You are on page 1of 9

Punla ng Kasalukuyan, Sandigan ng Kinabukasan

Sabi nila, ang halaman daw kapag nababalot ng kadiliman o tila nagagawang magtiis

sa kakulangan ng sapat na paglinang, ay hindi bumubusilak at nagbubunga, maaaring

nalalanta, o nawawalan ng potensiyal na tumindig muli at buong tatag na harapin ang mga

hamon na kahaharapin pa nito sa pagsulyap sa paparating ng bukang liwayway. Ngunit ano

man ang hadlang, basta’t may sandigang matatag na mga ugat na patuloy na pinatatalas at

pinatitibay ng pagpapahalaga, pag-aalaga at pagpapayabong, hindi maikakailang aani ng

magandang bunga.

Sa paglipas ng panahon at patuloy na pakikipagtunggali natin sa COVID-19, hindi

maitatanggi ang katotohanang sinalamin at pinalala pa nito ang mukha ng mga suliraning

nakaukit na sa ating bansa at sa mga mamamayan nito. Ngunit sa paglaon ng oras ay tila

humigpit pa ang hawak ng mga suliranin na ito sa ating mga leeg at ibinaon ang mga kuko,

nagpapahiwatig na tila wala na tayong kawala pa, kung kaya napuno ng pangamba ang

milyon-milyong Pilipino lalo na ang mga nasa laylayang nayanig ang mga mundo dahil dito.

Tila pinagsakluban ng kalupaan at kalangitan ang buong daigdig dahil hindi lamang

nito ninakawan ang bawat isa ng kakayahan na magpatuloy sa kani-kanilang mga

pagsusumikap na makapamuhay, kinadena rin nito ang mga mag-aaral na aabutin ang mga

bituin para sa kanilang pangarap na pag-unlad at pamumuhay nang malusog at matiwasay

kasama ang kani-kanilang pamilya at komunidad. Ngunit pangarap na lamang ba ito?

Isa sa mga ating karapatan bilang sangkatauhan ang makatamasa ng ating mga

pangunahing pangangailangan gaya na lamang ng pagkain na ating pinagkukuhanan ng sapat

na lakas at nutrisyon.
Ngunit sa kasalukuyan, ang kalam ng sikmura ay nagagawa ng pagtiisan at kaibigan

na ang turing ng karamihan. Ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA,

2015), halos 8.2 milyong Pilipino ang nakararanas ng kawalan ng seguridad sa pagkain at

araw-araw, 95 na kabataang Pilipino ang namamatay bunsod ng malnutrisyon at kagutuman

na siyang nag-uugat sa hindi maarok na antas ng kahirapan pati na rin ang kakapusan ng

produksyon sa larangan ng agrikultura.

Naging madilim man ang paligid at niyakap man ng mga pangamba, takot, at duda

ang ating mga pangarap at pamumuhay, sa ating paglalakbay ay unti-unti namang umusbong

ang tila mga tangkay at ugat na tayo’y lubhang inakay at pinagyaman dahil sa pagbibigay

nito ng kakayahan sa atin na labis na nakatulong upang ating gapangin ang daan papunta sa

liwanag ng kinabukasan.

Bunga ng pananatili sa mga kabahayan at pagkakaroon ng oras sa ating mga palad,

naging kasangga na natin ang paghahalaman at pagtatanim, namulat tayo sa ganda ng proseso

nito at natuto tayong magbigay atensyon at pagkalinga dito.

Kapalit ng inihahandog nating pag-aalaga sa ating mga tanim, tayo ay nabibigyan ng

kakayahang gamitin ito bilang sandata tungo sa pagkamit ng seguridad sa pagkain dahil

nagsisilbi itong pundasyon sa pagkakaroon ng isang sistemang sustainable, lokal, at organic.

Bagaman small-scale na produksyon ng gulay ang nangyayari sa isang hardin o gulayan sa

kabahayan at komunidad, nakapagsusuplay ito ng pagkain na hindi lang maaaring ikonsumo

ngunit ay magsilbi ring pang hanapbuhay sa bawat miyembro ng pamilyang nakikiisa sa

lipunan.

Bawat, tangkay at ugat ng ating mga pananim na sumisibol ay naging panibagong

mga pahina sa pagbangon, kung kaya naman ay nagkaroon ng iba’t ibang programa ang

aming eskwelahan mula sa isinunusolng ng Departamento ng Edukasyon na humihikayat at


nag-uudyok sa mga kabataang estudyante at mamamayan na gampanan ang kanilang papel sa

kanilang mga tahanan, sa komunidad, sa ating kalikasan para na rin sa kanilang kalusugan sa

pamamagitan ng simpleng pagtatanim ng gulay sa kanilang mga bakuran at kabahayan.

Hinikayat din ito ng Department of Education sa pamamagitan ng pagpapatupad at

pagpapalaganap ng Gulayan sa Tahanan o Urban Gardening sa nilabas na memorandum na

Regional Memorandum No. 057, s. 2022 na halaw sa DepEd Memorandum No. 223 s, 2016

na siyang naglunsad ng Gulayan sa Paaralan Program (GPP) kung saan parehong binigyang-

linaw at isinusulong ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang gulayan sa mga kabahayan

man o sa paaralan bunsod na rin sa kawalan ng kakayahan ng mga mag-aaral na pumasok sa

mga paaralan at para na rin sa kooperasyon ng mga indibidwal sa komunidad.

Itinatag nito ang pundasyon hindi lamang para sa kaalaman ng mga mag-aaral sa

paggamit ng paghahalaman bilang sandata tungo sa seguridad sa pagkain at nutrisyon kundi

pati na rin tungo sa pagkakabuklod-buklod ng bawat miyembro ng isang pamilya sa

pamamagitan ng aktibong pakikiisa at pagsuporta sa mga aktibidad na benepisyal gaya nito.

Dahil sa pagpapatibay at patuloy na pagsulong ng programang ito na Project GAME

na konektado sa Gulayan sa Paaralan Program (GPP), nagsagawa rin ang aming paaralan na

Bataan National High School-Junior High School BNHS-JHS ng isang inobasyon upang

mapalaganap at higit na mapayabong ang mga layunin ng Department of Education sa new

normal at tinawag itong Project PUNLA (Pagtatanim ay Ugaliin Nutrisyon sa guLAy ay

kamtin) na pinangunahan ng School Gulayan Coordinator na si Sir Jonathan Nayre.

Dinala ng inisyatibong ito hindi lamang sa aming paaralan kundi pati sa tahanan at

komunidad ang adhikaing malugod na isabuhay ng bawat mamamayan ano man ang kanilang

lahi, edad o kasarian ang pagsasakatuparan ng pangangalaga sa mga gulayan nang mayroong

pakikibahagi at kolektibong kolaborasyon ng bawat isa, maliit man o malaki.


Namukadkad ang layunin ng inobasyon at programang ito sapagkat sa pamamagitan

ng mga butil ng kaalaman at kakayahan na sa amin ay ibinahagi, napanghawakan namin

bilang mga mag-aaral ang tunay na sining ng paghahalaman at pagtatanim na buong pusong

aming tinanggap sapagkat nang dahil dito, nasa palad na naming mga mag-aaral at

mamamayan ang oportunidad na punan ang mga puwang sa kalusugan at nutrisyon ng aming

mga sarili at ng aming pamilya.

Ang Project Punla (Pagtatanim ay Ugaliin Nutrisyon sa guLAy ay kamtin) na naging

inspirasyon ang Project GAME at Gulayan sa Paaralan Program (GPP), na iprinoklama ng

aking paaralan na Bataan National High School-JHS, ay ikinintal sa aking isipan ang

katotohanang nahuhulma ng bawat punlang itinatanim natin ang ating kalusugan, pisikal at

mental na kalagayan sa kadahilanang nagagawa nating maging miyembro ng lipunang

kinikilala ang ekolohikal, nutrisyonal at ekonomikal na potensiyal ng mga gulayan sa

kabahayan, paaralan at bilang isang paraan sa pagtataguyod ng isang sigurado at panatag na

kabuhayan.

Ito ang naging patunay ng kapangyarihan ng pagpapatatag ng kaalaman ng mga

kabataan at mamamayan upang isakatuparan ang paghubog sa mga benepisyo ng

pagpapasigla sa ganitong paraan ng paghahalaman at pagtatanim bilang sandigan ng isang

lipunang may seguridad sa ating batayang pangangailangan at malagong kalusugan,

ekonomiya at kalikasan.

Sa tila nahintong pagsibol ng ating bansa nang dahil sa COVID-19, hindi maikakaila

ang katotohanang namulat din ang karamihan sa dambuhalang patuloy na kinakalaban ng

bawat isa sa kasalukuyan sa kadahilanang isa itong konsepto kung saan nakaangkla ang

buhay ng bawat nilalang hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa mukha ng daigdig.
Tambad, kahindik-hindik at halos hindi na maatim ang antas ng gula-gulanit na

pagbabagong nararanasan sa klima ng mundo. Bagyo at ulang sing titindi ng isang

nagngangalit na leon, init at tagtuyot na nag-aalab gaya ng pinapakuluang isang arkipelago:

iyan ay ilan lamang sa mga pangyayaring patuloy na nararanasan ng bansang Pilipinas sa

kasalukuyan.

Bunsod ng nangyayaring climate change, hindi lamang kinakailangan kundi isang

pananagutan na ang pagiging environmentally conscious kung kaya naman ay malaki ang

ginagampanan ng bawat hakbang patungo sa pag-ayon at pag-angkop sa mga programa at

inobasyon gaya na lamang ng Project GAME na binibigyang diin ang pagpapalawak ng

suporta sa isang eco-friendly at progresibong paraan ng pagpapatatag ng kaalaman ng mga

mag-aaral sa konsepto na maaaring maging isa sa mga pirasong bubuo sa tila puzzle tungo sa

pagsugpo ng climate change.

Itinuturing ang mga indibidwal na kalakip sa paghahardin, pagtatanim o

paghahalaman sa kahit anong aspeto, bilang mga katiwala o tagapag-alaga ng kalikasan kung

kaya naman ay kahit sa simpleng paraang isinusulong ng Project GAME sa bawat estudyante

at sa kanilang komunidad, naisasakatuparan naming mga kabataan ang aming pananagutan

habang nakikibahagi sa pagpapabuti ng ating kalikasan.

Yumayabong ang kapaligiran sa bawat pagsibol ng bagong tangkay at paglitaw ng

bagong mga ugat, dahil kapag tayo ay nagtatanim lalo na ng mga gulay, napagyayaman natin

ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kalidad ng hangin at kalupaan. Dahil sa

kakayahan ng mga halamang ito na palitan ang Carbon Dioxide sa hangin na isa sa mga

greenhouse gases, ng Oxygen na nakatutulong hindi lamang sa kalikasan kundi pati na rin sa

sistematikong paraan ng pamumuhay ng sangkatauhan. Higit pa rito, ang pagtatanim ng mga

gulay ay nakapagdadagdag ng moisture at iba’t ibang nutrients sa lupa na nagdudulot upang


mas maging akma ito sa mas produktibo, masagana at tamang proseso ng paglago at

pagbunga.

Sa simpleng pagtatanim natin sa ating sariling mga bakuran, nagagawa nating

pagaanin ang ating environmental impact o carbon footprint dahil nababawasan ang ating

pagdepende sa merkado na malaki ang carbon footprint magmula sa pesticides na ginagamit

sa pagtatanim hanggang sa pag-eexport at pag-iimport ng mga gulay na ito na ating

kadalasang kinukunsumo.

Lokal kung maituturing ang mga gulay na naaani mula sa ating mga bakuran at higit

pa rito, makasisigurado tayong ligtas at walang halong kemikal ang mga ito kung kaya naman

ay hindi na magiging isang pribilehiyo pa ang pagkamit sa nutrisyonal at ekonomikal na

tulong ng mga gulay habang kasabay pa nating magagawang i-maximize ang ating mga

kalupaan.

Hindi na rin kakapit pa ang karamihan ng mga pamilya sa kalam ng kanilang mga

sikmura at kung gaano katagal nila kailangang kumahig pa para lamang bigyan ng sapat na

lakas, nutrisyon at enerhiya ang kanilang mga pangangatawan lalo na kung ito ay

magmumula sa mga gulay na sila mismo ang kumalinga. Sa kadahilanang napapasakamay ng

bawat isa ang kakayahan na gamitin ang kaalamang isinusulong ng pagkakaroon ng gulayan

sa kanilang paghahanapbuhay na nagbibigay ng pinansiyal at ekonomikal na suporta bilang

panustos sa mga batayang pangangailangan ng bawat mamamayan sapagkat ang mga gulay

na naani na may magandang kalidad ay maaaring magbigay daan sa pagiging isang

produktong magagamit sa pakikipagkalakan.

Magpasahanggang ngayon, patuloy na kinakatawan at pinalalaganap ng bawat

mamamayang Pilipino lalo na ng mga mag-aaral hindi lamang sa isip, sa puso kundi pati na

rin sa gawa, ang idyomang “Kung may itinanim ay may aanihin.” Nang dahil sa patuloy na
pagtataguyod ng mga inobasyong isinusulong ng mga institusyong pampaaralan,

pangkomunidad at pangpamilya, nahuhubog ang ating mga prinsipyo at kaisipan tungo sa

ganap na paglinang sa ating bayang sinilangan.

“To plant a garden is to believe in tomorrow.” Iyan ang mga katagang tunay na

tumatak sa isip ng sambayanan mula sa isa sa mga pinakatanyag na singer, artist, at

environmentalist na si Audrey Hepburn. Sa bawat pagtatanim na ating isinasagawa sa mga

simpleng paraan gaya na lamang ng mga nabanggit sa programa ng paglulunsad ng Project

GAME na kinabibilangan ng iba’t ibang paraan ng paghahardin, vermicomposting at

pagbibigay-pugay sa halaga ng mga halaman na ito sa ating nutrisyong pisikal at kalagayang

mental, nakagagawa tayo ng isang matuwid, malaya at malawak na tulay na pinupunan ang

agwat sa pagitan ng kasalukuyan at ng isang kalugod-lugod at garantisadong mayabong na

kinabukasan.

Gaya ng mga butong ating tinuturing yaman sa lupang ating sinilangan, ganoon din

ang mga kabataan at mamamayang Pilipino na pinapanday ng kaalaman sa paghahalaman,

patuloy na sisibol at mamumunga upang pagsilbihan at paglingkuran ang ating bayan.

Gaya ng mga gulay na ito, tayo ay hinuhulma ng panahon at dinidiligan ng mga bagyo

at unos na ating kinahaharap kung saan hindi magiging hadlang ang pagyakap ng kadiliman

sa kasalukuyan upang matamasa ng bawat isa ang produktibong pamumunga at dalisay na

pamumukadkad sa bawat bahagi ng ating buhay at lipunan.

Gaya ng maalagang pagbabaon natin ng mga panibagong punla ng gulay, sana ay

kailanman hindi mabaon sa limot ang patuloy na pagsulong sa patuloy na pagkalinga’t

pagpapahalaga sa ating mga kaalaman sa paghahalaman at sa mga proyektong nakapaloob

dito.
Kasabay nang ating pagpupundar ng sisidlan para sa mga butong handog, atin na ring

binibigyang sisidlan ang ating mga layunin tungo sa pag-asang hatid ng isang maliwanag,

malusog at maligayang kinabukasan.

Hindi kailanman nabalot kaming mga kabataan at mag-aaral, ang aming mga pamilya

pati na rin ang aming komunidad sa kadiliman at hindi rin nawala ang aming mahigpit na

hawak sa pagkakaroon ng sapat na pagpapalago at paglinang ng aming mga katangi-tanging

abilidad lalo na sa aspeto ng paghahalaman, pagpapabuti ng kalusugan at pagpapaunlad ng

kabuhayan.

Ang bawat isa ay pinatatalas ng inisyatibo tulad ng Project GAME at nasa proseso ng

pagbusilak at pagbunga ngunit hiding-hindi malalanta o mawawalan ng potensiyal sapagkat

higit pa sa mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga aral mula rito sa paghubog at

paghulma ng kaisipan ng kasalukuyang henerasyon at sa mga susunod pang salinlahi ng

ating bayan.

Siguradong titindig muli at walang pag-aalinlangang haharapin ang bukas nang taas

noo’t may sandata sa gyera ng buhay gaya na lamang ng kaalaman at karunungan sa

pagkamit ng seguridad sa pagkain at nutrisyong nakasalalay sa ating mga palad tungo sa

patuloy na pagtamasa ng dalisay, dakila, at abot-tanaw na kasaganahan ng paparating

bukang-liwayway.

Higit sa lahat, patuloy na nagsisilbing lundayan ng kinabukasan ang mga ugat na

itinatatag, suportang tangkay na itinatayo, at dahong ipinatutubo ng patuloy na pagpapatibay

ng mga institusyong pampaaralan at pangkomunidad kung kung saan nakaangkla ang

pagpapayaman sa mga gulayan sa aspetong pangkalusugan, pangkalikasan at pangkabuhayan

at lahat ay alay sa matayog, produktibo at mabulaklak na kinabukasan ng ating bayan.

You might also like