Professional Documents
Culture Documents
Daigdig at sa Pilipinas
Ang kinikilalang pinakamabuting salin ng Bibliya ay ang salin ni Martin Luther (1483-
1646).
Ang kinikilalang “Prinsipe ng Pagsasalingwika” sa Europa ay si Jacques Amyot na siyang
nagsalin ng “Lives of Famous Greeks and Romans”(1559) ni Plutarch sa wikang Aleman.
Ang orihinal na manuskrito o teksto ng Bibliya ay sinasabing wala na. Ang kauna-unahang
teksto nito ay nasusulat sa wikang Aramaic ng Ebreo at ito ang pinaniniwalang pinagmulan
ng salin ni Origen sa wikang Griyego na kilala sa tawag na Septuagint gayon din ang salin
ni Jerome sa wikang Latin.
Ang tatlong itinuturing na pinakadakilang salin ng Bibliya ay ang kay Jerome (Latin), ang
kay Luther (Aleman) at ang kay Haring James (Ingles-Inglatera). Samantalang ang kauna-
unahang salin sa Ingles ng Bibliya ay isinagawa ni John Wyclif. Ang unang salin ng mga
Katoliko Romano ay nakilala sa tawag na Douai Bible. Sa lupong binuo ni Haring James sa
pagsasalin ng Bibliya, naging panuntunan na ang pagsasalin ay maging matapat sa orihinal
na diwa at kahulugan ng Banal na Kasulatan, dito nga nakilala ang “Authorized Version”.
Ang maituturing naman na pinakahuling salin ng Bibliya ay ang “The New English Bible”
(1970) na inilimbag ng Oxford University. Sa dinami-dami ng mga pagsasaling isinagawa
sa Bibliya, kinailangan pa rin ang muling pagsasalin dahil sa mga sumusunod na dahilan:
(1) Marami nang mga natuklasan ang mga arkeologo na naiiba sa diwang nasasaad sa
maraming bahagi ng mga unang salin; (2) Naging marubdob ang pag-aaral sa larangan ng
linggwistika na siyang naging daan ng pagpapalinaw ng maraming malabong bahagi ng
Bibliya; (3) Ang sinaunang wikang ginamit sa klasikang English Bible ay hindi na halos
maunawaan ng kasalukuyang mambabasa bukod sa kung minsan ay iba na ang inihahatid na
diwa.
Ang kalakhan ng kinikilalang mga akdang klasika ay ang mga orihinal na nasusulat sa
Griyego at Latin, ngunit ayon kay Gng. Virginia Woolf, ang alin mang salin ay hindi
makakapantay sa orihinal sapagkat ang wikang Griyego ay isang wikang maugnayin,
mabisa, tiyak at waring may aliw-iw na nakaiigayang pakinggan.
Dalawang pangkat ang mga tagapagsaling-wika sa Ingles ng wikang Griyego, ito ay ang
makaluma o Hellenizers at ang makabago o Modernizers. Ang layunin ng mga makaluma
ay maging matapat sa pagsasalin sa paghahangad na mapanatili ang orihinal na diwa at
katangian ng kanilang isinasalin kaya naman pinapanatili nila ang paraan ng pagpapahayag,
at balangkas ng mga pangungusap at idyoma ng wikang isinalin sa wikang pagsasalinan.
Kasalungat naman ito ng paniniwala ng mga makabago na nagsasabing ang salin ay dapat
nahubdan na ng mga katangian at idyoma at nabihisan na ng kakanyahan ng wikang
pinagsalinan.
Ayon naman kay Robert Browning, ang tagasaling-wika ay kailangang maging literal
hangga’t maaari maliban kung ang pagiging literal ay lalabag sa kalikasan ng wikang
pinagsasalinan.
Naniniwala naman si Robert Bridges na higit na mahalaga ang istilo ng awtor kung ang
isang mambabasa ay bumabasa ng isang salin. Sa kabila ng magkasalungat na opinyong
nabanggit ay may ikatlong opinyong lumitaw, ito ay ang paniniwalang hindi makatwirang
piliting ipasok sa wikang pinagsasalinan ang mga kakanyahan ng wikang isinasalin. Pareho
naman ang paniniwala nina Edward FitzGerald at Samuel Butler na alin mang salin ng mga
akdang klasika ay dapat maging natural ang daloy ng mga salita, madaling basahin at
unawain. Sa mga pagsasalin ni F.W. Newman sa mga akda ni Homer, pinilit niyang
mapanatili ang kakanyahan ng orihinal hangga’t maaari dahil naniniwala siya na kailangang
hindi makaligtaan ng isang mambabasa na ang akdang binabasa ay isa lamang salin at hindi
orihinal. Sumasalungat naman sa paniniwalang ito si Arnold na tagapagsalin din ni Homer.
Ayon sa kanya, ang katapatan sa pagsasalin ay hindi nangangahulugan ng pagpapaalipin sa
orihinal na wikang kinasusulatan ng isasalin. Samantala, unti-unting nahalinhan ng Roma
ang Atenia bilang sentro ng karunungan nang mga panahong iyon.
Ayon kay C. Day Lewis sa kanyang pagsasalin ng “Aeneid” ni Virgil (na siyang
pinakapopular sa panulaang Latin) sa wikang Ingles, upang mahuli ng tagapagsalin ang
tono at damdamin, kinakailangang magkaroon ng ispiritwal na pagkakaugnayan ang awtor
at ang tagapagsalin.
1. Kasaysayan ng Pagsasaling-wika sa Pilipinas
Ang kasaysayan ng pagsasaling-wika sa Pilipinas ay mahahati sa limang yugto: Panahon ng
Kastila; Panahon ng Amerikano; Panahon ng Patakarang Bilinggwal; Panahon ng
Pagsasalin ng Panitikang Di-Tagalog at Panahon ng Afro-Asian Literature
Isa sa mga tagasaling marami ang naisaling klasikong akda ay si Rolando Tinio. Ang mga
dulang isinalin niya ay ipinalabas sa mga piling teatro sa Kamaynilaan lalo na CCP.
Isang magandang proyekto rin ang isinagawa ng National Bookstore (1971) kung saan
ipinasalin ang mga popular na nobela at kwentong pandaigdig at isinaaklat upang magamit
sa paaralan. Ang ilang halimbawa ay ang mga kwentong “Puss N’ Boots”, “Rapunzel”,
“The Little Red Hen” at iba pa.
Nagkaroon din ng Pagsasalin ang GUMIL (Gunglo Dagiti Mannurat nga Ilocano. Pumili
ang mga manunulat na Ilocano ng mahuhusay na kwento sa wikang Iloco at isinalin sa
Filipino, pagkatapos ay ipinalimbag ang salin at tinawag na KURDITAN. Sa pamamagitan
ng pagsasalin, ang mga kwentong orihinal na sinulat sa Iloco ay nalagay na sa katayuan
upang mapasama sa pambansang panitikan sapagkat meron nang bersyon sa wikang
pambansa.
Ayon kay Isagani Cruz, “Para tayong mahihina ang mga matang mas madali pang makita
ang malayo kaysa mga likha ng mga kalapit bansa natin.” Ang pagsasama sa kurikulum ng
panitikang Afro-Asian ay masasabing pagwawasto sa pagkakamali sapagkat noong mga
nakaraang panahon mas binigyang halaga ang pagsasalin ng panitikang Kanluranin at hindi
ng panitikan ng mga kalapit na bansa.
Kaugnay nito nagkaroon ng pagsasalin ng isang pangkat ng mga manunulat ng mga piling
panitikan ng mga kalapit na bansa (pinondohan ng Toyota Foundation at Solidarity
Foundation) na tinawag na Transalation Project.
Pinangunahan naman nina Rolando Tino at Behn Cervantes ang pagsasalin ng banyagang
akdang nasa larangan ng drama.
Samantala, may ilan ring pangkat o institusyong nagsasagawa ng mga proyektong
pagpapaunlad ng wikang pambansa, ito ay ang NCCA (National Commission on Culture
and Arts) at PETA (Philippine Educational Theatre Association). Isinalin naman ng
Komisyon sa Wikang Filipino ang mga karatula ng iba’t ibang departamento at gusali ng
pamahalaan, dokumento, papeles para sa kasunduang panlabas, Saligang Batas at iba pa. Sa
kabila ng mga kasiglahang nabanggit, ang pagsasaling-wika bilang isang sining ay hindi pa
gaanong nakakalayo sa kanyang kuna o duyan, lalo na kung ihahambing sa antas ng
kaunlaran sa larangang ito sa ibang kalapit-bansa natin sa Silangang Asia. Ang isa pang
hindi naisasagawa hanggang sa ngayon ay ang paghahanda ng isang talaan ng mga
tagapagsaling-wika o registered translators. Maaaring isagawa ng Komisyon sa Wikang
Filipino ang paghahanda ng kinakailangang mga instrumento sa pagsusulit at sistema o
prosedyur sa pagwawasto at iba pang bahagi ng proseso. Ang pagtatatag ng samahan sa
pagsasaling-wika ay maaaring makatulong nang malaki sa pagpapasigla ng mga gawain sa
larangang ito.