamatalino sa klase.
Nagiging basehan namin ang mga grado sa Matematika, Science, English, Filipino at MAKABAYAN na binubo ng EPP, Hekasi, MSEP at GMRC.
Kapag mataas ang grado mo sa mga asignatura, magaling ka. Kapag ikaw ang may pinakamataas na grado, ikaw ang pinakamatalino. Kapag
mababa naman o bagsak, hindi ka masyadong nag-aral ng mabuti (eupemismo para sa salitang may kahinaan ang ulo) Ito ang sukatang ipinanukat
sa akin noong ako’y nag-aaral. Ito naman ngayon ang sukatang ipinanunukat ko sa aking mga mag-aaral.

Sa tuwing ibinibigay ko sa aking mga mag-aaral ang kanilang kard at sinasabi ang kanilang ranggo sa klase, hindi ko mapigilang mapaisip. Batid ko
kasing hindi sapat ang panukatang ginagamit namin para timbangin ang mga mag-aaral. Hinding hindi kasi nito nasusukat ang iba pang
dimensyon ng kanilang pagkatao at talino. Tulad ni Sandra, labing-pitong taong gulang na siya ng maging mag-aaral ko sa ikaanim na baitang.
Ateng-ate na siya para sa kanyang mga batang kaklase. Nanay-ate naman siya ng kanyang apat na batang kapatid. Tagapag-alaga sa pamilya. Buti
nga at naisipan pa niyang mag-aral, buti nga at pinayagan pa siyang mag-aral. Minsan tinanong ko ang buong klase kung anong gusto nilang
maging paglaki. Umalingawngaw ang mga katagang nars, doktor, inhinyero, piloto, sundalo, dentista, businessman at iba pa. Nang siya naman ang
nagsalita, kimi lang niyang binanggit na gusto niyang maging caregiver. Sa isang mag-aaral na katulad niya, nakapapagtatakang iyon lang ang
pinapangarap niya. Marahil gusto niyang mag-abroad naisip ko, pero nang sabihin niyang gusto niyang maging caregiver hindi para makapangibang
bansa kundi para mas maging magaling at mahusay pa siyang tagapangalaga ng kanyang mga kapatid, lalong akong nagulat. Napakasimple naman
ng pangarap niya. Napakasimpleng pangarap hindi para sa kanya kundi para sa mga minamahal niya.
Kaya nga noong dumating ang kanyang ikalabinwalong kaarawan, naisipan naming magpadala ng bulaklak sa kanyang mga kaklase. Isinayaw siya’t
binigyan ng bulaklak ng mga ito na tulad ng isang babaeng tumutuntong sa ganung kaarawan. Wala nga lang malamyos na musika, walang
magagarang dekorasyon o magagarbong handa. Pero may lalamyos pa ba sa halakhak na kumawala sa kanyang mga labi ng isayaw siya na
parang prinsesa? May gagara pa ba sa pamumula ng kanyang pisngi ng tuksuhin siya ng mga kaklase at alayan ng bulaklak? May gagarbo pa ba
sa pakiramdam na dumapo sa kanyang kaluluwa?
Mabuti pa siya. Simpleng mga bagay lang, kuntento na siya.

Hindi ko pa rin makalimutan hanggang ngayon si Melchor. Naging estudyante ko siya noong practice teacher pa lang ako. Madali mo siyang
matatandaan. Medyo may katabaan, duling, kulang-kulang ang mga daliri sa kamay, panot. Pero maliban dito ay namumuhay siyang normal o mas
akma sigurong sabihing pinipilit niyang mamuhay ng normal. Masayahin, palabiro, matalino, magaling kumanta at magsulat. Nalaman ko lang mula
sa kanyang isinulat na pinagtangkaan pala siyang ilaglag noon ng kanyang ama’t ina. Epekto ng mga hilot at gamot pampalaglag kung bakit
nagkaganoon ang pisikal niyang kaanyuan. Pero gaya ng inilahad niya sa kanyang sanaysay, patuloy siyang lalaban at ipaglalaban ang kanyang
karapatan na mamuhay ng normal sa abnormal na mundong ito. Ngayon, kapag hinahanap ko siya sa facebook o friendster at iba pang networking
site, hindi ko matagpuan ang kanyang account. Ewan ko pero baka naduwag kaya siyang magpakilala. Marahil wala siyang magandang larawan
para ilagay na profile picture niya?
Hindi ko na siya nakausap mula ng umalis ako sa paaralang pinag-aaralan niya. Hindi ko na nasabi sa kanya na humahanga ako sa kanya. Hindi ko
na nasabi sa kanya na alam kong makakaya niyang magtagumpay pagkat ipinanganak siyang survivor.
Gusto kong sabihin sa kanya “Melchor, isa kang survivor, alam mo ba yun, biruin mo sa milyun-milyong semilyang nakakumpetensiya mong
lumangoy, ikaw ay hindi nalunod at nakauna pang makipagniig sa itlog. At hindi lang ‘yan, walang nagawa ang anumang orasyon, gamot o hilot para
kitlin ang iyong buhay. Maaaring nagawa nitong depormahin ang ilang bahagi ng iyong katawan pero hindi ang iyong pagkatao. Sana ipagpatuloy
mong ipakita sa ‘abnormal’ na mundong ito na survivor ka, na mas kumpleto at buo ka.”
Sana nasabi ko ito sa kanya dati. Sana may nakapagsabi na nito sa kanya. Sana mabasa niya ito.

Sabi nila, kung ano ang puno, siya ang bunga. Hindi raw mamumunga ng mansanas ang mangga, hindi mamumunga ng mangga ang mansanas.
Pero sinalungat ito ni Brando. Durugista ang tatay niya at kasalukuyang nakakulong. Ang nanay naman niya’y nagpuputa para lang mabuhay sila.
Ang mga kapatid niya’y maagang nagsipag-asawa pero nakatira pa rin sila sa iisang bahay. Hindi ko akalaing ganito ang buhay na kinalakhan niya
dahil napakabuti naman niyang bata, masayahin at may positibong pagtingin sa buhay.
Sabi niya, hindi dapat hinuhusgahan ang tao base sa kanyang pinagmulan dahil higit sa nakaraan at kasalukuyan, tayo pa rin ang magpapasya
kung anong klaseng tao ang gusto nating maging. Ayaw na daw niyang manisi, ayaw na niyang sisihin ang tatay, nanay o kapatid niya sa buhay
nila ngayon dahil kahit magwala siya’t manisi, magdroga at magrebelde, siya pa rin ang magiging talo sa huli. Ikanga niya, ang mahalaga ngayo’y
pinipili niyang maging mabuting tao kahit pa humahabol ang bangungot ng nakaraan at kasalukuyan sa kanyang buhay.
Tama siya, natamaan naman ako. May mga pagkakataon kasing tinitimbang ko ang aking mga mag-aaral base sa kung paano sila ipinakilala sa
akin at hindi sa kung paano ko sila nakilala.

“Naintindihan ko po ang ating aralin. Ang hindi ko lang po maintindihan ay kung bakit marami pa rin at meron pa ring tayong mga kababayan ang
hindi makaintindi na lahat tayo ay mga Pilipino, magkakapantay anuman ang kulay at hitsura. Sa paningin ng Diyos, walang mataas o mababa sa
atin, nilikha Niya tayong kanyang kawangis. Nakalulungkot po talaga ang pangyayaring ito.”
“Totoo pong isa akong ita. Maitim ang balat, kulot ang buhok, sarat ang ilong at pandak. Hindi ko po ito ikinahihiya kahit marami ang natatawa at
nanlalait sa akin at sa mga katulad ko. Bakit? Dahil alam ko at naniniwala na mas dapat mahiya ang mga taong ito, na sila ang dapat pagtawanan
dahil hindi sila makaunawa at ang mas masaklap, ayaw nilang umunawa.”
Ito ang mga salitang binitiwan ni Joy, mas kilala sa bansag na “Rita” (tawag sa kanya ng mga kaklase. ‘Rita’ para sa pinaikling ‘Negrita’ mula sa
‘Negrang Ita’.) ng mapag-aralan namin sa klase ang tungkol sa pinagmulan ng lahing Pilipino.
Natahimik ang buong klase ng marinig nila ito sa mula kay Joy. Nagulat naman ako. Hindi ko kasi inaasahang magkakalakas ng loob siyang
magsalita ng ganoon samantalang likas naman siyang mahiyain. Siguro napuno na siya, siguro naisip niyang kailangan na niyang magsalita. Nang
mga sumunod na araw, wala na akong naririnig na nanunukso kay Joy.
Naiinggit ako kay Joy, mabuti pa siya nasumpungan niya sa sarili ang lakas ng loob na magsalita. Hindi katulad kong napipipi minsan sa mga
panahong kailangan kong magsalita.
Paano ba patatahanin ang isang batang umiiyak dahil sa pagkamatay ng kanyang ina? Anong mga salita ang sasabihin mo habang umiiyak siya’t
tanging ang sakit ng pagkawala ng pinakamamahal sa buhay ang naghahari sa kanyang emosyon?

Ika-12 ng Agosto ng mamatay ang nanay ni Anton. Naaksidente ang mini bus na sinasakyan niya papuntang bundok. Nag-a-outreach kasi sila duon.
Nagluluto, nagpapakain, nagtuturo sa mga residente at mga bata duon, nagiging nanay siya sa mga residente at mga batang tinuturuan nila’t
pinapakain.
Ngayon, tuluyan ng nawalan ng isang nanay ang mga taong iyon. Ngayon, tuluyan ng nawalan ng nanay si Anton at ang mga kapatid niya. Ramdam
na ramdam ko ang sakit ng emosyong bumalot sa aking mag-aaral ng malaman niya ang masamang balita. Hikbi lang ang pagitan ng pag-iyak niya
at muling pag-iyak. Iyak ng anak na nawalan ng ina, iyak ng batang inagawan ng ina.
“Alam kong napakasakit ng nararamdaman mo ngayon, pero ano kaya ang gusto niyang gawin mo ngayong wala na siya?”
Ito ang uang tanong ko sa kanya ng kausapin ko siya.
“Aalagaan po si ading ko (nakababatang kapatid) at magpapakabait”
Sa pagitan ng pag-iyak at pag-agos ng masaganang luha, ito ang tanging nasambit niya. Pinipigilan kong maiyak habang kinakausap ko siya, sinupil
ko ang pamamasa ng aking mga mata at pinilit kong lunukin ang kung anong bumabara sa aking labi.
Sinabi ko sa kanyang magpakatatag siya. Na lahat naman tayo ay duon ang destinasyon. Masakit ang paraan, panahon at pagkakataon ng
pagkawala ng nanay nya pero wala tayong pagpipilian kundi ang tanggapin ito at ipagpapatuloy ang buhay. Magiging masaya kako ang nanay nya
kung makakaya niyang lagpasan ang pagsubok na ito.

Hindi ko alam kung naintindihan niya ang mga sinabi kong ito. Iyak lang kasi siya nang iyak. Sa pagkakataong iyon, nagpakatatay ako sa kanya at
nagpakananay na rin kahit hindi ko alam kung paano ito gagawin. Isa sa mga pinakatatakutan kong mangyayari sa akin ay ang mawalan ng mga
mahal sa buhay. Alam kong realidad na ng buhay ang pagpanaw pero hindi ko alam kung paano ito haharapin kapag dumating na. Hindi ko alam
kung paano ito paghahandaan.
Si Anton, hindi ko alam kung paano niya hinarap ang pagkamatay ng kanyang pinakamamahal na ina. Ngayon, pagkaraan ng ilang buwan, unti-unti
ng bumabalik ang kanyang mga ngiti, naririnig ko na paminsan-minsan ang kanyang tawa kahit pa nalalaman kong hindi iyon kasinglutong ng dati.
Sana pag dumating ang panahong ayaw kong dumating, pag dumating ang panahong mamamaalam ang mga mahal ko sa buhay, masumpungan
ko sana ang lakas ng loob at pagtanggap tulad ng nagawa ni Anton, tulad ng ginagawa niya ngayon. Tulad ng ginawa ko at ginagawa ko ng
mamamalam si Angelo, dating mag-aaral ko.
Masayahing bata si Angelo, hindi mo aakalaing may kanser siya sa dugo. Sa mga huling araw ng kanyang buhay, hindi na siya hinayaang mag-
chemo ng kanyang mga magulang dahil ayaw na rin ni Angelo. Hindi na niya kaya ang sakit ng mga karayom na tumutusok sa kanyang bubot na
katawan lalo na ang epekto nito pagkatapos. Tanging kahilingan nito ang pumasok sa paaralan. Ito raw ang huling kahilingan niya.
Kaya ng pumasok siya, pinilit ng buong klaseng pasayahin siya. Hindi ko alam kung paano ito gagawin, pero sadya ngang nagkakaintindihan ang
mga bata. Hinayaan kong ang kanyang mga kamag-aral ang gumawa ng paraan. Naglaro sila, nagkwentuhan, nagkantahan at nagsayawan.
Isinantabi ko muna ang ilang mga aralin para kay Angelo, para iparamdam sa kanya, sa huling mga araw ng kanyang buhay ang pagmamahal.
Pagmamahal ng pamamalam, pamaalam na pagmamahal.
Ilang araw lang ang lumipas, naratay na sa banig si Angelo. Pero bago pa man siya tuluyang maangkin ng buong-buo ng kanyang sakit, nakapag-
iwan pa siya ng sulat para sa akin at sa kanyang mga kaklase. Ibinigay ito ng kanyang ina ng dalawin namin siya sa ospital. Halos wala na siyang
malay nuon.

Dear Sir and Classmates,


Thank you po sa lahat. Thank you po sa mga itinuro ninyo. Thank you po sa pagpapasaya sa akin sa mga huling araw ng buhay ko.
Paano yan, mauuna na ako sa inyo. Pero wag kayong malungkot dahil babantayan ko kayo. Ibubulong ko kay “Bro” na bantayan kayo. Hwag
kayong iiyak, okey lang ako. Mamimis ko kayong lahat. Muawhh…

Nagmamahal,
ANGELO

Paulit-ulit kong binasa ang sulat ni Angelo. Paulit-ulit kong hinanap sa kanyang sulat kung saan siya nakahugot ng lakas ng loob para tanggapin ang
nangyari sa kanya. Mabuti pa siya tanggap na niya ang kanyang kapalaran, pero kaming mga nagmamahal sa kanya hindi pa rin ito matanggap.
Mabuti pa siya, naisip pa kami at ibubulong daw kay “Bro” samantalang siya na itong pinahihirapan ng sakit.
Dalawang araw pagkatapos nun, pumanaw si Angelo. Tuluyan ng sumuko ang kanyang katawan. Nag-iyakan ang kanyang mga kaklase ng
malaman ang balita ng pagkamatay ni Angelo. Hindi ko alam kung paano aaluhin ang mga kaklase ni Angelo – ang aking mga mag-aaral ng mga
sandaling iyon. Higit sa lahat, hindi ko alam kung paano patatahanin ang aking sarili.
Sa libing ni Angelo, literal na bumaha ang luha. Halos hindi ako makapagsalita ng bigyan ako ng pagkakataong magsalita sa harap ng mga
nagdadalamhating nagmamahal kay Angelo, pero pinilit kong ibuka ang aking bibig para kay Angelo. Kung siya nga nakagawa pa ng sulat kahit
pinahihirapan na ng sakit, ako rin dapat kayanin ko para sa kanya. Binasa ko ang tulang isinulat ko para sa kanya.

1. Ano ang nais tukuyin ng taong nagsasalaysay ng kuwento?


2. Ano ang naging tungkulin ng pangunahing tagapagkwento sa kanyang mag-aaral?
3. Ang pagiging mahirap ba ay isang malaking kasalana? Ipaliwanag.
4. Paano hinharap ng pangunahing tauhan ang hamon sa kanyang buhay?
5. Naging makatwiran ba na isantabi niya ang kanyang trabaho para lamang mapasaya ang kanyang mga mag-aaral?
6. Ano kaya sa iyong pagtingin ang maaaring pamagat ng kuwento?
7. Kung bibigyan ka ng pagkakataong ikwento itong muli, anong wakas ang nais mo? Ilahad.

Sa short bond paper, gumawa ng sariling repleksiyon batay sa kwentong binasa.

RUBRIKS SA PAGTATASA

Krayterya Napakahusay Mahusay Mahina Iskor

Lalim ng repleksiyon (5)

Nilalaman (5)

Kalidad ng impormasyon (5)

Organisasyon ng mga Ideya (5)

Gramatika at gamit ng wika (5)


@ORA101/Ang Etika sa Pagsulat sa Akademiya

You might also like