You are on page 1of 2

HANGIN

Madilim na nang magising ang aking diwa. Unti-unti ang ginawa kong pagmulat sa aking mga
mata at tulad ng nakasanayan, bumungad sa akin ang matatamis na ngiti ng babaeng sa aki'y
nagsilang.
"Akala ko'y hindi ka pa babangon, ilang minuto nalang ay lilipas na ang taon," ani Nanay na
siyang lumapit sa aking aparador at inilagay ang mga tiniklop niyang damit ko.
Bumangon ako't gumayak bago bumaba sa aming salas kung saan naroon si Kuya na tutok na
tutok sa paglalaro ng Xbox habang si Ate ay prenteng nakaupo at hawak ang kanyang telepono,
kausap ang kanyang nobyo. Saglit pang nag-angat ng tingin si Tatay at ngumiti sa akin bago
bumalik sa pag-aayos ng mga pailaw at paputok na siyang gagamitin namin sa pagsalubong sa
bagong taon.
Kasunod ng aking pagbaba ay ang boses ni Nanay na nagpapaalalang bitiwan na ang kung ano
mang pinagkakaabalahan namin. Isa-isa kaming naupo sa hapag at nag-usap tungkol sa
maraming bagay, kadalasa'y patungkol sa eskwela hanggang sa napunta ang usapan sa
pagtatanong kung anong regalo ang gusto naming matanggap bago magtapos ang taon.
"Gusto ko ng bagong laptop!" Rinig kong bulalas ni Ate.
"Tinatanong pa ba iyan? PS5 siyempre!" Maririnig ang pananabik sa boses ni Kuya.

"Ikaw bunso, anong gusto mong matanggap?"


"Ikaw bunso, anong gusto mong matanggap?"
"Ikaw bunso, anong gusto mong matanggap?"
"Ikaw bunso, anong gusto mong matanggap?"

Ngumiti ako bago iminulat ang aking mga mata. Wala na ang magarbong handa sa lamesa,
walang malinis na bahay na siyang aming sinisilungan, wala rin ang mga pailaw at paputok para
sa pagsalubong sa bagong taon.
Itim na ang langit at maalinsangan pa rin ang paligid gayunpama'y malamig na ang sementong
kinauupuan ko. Maririnig ang maiingay na busina ng mga sasakyan. Kabi-kabila naman ang mga
taong nagdaraan sa gilid ng kalsada.
Nangingilid ang mga luhang pinakatitigan ang matandang babaeng gusot ang ngayo'y
nangingitim na puting blusa, magulo ang pagkakapusod ng buhok ngunit sa paningin ko'y kay
ganda pa rin. May mga ngiti sakanyang labi ngunit sakanyang mga mapupungay na mata'y dama
ko ang pagod.
Sinipat ko ang boteng nasa aking paanan na siyang nagsilbing aming pantawid gutom sa mga
nakalipas na linggo o buwan o hindi ko na matandaan. Sandaling iniangat ito at nilanghap upang
alisin ang matinding damdamin ng pagkakasala bago ako sumagot.
"Ang gusto ko lang ay samahan mo ko nang mas matagal sa mundong ibabaw, Nay."
At kasabay ng nakabibinging tunog ng mga paputok at makukulay na pailaw ay ang tatlong
putok ng baril at pag-agos ng dugo mula sa ulo ng aking tanging sandalan.
'Nanlaban' ang naging ulo ng balita sa sumunod na taong kinamulatan.

You might also like