You are on page 1of 41

(THIRD QUARTER)

Labanan sa Look ng Maynila

Ang mga sasakyang pandagat ng Estados Unidos ay nakahimpil sa


Hongkong. Inatasan si Commodore George Dewey na magtungo sa
Pilipinas upang simulan ang pakikipaglaban sa Espanya. Noong Abril
27,1898 nagsimulang tumulak ang armada ng Estados Unidos na
binubuo ng siyam na sasakyang pandigma at 1, 744 na opisyal at
tauhan.
Noong Mayo 1, 1898, pinasok ng mga Amerikano ang Look ng
Maynila. Ang armada ng Espanyol sa pamumuno ni Admiral Patricio
Montojo ay nakipagpalitan ng putok sa armadang pandagat ng
Estados Unidos. Naging madugo ang labanan at nagapi ang mga
Espanyol. Napalubog ang walong sasakyang pandagat ng mga
Espanyol. May nasawi at sugatan na mga Espanyol. Walang namatay
sa panig ng mga Amerikano bagama’t walo ang sugatan.

Commodore George Dewey Admiral Patricio Montojo


Ang tagumpay ng mga Amerikano ay nagbigay sa kanila ng buong
control sa Look ng Maynila, at sa Sangley Point at sa iba pang
himpilang pandagat sa Cavite.
Ang Diktatoryal Na Pamahalaan Ni Aguinaldo:
Matapos ang labanan sa Look ng Maynila, pinasabihan ni Dewey
si Aguinaldo na bumalik na sa Pilipinas upang pamunuang muli ang
mga rebolusyonaryo at ituloy ang himagsikan. Bumalik si Aguinaldo
kasama ang 13 pinunong Pilipino, sa Pilipinas noong Mayo 1898 sakay
sa USS McCulloch Barkong pansundalo na pag -aari ng mga
Amerikano. Dala ni Aguinaldo ang libong pirasong baril daang
libong bala, at iba pang kagamitang pandigma.
Sinabi ni Dewey kay Aguinaldo na hindi dapat mag-alala sapagkat
ang hangad lamang ng Estados Unidos ay proteksiyonan ang mga
Pilipino at tulungang makawala sa mapang-api at mapang-
abusong pamamahala ng mga Espanyol.
Napagpasiyahan ni Aguinaldo na magtatag ng isang
diktatoryal na pamahalaan. Sinimulan muli ng mga Pilipino ang
pakikihamok sa puwersa ng mga Espanyol at naging matagumpay
sila sa larangan ng digmaan. Halos lahat ng bahagi ng Pilipinas ay
napasakamay ng mga rebolusyonaryong Pilipino, maliban sa
Maynila at sa pulo ng Mindanao.
Ang Deklarasyon Ng Kalayaan Ng Pilipinas:

Noong Hunyo 12, 1898, ipinahayag ni Emilio Aguinaldo ang kalayaan


ng Pilipinas na nagtalaga ng Republika ng Pilipinas sa ilalim ng
pangangalaga ng Estados Unidos. Iwinagayway ni Ambrosio Rianzares
Bautista, ang tagapayong pampolitika ni Aguinaldo, ang bandila ng
Pilipinas habang tinutugtog ng bandang San Francisco de Malabon
ang Marcha Nacional Filipina, na nilikha ni Julian Felipe. Binasa rin ni
Bautista ang deklarasyon ng kalayaan na nilagdaan ng 97 Pilipino at
Ang Deklarasyon Ng Kalayaan ng Pilipinas
isang retiradong koronel na Amerikano. Ginawa ang deklarasyon sa
bahay ni Aguinaldo sa Kawit, Cavite na sinaksihan ng daang tao.

Kongreso Ng Malolos: (Katedral ng Barasoain)

Matapos maipahayag ang kalayaan mula sa Espanya, inilipat sa


Malolos, Bulacan ang sentro ng pamahalaan. Noong Setyembre 15,
1898, isang kongreso ang itinatag upang balangkasin ang
konstitusyon ng Republika ng Pilipinas – ang Malolos Congress.
Ang pagpupulong ay ginanap sa Katedral ng Barasoain sa Malolos,
na nilahukan ng mga delegado at mga mamamayan. Dito ay
pormal na ipinahayag ni Aguinaldo ang matagumpay na
pagtatapos ng pakikidigma ng mga Pilipino sa mga Espanyol.
Naghalal agad ang Kongreso.
1. Pangulo – Pedro Paterno
2. Pangalawang Pangulo – Benito Legarda
3. Unang Kalihim – Gregorio Araneta
4. Pangalawang Kalihim – Pablo Ocampo
Isang komite rin ang itinatag upang balangkasin ang konstitusyon,
na pinamunuan ni Felipe Calderon, isang kilala at prominenteng
lider ng pamahalaan. Sa payo ni Cayetano Arellano, ibinatay ni
Calderon ang binalangkas na konstitusyon sa konstitusyon ng
Mexico, Belgium, Guatemala, Costa Rica, Brazil,
at Pransiya. Pagkatapos, ang konstitusyong nabuo ay ibinigay kay
Aguinaldo upang pagtibayin.
Ang Unang Republika Ng Pilipinas:

Emilio Aguinaldo

Noong Enero 23, 1899 ay ipinahayag ang Unang Republika ng Pilipinas. Ito ang kauna-
unahang Republika sa Asya. Isang magarbo, makulay, at masayang pagdiriwang ang ginanap
sa Katedral ng Barasoain sa Malolos, Bulacan. Dumating si Aguinaldo sa inagurasyon na
nakasakay sa isang karuwahe, kasunod ang iba pang pinuno ng republika. Ito ay sinundan ng
mga sundalong Pilipino na nakasakay sa kabayo. Daang Pilipinong sundalo at mamamayan
ang matiyagang naghintay sa plasa ng Barasoain.
Si Aguinaldo ay nakasuot ng pormal, mataas na sombrero, at puting
guwantes. Mayroon siyang kurbata at bastong napapalamutian ng
ginto. Si Aguinaldo ay nanumpa bilang unang Pangulo ng
Republika ng Pilipinas. Sa kaniyang talumpati, ipinahayag niya ang
matagal na mithiin ng mga Pilipino—ang mamuhay sa ilalim ng
demokratikong Republika ng Pilipinas na malaya sa anomang
pakikialam ng banyagang kapangyarihan. Upang mas maging
makabuluhan ang araw na iyon, binigyan ni Aguinaldo ng
pagpapatawad ang mga presong Espanyol na hindi bahagi ng
regular na pangkat ng mga sundalo. Binigyan niya ng karapatan
ang mga Espanyol at iba pang banyaga na makibahagi sa
kalakalan ayon sa itinadhana ng republika.
Habang nagaganap ang inagurasyon, patuloy pa rin sina Agoncillo
at Lopez bilang kinatawan ng Pilipinas sa paghingi ng pagkilala sa
soberanya ng Pilipinas mula sa Estados Unidos at iba pang bansa.
ANO IBIG SABIHIN NG SOBERANYA?
Ang soberanya ang pagkakaroon ng isang bansa ng
kapangyarihan at makapag-sarili at pamahalaan ang buo nitong
nasasakupan.
(5) Na Karapatan Ng Soberanong Bansa
1. Karapatan sa Pagsasarili
2. Karapatan sa Pagkakapantay-pantay
3. Karapatan sa Pagsakop
4. Karapatan sa Pagmamay-ari
5. Karapatan sa Pakikipag-ugnayan sa ibang bansa.
Simula ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Sumiklab ang digmaang Pilipino-Amerikano noong Pebrero 4, 1899,


matapos patayin ng dalawang Amerikanong sundalo ang tatlong Pilipinong
sundalo sa panulukan ng mga daan ng Silencio at Sociego , Sta. Mesa. Ang
dalawang sundalong Amerikano ay sina William Grayson at Orville Miller.
Nakarinig sila ng kaluskos sa hindi kalayuan at nakita ang tatlong Pilipinong
sundalo. Sinigawan ni Grayson ang mga Pilipinong sundalo bilang
paghamon at pagpapatigil.
Gumanti ng sigaw ang isang Pilipinong sundalo at agad itong
pinaputukan ni Grayson na ikinamatay ng sundalong Pilipino. Gaganti
sana ng putok ang dalawang natirang sundalo ngunit naunahan sila
nina Miller at Grayson. Agad tinungo ng dalawang sundalong
Amerikano ang kanilang kampo at sinabing nilulusob na sila ng mga
Pilipino.
Ang mga sundalong Pilipinong nasa San Juan del Monte ang
sumugod at nakipagpalitan ng putok sa mga Amerikano. Ang mga
batalyon sa ilalim nina Kapitan Serapio Narvaez at Kapitan Vicente
Ramos ay sumugod at nakipaglaban din sa mga Amerikano. Hindi
naglaon, napaatras ang batalyon ni Grayson. Mga ika-10 ng gabi
nang araw din iyon, ang mga Amerikano ay nakikipaglaban sa
pangkat ng mga sundalong Pilipino sa may Ilog Pasig sa hilaga at
kanluran ng Maynila.
Digmaan sa Maynila
Sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano at kumalat ang labanan
sa buong kapuluan, lalo sa pulo ng Luzon. Karamihan sa mga
sundalong Amerikano ay itinalaga sa kapaligiran ng Maynila.
Nagsimula ang labanan sa La Loma. Nakuha ng mga sundalong
Amerikano sa pamumuno ni Heneral Arthur MacArthur ang bahagi
ng Sta. Mesa hanggang sa may La Loma. Nilusob ng mga Amerikano
ang Sta. Ana, Guadalupe at Pasay.
Ang Paco, Santolan, Pasig at Marikina ay nilusob din ng mga
Amerikano. Dito nila natagpuan ang pangkat ng mga Negrito na
bahagi ng puwersang Pilipino na tumulong sa pakikipaglaban
gamit ang itak, sibat at pana. Sa labanan sa Caloocan, natuklasan
ang isang pangkat ng Igorot mula sa Cordillera. Sila ay tumulong sa
mga Pilipino sa pakikipaglaban . Buong tapang silang
nakipaglaban gamit lamang ang itak, sibat, at pana na ikinagulat ng
mga Amerikano. Sa labanan sa Caloocan nangyari ang naging
ugat ng kamatayan ni Heneral Luna. Sa mga unang labanan ito ay
nakalasap ng pagkatalo ang mga Pilipino. Libong buhay ang
ibinuwis. Sumidhi naman ang pang-aabuso ng mga Amerikano.
Pinapatay nila ang mga walang malay, bata, matanda at
kababaihan. Ang mga bahay ay pinagnakawan ng mga gamit,
alahas, salapi at iba pang mahahalagang bagay. Ang gawaing ito
ng mga sundalong Amerikano laban sa mga Pilipino ay nagpasidhi
ng galit na nagtulak sa mga Pilipino para ipaglaban ang kalayaan.
ANG PAGPASLANG KAY HENERAL ANTONIO LUNA

Si Heneral Antonio Luna ay ipinanganak noong Oktubre 29, 1866


sa Urbiztondo, Binondo sa Maynila. Siya ang pinakabata sa pitong
anak nina Joaquin Luna, na nagmula sa Badoc, Ilocos Sur
at Laureana Novicio, isang mestisang Espanyol. Kapatid siya ni Juan
Luna, isang kilalang pintor at propagandista. Siya ay isang
parmasyotikong ginawaran ng Doctorate in Pharmacy sa
Universidad Central de Madrid sa Espanya. Nag-aral siya ng taktika
at paraan ng pakikidigma sa Belgium sa ilalim ng pagtuturo ni
Heneral Gerard Mathieu Leman. Sa pagbabalik ni Heneral Luna sa
Pilipinas noong Setyembre 26, 1896, agad siyang itinalagang Chief of
War Operations ni Emilio Aguinaldo. Itinatag ni Luna ang Academia
Militar sa Malolos noong Oktubre 25, 1898. Ang Academia, na
Philippine Military Academy na ngayon sa Lungsod ng Baguio, ay
itinatag upang magsanay at magturo sa mga Pilipino ng mga bagay
na may kinalaman sa larangan ng pakikidigma.
Napabantog si Heneral Luna sa larangan ng giyera. Ang kaniyang
tapang at talino ay hinangaan ng mga sundalong Pilipino. Ang
kaniyang kasikatan naman ay kinainggitan ng ibang pinuno ng
himagsikan. Si Heneral Luna ay disiplinaryo. Mainitin ang kaniyang ulo.
Madali siyang magalit at masakit magsalita. Noong Mayo 5, 1899 ay
iminungkahi ng Komisyong Schurman ang awtonomiya para sa
Pilipinas. Sinang-ayunan ito ng mga miyembro ng Kongreso ngunit
tinutulan nina Apolinario Mabini at Heneral Luna. Hiningi ng Kongreso
kay Aguinaldo ang pagtanggal kay Mabini at isinagawa naman ito.
Pagkatapos, bumuo si Aguinaldo ng bagong gabineteng
pinamunuan ni Pedro Paterno. Ang lahat ng miyembro ng bagong
gabinete ay sang-ayon sa mungkahi ng Komisyong Schurman.
Pinangunahan ni Felipe Buencamino, ang bagong kalihim ng
ugnayang panlabas, ang pakikipagnegosasyon.
Nagalit si Heneral Luna sa bagong gabinete. Sinampal niya si
Buencamino at tinawag na traydor habang ang anak nito ay
tinawag na isang duwag. Matapos nito ay hinuli ni Luna ang mga
miyembro ng gabinete, tinawag na mga traydor at hinarap kay
Aguinaldo. Ngunit sila ay pinakawalan lang ni Aguinaldo. Sinabi ng
mga miyembro ng gabinete na nagbabalak si Luna ng isang kudeta
na isasagawa sa Hunyo 13, 1899. Noong Hunyo 4, 1899, si Luna ay
nasa Bayambang, Pangasinan at inaayos ang kuta ng mga gerilya
para sa pakikipaglaban sa Lalawigang Bulubundukin. Nakatanggap
siya ng isang telegram mula kay Aguinaldo na inaatasan siyang
tumungo sa Cabanatuan, Nueva Ecija para makipagkita rito. Agad
na umalis ang heneral kasama ang ilang opisyal at 25 kabayuhang
sundalo.
Narating nila ang labas ng Cabanatuan noong Hunyo 5, 1899 ngunit
ang sirang tulay ay naging hadlang sa kanilang pagpapatuloy. Sa
kainipan ni Luna, ipinasya niyang tumuloy kasama sina Heneral
Francisco Roman at Kapitan Eduardo Rusca. Nang sapitin ni Luna
ang casa parroquial o kumbento, sinabihan siya na nakaalis na si
Aguinaldo patungong San Isidro, Nueva Ecija, (ngunit sa katunayan
ay sa Bamban, Tarlac ito pumunta). Ito ay ikinagalit ni Luna, at sa
kaniyang pag-akyat sa kombento ay nakita niya si Buencamino.
Nagpapalitan sila ng mainit na salita nang marinig ni Luna ang isang
putok mula sa bakuran ng kombento. Agad siyang bumaba upang
tingnan kung ano ang nangyari. Sinalubong siya ni Kapitan Pedro
Janolino ng kompanya ng Kawit, Cavite. Isa ito sa hindi sumunod sa
utos ni Luna noon at nadisarmahan sa labanan sa Caloocan.
Inundayan nito ng taga, gamit ang itak, si Luna. Kasunod ay
dinumog na si Luna ng iba pang sundalong mula sa Kawit.
Pinagbabaril at pinagsasaksak nila si Luna.
Nakatakbo papalabas ng kombento si Luna habang isinisigaw ang
“Mga duwag... .mga mamamatay tao.” Sa kalsada na nalugmok
ang heneral. Sinubukang tulungan ni Heneral Roman si Luna, ngunit
siya man ay binaril at pinatay. Si Kapitan Rusca ay tinamaan sa binti
ngunit nakatakbo at nakapagtago sa katabing simbahan.
Ang buong pangyayari ay nasaksihan ng ina ni Aguinaldo. Narinig
pa siyang sumigaw ng “Gumagalaw pa yan!” Upang masiguro kung
patay na ang heneral, isang sundalo ang sumipa kay Luna.
Maliwanag na isang patibong ang pagpapapunta kay Luna sa
Cabanatuan, at ayon sa mga nakaaalam ng panahong iyon,
kasabwat si Aguinaldo sa malagim na pangyayari. Kinuha ni
Buencamino ang telegram ni Aguinaldo na nasa bulsa ni Luna. Nang
sumunod na araw, inilibing ang heneral nang may buong parangal
military. Ang mga pumatay kay Luna ay hindi man lang
pinarusahan. Sa parehong araw ng pagpatay kay Heneral Luna,
nakatanggap ng telegram si Heneral Venancio Concepcion mula
kay Aguinaldo na nagtatalaga sa kaniya bilang tagapamahala ng
operasyong militar ng pamahalaan.
Ang telegrama ay nagmula sa opisina ng telegrapiya sa bayan ng
Cabanatuan. Kinabukasan na lamang nalaman ni Heneral
Concepcion ang pagkakapatay kay Luna. Ang mga nangyari ay
lubos na pinagtakhan ni Concepcion. Pagkaraan ng ilang taon,
tinanong si Aguinaldo kung alam niya ang pagpatay na nangyari
kay Luna. Ito ay ipinagkibit-balikat lang niya, sabay wikang “Nais ko
sanang ginawa iyon sa matahimik na paraan. Sana binaril na lang
siya sa likuran habang nasa kainitan ng labanan.” Sa pagkamatay ni
Luna, ipinatawag ni Aguinaldo ang lahat ng kumander at siniguro
niya ang katapatan ng mga ito. Iniutos ni Aguinaldo ang pagdakip
sa mga pinuno ng brigada ni Luna. Ang iba sa mga ito ay
pinahirapan at pinatay. Dinisarmahan din ni Aguinaldo ang
dalawang kompanyang pinagbintangan niyang kampi kay Luna.
Si Heneral Antonio Luna ay isang matalino, matapang, at magiting
na Pilipinong heneral na namatay hindi sa kamay ng kaaway ngunit
sa kamay ng kapuwa Pilipino.
ANG LABANAN SA PASONG TIRAD: ANG PAGIGING MARTIR NI HENERAL
GREGORIO DEL PILAR

Si Heneral Gregorio del Pilar ay ipinanganak noong Nobyembre 14,


1895. Ang kaniyang mga magulang ay sina Fernando H. del pilar at
Felipa Sempio ng Bulacan, Bulacan. Siya ay ikalima sa anim na
magkakapatid. Nagtapos siya ng pag-aaral sa edad na 20 sa isang
unibersidad sa Maynila. Pamangkin siya propagandistang si Marcelo
H. del Pilar. Nang sumiklab ang digmaan ng Espanya at Pilipinas,
sumapi si Gregorio del Pilar, o Goyong, sa Katipunan. Nakilala siyang
isang matapang na kumander sa larangan ng labanan. Kasama siya
ni Aguinaldo na ipinatapon sa Hong Kong matapos ang Kasunduan sa
Biak-na-Bato. Nang magsimula ang digmaan ng mga Pilipino at
Amerikano, pinagtagumpayan ni del Pilar ang labanan sa bayan ng
Plaridel sa Bulacan kung saan nagapi niya ang puwersa ni Major
Franklin Bell. Sa labanan ding iyon napatay ang respetadong koronel
na si John Stotsenberg.
Naging kilala sa katapangan si del Pilar sa mga labanan sa Bulacan,
Nueva Ecija, at iba pang kalapit na lalawigan. Maraming labanan
ang napagwagian niya. Ginawa siyang brigedyer heneral ni
Aguinaldo. Siya ang pinakabatang heneral ng Digmaang Pilipino-
Amerikano. Tanyag din si Gregorio sa kababaihan. Hindi maiwasang
humanga sa kaniya ng kababaihan dahil sa kaniyang katapangan,
kabataan, at angking kaguwapuhan. Noong Nobyembre 13, 1899,
sinimulan ni Aguinaldo ang pag-atras at pagtakas sa mga
Amerikano. Binuwag niya ang regular na hukbo upang simulan ang
pakikipaglaban bilang gerilya. Inatasan ni Aguinaldo si Heneral
Gregorio del Pilar na pamunuan ang nalalabing magagaling na
sundalo mula sa brigada ni Luna. Inatasan din siyang magsilbing
puno ng puwersa sa dakong likuran ni Aguinaldo. Ito ay para bigyan
si Aguinaldo ng sapat na panahon upang makatakas.
Napili ni Heneral del Pilar na gamitin ang Pasong Tirad sa paghadlang sa
mga Amerikano. Ito ay may mataas na talampas sa bawat gilid na
makakatulong upang makita at masabat agad nila ang sinomang
magtatangkang dumaan. Ang Pasong Tirad ay nasa pagitan ng dalawang
bundok sa may Cordillera. Narating ng mga Amerikano, sa pamumuno ni
Major Peyton March, ang bayan ng Concepcion sa Ilocos Sur noong
Disyembre 1, 1899. Sandali silang tumigil dahil hindi alam ni March kung
gaano kalaki ang puwersa ng mga Pilipino. Sa kaniyang pagtataya, ito ay
umabot sa 150 at ang bilang na ito ay nagbigay pangamba sa kaniya.
Umaga ng Disyembre 2, 1899 nang simulan ng mga sundalong Amerikano
ang pag-atake sa Pasong Tirad. Limang oras na ang lumipas ngunit wala
pang nagagawang pag-abante ang mga Amerikano sa naturang daanan.
Nakahuli sila ng isang katutubong Igorot, si Januario Galut, at pinilit nilang
ituro nito ang daan sa likuran ng pinagkukutaan ng mga Pilipino.
Nagulat na lamang ang mga sundalong Pilipino ng sila ay pagbabarilin
mula sa likuran hanggang mamatay. Tinamaan sa leeg si Heneral del Pilar
at ito ay ikinamatay niya. Siya ay 24 na taong gulang.
Ang napatay na heneral ay dinumog ng mga sundalong Amerikano,
pinagnakawan, at hinubaran ng saplot sa katawan. Napatay man
ng mga Amerikano si heneral del Pilar, hindi naman nila napatay ang
malaking pagmamahal sa bayan na naipakita nito sa pamamagitan
ng pagsuong sa kahit na anong hirap, maging kamatayan. Nang
matapos ang labanan, 52 ang Pilipinong namatay at dalawa naman
ang Amerikano. Iniwan ng mga Amerikano ang hinubarang bangkay
ni del Pilar na nakatimbuwang sa kinamatayang lugar. Nang
madaanan ng pangkat ng mga Amerikanong pinamumunuan ni
Tenyente Dennis Quinlan ang kalunos-lunos na kalagayan ng
bangkay ni del Pilar, iniutos niya na ilibing ang Pilipinong heneral
nang may buong parangal militar. Sa kaniyang lapida, ito ang
ipinalagay ni Quinlan.
“Heneral Gregorio Del Pilar,
Napatay sa Labanan sa Pasong Tirad…
Disyembre 2, 1899…
An officer and a gentleman.”

Ang labanan sa Pasong Tirad ay nagbigay ng mahabang


panahon para kay Aguinaldo na ipagpatuloy ang kaniyang
pagtakas.
ANG PAGKAKADAKIP KAY AGUINALDO
Nagpatuloy sa pagtakas si Aguinaldo hanggang sa narating niya
ang Palanan, Isabela noong Setyembre 1900. Nagpatuloy sa
pakikipaglaban ang natitirang mga sundalong Pilipino habang
pinag-igi ng mga Amerikano ang paghahanap kay Aguinaldo.
Inatasan ni Heneral MacArthur si Heneral Funston na pamunuan ang
paghuli kay Aguinaldo. Pebrero 8, 1901 ay sumuko si Cecilio
Segismundo, kasama ang ilang sundalong Pilipino, sa mga
Amerikano. Siya ang pinagkakatiwalaang mensahero ni Aguinaldo.
Ilang mahahalagang mensahe at kalatas na dala-dala niya ang
napasakamay ng mga Amerikano. Napag-alaman nilang 50
sundalo lamang ang kasama ni Aguinaldo at sa Palanan, Isabela
siya nagtago.
Isa pang mensaheng natuklasan ng mga Amerikano ay ang utos
kay Baldomero Aguinaldo na padalhan si Emilio Aguinaldo ng mga
sundalo para idagdag sa kaunting sundalong nagbabantay rito.
Bumuo agad ng plano si Heneral Funston upang mahuli si Aguinaldo.
Kumuha siya ng 80 Macabebe scouts na nagmula sa bayan ng
Macabebe sa Pampanga at pinagbihis ang mga ito tulad ng mga
kasamang sundalo. Binigyan din ng mga armas na tulad sa mga
Pilipinong sundalo ang mga scout. Ang iba sa kanila ay binihisan ng
rayadillo, ang uniporme ng mga sundalong Pilipino. Ang mga
Macabebe Scout ay nakapagsasalita ng Tagalog at
Kapampangan.
Kasama ng puwersang Amerikano ang dating mga pinuno ng mga
sundalong Pilipino na nasa pamumuno ni Aguinaldo—sina Lazaro
Segovia, Dionisio Bato, Gregorio Cadhit, at Tal Hilario Placido.
Si Funston at apat pang Amerikano ay nagpanggap na mga preso
ng mga Pilipino. Nagpadala rin ang mga Amerikano ng huwad na
mensahe kay Aguinaldo—na parating na ang mga sundalong
ipinadala ni Baldomero Aguinaldo sa pamumuno ni Tal Hilario
Placido.
Upang hindi matitiktikan ng mga Pilipino, ang pangkat ay dumaan
sa dagat sakay ng USS Vicksburg patungong Palanan, Isabela.
Dumaong sila sa dalampasigan ng Look Kasiguran noong Marso 14,
1901, may isang daang milya ang layo sa Palanan.
Narating ng pangkat ni Heneral Funston ang Palanan noong Marso
23, 1901. Tinanggap ni Aguinaldo si Placido nang maayos at
nakipagkwentuhan pa tungkol sa kanilang pakikipaglaban. Nang
makita na ni Placido ang pangkat ng Macabebe Scouts, binigyan
niya ito ng hudyat at sinimulang paputukan ang sumalubong na
mga sundalo. Bumunot ng baril si Aguinaldo ngunit hindi na niya ito
naiputok sapagkat siya ay sinunggaban at inupuan ni Placido na
mas bata at malakas sa kaniya. Sumuko si Aguinaldo kay Heneral
Funston nang mapayapa. Marso 25, 1901 nang isinakay si
Aguinaldo, kasama ang tatlo niyang tauhan, sa USS Vicksburg.
Dumaong ang barko sa Maynila noong Marso 28, 1901 nang
walang nakaaalam na sinoman . Hinarap si Aguinaldo kay Heneral
Arthur MacArthur sa Palasyo ng Malacanang.
Si Aguinaldo ay tinanggap nang malugod at maayos. Binigyan siya
ng pagtratong angkop at tama sa kaniyang katungkulan. Noong
Abril 19, 1901, nanumpa ng katapatan si Aguinaldo sa pamahalaan
ng Estados Unidos. Naglabas din siya ng isang proklamasyong
hinihimok ang lahat ng Pilipino na tigilan na ang pakikipaglaban sa
mga Amerikano. Ito ang naghudyat sa pagtatapos ng madugong
Digmaang Pilipino-Amerikano.

You might also like