You are on page 1of 3

PANGAMBA SA GITNA NG PANDEMYA

Tila isang bangungot ang nangyayari sa sanlibutan. Sa isang iglap, biglang nabago
ang lahat. Bawat tao’y nakikipaglaban sa anino ng kamatayan. Lumalaban ngunit hindi
alam kung nasaan ang kalaban. Isang virus na mapanganib, nagkukubli at handang
umatake ano mang oras. Ngayo’y dinadagsa tayo ng masasamang balita at tayo’y
nabubuhay sa panahon ng pag-aalala at pangamba sa gitna ng pandaigdigang pandemya.
Sa kasalukuyan, nahaharap tayo sa isang totoong labanan, isang digmaan laban sa
di-nakikitang kaaway na pumapatay sa milyun-milyong tao at gumugulo sa buhay ng
sangkatauhan. Ito ang COVID-19, isang nakakahawang sakit na labis na nakaapekto sa
buhay ng lahat na nagdulot ng malaking takot sa publiko. Takot at pangamba ang
namumutawi sa ating lahat na tila para bang sa bawat labas natin ngayon sa bahay ay
hindi natin alam kung makakauwi ba tayo sa ating tahanan at pamilya na walang dalang
sakit. Nakalulungkot isipin na ang pagsiklab ng pandemyang ito ay isang malaking
pasanin hindi lamang sa buhay ng mga tao kundi pati na rin sa gobyerno at sistema ng
kalusugan. Sunud-sunod na mga positibong mga kaso ang napapabalita araw-araw at
parang walang katapusan ang pagkalat ng virus na ito. Ang dating maingay na kalsada ay
nababalot ngayon ng katahimikan, ang mga batang naglalaro sa lansangan ay
nagkukubli’t takot lumabas ng bahay, ang magagandang mga pasyalan, mall, simbahan,
paaralan at iba pa ay pansamantalang isinara. Maraming mga Pilipino na salat sa yaman
ang naaapektuhan sa kanilang payak na pinagkukunan ng pangtustos sa pang-araw araw
na pangangailangan. Kaysakit isipin na maraming mga Pilipino ang walang makain, mga
batang kumakalam ang sikmura at umaasa lamang sa tulong ng gobyerno. Sa panahong
ito ay mapagtatanto natin na hindi lahat ay kayang bumili ng bitamina, mask, at mga
alkohol upang maprotektahan ang kanilang sarili. Kung kaya’t kaakibat sana ng
pagpapatupad ng quarantine ay ang mas maagap na pagbibigay ng ayuda sa mga
pinakabunerableng miyembro ng populasyon at mga taong nasa laylayan ng ating
lipunan. Malinaw na maraming naging sablay na desisyon ang gobyerno ng Pilipinas sa
usapin ng COVID-19 at kung paano nitong napiling rumesponde sa krisis na ito. Ang
ating gobyerno ay nanatiling bingi at bulag sa kalagayan ng marami at mas pinipili ang
solusyong militar kaysa solusyong medikal. Ang paghuhugas ng kamay at social
distancing, o ang pagtatalaga ng sapat na pagitan sa bawat mamamayan, ay hindi sapat.
Sa katunayan, kulang ang mga health workers at doktor ng mga tamang kagamitan para
sa monitoring ng mga pasyenteng posibleng positibo sa virus. Hindi sapat ang lockdown
para mapigilan ang virus, kailangan ang pagmomobilisa ng mas maraming mga health
workers, sapat na suplay ng face masks, personal protection equipment, thermal scanner,
testing kit, at mga bed space para sa mga pasyenteng nasa malubhang kondisyon sa mga
quarantine centers. Nakapagtataka na imbes na ang mga ito ang unahin ng gobyerno ay
mas pinili nitong i-mobilisa ang pulupulutong na armadong pulis at militar na para bang
ang COVID-19 ay isang problemang militar. Samantala, ilang buwan na ang nagdaan
matapos ideklara ang community quarantine, ngunit hanggang ngayon, wala pang
konkretong solusyon ang ating gobyerno para pigilan ang paglobo ng mga positibong
kaso ng corona virus. Kung kaya’t napapatanong ang karamihan, “Magiging normal pa
ba ang lahat?” Bawat tao ay walang ideya at patuloy na nangangamba kung ano ang
mangyayari sa hinaharap at kung paano makakabangon muli ang ating ekonomiya.
Dagdag pa dito, lahat ay nag-aabang at umaasa na magkaroon na ng lunas para
matuldokan na ang krisis na ating kinakaharap.
Gayunpaman, sa gitna ng kawalang-katiyakan na dulot ng COVID-19, hindi
nagpatalo sa pangamba ang mga Pilipino at piniling magsama-sama upang kumilos at
tumulong sa mga nangangailangan na hindi alintana ang pagod at panganib na dala ng
kumakalat na virus. Maraming mga bagay ang nakansela dahil sa virus ngunit ang
kabutihan, koordinasyon at kabutihang-loob ng mga Pilipino ay nanatili. Nagtutulungan
ang bawat isa, libreng sakay sa mga walang masakyan, pagbabahagi ng pagkain sa mga
nagugutom, nagkaroon ng kalidad na oras kasama ang pamilya, at nalimitahan ang
polusyon na dulot ng mga sasakyan at pabrika. Nakakataba ng puso na makita na ang
kultura ng pagbabahagi, kooperasyon, at pakikipamuhay sa kapwa-tao ay nananatiling
mas may bigat sa mga panahon ng krisis tulad nito. 
Tunay nga na ang coronavirus ay mapaghamong kaganapan na sumiklab sa
kasalukuyang panahon. Ang kahapon ay hindi na maibabalik ngunit, dapat nating
tandaan na walang bagyo ang magpapatuloy magpakailanman. Sa gitna ng krisis,
ibayong pag-iingat ang ating kailangan. Isulong ang panawagang mass testing sapagkat
kailangan natin ng solusyon na naka-angkla at nakasentro sa mismong pagsugpo sa virus.
Kung ang isang maliit na virus ay maaaring makapagdulot ng malaking pinsala, isipin
kung ang milyong mga Pilipino ay nagtulungan at nagkaisa. Mahirap man ang
pinagdadaanan natin, patuloy tayong manampalataya at maging positibo na
malalampasan natin ito. Sama-sama tayong lahat at manatiling maging responsableng
mamamayan ng bansa para tuluyan ng mawakasan ang dagok na dulot ng mapansilang
virus.
NOTE!! The content of this essay may not meet your highly intellectual standards.
Please bear with it. Paki-proofread… Mwaa

You might also like