You are on page 1of 2

Ang sulatin na “Kaalamang Bayang Dalumat ng Pagkataong Pilipino” ay isang

pamamaraan para sa mas malapit na pagkilala at pag-aaral ng pagkataong Pilipino sa


disiplinang Antropolohiya. Ito ay tungo sa mas lapat na pagsasalarawan sa pagkataong
Pilipino na nakaayon sa konteksto ng sariling kultura — na isang hakbang na
paghahawan ng mga disiplinang kaugnay sa larangan ng Sikolohiyang Pilipino. May mga
salik na bumubuo sa pagkataong Pilipino na mauunawaan sa pamamagitan ng
pagbabaklas ng mga parte na bumubuo sa “pagkataong Pilipino”, na batay sa kultura,
paniniwala at kinagawian ng mga Pilipino, o “Kaalamang Bayan”. Sa pamamagitan ng
konseptong “Metapora ng Katawan at Banga” malilikha ang isang sistema o teorya
tungkol sa “Pagkataong Pilipino” at “Katauhan ng Pilipino”—na maihahalintulad sa
isang “banga” na may “Labas, Loob, at Lalim”. Sa pamamagitan ng teorya ng 
“Tambalan ng Loob at Labas”, maipapaliwanag ang  “pagkataong Pilipino” batay sa
iba’t-ibang parte ng katawan na magkakapares tulad ng (1) Mukha at Isipan; (2) Dibdib at
Puso; (3) Tiyan at Bituka; (4) Sikmura at Atay.

Sa konteksto ng Kaalamang Bayang Dalumat ng Pagkataong Pilipino, bilang isang


Kasaysayan ng Ideya. Itinatayang ang kilusang ito ang magbibigay-daan sa akmang
pagsisimula ng historiographiyang Pilipino, ng Pagsasakasaysayang Pilipino. Kasaysayan
ibig sabihin, mahalagang salaysay/ kwento/ paglalahad ang matandang Pilipinong
dalumat para sa historya. Binubuo ito ng mga piling, pasalitang naratibo kabilang na ang
mga kwentong-bayan, henealohiya, awit, at ritwal ng mga sinaunang pamayanan.
Gayunma’y masaklaw na naputol ang tradisyong ito nang dahil sa naganap na
kolonisasyong pulitikal ng arkepelago at pangkaisipang pagsasawalang-bahala (kabilang
na rito ang pagbansag sa kanila bilang “barbaro”, “mangmang”, “pasibo”, “minoryang
kultural”, “katutubo”) ng mga mamamayan doon. Mistulang pinigil ang dalumat ng
kasaysayan mula noon; habang ito’y pinalitan ng Kanluraning historiá, kung saan ang
mga sinaunang pamayanan ay ipinahahayag bilang mga obheto o bahagi ng mga
karanasan ng Iba lamang. Ang historiá’y walang iba kundi mga naratibo ng mga
manlulupig na dayuhan, na nagkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga katutubong
pamayanan. Ito ang kikilalaning Philippine history and historiography sa mga susunod na
taon. Ipagpapatuloy at itataguyod ito ng mga (makadayuhang) edukadong Pilipinong
historyador. Mananatili, bilang resulta, ang makadayuhang/ dayuhang pananaw ng
karaniwang Pilipino sa kanyang sariling kasaysayan. Magaganap lamang ang
malawakang pagbabago sa kalakarang ito simula noong dekada 70, sa panahon ng krisis
sa pagsasakatutubo ng pambansang agham panlipunan. Lumabas na hindi na lubos na
angkop ang proseso ng etikong pagsasakatutubo doon; kinailangan nang isakatuparan,
nang dahil dito, ang proseso ng emikong pagsasakatutubo. Sinimulan at isinakatuparan
ang nahuli sa disiplinang historya sa pamamagitan ng Pantayong Pananaw ang
eksklusibong, panloob na Pilipinong punto-de-bista sa kasaysayan. Palagiang isinasalalay
sa PP ang organikong,
historiko-kultural na kasarinlan ng pamayanang Pilipino. Para sa historyador, simula ito
ng kanyang matalinhagang pagbabalik sa kanyang sarili at sa kanyang bayan sa kanyang
tema at publiko. Para sa disiplina, simula naman ito ng malawakang nakasulat na
diskursong Pilipino. Mapamaraang susulatin dito ng historyador and isang mahalagang
kasaysayang Pilipino, ang modernong kasaysayan ang Bagong Kasaysayan. Lilikhain,
samakatuwid, mula sa puntong ito ang kasaysayang ukol, para, at gawa sa Pilipino;
sisimulan ang isang Pagsasakasaysayang Pilipino pagpapatotoo ng pag-aangkin ng
agham, isang masalimuot na prosesong alalumbaga’y isang paninindigang pulitikal,
bahagi ng pakikipagsapalaran ng pamayang Pilipinong igiit ang kanilang karangalan at
katauhan sa ngayon at sa tinitingnang kinabukasan, lalung-lalo na sa gitna ng kinikilala sa
kasalukuyang mitolohiya ng globalisadong pamayanan.

You might also like