You are on page 1of 2

LIWANAG NG TATLONG BITUIN

ni: Cee-Jay E. Trinidad

(ilan sa mga pangyayari rito’y nakabatay sa mga tunay na pangyayari ngunit ang ilan
nama’y hango sa aking imahinasyon)

Makikita ang apat na lalaking nakaupo sa isang damuhan at ang liwanag ng


buwan at ng mga bituin lamang ang makikita sa kanilang mga mata. Ito ay si Emilio,
labinlimang taong gulang, kasama ang kaniyang mga matatalik na kaibigang sina
Mariano, Jose at Jacinto, tatlo sa mga kilalang pari sa kanilang nayon. Nakatingala ang
mga ito sa maliwanag na kalangitan, nagbabakasakaling iyon ang makapagbibigay sa
kanila ng pag-asa mula sa malagim na sinasapit ngayon ng kanilang mahal na bayan.
“Ang ating Pilipinas noo’y isang bayang payapa’t nagkakaisa, ngunit bakit tila lahat ng
iyon ay naiwaksi simula noong ang mga Kastila na ang naghari-harian sa sarili nating
bansa?”, makahulugang tanong ni Emilio. “Aba’y hindi ko rin mawari, maging kaming
tatlo rin ay nawawalan na rin ng pag-asang tayo ay tuluyan pang makawawala sa
kamay ng mga Espanyol.”, pagsagot naman ni Jose. “Mabuti pa nga ang mga bituin,
malaya’t payapang nagniningning at kumikislap lamang sa kalangitan, kung
magkakaroon man ako ng isang kahilingan ngayong gabi, nawa’y tayong tatlo’y, maging
isa na rin lamang sa kanila.”, malungkot na sabi ni Mariano.

Pagsapit ng umaga, nakahanda na ang mga kagamitang dadalhin ni Emilio sa


kaniyang pagpasok sa paaralan. Nang tingnan niya ang kalendaryong nakasabit sa
pader, ang nakasaad dito’y taong 1872, araw ng Lunes. Nawiwili si Emilio sa pagpasok
sapagkat, bukod sa bihasa na ito sa pagsulat ng baybayin at maalam na rin pagdating
sa kultura ng Pilipinas, matututuhan na rin niya ang wika, kultura at paraan ng
pamamahala ng mga Espanyol. Sa kaniyang paglalakad, nadaanan niya ang kumpul-
kumpol na mga Pilipinong tila ba may sinasamba at sabay-sabay na nag-aawitan. Sa
kaniyang pagmamasid, naramdaman niya ang tawag ng kalikasan kaya’t nagpasya
itong pumunta sa bakanteng loteng matatagpuan sa likod ng lugar na tinatawag nilang
simbahan. Ngunit, pagkarating niya rito’y hindi ito natuwa sa kaniyang nasaksiha’t
nagdulot ito ng kaguluhan sa kaniyang isipan. Naroroon ang mga Kastilang naghuhukay
sa lupa kahit tirik na tirik na ang araw at patuloy ang pagtulo ng mga butil ng kanilang
pawis. “Dito, hukayin mo pa bandang dito!”, nasisiyang pagsigaw ng mga ito. Nang
kanilang bungkalin mula sa lupa ang bagay na kanilang itinuturo, tila matutumba na si
Emilio sa kaniyang kinatatayua’t nanlaki ang kaniyang mga mata. Ang bagay na
nagmula sa lupa ay isang pagkakalaking piraso ng gintong natatakpan ng sikat ng
araw. Napabulong si Emilio sa sarili dahil sa kaniyang nadatnan, “Sa likod ba ng
pagpapalaganap ng Kristiyanismo at pagababahagi ng karunungan ng mga Kastila sa
mga Pilipino ay ang pagkamkam sa mga kayamanan ng sarili kong bayan?”.

Ilang taon na ang lumipas ngunit hindi pa rin nawawaglit sa isipan ni Emilio ang
kaniyang nakita ng araw na iyon. Sa halip na hayaan ang ganitong gawi ng mga Kastila,
inaral niya ang Alpabetong Romano, kanilang wika, uri ng pamamahala at maging ang
kanilang kultura kasama ang mga kapwa Pilipino dahil ito ang nakikita nilang paraan
upang matigil na ang pamamahala at paghahari-harian ng mga Kastila sa sarili nilang
bayan. Nagtungo rin sa ibang bansa ang ilan sa mga kilalang personalidad sa kanilang
bayan upang kumuha ng karunungan tulad nina Dr. Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena,
Antonio Luna at Marcelo H. Del Pilar. Ang ilan sa kanila’y nagsulat ng mga akdang
nagsasaad ng pagiging makabayan, masidhing damdamin laban sa mga Kastila,
paglalantad ng mga makabuluhang impormasyon at malubhang kalagayan ng mga
Pilipino sa sariling bansa. Ang mga gawain nilang ito’y naging daan upang kahit
papaano’y magkaroon man lang ng pantay na tingin at pagkilala sa mga Pilipino sa
sarili nilang bansa.

Ngunit, sa kabila ng mga nakatutuwang kaganapang ito, ang tatlong pari ay hindi
nasiyahan sa gawi ng ilang mga Pilipino dahil mas nawiwili na silang yakapin ang
Wikang Kastila samantalang, ang sarili nilang Wika’t pinag-ugatan nito ay tuluyan nang
natatabunan. Napansin din ng tatlong pari na ang kaibigan nilang si Emilio, na
itinuturing na rin nila bilang isang anak ay nakatuon na lamang ang atensyon sa pag-
aaral ng Wikang Kastila at papaano sila tuligsain kung kaya’t ang kaniyang kaalaman at
kahusayan sa pagsasalin ng baybayin ay patuloy nang nabubura sa kaniyang isipan.
Hindi nagpatinag ang tatlo kaya’t nagpasya silang kausapin ang mga Kastilang
namamahala sa kanilang bansa. “Dapat niyo nang itigil ang pagpapayakap at pagtuturo
ng sarili niyong Wika sa mga kapwa kong Pilipino.”, maawtoridad na salubong ni
Jacinto. “Aba’t sino ka para turuan ang isang katulad ko, nabibilang ka lang din naman
sa mga Pilipinong mangmang. Natatakot ka bang tuluyan nang mamatay ang inyong
wika’t kultura?”, nangingisi nitong tanong. “Sabihin na nating kami nga ay mga
mangmang, ngunit, bakit ni isa sa inyo’y hindi napansing ang pagpapayakap at
pagtuturo ng sarili ninyong wika, kultura’t paraan ng pamamahala ay magiging daan
para sa mga katulad kong Pilipino upang matiyak at malaman kung papaano namin
kayo uusigin?”, sarkastikong tanong naman ni Mariano. Naglakad na ang tatlo palabas
habang ang Kastila namang iyon ay napahiya sa harap ng maraming tao at nag-iinit na
ang ulo.

Sa kabilang dako, makikita si Emilio na nagpupuyos ang damdamin. “Kayo raw


ba ang nag-utos sa pamahalaang Kastila na itigil na ang pagtuturo ng sarili nilang
wika?”, agad na tanong ni Emilio pagkapasok sa silid ng tatlo kita ang galit sa kanyang
mga mata. “Oo, kami nga.”, tugon ni Jose. “Bakit niyo naman ginawa iyon? Hindi niyo
ba nakikitang iyon na lamang ang natatanging paraan para matuligsa ang mga
Espanyol?”, tanong muli ni Emilio habang mabilis ang bugso ng kanyang damdamin.
“Ngunit, kasali ba sa pagtuligsa at pag-usig sa mga Kastila ang paglimot sa sarili nating
wika, sa sarili nating kultura? Paano natin tutuligsain ang wika’t kultura ng kalaban kung
ang sarili nating wika mismo ay hindi natin magawang ipaglaban at namamatay na?”,
pagsagot naman ni Mariano. “Ni pagsalin nga sa baybayin hindi mo na magawa.”,
pagtutuloy nito. “Puwede bang kami naman ang unahin mo? Kaibigan mo rin kami,
tutulungan ka namin sa iyong layunin.”, sabi ni Jacinto sa kaniya. Hindi pa rin
maipaliwanag at matiyak ni Emilio kung ano ang dapat niyang maramdaman kaya’t
nagdesisyon na lamang ito na tuluyan nang umalis. “Hindi mo rin naman gugustuhing
mawala kami sa tabi mo.”, mga huling katagang narinig niya sa tatlo nang siya’y
naglakad palabas ng pinto.

Limang araw pa ang nagdaan bago niya tuluyang naintindihan ang pinupunto ng
kanyang tatlong kaibigan. Tinanggap niya ito nang maluwag at sinubukan niya ring
aralin nang kaunti ang baybaying matagal na nawala sa kaniyang isipan. Nagpasya
itong humingi ng tawad kaya dumaan muna si Emilio sa isang maliit na karinderya, dito
sila madalas bumili ng ulam kasama ang mga kaibigan. Nang iabot ng matanda ang
pinamili niya ay may kasama itong maliit na piraso ng papel. “Iyan pala iyong
ipinapaabot na papel ng mga kaibigan mo.”, pagpapaliwanag ng matanda. “Maraming
salamat po!”, pagpapasalamat dito ni Emilio. “Balita ko’y may tatlong tao raw na
bibitayin ngayong araw. Sila raw ang mga namuno sa mga propagandista at nilabag
nila ang batas ng mga Kastila. Kaya’t bantayan mo ang mga kaibigan mo’t sabihing
mag-iingat sila.”, pagkukuwento ng matanda. “Mababait po ang mga iyon, hindi nila
magagawa ang mga ganoong uri ng gawain.”, nasisigurong tugon ni Emilio. “Kahit pa,
ang ilan nga’y hindi naman nakagagawa ng anumang pagkakasala at pinagbibintangan
lamang ngunit kinikitil pa rin ang buhay.”, pagbabanta ng matanda habang bumubulong.
Nang magtungo si Emilio sa silid na tinitirhan ng tatlo ay wala sila rito. Inilapag niya
muna ang kaniyang pinamili sa lamesa at ang kapirasong papel ay nanatiling hawak ng
kaniyang mga kamay, baka mayroon itong importanteng mensahe. Habang naglalakad-
lakad at nagpapalibot-libot sa kanilang bayan ay unti-unti niyang binabasa ang
mensaheng nakasulat sa papel, ito’y nakasulat sa baybayin. Ang araw na ito ang
nakatakda…pagbabasa niya rito. Patuloy lamang ito sa paglalakad hanggang sa
makita niya ang isang lugar na kumpul-kumpol ang mga tao ngunit, hindi niya pa rin
matanaw kung ano ang mayroon doon. Lalo pa siyang lumapit at pilit na tumingkayad
hanggang sumalubong sa kaniya ang katawan ng tatlong lalaking nakasabit na lamang
sa lubid, puting-puti na at hindi na rin gumagalaw na agad niya ring nakilala. Parang
nabiyak ang kaniyang puso at nagsimulang mamuo ang luha sa kaniyang mga mata.
Nang basahin niya ang mga huling kataga sa kapirasong papel ay tila hindi na ito
makahinga at babagsak na sa pagkakatayo…sa aming pagkakabitay, paalam. Hindi
niya maipaliwanag ang nararamdaman at parang sinasaksak ang kaniyang puso.
Kinuha ng mga Kastila mula sa kaniya ang buhay ng kaniyang tatlong kaibigan.
Tumingala ito sa langit upang pigilan ang nagbabadyang pagtulo ng kaniyang mga luha.
Natanaw niya ang kalangitan na walang gaanong bituin at ang buwan ay natatakpan
lamang ng kadiliman. Nang ilibot niya ang kaniyang mga mata, napansin niya ang
tatlong bituing malayang nagniningning at kumikislap sa isang sulok ng kalangitan,
kaya’t mapait itong napangiti. Ang tatlong bituin lamang na iyon ang siyang nagbibigay
at nagsisilbing liwanag sa madilim at masalimuot na gabing hindi niya kailanman
malilimutan.

-WAKAS-

You might also like