You are on page 1of 2

Paano ba Umalis kung saan mo ako iniwan ?

Paano ba umalis kung saan mo ako iniwan

Sa pook kung saan nagdilim ang kalawakan

Paano ba umalis kung saan mo ako iniwan

Pakiusap, pakiusap ako nama'y iyong turuan

Paano ba humakbang kung saan ka huminto

At tuluyang kumawala sa nagsara nating pinto

Hindi ko maintindihan, hindi ko agad napagtanto

Kung bakit ikaw ang aking nobela kahit isa lamang ako sa'yong yugto

Paano ba magpatuloy kung saan ka tumigil

Sa pook kung saan mo ako itinakwil

Pinagtulakan mo man ako ngunit pagibig ko'y di nasupil

Hihintayin kita rito't magdamag na hihimpil

Paano ba umakyat kung saan ako nahulog

Tila hindi na yata ako magigising sa mahaba kong pagkatulog

Bakit hindi ko magawang apulahin ang iniwan mong sunog

Bakit hindi ko magawang bunutin ang iniwan mong mga bubog

Paano ba tandaan kung bakit mo ako nilimot

Upang ako'y makalaya sa guni-guni kong baluktot

Nabubuhay na lang yata ako para kainin ng takot

At tuluyang lamunin ng daigdig ng bangungot

Paano ba maglaho kung saan kita hinahanap

Upang ang pait ng tadhana'y hindi ko na malasap


Hindi na yata ako makababangon sa idinulot mong saklap

Dahil dumating ka sa isang pikit at nawala rin sa isang kurap

Pakiusap, ako'y iyong turuan

Paano ba sumuko kung hindi ka naman lumaban

Pakiusap, ako'y iyong turuan

Paano ba umalis kung saan mo ako iniwan

You might also like