You are on page 1of 6

ANG BIGAT NITONG KAGAANAN

Isang maikling dula ni Markus Aserit

Tauhan:

A – pintor/artist, 28

J – empleyado, 29

Tagpuan:
Entablado
-----------------------------------------------------------
(Mula sa dilim ay makikita ang entabladong walang laman at dalawang
tauhan. Maglalakad si A, sinusundan siya ni J. May dalang mabigat na
suitcase si J. Sa bigat ng suitcase, hinihila na niya ito. Si A naman
ay may suot na magaan na canvas bag.)

EKSENA 1

J: Saan ba tayo pupunta? Kanina pa tayo lakad nang lakad… at puwede


bang bagalan mo nang kaunti? (Hinihingal.)

A: (Hindi sasagot.)

J: Teka! Saglit lang.

A: (Titigil sa paglalakad.)

J: Hintayin mo naman ako. Hindi mo ba nakikita ’tong bitbit ko?

(Susubukang buhatin ang suitcase para ipakita sa mga manonood kung


gaano kabigat ito.)

A: (Magbubuntonghininga.) Ganito na lang ba palagi? (Pause.) Hindi


kita puwedeng hintayin sa lahat ng pagkakataon. Bakit hindi mo kasi
subukang sumabay? Ganu’n ba kahirap ’yun. Alam mo kung ganyan ka wala
tayong pupuntahan. Bakit hindi mo ba kasi mabitawan ’yang bigat na
dala-dala mo?

J: Ilang beses na ba natin ito pag-uusapan? Hindi nga puwede. Hindi sa


lahat ng pagkakataon ikaw ang masusunod. Ikaw, bakit hindi mo subukan
na magbibit ng bigat?

A: Ako magdadala ng mabigat? Bakit ko naman gagawin ’yun. Ikaw,


mamatay ka ba kung iiwan mo ’yan? (Ituturo ang suitcase.) Tignan mo
ako. (Itaas niya ang kanyang mga kamay. Ipapakita ang kagaanan ng
kanyang bag na dala-dala.) May nawala ba sa akin noong iniwan ko ang
mga kabigatan ko? Wala naman di ba?

J: Magkaiba tayo. Ikaw, kayang-kaya mong iwanan ang mga iyon. Hindi
puwede sa akin. Kailangan ko itong dalhin.

A: Well, kung ganyan ka, lagi ka talagang maiiwan. You have to make
some sarifices, you know.

J: Alam mo, ayan ka na naman. Paulit-ulit na. Hindi nga kasi tayo
magkaparehas. May mga matulin maglakad pero sa bandang dulo mapapagod
na at hindi na makakarating sa pupuntahan. (Pause.) Mayroon din naman
na dahan-dahan pero siguradong makakarating sa paroroonan.

A: So saan ka doon? Siyempre sa pangalawa. Gusto mo ikaw palagi ang


bida e. Kung hindi mo kayang iwan ang bigat na ’yan, bakit hindi ka
maghanap ng makakatulong? Sorry, pero hindi ako iyon. Or try to buy
new shoes. O kaya palakasin mo ang katawan mo para bumilis ang lakad
mo. Sinasabi ko lang ito pero huwag kang umasa sa akin. Dapat
matutuhan mo ’yan sa sarili mo.

J: Sinusubukan ko naman sumabay. Baka lang masyado kang mainipin.


Masyado ka kasing nagmamadali. Walang namang deadline. Kanya-kanya
naman tayo ng pacing.

A: (Maglalakad palayo kay J. May malaking pagitan na sila sa isa’t


isa.)

A: (Pasigaw habang naglalakad palayo.) Ganito na lang kung hindi mo


talaga kayang sumabay ako na ang mauuna. Hintayin na lang kita sa
pupuntahan natin.

J: Pupuntahan? So ngayon alam mo na ang pupuntahan mo?


Congratulations.

A: (Mapapaisip.) Oo… Oo alam ko kung saan ako pupunta. Hindi ko naman


kailangan sabihin sayo lahat. (Maglalakad pa palayo kay J.)

J: Ano? Lakasan mo nang kaunti. Hindi kita maintindihan.

A: Ang sabi ko hintayin na lang kita sa kabila!

J: Ano?

A: Lagi naman tayong hindi nagkakaintindihan. Maghiwalay na muna tayo


ng landas.
(Lalabas si A ng entablado.)

(Maiiwan si J sa entablado. Magri-ring ang cellphone niya. Kukunin


niya ito mula sa kanyang bulsa.)

J: Hello? Yes sir ginagawa ko na po. Opo, na-apply ko na lahat ng


revisions ni client. Fina-follow up ko na rin po ’yung ibang supplier
sa cost nila. Yes sir. (Pause.) Nasabihan ko na rin po sila. Bigyan
daw nila ako ng update mamaya. Yes, ready na ’yung presentation. ’Yung
bagong logo? Ah tinatapos pa raw ng artist. Sinabihan ko na i-email
niya sa akin kaagad at i-message niya ako kapag napadala na niya. Yes
sir tapos na rin ’yung. (Pause.) May hinihintay na lang akong ibang
assets. Opo. Opo. I-email ko na lang sir mamaya.
(Ibababa ang cellphone. Ngunit hindi pa niya ito naibabalik sa bulsa
ay muli na naman itong magriring.)

J: Hello Ma? Opo naipadala ko na kahapon. Kasama na doon ’yung para sa


koryente at internet. (Pause.) Ha? Kailan ho nangyari? (Pause.) Ah
nakabalik na kayo sa bahay. Mabuti naman. Sabihin ninyo kasi kay Tatay
huwag na masyadong puwersahin ang sarili. Hindi pa po ako makakauwi
ngayong Sabado. May bagong kasi kaming project. Sige nay, tawagan ko
rin si ate para may mag-asikaso sa inyo diyan. Sige. Lab you.

J: (Maglalakad muli sa entablado dala-dala ang suitcase. Bubuksan niya


ito. May kukunin na journal. Babashin niya ang nakasulat.)

March 23, 2017. Baguio. Pagkatapos ng tatlong oras na biyahe,


nakarating na rin kami sa wakas. Ito ang unang out-of-town trip namin.
Wala naman kaming ginawang plano pero masaya ang tatlong araw naming
bakasyon. Pakiramdam naming kami si Jessie at Celine ng “Before
Series.” Hindi kami maubusan ng mapag-uusapan habang magkahawak-kamay
kaming naglalakad sa Session Road.

(Mapapatigil si J sa pagbabasa. Mapapatingin siya sa mga manonood.


Lilinga-linga sa paligid.)

J: (Sa sarili.) Magkahawak-kamay kaming naglalakad. Nagkasabay kami.


Sabay na naglakad sa patutunguhan. Pero saan banda kami nagkahiwalay
ng landas? Saang kanto kami nahiwalay sa isa’t isa? May nakita ba
siyang mas magandang daan? May nakilala ba siyang bagong makakasabay?

(Pause.)

Pero hindi na mahalaga iyon. Mukhang tapos na ang aming paglalakbay na


magkasama. (Mapapatingin sa notebook na hawak.) At bakit hawak ko pa
ito?
(May kukunin pa siyang mga gamit sa loob ng suitcase at ikakalat ito
sa entablado—teddy bear, mga lumang damit, mga retrato.)

J: (Papunta sa manonood. Susubukan buhatin ang mas magaan nang


suitcase.) Mas maganda na. Mas madali nang dalhin. Ngayon ko lang
naramdaman ulit ganitong gaan ng pakiramdam. Matagal-tagal na rin.
Ngayon may espayo na para sa mga bagong puwedeng bitbitin.

(Lalabas ng entablado si J.)

---------------------------------------------------------

(Papasok si A. Magri-ring ang cellphone niya.)

A: Hello? Yes Ma’m. Oo naman natapos ko na ’yan. (pause) Ma’m may


sasabihin pala ako sa inyo. Matagal ko na po itong pinag-isipan pero
gusto ko na po sanang umalis. (Pause.) Opo ma’m buo na po ang desisyon
ko. Wala pa naman po akong lilipatan. Balak ko mag-aral ulit. (Mas
mahabang patlang.) Okay ma’m maraming salamat po.

A: Akala nila magpapatalo ako sa kanila? (Mapapairap.) Walang


makapipigil sa akin. Isa akong malayang nilalang. Akala ba niya sila
lang ang kompanya na mapapasukan ko? Excuse me kayang-kaya ko lumipat
sa iba. Pero siyempre hindi ko dapat iyon ipakita. I have to stay
humble no matter what.

(Mag-riring ulit ang cellphone. Kukunin niya ito mula sa bulsa.


Titignan niya muna kung sino ang tumatawag)

A: Hello ate? Ah umalis kasi ako sa bahay. Pero may iniwan ako diyan
para kay papa. Kunin mo na lang sa ibabaw ng ref. Oo, uuwi naman ako
sa susunod na linggo. Mag-tetext na lang ako. Sige, oo basta may
gagawin pa ako. Tawagan ko na lang si mama. Okay ba-bye.

A: Teka nawala na ako sa gagawin ko. Ah oo nga. Kailangan ko pa


tapusin itong painting para sa exhibit ko.
(Kukuha ng paintbrush mula sa canvas bag niya. Magpipinta sa hangin,
ngunit biglang mapapatigil.)

Bakit ko nga ba ginagawa itong art-art na ito. Bakit hindi ako kagaya
ni J na walang inatupag kung hindi ang trabaho niya.

Pero well, I’m doing this for my self expression. I want my audience
to feel what I’m feeling, or be the voice of the feelings that they
are feeling. I’m an artist!
Anyway, nandito na naman ako sa punto na iniisip kung bakit nga ba ako
nagpipinta. Well, titigil na lang siguro ako kapag naging kilala na
akong artist. ’Yung may international awards at sunod-sunod ang
exhibit. ’Yung tipong hindi na ako etsapuwera sa mga shows.

J: (Off stage.) Ganyan din sinabi mo nu’ng gusto mong maging writer!

A: Ha? Sino nagsabi nu’n? Hindi ba puwedeng nagbabago tayo bilang tao?
Alam mo kung mananatali ka lang kung nasaan ka, walang mangyayari.
Hindi ba puwedeng gusto ko naman maging pintor ngayon?

J: (Off stage.) Hindi mo alam ang gusto mo!

A: Sino ’yan? Tumahimik ka! Hindi mo ako kilala. Hindi mo alam ang
pinaghirapan ko para mapunta dito. Wala kang karapatan para pigilan
ako!

(Biglang mapapatigil muli si A. Mag-iikot sa entablado. Malalim ang


iniisip. Hindi mapakali. Titigil siya sa gitna at mapapatitig sa
sahig.)

A: (Sa sarili.) Pero ano nga ba ang gusto ko? Ano nga ba ang
direksiyon na pupuntahan ko. Ano itong kagaanan na nararamdaman ko?
Bakit may bigat? Bigyan ninyo ako ng problema! Bigyan ninyo ako ng
alalahanin!
Pero hindi. Hindi. Kaya ko ito. Ako ay isang malayang nilalang. Walang
makakapigil sa akin. Walang makakatali sa akin.

(Magdidilim ang entablado.)

(Papasok ulit ng entablado ang dalawang karakter. Magkakaroon ng


pakpak si A habang si J ay may suot na malaking sapatos. Mananatili
ang pagitan nilang dalawa sa isa’t isa.)

J: Sa wakas! Natupad na ang pangarap mo! Isang ka nang ganap na


malayang nilalang! Puwede ka nang pumunta kahit saan. Totoong wala
nang makakapigil sa iyo. (Sa sarili.) Mababawasan rin ang bigat na
dala-dala ko.

A: (Tatawa nang malakas.) Oo naman. Ito talaga ang gusto ko. Ang sa
wakas ay maging malaya. Wala nang makakapigil sa akin. Gusto ko maging
pintor. Gusto ko maging manunulat. Gusto ko magtayo ng sarili kong
bahay. Gusto ko magtayo ng negosyo. Lahat ng iyon ay magagawa ko na.
Lahat ng iyon ay abot-kamay ko na. I’m sorry J dahil hindi ka magiging
parte ng mga iyon. Lumaki lang ang sapatos mo, pero you are the same
person. Pero huwag kang mag-aalala nandito pa rin ako nakamasid para
sa iyo. Papanoorin na lamang kita mula sa malayo habang inaabot mo ang
mga pangarap mo. Ikaw ba kamusta ka na? Bukod sa mas malaki mong
sapatos, may bago ba sa iyo?

J: Well simula noong nagkaroon na tayo ng pagitan sa isa’t isa mas


marami na akong oras ko para sa sarili. At ibig sabihin din noon mas
marami na akong nagagawa, hindi katulad ng dati. Mas makakapag-focus
na ako sa trabaho ngayon na may mas malaking sapatos na akong
kailangan punan.

At isa pa, marami ka pa palang gamit na naiwan sa apartment.

A: Ah wala na akong pakialam doon. Puwede mo na ipamigay ang mga iyon.


Isa pa, alam mo naman ako ayaw ko ng maraming bibitin.

(Bigla mapupunta ang spotlight kay A.)

A: (Sa manonood.) Kailangan ba ako matututong lumapag? Lagi na lang ba


akong nakalutang at hindi na alam kung kailan makakatapak muli sa
lupa? Nakakasawa na ang lumipad. Walang masama sa mangarap. Likas sa
ating lahat iyon. Pero kung minsan gusto ko ng direksiyon. ’Yung alam
ko kung saan ako pupunta katulad ni J. Si J na desidido sa lahat ng
kanyang ginagawa na parang alam na niya sa simula pa lang na ito ang
gagawin niya buhay. Ngunit ako, kailan ko malalaman ang gusto ko.

(Lilipat ang spotlight papunta kay J na nasa kabilang bahagi ng


entablado.)

J: Gusto kong lumipad! Maranasan ang gaan ng buhay. Maramdaman ang


kalayaan. Gusto ko nang bitawan itong dala-dala ko. Gusto ko nang
hubarin ang mga sapatos na ito. Lahat ng pumipigil sa akin.(Hihinga
nang malalim.)Pero minsan naiisip ko rin kung bakit siya umalis at
gustong lumipad. Hindi ko pa rin maintindihan kung gano’n nga ba
talaga. Kailangan ba munang magkulang bago tuluyang makumpleto?

END

You might also like