You are on page 1of 2

May Batang Grasa sa Gilid ng Fly-over sa Tandang Sora

by Bienvenido Lumbera

May lumbay na kinakapa / nilulusong


Ang biyolin at piano
Sa casette-player ng kotse ko.
At dahil Disyembreng malamlam ang araw,
At buhol-buhol ang trapik,
Nagpapalaluan ang inip at panglaw.

STOP ang ilaw, walang galaw.


Sa sulok ng mata'y bigla kang nariyan-
Nakalikmong parang itim na sultan,
Sa kongkretong taniman ng halaman,
Tila basta tumubo na lang.
Nakatiklop ang mga biyas,
Nakatutok ang tingin sa dulo ng linya
Ng mga KIA Mitsubishi Toyota at Honda.
Wari'y malayo ang paroroonan,
Pero walang masakyan.

Ano nga ba ang mga larawang


Hinihintay dumapo sa balintataw?
Ano nga ba ang mga buhol ng utak
Na isa-isang kinakalag?
Ano ang hubog ng kawalang
Hinahawi ng mga mata?

Tigilan ba kita at lunsarin


Sabay dantay ng palad sa balikat na marusing,
Usisain hinging magbitiw ng mga salita
Na lalagom sa hapding hindi maidaing?

Taga-saan ka, bata?


Saan ka nagmula?
Pagkabata-bata pa
Naulala na lang bigla
Sa kapal ng wala
Na parang trapik ang dagsa,
Wala, wala, wala, wala, wala.

GO na ang ilaw.
Siksikan
Ang mga sasakyan
Una-unahan
Baka maubusan
Ng daan.
Batang grasa, paalam.
Sa aling kanto kaya
Muling mabubuglawan?
Marahil, marahil lamang,
Doon, ikaw ay titigilan.
Aaluking sumakay,
At pangangakuan,
Na wala nang palaboy,
Pagdating ng araw,
Aalukin ng mga salitang ipupuno sa wala,
Paghihintaying sikatan ng gintong tala
Ang sandipang langit ng kapwa mo dukha.

You might also like