You are on page 1of 54

Ang teritoryo ay ang buong kalupaang sakop ng isang bansa

kasama na ang mga katubigang nasa loob at nakapaligid, ang


papawiring saklaw, at maging ang kailaliman ng kalupaang
nasasakop.
I. Ang Teritoryo ng Pilipinas ayon sa Saligang Batas
Saligang Batas 1987 (Artikulo 1, Seksiyon 1) Pambansang
Teritoryo
Ang pambansang teritoryo ay binubuo ng kapuluan ng
Pilipinas kasama ang lahat ng mga pulo at katubigang
nakapaligid at nakapaloob ditto at lahat ng iba pang
teritoryong nasa kapangyarihan at hurisdiksiyon ng Pilipinas na
binubuo ng kalupaan, katubigan, at himpapawid nito, kasama
ang mga karagatang teritoryal, kalaliman ng dagat, kailaliman
ng lupa, kalapagang insular, at iba pang submarinang lugar.
Ang mga karagatang nakapaligid, nakapagitan, at nag-uugnay
sa mga pulo ng kapuluan anoman ang lawak at laki ay bahagi
ng karagatang panloob ng Pilipinas.
Ang Saligang Batas ang pinakamataas na kalipunan ng mga
batas na pinagbabatayan ng ano mang batas sa ating bansa.
Ito ay kinikilala ng ibang bansa bilang bahagi ng ating
soberanya.
II. Iba pang Bahagi ng Teritoryo ng Pilipinas
A. Dagat-teritoryal – bahagi ito ng dagat na umaabot
hanggang sa 12 milya kilometro ang layo mula sa
pinakamababaw na bahagi ng baybaying dagat.
B. Ilalim ng dagat – ito ang lupain sa ilalim ng dagat kabilang na
ang mga mineral at likas na yaman nito.
C. Kailaliman ng lupa – kabilang dito ang lahat ng bagay sa
ilalim ng lupa kasama na ang mga mineral at likas na yaman.
D. Mga kalatagang insular – ito ang nakalubog na bahagi ng
kontinente o pulo na umaabot hanggang sa malalim na
bahagi ng karagatan.
E. Panloob na karagatan – bahagi ng dagat na nasa loob ng
pagitan ng teritoryo ng lupain. Kabilang dito ang ilog, kanal o
lawa na nasa lupain ng Pilpinas.
F. Ang himpapawirin – ito ang nasa itaas ng mga teritoryal na
lupain at dagat. Ang mga sasakyan panghimpapawid, tulad
ng eroplano, drone, rocket, at satellite na daraan sa
kalawakan ng Pilipinas ay dapat munang humingi ng
pahintulot.
III. Ang Teritoryo ng Pilipinas ayon sa Kasaysayan at Kasulatan
1. Kasunduan sa Paris
Ang pamamahala sa teritoryo ng Pilipinas ay inilipat ng
Espanya sa Estados Unidos. Nilagdaan ang kasunduan noong
Disyembre 10, 1898. Lahat ng kinikilalang teritoryo ng Pilipinas
ay naisalin sa pamamahala ng Amerikano.
2. Kasunduan ng Estados Unidos at Espanya
Ang mga pulo ng Cagayan, Sulu, Sibutu, at iba pang
maliliit na pulo na kabilang sa Kapuluan ng Sulu na
nakaligtaan sa Kasunduan sa Paris ay isinama sa teritoryo ng
Pilipinas. Ang kasunduan ay nilagdaan sa Washington noong
Nobyembre 7, 1900
3. Kasunduan ng Estados Unidos at Britanya
Kinilala sa kasunduan na bahagi ng kapuluan ng Pilipinas
ang Turtle Islands at Mangsee Islands na nasa pagitan ng
Borneo at Sulu ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. Ang
kasunduan ay nilagdaan noong Enero 2, 1930
4. Ang Konstitusyon o Saligang Batas ng 1935
Naging bahagi ng Pilipinas ang mga pulo ng Batanes nang
pinagtibay ang Saligang Batas ng 1935. Dahil sa paninirahan
at pagmamay-ari ng mga mamamayang Pilipino sa mga
pulong ito.
5. Ang Konstitusyon ng 1973 at 1987
Nakalahad dito na ang pambansang teritoryo ng Pilipinas
ay binubuo ng kapuluan ng Pilipinas kasama ang lahat ng
mga pulo at tubig na saklaw nito, ang mga tubig na
nakapaligid sa pagitan at nag-uugnay sa mga pulo ng
kapuluan maging anuman ang lapad at laki ng mga ito.
IV.Iba Pang Bahagi ng Teritoryo ng Pilipinas
Ayon sa kasaysayan, ibinigay ng sultan ng Brunei ang Sabah sa
isang sultan ng Sulu bilang pagtanaw ng utang na loob sa
pagtulong nito nang magkaroon ng kaguluhan sa Brunei. Nang
lagdaan ang kasunduan sa Paris, hindi napasama ang Sabah
bilang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. Noong 1963, naghain ng
petisyon sa Hukumang Pandaigdig si Pangulong Diosdado
Macapagal upang maibalik ang Sabah sa Pilipinas.
Sinundan naman ito ni Pangulong Ferdinand Marcos. Nasira
ang magandang relasyong diplomatiko ng Pilipinas at Malaysia
dahil sa pangyayaring ito. Naibalik lamang ang mabuting
relasyon nang iurong ni Pangulong Marcos ang paghahabol sa
Sabah noong Agosto 4, 1977.
Ang Scarborough Shoal, na matatagpuan sa bandang kanluran
ng Zambales at gitna ng Dagat Kanlurang Pilipinas, ay bahagi rin
ng teritoryo ng Pilipinas. Ang pag-angkin ng Pilipinas sa nasabing
maliliit na pulo ay nababatay sa United Nations Convention on
the Law of the Sea (UNCLOS). Itinakda nito ang 200 milyang
economic zone mula sa pinakamalapit na baybayin. Sa ngayon,
pilit na inaangkin ng Tsina ang teritoryong ito. Nagtayo na ang
Tsina ng mga estruktura sa lugar upang mapalakas ang kanilang
pag-angkin. Malimit na itinataboy ng mga Tsino ang mga
Pilipinong nangingisda roon.
Ang Spratly Islands na nasa kanlurang bahagi ng Palawan ay
bahagi rin ng teritoryo ng Pilipinas. Pinaniniwalaang mayaman sa
langis ang lugar na ito kaya naman pilit din itong inaangkin ng
Malaysia, Vietnam, Brunei, at Tsina. Ipinahayag ni Pangulong
Marcos na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Spratly Islands sa
pamamagitan ng paglagda at pagpapatupad ng Presidential
Decree 1596 at 1599 noong Hunyo 11, 1978.

Presidential Decree 1596 at 1599


Ang mga kautusang pampanguluhang ito ay nilagdaan ni
Pangulong Ferdinand Marcos noong Hunyo 11, 1978. Nasasaad
dito na ang mga pulo ng Kalayaang matatagpuan sa gawing
kanluran ng Palawan ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. Maraming
bansa ang umaangkin dito dahil sa taglay nitong mga likas na
yaman.
KAHALAGAHAN NG TERITORYO NG BANSA
Ang hangganan at lawak ng teritoryo ng isang bansa ay nagtatakda rin sa
kung hanggang saan maaaring linangin ang likas na yaman. Walang sinomang
dayuhan na pumasok sa bansa nang walang pahintulot ang bansa na lamang
makapaglilinang ng yaman ng bansa. Ang teritoryo ng ating bansa ang
nagtatakda ng kaayusan, kaligtasan, at kasiguruhan ng pamumuhay ng mga
Pilipino.
Itinatakda rin ng teritoryo ang pook-tirahan ng mga mamamayan. Walang
dayuhan ang may karapatang manirahan sa ating bansa nang walang
pahintulot at sapat na katibayang legal ayon sa batas. Walang sinomang
dayuhan ang maaaring magpaalis sa sinomang Pilipino sa kaniyang tirahan sa
bansang Pilipinas.
PANGANGALAGA SA TERITORYO NG BANSA

Ang Pilipinas, bilang isang bansang Malaya at may


soberanya, ay may karapatang pangalagaan ang
teritoryo nito. Ang katatagan, katahimikan, at
katiwasayan ng bansa ang pangunahing alalahanin
ng pamahalaan. Sa kabilang banda, ang mga
mamamayan ay may katungkulang ipagtanggol ang
kalayaan at soberanya ng kanilang bansa.
Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas (Armed Forces of the
Philippines) ang may katungkulang ipagtanggol ang ating bansa. Ito
ay itinatag upang pangalagaan ang bansa at ang mga
mamamayan laban sa anomang puwersang magdudulot ng
kaguluhan at panganib. Kung kakailanganin, maaaring tawagin ng
pamahalaan ang sinomang mamamayang nasa tamang gulang at
maayos na pangangatawan upang ipagtanggol ang bayan.
Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay binubuo ng tatlong sangay:
Hukbong Katihan ng Pilipinas (Philippine Army) Hukbong
Himpapawid ng Pilipinas (Philippine Air Force) at Hukbong Dagat ng
Pilipinas (Philippine Navy)
PHILIPPINE ARMY

PHILIPPINE ARMY

Philippine Army
Philippine Airforce
Philippine Navy
Ang tatlong sangay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay
nagtutulong-tulong upang sugpuin ang mga kaguluhan,
terorismo, at destabilisasyon sa loob ng bansa na gawa ng iba’t
ibang pangkat, tulad ng Abu Sayyaf, Maute, at New People’s
Army (NPA). Ang mga gawain ng mga pangkat na ito, tulad ng
pagdukot ng tao, pagpatay, at pambobomba ay humahadlang
sa minimithing kapayapaan at kaunlaran ng bansa. Katulong ng
Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang Pambansang Kapulisan ng
Pilipinas o Philippine National Police (PNP) sa pangangalaga ng
kaligtasan ng mga mamamayan at kapayapaan
ng bansa.
Maikling Pagsusulit: Isulat ang TAMA o Mali sa linya.
_____ 1. Ang Sabah ay dating pag-aari ng Pilipinas.
_____ 2. Ang sinomang dayuhan ay may karapatang linangin ang anomang likas
na yaman ng bansa.
_____ 3. Ang Scarborough Shoal na matatagpuan sa kanluran ng Palawan ay
bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
_____ 4. Ang mamamayan ay may katungkulang ipagtanggol ang bansa laban sa
mga nais maghasik ng kaguluhan dito.
_____ 5. Ang teritoryo ay ang lawak at hangganan ng kalupaan, katubigan, at
himpapawid ng isang bansa.
_____ 6. Ang Spratly Islands ay matatagpuan sa Karagatang Pasipiko.
_____ 7. Ang Batanes ay naging bahagi ng Pilipinas sa bisa ng Saligang Batas
1935.
_____ 8. Ang Pambansang Kapulisan ng Pilipinas ay katulong ng Sandatahang
Lakas sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa loob ng ating
bansa.
_____ 9. Ang Doktrinang Pangkapuluhan ay angkop sa pagtatalaga ng ating
teritoryo.
_____10. Si Pangulong Diosdado Macapagal ang unang naghain ng pagbawi sa
Sabah mula sa Malaysia.
Ang Pamahalaan Ng Mga Espanyol Sa Pilipinas
Ang ating mga ninuno ay may pamahalaan na bago pa man dumating ang mga
Espanyol. Tinawag nila itong “barangay” na hango sa ginamit nilang sasakyang
pantubig, ang balangay, nang mapadpad sa ating bansa.
Ayon sa kasaysayan, may isang bangkang Malay na dumating sa Pilipinas.
Balangay ang tawag sa bangkang ito. May paniniwalang sa bangkang ito
sumakay ang mga unang taong nakarating sa ating bansa. Sinasabi na ang
bangka ay nakakapagsakay ng 60-90 katao. Sakay ng bangka ang isang
pamilyang binubuo ng mga magulang, mga anak, kamag-anak, at mga alipin.
Pumili sila ng panahanan sa kapuluan at nagsimulang magtatag ng isang
lipunan.
Mula sa lipunang ito natatag ang isang uri ng pamahalaan na tinatawag
nilang barangay. Barangay ang tawag sa pamahalaan ng mga unang Pilipino.
Sa kalagayang panlipunan ng mga unang Pilipino, ang bawat barangay ay may
sarili at malayang pamamahala kaya’t walang matatawag na hari o
pinakapinuno ng lipunan. Ang bawat barangay ay may kanya-kanyang pinuno
at batas na umiiral.
Ang isang barangay ay binuo ng 30 hanggang 100 pamilya na pinamunuan
ng isang datu. Ito ay malaya at nagsasarili, bagama’t may ilang barangay na
bumuo ng kompederasyon para sa kanilang proteksiyon at para magkaroon ng
kakampi kung may labanan.
Ang datu, bilang pinuno, ang pinakamakapangyarihan tao sa barangay. Siya
ang punong tagapag- paganap, tagapagbatas, at tagahukom. Siya rin ang
pinuno ng sandatahang lakas. May pakialam ang datu sa lahat ng bagay sa
barangay, lalo na kung ito ay tungkol sa katahimikan at kaayusan ng
pamumuhay. Sinisiguro niya na may sapat na pagkain at tirahan ang kaniyang
nasasakupan.
Ang pagiging datu ay namamana. Kalimitan ang anak na lalaki
ang ipinapalit sa datung namatay o hindi na makaganap nang
maayos sa kaniyang tungkulin. Kung walang anak na lalaki ang
datu, maaaring ipamana sa anak na babae ang pamumuno.
Kung wala namang naiwan tagapagmana ang datu, ang
barangay ang pipili mula sa kalalakihang may talino, tapang,
lakas, ay yaman upang pamunuan ang barangay. Ang datu ay
tinutulungan ng kaniyang mga tagapayo, na kalimitan ay ang
matatanda sa barangay. Pinaniniwalaan na sila ay matatalino
at may kaalaman sa mga gawain sa barangay. Malimit na
kasama ng datu ang mga tagapayo lalo na kung siya ay may
kasong diringin.
ANG PAMAHALAAN NG MGA ESPANYOL SA PILPINAS:
Simula pa lang ng pagdating ng mga Espanyol sa Pilipinas ay
nagtatag na sila rito ng pamahalaan upang ito ay tuluyang
masakop. Isang sentralisado at makapangyarihang
pamahalaan ang kanilang itinatag. Ito ay pinamunuan ng
isang gobernador heneral na hinirang ng hari ng Espanya.
Lubhang makapangyarihan ang gobernador heneral. Maaari
siyang magpahayag ng digmaan laban sa mga kaaway ng
pamahalaan, maghirang o magtanggal ng sinomang opisyal
ng pamahalaan, at magpaliban ng pagpapa-tupad ng mga
kautusan o batas mula sa hari ng Espanya.
Ang gobernador heneral din ang namuno sa Royal Audiencia,
ang pinakamataas na hukuman, kung saan ipinasasakdal ang
mga namumunong may ginawang katiwalian, pang-aabuso,
o pang-aapi sa mga mamamayan. Kalimitan, ang mga
pagpapasya ay hindi makatarungan, lalo na kung ang
nasasakdal ay Espanyol o malakas sa pamahalaan. Marami
ring kaso ang nabalewala at hindi nabigyang-pansin.
Ang simbahang Katolika ay magkaroon ng malaking papel sa
pamamahala ng Pilipinas sa panahon ng Espanyol. Ang mga
prayle o paring Espanyol ay humawak ng mataas na
katungkulan sa pamahalaan.
Lahat ng bagay ay pinanghimasukan ng mga prayle.
Lubha silang naging makapangyarihan at
mapang-abuso na ikinagalit ng mga Pilipino. Naging
labis ang mga pang-aabuso at pang-aapi ng mga
Espanyol na opisyal at prayle. Nagkamal sila ng salapi
at mga ari-arian habang nagdurusa ang mga
Pilipino.
MGA HIMAGSIKAN LABAN SA PAMAHALAANG ESPANYOL.
Sa simula pa lang ng pagdating ng mga Espanyol sa
kapuluan ng Pilipinas ay ipinamalas na ng ilang
Pilipino ang kanilang pagtutol. Sa pulo ng Mactan
naganap ang unang labanan ng mga Pilipino at
Espanyol.
Hindi pumayag si Datu Lapu-Lapu na magpasakop
sa mga dayuhan kung kaya’t naganap ang isang
madugong labanan. Ipinakita ng mga Pilipino ang
likas na katapangan sa kalabang mas marami ang
bilang at mas makabago ang mga sandatang
pandigma. Nagapi at napatay si Ferdinand
Magellan sa labanang ito.
Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga ginawa ng mga
makabayang Pilipino upang ipakita ang kanilang pagtutol sa
mapang abuso at mapang-aping pamamahala ng mga Espanyol.
1. Noong 1574 ay isang madugong labanan sa Maynila ang
naganap. Nag-alsa sina Raha Soliman at Lakan Dula sa mapang-
aping pamamahala ng mga Espanyol. Maraming Pilipino ang
nasawi rito. Marami rin ang napilitang umatras at tumungo na
lamang sa kabundukan. Naiwan sa kamay ng mga Espanyol ang
Maynila.
2. Taong 1586 nang pinamunuan ni Magalat, isang rebelde mula sa
Cagayan, ang isang pakikipaglaban sa mga Espanyol sa bahagi
ng Cagayan. Tinutulan nia at ng mga kasama ang labis at hindi
makatarungang pagbubuwis. Nilabanan din nila ang
pagmamalabis ng mga prayleng Espanyol. Ang pag-aalsang ito ay
at suporta ng mga mamamayan.
3. Pinamunuan naman ni Sumuroy ng Samar ang isang madugong
pag-aalsa laban sa pagmamalabis ng Simbahan at mga opisyal
na Espanyol noong 1650. Tinutulan din nila ang sapilitang
paggawa nang walang bayad o polo y servicio. Nagapi si
Sumuroy at naparusahan ng mga opisyal ng Simbahan at
pamahalaan.
4. Isang pag-aalsa sa Ilocos ang pinamunuan ni Diego Silang
noong 1762. Bunga ito ng hindi makatarungang pagbubuwis,
pagmamalabis ng mga Espanyol at prayle at opisyal, at
pagpapatupad ng polo y servicio na sadyang hindi
makatarungan sa mga Pilipino. Kumalat sa buong rehiyon ang
madugong paglabang ito, na naging dahilan ng pagkamatay ni
Diego Silang. Sa kanyang pagpanaw pinalitan siya ng kaniyang
matapang na asawang si Gabriela. Lubhang naging matapang
sa pakikipaglaban si Gabriela ngunit sa bandang huli ay nagapi
rin siya at naparusahan.

ANG KILUSANG PROPAGANDA AT KILUSANG KATIPUNAN:


ANG KILUSANG PROPAGANDA:
Ang pag-aalsa sa Cavite ay nagbunsod sa pagpapatapon ng
maraming Pilipino sa ibang bansa. Nagpatuloy ang pagmamalabis
ng mga Espanyol at opisyal at prayle. Ang sinomang Pilipino na
magpahayag ng damdamin o magpakita ng paglaban ay
ikinukulong o pinapatay. Inalisan ng karapatan ang mga Pilipino sa
pagkakaroon ng kinatawan sa korte o Spanish Cortes ng Espanya.
Ang mga Pilipinong mag-aaral at yaong mga ipinatapon sa
ibang bansa ay nagtatag ng isang samahan—ang Kilusang
Propaganda. Layon nitong magharap ng pagbabago sa
pamamagitan ng panulat upang matigil na ang pagmamalabis ng
mga Espanyol.
Karamihan sa sumapi sa kilusan ay mula sa mayayamang
pamilya sa Pilipinas. Binansagan silang Los Indios Bravos sapagkat
sila ay matatapang, matatalino, at tunay na mga makabayan.
Kabilang dito sina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, Juan Luna,
Mariano Ponce, Marcelo H. del Pilar, at marami pang iba.
ANG LA SOLIDARIDAD:
Itinatag ni Graciano Lopez Jaena ang La Solidaridad upang
maisulong ang mga layunin ng Kilusang Propaganda. Ito ay
naging opisyal na pahayagan ng kilusan. Ang La Solidaridad ay
naglimbag ng mga artikulo, pahayag, karaingan, at naisin ng
kilusan. Malaki ang nagawa ng pahayagan sa pagsulong ng
mga layunin ng kilusan. Hindi nagtagal ang sirkulasyon ng
pahayagan dahil sa kakulangan sa pondo.
ANG LA LIGA FILIPINA:
Mula sa Europa, bumalik si Jose Rizal sa Pilipinas upang
ipagpatuloy ang Kilusang Propaganda. Ang La Liga Filipina ay
isang samahan o kapisanang pansibiko. Bagama’t karamihan
sa mga kasapi ay mula sa mga angkang mayaman at pawang
may pinag-aralan, naging bukas din ito sa mga karaniwang
mamamayan. Layunin ng samahan na tustusan ang pag-aaral
ng mga kasaping mahihirap ngunit may kakayanang mag-aral.
Isa si Andres Bonifacio sa dumalo sa lahat ng pagpupulong ng
La Liga Filipina, at dito ay nagkakilala sila ni Jose Rizal.
Nakapagpalitan sila ng kuro-kuro hinggil sa pagbabago at sa
Kilusang Propaganda. Sila ay naging lubos na magkaibigan.
Ang samahan ay pinaghinalaang lumalaban sa mga Espanyol
kaya ipinahuli si Rizal at isinakdal sa kasong sedisyon. Ipiniit si
Rizal sa Fort Bonifacio at nang lumaon ay ipinatapon sa Dapitan,
Zamboanga del Norte sa pulo ng Mindanao.
ANG KILUSANG KATIPUNAN:
Matapos ipatapon ng mga Espanyol si Jose Rizal sa
Dapitan, nagtatag si Andres Bonifacio ng isang samahang
mapaghimagsik. Layon nitong ipaglaban ang karapatang ng
mga Pilipino gamit ang armas. Sa tulong nina Ladislao Diwa,
isang Caviteño, at Teodoro Pilata, taga Tondo at bayaw ni
Bonifacio, binuo ni Bonifacio ang Kataas-taasan, Kagalang-
galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) o mas kilala
sa katawagang Katipunan.
Binalak ng Katipunan na hanguin ang mga Pilipino sa mga
dinaranas na pagpapahirap at pang-aapi ng mga Espanyol.
Ninais nitong pag-isahin ang mga mamamayan ng buong
bansa upang magkaroon ng matatag at malakas na puwersa
na lalaban sa mga mananakop. Minithi nila ang pagkakaroon
ng kalayaan at ang pagtamasa sa mga karapatang matagal
nang ninanais. Naniwala silang makakamit lang ang mga
hangarin sa pamamagitan ng isang armadong pag-aalsa o
rebolusyon.
Dumami ang mga kasapi ng Katipunan. Mula sa 300
Katipunero, ito ay lumaki at umabot sa 30,000. Higit na
nakararaming kasapi ang karaniwang mamamayan. Lumawak
din ang kilusan sa mga karatig na bayan.
Ang Katipunan ay hindi lamang isang samahan. Ito rin ay isang
pamahalaan. Hinirang si Andres Bonifacio bilang supremo, si
Emilio Jacinto bilang kalihim ng estado. Si Teodoro Plata bilang
kalihim ng digmaan, si Briccio Pantas bilang kalihim ng
katarungan, at si Enrique Pacheco bilang kalihim ng pananalapi.
Hinimok ni Bonifacio si Rizal na makiisa sa Katipunan. Ipinadala
niya si Doktor Pio Valenzuela upang himukin si Rizal ngunit nabigo
ito. Ayon kay Rizal, ang Pilipinas ay hindi pa handa sa isang
armadong himagsikan.
ANG MAGKAMARTIR NI JOSE RIZAL
Habang nagaganap ang mga madugong paglalaban, si Jose
Rizal ay tahimik na namumuhay sa Dapitan kasama ang
kaniyang banyagang maybahay na si Josephine Bracken.
Ginugol niya ang kaniyang panahon sa panggagamot at
pagtuturo nang mapaunlad ang kalagayan ng mga
kababayan.
Nagtayo siya ng paaralan na ang itinuro ay kagandahang
asal at edukasyong pisikal. Nagtayo siya ng sistema ng patubig
na nagdala ng malinis na tubig sa mga tahanan. Si Polavieja ay
kinasuhan si Rizal ng salang sedisyon. Hinatulan si Rizal ng
kamatayan.
Muling ipiniit si Rizal sa Fort Santiago habang hinihintay ang
kaganapan ng kaniyang hatol. Sa loob ng kaniyang selda,
sinulat niya ang makasaysayang tulang Mi Ultimo Adios o Huling
Paalam na kaniyang inihandog sa kaniyang mga kapatid at sa
kaibigang si Doktor Ferdinand Blumentritt. Upang hindi makita ng
mga Espanyol ang tula, itinago niya ito sa kaniyang gaserang
lampara.
Habang nasa piitan, binisita si Rizal ng mga kaibigang pari.
Hiniling ng mga ito ang kaniyang pagbabalik loob at
pagtatakwil sa mga paniniwala, ngunit hanggang sa huling
sandali ay naging matigas si Rizal. Pinanindigan niya ang
kaniyang mga ginawa at paniniwala.
Noong Disyembre 30, 1896 bago pa pumutok ang sikat ng araw
sa Silangan, dinala si Rizal sa Bagumbayan (Luneta o Rizal Park
ngayon) para sa kaganapan ng hatol sa kaniya. Daan tao ang
naroon upang saksihan ang kaniyang kamatayan. Hiniling ni
Rizal na siya ay barilin nang nakaharap ngunit ito ay hindi
pinagbigyan. Hiniling din niya na huwag siyang barilin sa mukha.
Sa pagkamatay ni Rizal ay lalong tumindi ang pagnanais ng
mga Pilipinong makamit ang kanilang kalayaan. Nagpatuloy
ang laban at nagapi ng mga Pilipino ang mga Espanyol. Maging
ang mga bagong dating na sundalong Espanyol ay lumasap ng
matinding pagkatalo. Dahil dito, nagbitiw sa tungkulin si
Polavieja at pinauwi siya ng hari sa Espanya.
ANG TEJEROS CONVENTION
Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan at pagkakahati-
hati sa loob ng Katipunan. Ito ay nahati sa dalawang
pangkat:
1. Pangkat Magdalo – pinamunuan ni Emilio Aguinaldo sa
Cavite
2. Pangkat Magdiwang – pinamunuan ni Andres Bonifacio
ng Maynila.
Nagkaroon ng hidwaan sa pamumuno ng Katipunan.
Sinubukan itong ayusin sa pamamagitan ng pagdaraos ng
isang pagpupulong sa Tejeros (General Trias, Cavite)
ngunit pawang mga Katipunerong mula sa Cavite.
ang pinayagang dumalo rito. Sa pulong ay nahalal
si Aguinaldo bilang pangulo at si Bonifacio bilang
kalihim ng interior . Tinutulan ni Daniel Tirona ang
pagkakahalal kay Bonifacio. Hinamak at minaliit nito
si Bonifacio sa kadahilanang wala itong pinag-aralan.
Nagalit si Bonifacio kaya idineklara niyang walang
bisa ang halalan. Naniwala siyang may pandaraya sa
botohan ng mga Magdalo.
ANG PAGKAMARTIR NI ANDRES BONIFACIO

Hindi pa man nakaaalis si Bonifacio sa Cavite, ipinahuli na siya ni


Aguinaldo sa mga Katipunerong Magdalo sa mga kasong sedisyon at
pagtataksil. Ang court militar na naglitis kay Bonifacio ay binuo ng
mga Katipunerong Magdalo. Iniutos ni Aguinaldo kay Mariano Noriel,
isang Caviteño na ibigay kay Lazaro Macapagal ang sulat na
naglalaman ng hatol na kamatayan sa magkapatid na Bonifacio,
sina Andres at Procopio, isa ring katipunero.
Isinagawa ang pagpatay sa magkapatid na Bonifacio
noong Mayo 10, 1897 sa paanan ng bundok Buntis sa
Maragondon, Cavite. Ang pangyayaring ito ay
nagdulot ng malaking pagkabigo sa karamihan ng
mga katipunero. Marami sa kanila ang tumiwalag sa
kilusan at bumalik sa mapayapang pamumuhay. Sinisi
nila si Aguinaldo sa pagkamatay ni Bonifacio.
ANG PAGPATAY KAY ANDRES BONIFACIO

Mayo 10, 1897 – Paanan ng Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite


KASUNDUAN SA BIAK-NA-BATO
Isang kasunduan ang nabuo sa pagitan ng mga Espanyol at
Pilipino. Si Gobernador Heneral Primo De Rivera ang lumagda sa
panig ng mga Espanyol at si Aguinaldo naman sa panig ng mga
Pilipino. Ang kasunduan ang naging hudyat sa pagtigil ng
labanang Espanyol at Pilipino.

Ilan sa probisyon ng kasunduan ang mga sumusunod:


1. Pagtigil ng labanan at pagpapatapon sa mga pinuno ng
himagsikan sa Hongkong.
2. Pagbayad ng 800,000 piso sa mga pinuno ng rebolusyonaryo
at 900,000 piso sa mga mamamayang napinsala ng
himagsikan.
3. Pagbigay ng amnestiya o pagpapatawad sa lahat ng
rebolusyonaryo o mamamayang lumaban sa Espanyol.
4. Pagkakaloob ng pagbabago sa pamumuhay ng mga Pilipino.
Ang kasunduan na ito ay nagkabisa noong Disyembre 14,
1897. Sa kabila nito, ang kasunduan ay hindi naging
matagumpay dahil sa paglabag ng magkabilang panig. Hindi
tumupad ang mga Espanyol sa pagbayad ng
napagkasunduang halaga. Ilang heneral na Pilipino at kanilang
mga tauhan ang hindi nagsisuko. Ang mga sandatang dapat
isuko ay hindi isinuko. May ilang mamamayang Pilipino ang
naghinalang kinuha lang ni Aguinaldo ang ipinangakong
kabayarang salapi.
ISIPIN AT PAG-USAPAN
A. Sagutan ang sumusunod na mga katanungan.
1. Sa iyong palagay, sino ang mas karapat-dapat na maging
pambansang bayani: si Jose Rizal o si Andres Bonifacio?
Pangatwiranan ang iyong sagot.
2. Kung ikaw ay nabubuhay noong panahon ng pananakop ng
mga Espanyol, sasama ka ba sa armadong himagsikan? Bakit?
3. Makatarungan ba ang pagpatay kay Jose Rizal? Ipaliwanag
ang iyong sagot.
4. Ano ang dahilang nagbunsod kay Aguinaldo na ipapatay si
Andres Bonifacio?

You might also like