You are on page 1of 3

“Ito’y sapat na: Diyos lamang.


*
Nada te turbe
Teresa de Ávila
Huwag mabalisa
Huwag mabahala
Lahat naglalaho
Diyos di nawawala
Nakukuha sa tiyaga
Lahat nakakamtan
Ang may hawak sa Diyos
Siyang di kinukulang
Ito’y sapat na:
Diyos lamang.
[Translated to Filipino by Eduardo José E. Calasanz, from his collection of poems,
“Nagdaraang Hangin” (Office of Research and Publications, 1991)]

“Ito’y sapat na: Diyos lamang.”


1. Panimula
Maraming mga naisulat na aklat si Sta. Teresa de Jesus. Naging daan ang mga
ito upang maraming mga tao ang maakay patungo sa Diyos. Nais kong banggitin
ang marahil ay pinakakilala na si Sta. Teresa Benedicta ng Krus [Edith Stein] na
naging Katoliko matapos mabasa ang Buhay ni Sta. Teresa. Napakatalino ni Edith
Stein at may lahi pa siyang Judio. Nabago ang buhay niya matapos makilala at
mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng mga sinulat ni La Madre. Patuloy ang
pagtuturo at pag-gabay ni La Madre. Sa totoo lang ay mas malapit ang puso ko kay
Sta. Teresita ng Niño Jesus subalit nakatulong ang ating pag-aaral upang muling
mabalikan si La Madre.
Para sa akin, napili ko ang panalangin ni La Madre na kilalang kilala. Para sa
akin, ito ang naging buod ng lahat ng kanyang nais ituro. Siya ay Doktor ng
Simbahan kaya hindi lamang siya para sa mga tumatahak sa landas ng Carmel, siya
ay para sa lahat. Isinalin ito sa Tagalog ni G. Eduardo Calasanz at nakalikha ng
napakagandang awit ang yumaong si Fr. Eduardo Hontiveros, S.J.
2. Pinakamahalagang Turo ni La Madre para sa akin- Sapat na ang Diyos
2.1. Kalagayan ngayon
Huwag mabalisa
Huwag mabahala
Laganap ang pagkabalisa lalo na sa Pilipinas dahil sa pandemya. Hindi lamang
dahil sa maraming nagkakasakit at namamatay kundi dahil sa laganap na kahirapan
at gutom. Marami ang nawalan ng hanapbuhay. Marami ang naaapektuhan sa pag-
iisip. Napakahirap mabuhay sa panahon ngayon.
2.2. Paalala
Lahat naglalaho
Diyos di nawawala
Marami ang nagising sa katotohanan na ang dati na naging dahilan ng katiyakan
tulad ng kayamanan at kapangyarihan ay panandalian lamang pala. Hindi ka
puwedeng iligtas ng pera o posisyon mo. Tanging Diyos lamang ang hindi
nawawala. Diyos lamang ang walang hanggan.
2.3. Kailangan ngayon
Nakukuha sa tiyaga
Lahat nakakamtan
Nabubuhay sa panahon na lahat ay mabilisan. Kahit sa pagkain ay puro
mabilisan. Sa iba pang aspeto ng buhay ay lahat ay mabilis. Naaala ko na dati sa
telepono ay kailangang dumaan sa operator para makatawag sa ibang bansa.
Ngayon sa isang saglit ay nakakausap mo ang sinuman kahit sa ibang bansa basta
maayos ang internet connection.
Marami sa atin ang naging mainipin. Hindi na natutong maghintay kasi lahat ay
nakukuha sa mabilisan. Kailangang matuto tayong maging matiyaga at maghintay.
Sa panalangin, kailangang matutong maging matiyaga upang mas madama natin
ang pagkilos ng Diyos.
2.4. Pangako ng Diyos
Ang may hawak sa Diyos
Siyang di kinukulang
Sa panahon ngayon ay mas nakita ang kapangyarihan ng Diyos. Talagang ang
Diyos kapag nangako ay tinutupad. Dadaan tayo sa mga pagsubok subalit hindi
niya tayo iiwanan. Palagi tayong sasamahan. Ang Diyos ang magpupuno sa
anumang kulang. Kailangan lamang na patuloy tayong magtiwala sa Diyos.
2.5. Pinakamahalagang katotohanang dapat tandaan
Ito’y sapat na:
Diyos lamang.
Masasabi natin na marami ang nakalimot sa Diyos. Maraming mga bagay na
mas inuuna. Mas naging mahalaga ang pera, kapangyarihan at kasikatan. Posibleng
mangyari din sa loob ng simbahan lalo na uunahin ang mga pagpapaganda ng
simbahan. Hindi ito masama pero huwag naman sanang maisantabi ang bokasyon
at misyon ng simbahan na maipahayag ang Mabuting Balita upang mailapit ang
mga tao sa Diyos na tunay na kailangan natin.
3. Konklusyon
Ipinaalala sa akin ni La Madre na ang Diyos ang pinakamahalaga sa lahat.
Kailangang patuloy akong manalangin at magmahal. Iyon ang kahalagahan ni La
Madre sapagkat dahil sa kanyang pinagdaanan ay naging daan upang siya ay
maging gabay natin sa paglalakbay upang makaisa ang Diyos.

You might also like