You are on page 1of 2

Alamat ng Makahiya

Ang mag-asawang Mang Dondong at Aling Iska ay mayaman at may kaisa-isang


anak. Mahal na mahal nila ang labindalawang taong gulang na si Maria.
Napakabait at masunuring bata si Maria. Sa kabila ng magandang katangiang ito
ni Maria, ang pagkamahiyain ay kaakibat ng kanyang katauhan. Ayaw niyang
makipag-usap sa ibang tao kung kaya’t nagkukulong lamang siya sa kanyang
silid para lamang makaiwas sa mga ito.

Si Maria ay may taniman ng mga magagandang bulaklak. Ang kaniyang mga


bulaklak ay sadyang napakagaganda kung kaya’t ang mga ito ay kilalang-kilala sa
kanilang bayan.

Isang araw, ang kanilang bayan ay pinasok ng mga bandido. Pinapatay nila ang
bawat masalubong at kinukuha ang anumang mahahalagang bagay. Sa takot na
mapahamak si Maria, itinago siya ni Mang Dondong at Aling Iska sa bunton ng
mga halaman. Si Aling Iska ay nagtago sa loob ng kabahayan, samantalang si
Mang Dondong ay nakahandang salubungin ang pagdating nga mga bandido.

“Diyos ko! Iligtas mo po ang aking anak.” Dasal ni Aling Iska.

Nang walang anu-ano’y bumukas ang pintuan ng kanilang bahay. Si Mang


Dondong ay walang nagawa nang pukpukin siya sa ulo ng mga bandido.
Nagtangkang tumakas si Aling Iska ngunit tulad ni Mang Dondong, siya rin ay
nahagip at nawalan ng malay-tao. Naghalughog ang mga bandido sa buong
kabahayan. Matapos samsamin ang mga kayamanan ng mag-asawa ay hinanap
nila si Maria ngunit sila ay bigong umalis. Hindi nila natagpuan si Maria.

Nang matauhan ang mag-asawa, ang kanilang anak na si Maria ang agad nilang
hinanap. Patakbo nilang tinungo ang halamanan. Laking lungkot ni Aling Iska ng
hindi matagpuan ang anak. Nang walang anu-ano’y may sumundot sa paa ni
Mang Dondong. Laking pagtataka niya nang makita ang isang uri ng halaman na
mabilis na tumitikom ang mga dahon.

“Anong uri ng halaman ito? Ngayon lang ako nakakita nito!” Ang may
pagkamanghang sabi ni Mang Dondong.
Tinitigang mabuti ng mag-asawa ang halaman, at doon nila napagtanto na ang
halamang iyon ay walang iba kundi si Maria. Ginawa siyang halaman ng Diyos upang
mailigtas sa mga bandido.

Hindi mapatid ang pagluha ni Aling Iska at laking pagkagulat na muli ni Mang Dondong
na bawat patak ng luha ni Aling Iska, ito ay nagiging isang maliit at bilog na kulay rosas
na bulaklak.

Magmula noon, ang halamang iyon ay inalagaang mabuti ng mag-asawa sa


paniniwalang ito ang kanilang anak. Tinawag nila itong Makahiya, tulad ng isang
katangian ni Maria

You might also like