You are on page 1of 1

1995. Alas singko ng umaga sa Caniogan, Calumpit, Bulacan.

Kung saan ako nanirahan nang matagal na


panahon. Nagising ako sa sunod-sunod at malakas na tilaok ng mga manok na alaga ng aking Tito Lito. Si
Tito Lito na kapatid ng aking Ina. Ang bahay namin ay karugtong ng lumang bahay na kanila namang
tinitirhan. Maaga. Magsisimulang sumikat ang araw. Naririnig ko pa ang kwentuhan ng aking ama at ina
habang umiinom sila ng kape kasabay ng pagkain ng pandesal na isinawsaw ditto, gayon din ang tunog
ng kawali habang nagluluto ng agahan ang aking Tita Cristy. Maya-maya pa ay nagising na din ang aking
mga kapatid- sina Kuya Alvin at Onad. Gayon din ang aking mga pinsan-sina Ate Cathy at Ate Me.
Habang si Ate Inah ay nasa sarili pa nyang silid. Siguro ay napuyat dahil sa panonood ng paborito nyang
palabas kung saan ang bida ay ang kanyang paboritong artista- si Mikee Couangco.

Sabay sabay kaming nag-agahan. Sa ilalim ng puno ng kawayan. Sa isang mahabang mesa. Nakaupo sa
upuang gawa din sa kawayan. Kasama sila Kuya Bekong, Tita Elvie atbp. Malamig ang simoy ng hangin
sapagkat nalalapit na ang kapaskuhan. Pinagsasaluhan ang pritong itlog, hotdog at sinangag na kanin na
natira kahapon. Kasabay ng kwentuhan tungkol sa kung anu-anong bagay na maisip at maalala. Rinig mo
ang mga boses at mga tawanan kasabay ng tunog ng mga dahon at ng mga langitngit ng kawayang
sumasayaw sa ihip ng hangin.

Pagkatapos nito ay didiretso na kami sa paglalaro o di kaya naman ay tutulungan muna namin si Ate Me
sa pagwawalis at pagdadampot ng mga tuyong dahon na nalaglag mula sa puno ng mangga at duhat sa
harapan ng kanilang bahay. Maya-maya pa ay sisimulan na namin ang paggawa ng duyan gamit ang
lubid at sako na itinali ni Tito Lito sa magkabilang sanga ng puno na matatagpuan sa gilid ng kanilang
bakuran. Sila Kuya naman at Kuya Bekong ay naglalaro ng video games sa kanilang bahay. Street
Fighters. Super Mario.

Simple lang ang buhay noon. Ginugugol namin ang maghapon sa paglalaro sa basketball court na nasa
harapan ng bahay nila Tito Mario. Puno ng pawis. Amoy araw. Puno ng dumi ang mukha mula sa
maghapong paglalaro na ang tanging inaalala lang ay huwag kang matalo sa laro. O di kaya naman ay
maabot mo ang base o makatungtong ka sa kung ano mang maaaring tungtungan nang hindi ka mataya
sa larong Langit Lupa. Marami pang iba’t ibang laro tulad ng Patintero at Agawan Base na madalas
maging dahilan nang pagkasugat ng tuhod at pagkakaroon ng gasgas ng mga kamay. Masakit. Pero hindi
mo na iindahin dahil natatakpan ito ng sayang nagmumula sa puso. Saya na dala at dulot ng kabataan.
Saya na dulot ng buong pamilya. Saya na dulot ng pagmamahal na nagmumula sa mga taong nakapaligid
sayo. Hanggang sumapit ang dapithapon at maramdaman ng murang katawan ang pagod mula sa
maghapong pagtakbo. Ngunit ganoon pa man, hindi doon natatapos ang saya.

May mga bagay na hindi nawawala sa isipan at habang buhay na nakaukit sa puso. Matutulog kami na
tabi-tabi sa sala ng bahay nila Tita Cristy. Magkekwentuhan ng mga nakakatakot na istorya at mga
kwento ng kabataan nila Nanay at Tita, hanggang sa dalawin at hindi na naming makayanan ang antok.

Pipila sa tuwing darating si Tito Lito galing sa sabungan, at aabutan kami ng balato. Maghihintay sa
pagdating ni Tito Mario tuwing pasko dahil siguradong ang bawat isa ay may matatanggap na regalo.
Minsan may kaunting tampuhan. Nagkakaroon ng asaran. Pero sa huli, maayos din ang lahat. Sabi nga
nila, kami at kami pa rin ang magdadamayan, kami at kami pa rin ang magtutulungan. Diba nga? Sa huli,
pamilya pa rin ang iyong uuwian.

Ang sarap alalahanin ng nakaraan. Ang nakaraan na kailanman ay hindi na pwedeng balikan ngunit
hinding hindi malilimutan. Habang buhay na mananatili sa puso at isipan. Nakaukit. Nakatatak. Marami
man ang nagbago at patuloy na magbabago, lumakad man tayo sa magkakaibang daan at tumungo sa
magkakasalungat na landas, dumaan man ang mahabang panahon at baguhin man tayo ng masalimuot
at marahas na mundong ito, Isa lang SIGURADO ako- babalik at babalik pa rin tayo sa lugar kung saan
nagsimula ang lahat. At pag-uugnayin pa rin tayo ng pagmamahal at pag-ibig na nagmumula sa isang
salitang hindi kailanman maglalaho at mawawala- PAMILYA.

Pagmamahal na walang katumbas. Pagmamahal na hinding-hindi mawawala. Pagmamahal kung saan


tayo nagmula. Pagmamahal na kailanman ay hinding-hindi magigiba.

You might also like