You are on page 1of 4

Ang kuwentong Ang Babae at ang Kaniyang Limang Tagahanga ay bahagi ng Isang Libo at

Isang Gabí, isang koleksiyon ng mga kuwento mulâ sa Gitnang Silangan at India na kilalá rin sa
Ingles bílang Arabian Nights. Ang kuwento ay nakabalangkas mulâ sa isang kuwento, ang
kuwento ni Scheherazade, isang babaeng nagsalaysay sa kaniyang asawang hari ng 1,001
kuwento sa loob ng 1,001 na gabí upang iligtas ang kaniyang sarili mulâ sa kamatayang ipapataw
ng kaniyang asawa.

Ang Babae at ang Kaniyang Limang Tagahanga

(Muling salaysay ni Marvin M. Zapico)

May isang babaeng nakipag-isang dibdib sa lalaking manlalakbay. Dulot ng madalas na


pagwalay sa napangasawa, nakadama siyá ng kalungkutan at pagkabagot. Ang ganitong
damdámin ay nauwi sa muling pag-ibig niya sa isang laláki na mas batà sa kaniya.

Isang araw, napiit ang pangalawang laláking kaniyang inibig. Nang malaman ito ng babae, agad
niyang tinúngo ang hepe ng pulisya. Nagbihis siyá nang napakagara. Nang makarating sa hepe
ng pulisya, ipinagmakaawa niya na palayain ang laláki ngunit hindi nitó sinabi na ang laláki ay
kaniyang iniibig kundi isang kapatid na laláki at wala nang ibang sumusuporta sa kanila.

Nang mapakinggan ang pagmamakaawa ng babae at makíta ang ayos nitó, nabighani ang hepe
ng pulisya. Sinabi ng hepe na papayag siyáng pakawalan ang laláki sa kondisyong pupunta ang
babae sa kanilang tahanan. Tinutulan ng babae ang kagustuhan ng hepe. Sa halip ay nagbigay ng
kondisyon na ang hepe ng pulisyang ang pumunta sa tahanan ng babae sakâ sinabi ng babae ang
lugar ng kaniyang tahanan.

Humingi ng tulong ang babae sa kadi. Inihayag niya ang sitwasyon ng kaniyang “kapatid.”
Pinakiusapan nitó na pag-aralan ang kaso at palayain ang kaniyang kapatid na napagbintangang
kriminal. Nang sulyapan siyá ng kadi, umibig din ito sa kaniya. Gaya sa hepe ng pulisya,
nagbigay ito ng kondisyon na gagawin ang makakáya at palalayain ang kapatid kung pupunta ito
sa tahanan ng kadi. Muling tinutulan ito ng babae at pinapunta na lámang ang kadi sa kanilang
tahanan at sakâ nagbigay ng oras at lugar.

Pumunta rin siyá at humingi ng tulong sa vizier na palayain ang kaniyang kapatid. Subalit may
ibinigay ring kondisyon ang vizier. Gusto ng vizier na payagan siyáng gawin ang kaniyang gusto
sa babae kapalit ng paglaya ng kapatid na laláki. Muli, pumayag ang babae sa kondisyong ang
vizier ang pupunta sa kaniyang tahanan.

Mulâ rito ay pumunta siyá sa hari. Isinalaysay niya ang pangyayari at humingi siyá ng tulong
upang mapakawalan ang kaniyang sinasabing kapatid. Nang marinig ng hari ang nakahahabag na
salaysay tungkol sa pagkakakulong ng kapatid, bumukal sa pusò nito ang awa at pagmamahal.
Sinabi nitó na sumáma ang babae sa kaniyang tinutuluyan upang matulungan siyá ng hari na
mapalaya ang kapatid. At gayundin ang kinahinatnan ng pag-uusap ng dalawa. Ibinigay ng babae
ang oras at lugar ng pagpunta ng hari sa kanilang tahanan.

Pagkatapos ng pakikipag-usap ng babae sa hari ay tinúngo niya ang karpintero. Inatasan ng


babae ang karpintero na gumawa ng aparador na may apat na kompartment na magkakapatong at
may pinto ang bawat isa na maisasara. Inalam ng babae ang bayad sa pinagagawang aparador
para agad niya itong mabayaran ngunit sinabi ng karpintero na libre na lámang ito kung papayag
ang babae sa kaniyang kahilingan. Bágo pa man sumang-ayon ang babae sa kahilingan ng
karpintero ay humiling din ito na gawing lima ang kompartment ng aparador. Sinabi ng babae na
ihatid ang kanilang aparador sa kanilang tahanan ng araw ding iyon sakâ sinabi sa karpintero na
magtúngo muli sa kanilang tahanan sa takdang araw.

Dumating ang araw na ibinigay niya sa lahat ng hiningan niya ng tulong. Isinuot niya ang
kaniyang pinakamahal na damit, naglagay ng mga adorno sa sarili, nagpabango, naglatag ng
mamahaling karpet, at naghintay sa kahit sino ang maunang dumating.

Ang kadi ang unang dumating. Nang makíta niya ito, tumayô siyá at humalik sa paanan ni kadi.
Hawak ang kamay, niyaya niya itong maupo sa karpet. Nang sisimulan na nitó ang kaniyang
pakay, sinabi ng babae na alisin ang kasuotan at turban at isuot ang dilaw na roba at bonnet
habang naghahanda siyá ng makakain at maiinom. Habang isinusuot ng kadi ang roba at bonnet,
may kumatok sa pinto. Sinabi ng babae na ang asawa niya ang kumakatok kayâ nataranta ang
kadi. Pinapások ito ng babae sa ibabang kompartment ng aparador sakâ isinara ang pinto.

Pumunta siyá sa pintuan at tiningnan kung sino ang kumakatok. Ang hepe ng pulisya. Pinatulóy
niya ito agad. Sinabi niya rito na ariin niya ang kaniyang naisin. Subalit bágo nitó magawa ang
kaniyang pakay, iniutos ng babae na gumawa ng kautusan na magpapalaya sa kaniyang kapatid.
At gumawa na nga ng kautusan ang pulis na nakasaad ang agarang pagpapalaya sa kaniyang
kapatid. Nang sisimulan na ng pulis ang kaniyang pakay, biglang may kumatok sa pinto. Sinabi
muli ng babae na asawa niya ang kumakatok kayâ pinapasok niya ang pulis sa aparador at sakâ
isinara ito.

Samantala, ang nangyayari ay naririnig lámang ng kadi na nasa loob ng isang kompartment ng
aparador.

Pumunta uli ang babae sa pintuan upang muling tingnan kung sino ang kumakatok. Ang vizier.
Sinabihan din siyá ng babae na tanggalin ang mabigat na damit at turban at magsuot ng mas
magaan. Isinuot ng vizier ang bughaw na damit at ang kaniyang pulang bonnet, pati na rin ang
kaniyang robang gagamitin upang maging maginhawa ang pagtulog. Nagsimula na ang vizier sa
kaniyang pakay nang biglang may kumatok. Tinanong ng vizier kung sino ito at sinabi ng babae
na ito ay ang kaniyang asawa. Nalito ang laláki at nagtanong kung ano ang kaniyang dapat gawin
kayâ’t sinabi sa kaniyang magtago sa loob ng aparador, sa ikatlong kompartment. Tulad ng
nauna, isinara din niya ang pinto ng aparador.

Pumunta siyá sa pinto at pinagbuksan ang kumakatok. Ito ay ang hari. Pagkatapos na imungkahi
ng babae ang pagpapalit nito ng damit, maya-maya pa ay nagkapalagayang-loob na silá.
Sinimulang gawin ng hari ang kaniyang ninanais ngunit nakiusap ang babae at sinabing alisin
muna ang roba at turban at palitan ng mas murang roba na inihanda Niya.

Ang lahat ng kanilang pinag-uusapan ay naririnig lámang ng tatlong laláking nakatago sa tatlong
kompartment ng aparador subalit hindi silá makapagsalita. Nang simulan ng hari ang kaniyang
nais sa babae, may kumatok muli sa pintuan. Tinanong nito kung sino ang kumakatok. Muling
sinabi ng babae na ito ang kaniyang asawa. Sinabi nito na paalisin ang asawa o siyá, ang hari,
ang magpapaalis dito. Sinabi ng babae sa hari na maging matiyaga. Kayâ’t pinapások niya ito sa
pangapat na kompartment ng aparador at isinara ang pinto.

Lumabas ang babae upang patuluyin ang kumakatok. Ito ang karpintero. Ibinungad ng babae sa
karpintero ang pagrereklamo na makipot ang panlimang kompartment na ginawa niya. Itinanggi
ito ng karpintero. Upang mapatunayan ang idinadaing ng babae, pinapások niya ang karpintero
sa hulíng kompartment at nang makapások ito ay kaniyang isinara.

Agad dinalá ng babae ang sulat ng hepe sa estasyon ng pulisya. Agad namang pinalaya ang
kaniyang mangingibig. Hindi nilá malaman ang kanilang gagawin. Napagpasiyahan niláng
magpakalayô-layô at lumipat ng siyudad sapagkat hindi na silá makapananatili sa lugar na iyon.
Gumayak silá at tumakas sakay ng isang kamelyo.

Samantala, nanatiling nakakulong sa aparador ang limang lalaki. Tatlong araw siláng walang
pagkain at tubig. Hindi na nakatiis ang karpintero, kinatok niya nang malakas ang kompartment
ng hari, kinatok naman ng hari ang kompartment ng vizier, kinatok naman ng vizier ang
kompartment ng hepe, at ng hepe ang kompartment ng kadi. Sumigaw ang kadi na nagsasabing
bakit ba silá nagsasakitan gayong lahat naman silá ay nakakulong. Nagkarinigan siláng lima.
Napagtanto nilá na silá ay napaglalangan ng babae. At habang silá ay nagkukuwentuhan ng mga
pangyayari, nagtaká ang kanilang mga kapitbahay sapagkat may ingay siláng naririnig ngunit
wala naman siláng makítang tao sa loob. Kayâ’t napagpasiyahan niláng wasakin ang pinto at
pasukin ang bahay.

Nakita nilá ang aparador na yari sa kahoy. Nakarinig silá ng nagsasalita kayâ’t tinanong nilá
kung may genie sa loob nito. Sinabi ng isang kapitbahay na sunugin ang aparador. Sumigaw ang
kadi na huwag siláng sunugin. Nagkunwari siyáng genie, nagsalita ng mensahe gáling sa Qur’an.
Pinalápit nitó ang mga tao sa aparador.

Lumápit silá sa aparador at nagsimulang magsalaysay ang mga nakakulong. Tinanong nilá kung
sino ang may kagagawan ng lahat ng ito. Ikinuwento nilá lahat-lahat ang nangyari. Nang
makalabas na ang mga nakulong sa kompartment at makíta ang kanilang mga hitsura at
pananamit, nagtawanan na lámang silá. Lumabas silá ng bahay na tinatakpan ang kanilang mga
mukha upang di makilála at makaiwas sa tsismis ng mga magkakapitbahay.

You might also like