You are on page 1of 5

Koryne E.

Pangilinan November 13, 2021

BS Architecture 3-1

Lisyang Edukasyon sa mga Pilipino: Ang Patuloy na Pananakop

Marahil, lahat tayo ay may iisang kuro hinggil sa kung paano nakikita ang halaga ng
edukasyon sa bawat isa sa atin at sa ating kapaligiran. Bata pa lamang tayo ay mulat na tayo sa
nais ipabatid sa ating papel ng edukasyon sa ating buhay. Tayo ay tinaniman ng kaisipang, ang
edukasyon ay ang susi sa tagumpay. Na ang pangunahing layunin natin ay maging maalam sa
pagbasa, pagsulat, at pagkwenta. Naipabatid din sa atin na kunin at pagsikapang makamit ang
diplomang ninanais ng lahat upang maiahon daw tayo sa hirap. Subalit, ang mga layunin nga
bang ito ng edukasyon ang siyang tunay na papel nito sa ating buhay at sa ating bansa? Hindi
ba’t ang edukasyon din ang dapat magmulat sa atin sa mga nangyayari upang tayo ay makialam
at manghamig tungo sa demokratiko at pantay na lipunan? Maaring may iba’t iba tayo ng
kasagutan hinggil sa usaping ito, iisa lamang ang patutungohan ng ating diskuros, na ang ating
bansa ngayon at ang mga mag-aaral na Pilipino ay naisasailalim sa maling eduksyon na siyang
namumuno sa ating paglinang sa mahabang panahon.

Noong taong 1959, isinulat ni Renato Constantino ang isang kritikal na sanaysay na
pinamagatang “ Miseducation of the Pilipino/Lisyang Edukasyon ng mga Pilipino” na
naglalaman ng mga paliwanag at pagtuturo sa kung anong merong kamalian sa Sistema ng
edukasyon meron sa ating bansa. Tinalakay dito kung ano nga ba ang epekto ng kamaliang ito at
paano ito naging sanhi ng pagiging mabagal na pag-unlad ng bansa at pagkakaroon ng mga
mag-aaral na walang masyadong kamalayan sa usaping panlipunan at pulitikal ng ating bansa.
Karagdagan, isang diskursong naipatid dito na ang dahilan ng maling kamalayan ng mga
mag-aaral ay ang pagkakaroon ng sistema ng edukasyon na nakasandig sa sistema ng
Kanluranin. Ibig sabihin lamang, sistemang sinusunod sa bawat paaralan na siyang humuhubog
sa bawat mag-aaral ay walang pagkilala sa tunay na suliranin ng ating bansa at hindi nabibigyan
ng katuruan upang magkaroon ng makabansang pananaw ang mga mag-aaral. Ang buong
sistemang nakapulupot sa edukasyon sa ating bansa ay parang isang tulay na nagiging daan ng
mga Pilipinong mag-aaral na mas mag-isip na nakabatay sa pag-iisip o edukasyon sa Amerika at
napag-iiwanan ang dapat mas pagrtuonan ng pansin sa ating bansa.

Ang pagkakaroon ng sistemang makakanluranin sa ating edukasyon sa ating bansa ay ang


pagkakaroon ng mga Pilipinong hindi makaPilipinas kundi mas tinatangkilik ang banyagang
bansa. Isang epekto ng maling sistemang ito ay ang pagkakaroon ng makakakanluraning
pananaw ng mga mag-aaral sa paglutas o pagtingin sa suliranin at usaping panlipunan sa ating
bansa. Isang magandang halimbawa rito ay ang batayan ng pagiging matalino ng maraming
Pilipino. Marahil ay lahat tayo ay maalam sa kung paano tinitingnan ng karamihang Pilipino ang
isang taong matatas magsalita ng wikang Ingles. Para sa ibang Pilipino, ang isang tao na may
maliksing dila sa pagsasalita ng Ingles ay matalino at kahanga-hanga. Karagdagan, dahil sa
sistemang makakanluranin, ay naihiwalay ang mga Pilipino sa kanilang pagkakakilanlan na
binuo ng ating mga ninuno. Ang paglaganap ng paggamit ng wikang Ingles ay siya ring mabilis
na pagkakaroon ng mga Pilipino ng daigdig na naiiba sa kung paano ang mamuhay ang mga
Pilipino noon. Naging dahilan ang wikang Ingles sa pagkakaroon ng hat isa masang Pilipino na
kalaunan ay mapapansin ang pagkakahiwalay ng mga ilustrado at masa.

Kamalayan at pagkapukaw ang mga salitang nakakabit sa edukasyon. Ito dapat ang mga
ideyang dapat gawing layunin ng pagiimplementa ng isang Sistema ng edukasyon sa bawat
bansa. Paano magkakaroon ng kamalayan at pagkapukaw ang ating mga mag-aaral kung ang
sistemang lumilinang sa kanila ay patuloy na nagiging dahilan ng pagkamulat nila sa kung ano
nga ba ang adhikaing nararapat sa ating bansa. Isang magandang usapin diyan ay ang pagmamata
o pagmamaliit ng ilang mga Pilipino sa mga kurso sa kolehiyong nakatuon sa agrikultura,
kultura, at linggwistika. Pag sinabi mong Agrikultura o ang kurso mo sa kolehiyo ay BS
Agriculture o BS Fisheries, asahang mong may ilan-ilang mangmamaliit sayo dahil ang gawain
mo lang naman daw ay magtanim at mangisda. Sa bansang katulad nating maraming palayan at
palaisdaan, ang usaping hinggil sa agrikultura ay napakahalaga. Subalit dahil sa
makakanluraning pananaw ng karamihan, kakaonti lamang ang nagkakaroon ng interes dito na
kung saan dapat itong pagtuonan ng pansin dahil tayo ay napag-iiwanan na rito. Sa kabilang
banda, ang pagkakaroon ng kursong nakatuon sa kultura o wika ay hindi rin nakaligtas sa
pangmamata ng ilang Pilipino. Sa bansang katulad ng Pilipinas, ang pag-aaral ng wika at kultura
katulad ng antropolohiya at iba pa ay napakahalaga sapagkat magiging daan ito upang malaman
natin ang mabisang paraan upang magkaroon tayo ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba.
Subalit, dahil nga sa sistemang mayroon tayo sa ating bansa dumarami pa rin ang nagiging bulag
at walang kamalayan sa halaga ng mga usaping mas tumatalakay sa mga adhikaing nararapat
para sa ating bansa. Ang pagpatuloy ng pag-iimplementa ng makakakanluraning Sistema ng
edukasyon ay siyang patuloy na panganganak ng mga suliranin sa ating bansa.

Isang kritikal na usapin ang pulitika sa ating bansa, mapapansing gising na gising ang
mga pinoy sa kung paano pinapairal ang pulitika sa ating bansa. Ngunit, ang sistemang pulitikal
na mayroon tayo ngayon ay hango sa institusyong pulitikal na tinayo at dala ng mga Amerikano.
Nakakalungkot lamang makita at mapansin na ang pulitikang mayroon tayo ngayon sa ating
bansa ay isang replica o kopya sa makakanluraning pamamalakad. Hindi na bago sa ating lahat
ang pagiging madumi ng pulitika sa ating bans ana kung saan ito ay naihango sa Amerikano na
hanggang ngayon ay ramdam pa rin natin. Ang pagkakaroon ng paggamit ng impluwensya,
pangungurakot, palakasan, at pagiging sunod-sunoran sa kagustohan ng partidong
kinabibilangan. Nakakalungkot lamang na sa ganitong pamamalakad ay mas lalong humihirap
ang ating bansa at dahil ito sa maling edukasyong nailapat sa atin lalo na sa usaping pulitika.

Sa kabilang dako, dahil din sa makakanluraning Sistema ng edukasyon ay patuloy na


nararamdaman ang pagkawala ng demokrasya. Ang pagkakasakop natin mula sa Espanyol ay
naging dahilan ng pagkakabuo ng ideyang ang edukasyon ay isang pribilehiyo at hindi
Karapatan. Noong mga taong sinakop tayo ng mga Espanyol, kakaonti lamang ang nabigyan ng
pagkakataon na makapag-aral at sila ay tinatawag ng mga ilustrado. Dahil dito, kakaonti lamang
ang may kaalaman na makakatulong sa pagiging kritikal at hindi lamang iyan, kakaonti lamang
ang may pagkakataong magkaroon ng kakayahang makaintindi at makapagsalita ng wikang
banyaga katulad ng Ingles. Kaakibat nito, katulad ng napag-usapan kanina mataas ang tingin ng
mga ilan sa mga taong nakakapagsalita at nakakaunawa sa Ingles mula noon hanggang ngayon
hindi lamang iyan, dahil sa makakanluraning Sistema ng edukasyon kadalasang ginagamit sa
mga aralin sa uniberssidad pati na rin sa pagtalakay sa senado at iba sa telibisyon ay wikang
Ingles. Ang katotohanang may mga Pilipinong hindi makaunawa at makaintindi sa wikang Ingles
ang nagpapatibay sa usaping ang sistemang edukasyon na makakakanluranin sa ating bansa ay
hadlang sa demokrasya. Dahil dito, hindi lahat may pagkakataon maging maalam sa usaping
panlipunan at pang-ekonomiya at hindi lahat may kakayahang makapagbigay kuro sa diskursong
panlipunan. Ang dahilang ito ang mas lalong nagpapalugmok sa mga nasa laylayang Pilipino ay
nagpapakita lamang mas matindi at hindi pantay na epekto ng Sistema mula sa kanluran.

Ang patuloy na pamamayagpag nitong sistemang makakanluranin sa ating edukasyon sa


bansa ay patuloy na pagpapakita ng pagkakawala ng ating pagkakakilanlan at pagkakawala ng
mga Pilipinong makabansa. Nakakalungkot makakita o makabasa ng mga usaping may ilang
mga Pilipinong nagpapasalamat sa impluwensyang naibigay ng mga mananakop sa ating bansa.
Hindi maipagkakaila na may mga niambag sila sa atin subalit ang sambahin at bigyang
karangalan ay isang pambabastos sa mga Pilipinong nakipaglaban upang makamit ang Kalayaan
at mga Pilipinong nakaranas ng pang-aalipusta mula sa mga dayuhan. Ang sistemang mayroon
tayo ngayon sa edukasyon ay patuloy na binubulag ang mga mag-aaral sa kung gaano kalala ang
epekto ang pananakop sa ating bansa. May ilang-ilan nailalagay sa libro ang mga naidalang
kultura at pagkain sa ating bansa ng mga dayuhan at kasabay nito ay ang patuloy na pagkawala
ng kulturang hinubog ng ating mga ninuno. Iginigiit ng ilan na dinala ng dayuhan ang progreso
at Paraiso sa atin, subalit an hindi natin maintindihan na ang pagsakop na ito ay para lamang sa
kanilang sariling adhikain at hindi para sa atin ikakaunlad. Kung mapapansin maraming Pilipino
sa ating kasaysayan ang hindi sumang-ayon sa pananakop na ito at isa lamang pagpapaliwanag
na hindi matiwasay ang pananakop na ito subalit hirap makita ng iilang Pilipino dahil sa maling
edukasyong ating nakagisnan na mula rin sa mga mananakop na may pansariling interes.

Ang patuloy na pamamayagpag ng makakakanluraning Sistema sa edukasyon ay lubos na


nakakabahala dahil magiging dahilan ito upang mas lalong lumobo ang bilang ng mga Pilipinong
walang pananaw na makabansa. Mangyari sana na magkaroon ng panibagong Sistema ng
edukasyon na nakatuon sa tunay na adhikain ng ating bansa. Sistema ng edukasyon na
maglilinang sa mga mag-aaral hinggil sa kultura at pag-iisip na makapilipino. Mas bigyan sanang
pansin ang diskurso at tunay na pangyayari sa kasaysayan upang maipaliwanag lahat ng
katiwalian at maitama ang mali. Maging sentro sana ng pag-uusap ang paggait ng wikang
Filipino imbes na Ingles sa unibersidad, senado, at iba pang ahensya upang lahat ay magkaroon
ng kamalayan sa mga nangyayari. Mahalagang magkaroon ng Sistema ng edukasyon na
nakatuon sa tunay na kailangan ng bansa at makapagbuo ng mga mag-aaral na may makabansang
pananaw sa pmamagitan ng pagtatama sa maling naituro noon mula sa kasaysaya hanggang sa
kasalukuyan, paglinang sa tinay na kultura ng ating bansa, at ang paggamit ng sariling wika.
Mangyari sanang bigyan ng sapat at pantay na pondo ng gibyerno ang pag-aaral sa lahat ng
larangan lalo na sa agrikultura at kultura nang sa gayon ay magkaroon ng pag-unlad sa ating
bansa.

Ngayon na patuloy na tayong nababalot sa maling Sistema ng edukasyon sa ating bansa,


tayo sanang may kamalayan at may damdaming napukaw ay magsilbing daan upang
maipalaganap ang makabansang pananaw. Hindi pa huli ang lahat, gawinn natin ang mga
sususnod na bukas na makabago, makamasa, at makaPilipinong bukas na siyang magtatama sa
kamalian at maglilinang sa tunay na yaman ng ating bansa—ang mga kabataan. Gawin nating
layunin ang pagkakaroon ng bansang napapasailalim ng sistemang makabansa at hindi
makabanyaga. Patuloy tayong maging mulat sa katotohanan at manghamig ng sa gayon maitama
lahat ng katiwalian sa atinng bansa.

Mga Pinagkunan:

Constantino, Renato, The Mis-Education of the Filipino , Journal of Contemporary Asia, 1:1
(1970:Autumn) p.20

Salvador, M., (August 31, 2020). Pangil ng misedukasyon. Kinuha mula sa


https://www.rappler.com/voices/ispeak/opinion-the-fangs-of-miseducation

You might also like