You are on page 1of 2

PAGPUKAW NG TIWALA AT KUMPIYANSA SA PANAHON NG KRISIS

Isinalin sa wikang Filipino at inilapat sa ating K-ranasan ni Mark Joshua Talens


mula sa artikulong “Inspiring Trust and Confidence in a Time of Crisis” ni Leo Fernandez

Sa pagpapatuloy ng krisis na nararanasan ng buong mundo dulot ng Covid-19, isang bagay ang naging kapansin-pansin sa
lahat. Ito ay kung paano ipinamamalas ng mga lider ang kanilang pamumuno sa gitna ng malubhang krisis. Ang pandemyang
ito ay nagpakita sa atin ng tunay na kahulugan ng pagiging isang PINUNO sapagkat tayo ay buhay na saksi sa mga nagiging
pagtugon at diskarte ng iba’t ibang lider sa loob at labas ng bansa, ito man ay pulitiko, opisyal ng pamahalaan, o pinuno ng
kumpanya. Ang pagdaan sa krisis ay epektibong paraan upang matukoy ang malaking kaibahan ng tunay na lider mula sa
pekeng namumuno. May mga lider na tila mga buwitre, na handang samantalahin ang mga pangyayari upang isulong ang
personal na interes, habang mayroon din namang nagpakita ng tunay na malasakit at handang ipagparaya ang sarili para sa
kabutihan ng nakararami. Sa panahon ng krisis at malubhang suliranin nasusukat ang tunay na pamumuno, at ang
nararanasan natin sa ngayon ay isang magandang pagkakataon.

Suliranin o Pagkakataon?

Hindi madali ang maging isang lider. Lalo na ang maging isang tunay na lider sa gitna ng pandemya. Kaakibat nito ang
patung-patong na suliranin na kailangang tugunan – minsan sa mabilis na paraan. Mahalaga sa isang lider ang tamang
perspective o ang tamang pagtingin sa mga sitwasyong pinagdaraanan– kung siya ba ay uurong sa pagsubok na tila isang
biktima, o haharapin ang hamon at hahanapin ang mga oportunidad na maaaring gamitin upang makabangon. Ang lakas ng
tunay na lider ay nasusubok sa panahon ng suliranin. Ayon kay Leo Fernandez: “A rising tide lifts all boats – but a crisis shows
an organization’s and a person’s real strengths, like no good times ever could do.” Ang lahat ay maaring maging mahusay na
lider, sa panahong ang lahat ng bagay ay pumapabor sa organisasyon at walang matitinding problema na dumarating. Subalit
sa pagkakataong nawala ang mga bagay na nakasanayan at dumating ang sitwasyon ng walang katiyakan, doon nakikita
kung sino ang handang humarap sa hamon at kung sino ang maduduwag at aatras.

Ang isa sa katangian ng mahusay na lider ay ang paggamit sa krisis upang subukan kung gaano katibay ang organisasyon,
gayundin upang makilala ng mas malalim ang mga taong bumubuo dito. Kung ihahalintulad sa isang barko na nasa gitna ng
bagyo, nakikita ng mahusay na Kapitan ang mga kahinaan ng barko – kung saang parte ang may tagas at kailangang
patibayin: sa mga proseso, empleyado, teknolohiya, komunikasyon, at iba pang mahalagang aspeto sa organisasyon.
Natutukoy rin ng mahusay na Kapitan kung sino sa kanyang mga tripulante ang handang sumalo ng karagdagang
responsibilidad, maipagpatuloy lamang ang paglutang ng barko, habang ang karamihan ay nagtatago at tumatakas dulot ng
takot at pangamba. Ang isang mahusay na lider rin ay nagtuturo, nagbabahagi ng kaalaman, at nagsasanay sa mga
nasasakupan upang makapaghubog ng susunod pang mga lider.

Tunay ngang hindi dapat palagpasin ang mga bagay na maaring ituro ng pagdaan sa isang krisis o malubhang suliranin.

Paninindigan o Kaginhawahan?

Ang isa rin sa mabuting dulot ng krisis ay dito nasusubok ang paninindigan ng lahat sa mga prinsipyo at pagpapahalaga ng
organisasyon. Sapagkat sa panahon ng krisis, ang mga “prinsipyo at pagpapahalaga” ng isang organisasyon ay tila
nadadarang sa isang pugon, at ang lahat ng mga “mabulaklak sa pandinig na mga prinsipyo at pagpapahalagang” ito ay tila
dumadaan sa nagbabagang apoy. Sa ganitong pagkakataon, nakasalalay sa mga lider na tumayong matatag sa mga bagay
na pinaninindigan ng organisasyon. Maaring sabihin ng isang organisasyon: “ang mga empleyado ang aming
pinakamahalagang asset”, ngunit nang dumating ang krisis, ang unang hakbang na ginawa ng mga pinuno ay ang
pagbabawas ng sweldo at pagtatanggal ng mga empleyado. Madalas, nakikita ang tunay na karakter ng isang organisasyon
at ng mga lider na bumubuo dito sa mga pagpapasyang ginagawa, sa pagpili ng kung ano ang dapat manatili at dapat ng
ipagparaya habang dumaraan sa krisis.

1|Page
Bilang isang lider, itanong sa iyong sarili: hanggang saan mo handang panindigan ang mga prinsipyo at pagpapahalaga ng
organisasyon? Ang mga prinsipyo at pagpapahalagang ito ba ang tunay mong paniniwala at paninindigan o ang mga ito ba
ay mga simpleng salitang inuusal lamang ng iyong bibig? Ang kapakanan ba ng mga empleyado ang palagi nating
isinusulong? Ang pag-aalaga ba sa mga miyembro ang ating prioridad? Bilang mga lider, pakatandaan natin ang ating mga
pagpapasya at mga bagay na ating ginawa sa panahong nahihirapan ang lahat ay natatandaan at tumitimo sa isipan ng ating
mga nasasakupan. Ang paninindigan ng isang lider sa mga prinsipyo at pagpapahalaga anuman ang hirap na nararanasan
ay mabibigyan ng gantimpala at babalik sa organisasyon ng makailang ulit sa panahong umayos na ang sitwasyon.

Ang panahon ng krisis ang pinakamagandang pagkakataon para sa isang lider upang mataas na iwagayway ang bandera ng
mga prinsipyo at pagpapahalagang tinitindigan ng organisasyon. Sapagkat ito ang pagkakataong nakikitang malinaw ng lahat
ang tunay na kahulugan ng mga prinsipyo at pagpapahalagang ito, na karaniwang nalilingid kapag maayos at maginhawa
ang sitwasyon.

Harapin ang Katotohanan o Magtago sa Kasinungalingan?

Isa sa mga pinakamalaking hamon sa gitna ng krisis ay ang pagtanggap ng katotohanan. Ito man ay sa panig ng pamahalaan
o simpleng organisasyon, likas na ugali na ng ibang lider ang itanggi ang katotohanan sa mga nangyayari. Kung sakaling ang
pagtatanggi ay imposible, ang pagtatago at paglilihis ang kanilang ginagawa upang makabuo ng kanais-nais na bersyon ng
katotohanan para sa lahat. Kung titignan natin ang sitwasyon ngayon ng bilang ng mga kaso ng mga nagpositibo sa Covid-
19, maraming bansa ang nagtala ng milyung milyon habang ang bilang ng kaso sa China, na siyang pinagmulan ng virus ay
nananatili sa 90,000. Maraming nagtataka kung ito ba talaga ang totoong bilang ng mga kaso o ito ay pinapalabas lamang
ng kanilang pamahalaan. Ayon sa isang talamak na kasabihan, “The truth will set you free”, ngunit kabalintunaan na kapag
nasa gitna na ng krisis, ang ibang lider ay mas pinipiling yumakap sa kasinungalinan kaysa sa katotohanan.

Ano ba ang kasalukyang realidad ng organisasyon? Ano ang realidad ng iyong team? Marami ba sa iyong miyembro ang
hirap pa rin sa pagbabayad? Mataas ba ang resignation sa iyong nasasakupan?

Hindi basta mawawala ang krisis na ating kinakaharap ngayon. At bilang isang lider, marapat lamang na ipakita natin sa ating
mga nasasakupan na hindi dapat umatras sa hamon, anuman ang realidad na ating kinakaharap sa ngayon. Sa lider unang
dapat makita na ang pagtuturing sa mga pagsubok ay isang oportunidad upang umangat at lalo pang maging mahusay. Dapat
maging matatag sa ating paniniwala at ipakita na totoo tayo sa ating mga adhikain upang mapukaw ang damdamin ng lahat
na anumang hirap ang ating kinakaharap, ito ay sama-samang mapagtatagumpayan.

Sa dami ng mga suliraning kailangan harapin ng isang lider, kinakailangang taglayin ang mga katangian tiyak na pupukaw sa
damdamin at isipan ng mga nasasakupan – integridad at lakas ng loob.

2|Page

You might also like