You are on page 1of 1

PAANO AKO UMABOT DITO.

Humakbang. Isa. Dalawa. Hindi ko na mabilang pa. Patuloy lang ako sa paghakbang hanggang sa
makarating sa lugar na hindi ko dapat puntahan. Pero akin pa ring pinuntahan sapagkat alam kong ito
ang kasagutan. Kasagutan nga ba? Mahahanap ko nga ba ang sagot sa lahat ng mga tanong na naipon ko
sa aking puso at isipan. Mga tanong na patuloy na gumugulo. Mga tanong na patuloy na nagpapahirap
sa kaloob-looban. indi ko na maarok. Hindi ko na maintindihan. Hindi ko na matagalan, hanggang sa
mawalan na ako ng pakiramdam.

Hindi ko na maramdaman ang sakit. Hindi ko na malasahan ang pait. Baka namanhid na. Baka sumobra
na ang sakit na noon ay tila para akong pinutulan ng kamay at paa. Hindi na makabangon pa sa kamang
tila patuloy akong hinihila. Niyayapos. Niyayakap, hanggang sa hindi ko na gustuhing bumangon pa.
Wala na akong lakas. Wala na akong maibibigay. Wala na akong mailalabas pa. Ubos na. Said. Wala na.

Ngunit ang sabi nila. Ang sabi nya. “Arte lang yan.” “Masyado mong hinehele ang iyong pakiramdam.”
“Huwag mong pansinin at mawawala rin ‘yan.” Sinubukan ko. Sinubukan kong alisin sa isipan. Iwaksi ang
nararamdaman. Alam ng bawat sulok ng aking silid ang hirap. Ang sakit. Ang pait. Kung paano kong
minumura palayo ang mga boses na naglalaro sa aking isipan habang nalulunod ako sa mga luhang
walang tigil sa pag-agos at pagpatak. Ang mga boses na nagsasabing, “hindi mo kaya”. “Sumuko ka na.”
“Wala kang laban.” Wala kang kalaban-laban. Ngunit mas malakas siya. Pero malakas din naman ako.
Malakas ako. Pinilit ko. Sinubukan ko. Sa mahabang panahon. Sa lahat ng pagkakataon. Ngunit sa huli,
nagapi rin niya ako. Sinubukan kong kumawala sa mga tali na gumagapos sa aking mga kamay at paa.
Buong puso. Buong lakas akong humihiyaw. Humiyaw ako. Malakas. Nakabibingi. Pero. Ngunit. Walang
nakaririnig.

Marahil ay hindi nila narinig. Marahil ay hindi nila nakita. O baka naman, wala lang talaga silang
pakialam. Kasalanan ko, marahil. Wala silang kahit anong makikita. Wala silang kahit na anong maalala.
Sapagkat itinago ko ang lahat sa aking mga ngiti. Sa aking mga halakhak at tawa. Mga ngiting umaabot
hanggang tainga. Mga halakhak na parang wala nang bukas pa. Mga tawa na para bang kay saya. Mga
tawang unti unti umuubos sa akin. Tulad ng kandila, sinubukan kong magbigay liwanag. Nilakihan ko ang
mga ngiti upang matabunan ng liwanag nito ang ang kung anumang mabigat na nasa dibidb ko. Subalit
ang akala kong liwanag na magbibigay buhay akin, ay siya palang unti-unting kikitil sa akin.

Madilim ang gabi. Tahimik. Tulog ang kalahati nitong mundong inakala kong magiging mabuti sa akin.
SInubukan kong tumawag. Malakas. Ngunit tulad ng dati, walang nakarinig ng mga hiyaw. Ng mga
palahaw. Sapagkat ayaw nilang makita ang lungkot sa mga mata. Sapagkat ayaw nilang marinig ang mga
drama.

Humakbang akong muli. Humakbang pa hanggang sa marating ko ang dulo. Ang dulo nitong hagdanan
na kanina ko pa binabaybay. Wala sa sarili. Ngunit wala na ring takot. Wala na ring pakialam. Malamig
ang hangin. Umiihip at tumatagos sa manipis na t-shirt na aking suot. Ramdam ko ang lamig. Pero
manhid na ang puso at isipan. Natatanaw ko mula rito ang mga ilaw mula sa ibaba. Ang magulong
kalsada. Ang mga naggigitgitang mga sasakyan at ang mga taong walang kamalay-malay. Walang
kapagod-pagod na harapin at magpatuloy sa buhay. Buti pa sila. Buti pa sila. Ngunit sinubukan ko.
Sinubukan kong magpatuloy. Ngunit pagod na ako. Wala na akong lakas. Wala na akong kayang ibigay.
Wala na akong mailalabas pa. Ubos na. Said. Wala na.

Paano nga ba ako umabot dito? Dito kung saan wala ng daan pabalik. Dito kung saan wala nang
makaririnig. Dito kung saan wala na akong dapat pang patunayan. Dito sa may hangganan. Dito sa
katapusan. Wala ng luha pa. Wala ng sakit pa. Wala ng hirap pa.

At sa huling pagkakataon, ako’y humakbang pa. Patungo sa dito. Sa dito na wala ng daan pabalik. Sa dito
na wala nang makaririnig. Sa dito na may hangganan. Sa dito na may katapusan. Sa dito na wala ng luha
pa. Wala ng sakit pa. Wala ng hirap pa.

You might also like