You are on page 1of 1

“Halaga ng Piso"

Isang makinang na bagay ang aking nasilayan,

Tila walang halaga kaya ayaw pulutin sa daan,

Naka-ukit dito'y mukha ng isang bayaning puno ng kagitingan,

Nawalan na rin ba s'ya ng halaga 'gaya ng pisong nakakalat sa lansangan?

Isang bayaning armas ay papel at panulat,

Upang tuldukan ang huwad at katotohanan ay isiwalat,

Sapagkat nais niyang ang sambayanan ay bumalik sa ulirat,

Tunay ngang susi sa kalayaan ang hatid ng kaniyang mga aklat.

Kagaya niya'y minsan rin akong tumulong at hindi naghintay ng kapalit,

Hindi nakita ng iba sapagkat kanilang mata'y nakapikit,

Nagsabi ng totoo ngunit kanilang pagsang-ayon ay ipinagkait,

Hindi pinahalagahan dahil buhay ay sadyang may halong pait.

Sa kasalukuyan, pagpapahalaga sa nagawa ng iba ay tila naglalaho,

Ngunit tandaan na hindi mabubuo ang isang libo kung wala ang piso,

Marahil sa paningin ng iba ay napakaliit lamang ng halaga nito,

Datapwat hahanapin mo ito kapag kinulang ng piso ang pamasahe mo.

Hindi man ako 'gaya ni Rizal na ini-ukit sa anumang sentimo,

Marahil minsan ng nagmarka ang aking kabutihan sa kanilang puso,

Dahil ang pagiging isang bayani ay hindi nasusukat sa ganda ng rebulto,

Ito ay nakikita sa hangarin ng puso at sa pagpapakatotoo.

You might also like