You are on page 1of 3

“Lahat ay lilipas ngunit ang Diyos ay hindi magwawakas”

1. Panimula
May dalawang bagay na pumapasok sa kaisipan ng ibang tao kapag napapag-usapan si
Sta. Teresa de Avila. Una, matagal na siyang nabuhay. Higit kumulang ay 500 taon na.
Pangalawa, siya ay isang babae at may mga tao pa ding nagdududa sa kanyang
kakayahan. May masasabi kaya siya sa ating panahon? Makakatulong ba siya sa ating
paglalakbay sa buhay sa mundo natin ngayon?
2. Mga ilang turo ni Sta. Teresa de Jesus tungkol sa landas ng kabanalan

2.1. Napakabuti sa isang tao kung bibitiw sa lahat ng mga nilikhang bagay.
Magiging ganap lamang kung bibitawan ang lahat. Mabuting tandaan na ang diin ay
tungkol sa lahat. Hindi puwede na mamili lamang sa bibitawan. Kailangang lahat ay
bitawan upang makatahak sa landas ng Panginoon. Kailangang kalimutan ang sarili.
2.2. Dadaloy sa atin ang mabubuting bagay mula sa Diyos
Kung magkakaroon ng lugar sa ating puso, mas mararamdaman natin ang pananahan ng
Diyos. Hindi maranasan ang Diyos dahil tila natatabunan ng mga ibang bagay na mas
inuuna at pinapansin.
2.3. Lumayo sa mga kamag-anak at hanapin ang mga tunay na kaibigan.
Ito ay isang paalala na angkop na angkop sa Pilipinas. May nagsabi na ang lakas at
kahinaan ng mga Pilipino ay ang pagiging malapit sa pamilya. Lakas kasi naroon ang
pagtutulungan kahit malayong kamag-anak. Gayunman, nagiging kahinaan kasi nagiging
sentro ang pamilya. Ito ang nangyayari sa politika kung saan ang pamumuno ay ipinapasa
lamang sa isang pamilya. Laganap din ang katiwalian kasi tinatakpan kahit mali ang
ginagawa. May patakaran kami sa diocese na walang kamag-anak na maaaring tumira sa
kumbento. Maliban lamang sa magulang na walang mag-aalaga at kailangan ng
pahintulot ng Obispo. Mahirap ito kasi ang mga kamag-anak natin ay likas na malapit sa
ating puso at mahirap makalimutan.
Kasabay nito ay ang paanyaya na maghanap ng tunay na mga kaibigan. Hindi lamang
pagiging magkamag-anak ang batayan kundi ang paglalakbay patungo sa kabanalan.
Nagkakaroon ng bagong pamilya na ating makakasama patungo sa Diyos. Hindi naman
isinasara ang pintuan sa ating tunay na pamilya bagamat kailangang maging maingat.
Tingnan ang halimbawa ng Mahal na Ina. Hindi lamang siya Ina ng Panginoon, siya ang
una at huwarang alagad niya.
2.4. Ang paglimot sa sarili at kababaan ng kalooban ay palaging magkasama.
Madalas ay nauuna ang sarili kung kaya naisasantabi ang Diyos at ang kapwa. Nagiging
sentro ang sarili kung kaya nakakulong sa sarili. Tila umiikot ang mundo sa sarili.
Napakahalaga ng kababaan ng kalooban kasi hindi magagawa ang paglimot sarili kung
mapagmataas. Nasa kababaan ng kalooban ang pagbabago ng tuon mula sa sarili patungo
sa Diyos. Ito ay pagkilala na ang Diyos ang pinakamahalaga sa lahat.
3. Nakatuon tayo sa tunay na layunin ng buhay at ito ay ang pakikipagkaisa sa Diyos
anuman ang bokasyon natin sa buhay.
3.1. Ipaubaya ang lahat sa Diyos kahit ang kalayaan at kalooban.
May mga tao o bagay na takot tayong ipaubaya sa Diyos kasi nais natin na tayo ang
masunod. Iniisip ng marami na ang kalayaan ay ang gawin ang gusto natin. Gayunman,
mabuting tandaan na ang tunay na kalayaan ay hindi ang pumili kundi ang ikaw ay piliin.
Tayo ay pinili ng Diyos at iyon ang magbubukas sa ating mga mata na ang pagsunod sa
kalooban ng Diyos ang magdadala sa atin sa kaligtasan. Kailangang ipaubaya natin ang
lahat sa Diyos.
3.2. Maglingkod at manalangin sa Diyos ng buong puso ng may kababaan ng kalooban.
Napakahalaga ng dalawang gawain sa paglalakbay patungo sa pakikipagkaisa sa Diyos.
Kailangang maglingkod at manalangin. Ito ay kailangang bunsod ng pag-ibig upang
maging kalugod-lugod sa Kanya. Kailangang may kababaan ng kalooban upang
makasunod sa Panginoon.
3.3. Upang malampasan ang mga tukso ay kailangang maglingkod ng may mababang
kalooban.
Habang papalapit tayo sa Panginoon ay dumadami ang mga tukso. Layunin na mailayo
tayo sa Diyos. Malalampasan natin kung tayo ay maglilingkod ng may kabaaan sapagkat
iyon ang maglalapit sa atin sa Diyos. Kababaan ang landas ng Diyos. Ang pagmamataas
ay naghihiwalay sa atin sa Diyos samantalang ang kababaan ay mag-uugnay sa atin sa
Diyos.

4.0 Konklusyon
Sinulat ang mga aklat para sa mga Carmelita. Gayunman, si Sta. Teresa ay para sa buong
Simbahan. Kailangang tandaan na ang Diyos ay nananahan sa atin. Makakasunod tayo sa
pagsunod sa kalooban ng Diyos at panalangin. Kailangan na nakaugat sa pagmamahal
Patuloy na sinasabi na ang kabanalan ay para sa lahat. Maging anuman ang katayuan sa
buhay ay tinatawag sa pakikipagkaisa sa Diyos na siyang tunay na hantungan na
magbibigay ng kahulugan sa buhay.
Tunay na tunay na ang lahat ay lilipas ngunit ang Diyos ay hindi magwawakas.

You might also like