You are on page 1of 3

Sa Wakas

By: Keysie Gomez

november 27, 2016

Sa apat na titik daw masusukat kung naging matagumpay ka sa buhay o hindi.

Ang apat na ito daw ang hudyat ng isang makabagong mundong ang hatid sa’yo ay

‘gabundok na problema ng samu’t-saring tao…

ngunit hindi ka manghihina, kundi ay mas lalakas ka.

Ang apat na mga letrang ito ang magsasabi sa’yo na matamis ang dati’y mapait,

at masarap ang dating mapakla.

Ang mga gabing iginugol mo kasama ang kape at energy drink,

Ang mga araw mong lumilipas nang hindi mo namamalayan kung nagsisimula pa lang o patapos
na,

Mga araw na nagtatanong ka sa kaibigan mo kung anong araw na,

Dahil Linggo lang ang tanging araw na para sa’yo ay mahalaga.

Sinanay mo ang sarili mo sa apat na taong pagpasan ng mabibigat na libro,

Kaya naman hindi na nakapagtatakang kinaya mong buhatin ang anim na buwang

malayo ka sa pamilya.

Nasilayan ng lahat ang pag-aliwalas ng mukha mo noong nakaupo ka na sa silya sa bus,

Dahil kung para sa iba ay mag-uumpisa na ang impyerno, para naman sa’yo

ay magbubukas na ang paraiso.


“Sa wakas,”, bulalas mo, “Mag-ba-bar na ako!”

Sabay hawak sa codals at reviewer mong hindi mo naman nagawang basahin gawa ng
magkahalong nerbyos at pagkasabik.

Ilang taon mo din ‘tong hinintay.

Simula siguro noong unang araw pagkatapos mong ilipat ang sablay sa kabilang balikat, o di
kaya ay nung inihagis mo ang toga hat sa ere.

Ilang kaarawan din ng mga ka-tropa ang hindi mo dinaluhan para mag-memorya ng probisyon sa
Saligang Batas na hindi mo naman masaulo nang letra-sa-letra.

Ilang letrato rin ng salu-salo ng pamilya ang tinutukso na lang na idikit ang mukha mo dahil
habang nagdiriwang sila, heto ka, at inuubos ang natitirang hiya mo sa coffee shop na pang-isang
kape lang ang kaya ng bulsa.

Ilang kaklase na rin ang nasubaybayan mong lumaban, at sumuko. Mga kaluluwang sumubok,
ngunit hindi na sumugal pa. Pero tingnan mo, naririto ka pa.

Sa mga panahong akala mo’y masisiraan ka na ng bait ay naging mas matatag ka pa.

Ang mga gabing inakala ng iba’y lulunurin mo ang sarili mo sa luha ay ibinuhos mo sa
pagsusulat sa kwadernong hawig ng ibibigay nila.

Ang mga bungangang inaksaya ang laway sa paghila sa’yo paibaba, ngayon ay tikom na.

Walang sinuman o anuman ang makahahadlang sa tulad mo, dahil matibay ka.

Isa kang dyamanteng dumaan sa apoy, nasaktan, napaso, ngunit hinding-hindi madudurog ng
mga unos.

Sa wakas, ay natapos mo na.

Ang apat na titik sa ngayo’y inihahanda na sa araw ng paghahandog.

Ang katagang ‘to ang magdadala sa’yo sa pinagpalang pulo kung saan iilan lang ang
pinahihintulutang makadako.

At isa ka sa mga pinagpalang iyon.


Katulad ng pagliwanag ng kalangitan noong una mong nasilayan ang ngalan mo sa listahan
noong musmos ka pa,

Ganoong-ganoon din ang eksena sa tabing nang ihayag na ang resulta.

Isa ka nang ganap na tagapagligtas, tagapagtaguyod at opisyal ng batas.

At kung sa ngayon ay isa ka lang nangangarap,

hayaan mo, malapit na, ito rin ay magaganap.

*Alay sa mga Barristers ng 2016 Bar Examinations at sa constant prayer ko po kay Lord.

God bless you, future lawyers!

You might also like