You are on page 1of 2

Hindi maikakaila na nakaukit na sa kasaysayan ng mundo ang isa sa mga matitindi at

nakahahawang sakit noong ikalabintatlong siglo na kung tawagin ay Black Death, o Salot na
Itim. Naging sanhi ito upang mawasak ang halos kalahati ng Europa, at karatig nitong kalupaan.
Lumipas ang mga taon na muli namang sinubok ang katatagan ng sanlibutan nang mabalot ang
mundo ng pangamba at pag-aalinlangan dahil sa nakatatakot na kalaban — COVID-19.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, may mga handang mag-alay ng kanilang mga kamay at puso.
Isa sa mga halimbawa nito ay ang kadakilaan ni San Roque sa gitna ng nakamamatay na
epidemya. Noong siya ay naglalakbay patungong Roma, nasasakihan niya ang bayang punô ng
may karamdaman. Subalit, hindi ito naging hadlang upang magmalasakit ang banal — isang uri
ng pag-aalay ng sarili nang may buong-pusong pagtanggap at walang pasubali. Kaya siya ay
maituturing na nakahahangang inspirasyon, lalo na sa mga nakikibaka sa gitna ng mundong
walang-kasiguraduhan ngayon.
Bilang kabataan, masasabi kong lahat tayo ay may kaniya-kaniyang misyon. Ngayong
pandemya, napagtanto ko ang tatlong bagay na sumasalamin sa iba’t ibang aspekto sa aking
buhay.
Una, nahanap ko ang aking sarili sa mundo ng pamumuno. Noong una akong pumasok sa
bokasyong ito, akala ko ay hindi ako karapat-dapat na maging lider sapagkat lagi akong
pumapalpak — sa halalan, sa gawain, at sa mga desisyon ko sa buhay. Minsan na akong
naligaw sa aking paglalakbay, ngunit napagtanto ko ang isang bagay — ang magtama ng mga
nalilihis ng landas sa pamamagitan ng pamumuno. Tulad ni San Roque, ako ay nanatiling
matatag sa tulong ng aking pananampalataya sa itaas. Sa ngayon, ako ay nakaupo ako bilang
pangulo ng katatag pa lamang na organisasyon, ang Dagitab PH. Ako rin ay aktibo sa iba’t
ibang mga samahan.
Natagpuan ko rin ang aking indibidwalidad sa pagiging tagapagtaguyod ng pagbabago. Bilang
mamayan sa bayang kulang ng pansin, saksi ako sa kabi-kabilang kawalan ng pagtanggap sa
iba’t ibang mga usapin, lalong-lalo na sa kalusugang pangkaisipan. Sa tagal ng panahon,
nananatili pa rin itong hindi nakikita at binibigyang-atensiyon sa lipunan, at kung minsan, ito rin
ay pinandidirihan ng karamihan. Nang binago ng pandemya ang mundo, napilitan ang lahat na
lumapat sa bagong normal, dahilan upang mahirapan ang ilan, lalo na sa edukasyon. Maging
ako mismo ay nakaramdam ng pagod, pagkabagabag at nagkaroon ng hindi malusog na pag-
iisip.
Anuman ang kalbaryong aking napagdaanan, hindi madaling naghilom ang sugat, bagkus,
kinakailangan ng sapat na oras, pagmamahal sa sarili, kalinga ng mga mahal sa buhay, at
matatag na pananalig. Kasabay ng panunumbalik ng aking lakas ang pagbibigay ng suporta sa
hindi pinakikikinggan at nawawalan ng pag-asa. Sa ganoong paraan, hindi ko lamang
napagpapabuti ang aking kalagayan, nalalabanan ko rin ang totoong salot sa lipunan — ang
estigmang pilit na sumasarado sa silbi at puwesto ng mga dumaraan sa ganitong pagsubok.
Patunay lamang na hindi kailanman nagiging balakid ang iniindang karamdaman upang
makapagbigay ng simpatiya at awa sa iba, gaya ni San Roque.
Ikatlo, mas pinanday pa ng pandemya ang aking espiritwal na koneksyon. Dahil sa pandemya,
mas napaigting ko ang aking kaugnayan sa aking pananampalataya gamit ang isang
pinakamabisa at pinakamalakas na kapangyarihan — ang panalangin. Naging proteksyon at
sandigan ko ito upang malabanan ko ang takot at virus, kasama ang pagsunod sa alituntuning
pangkalusugan.
Pananalig, pagmamalasakit, at pananalangin — ito lamang ang ilan sa mga humubog sa aking
sarili. Humugot ako ng inspirasyon sa buhay ng dakilang banal na si San Roque, at sa
kalangitan, kung kaya’t nagawa kong buuin at patatagin muli ang pundasyon ng aking buhay.
Minsan man akong nalunod sa kawalan ng pag-asa, ngunit nakaahon akong muli dahil sa aking
pananampalataya.

You might also like