You are on page 1of 3

+

JMJ

Name: Paul Gabrielle T. Corral Strand w/ Grade and Section: ABM 11-A
Prof. Mira D. Abalajon 16/04/2022

SCAFFOLD 3

Pahimakas
Ni: Paul Gabrielle T. Corral

Maaraw. Mainit. Maraming ulap sa langit. Maganda man ang panahon noong araw na
iyon sa paaralan, hindi ko pa rin makakalimutan hanggang sa kasalukuyan ang ginawa mo sa
akin.

Masakit sa puso ko kung bakit naging masalimuot ang ating pagkakaibigan. Ginawa ko
naman ang lahat sa abot ng aking makakaya, ngunit hindi pa sapat ang aking mga nagawa. Halos
siyam na taong pagsasama ang hinagis lamang sa gilid upang pawiin ang kayabangan nating
dalawa. Magkaiba man tayo sa anyong panlabas, subalit sa loob—sa diwa at isipan—ay walang
dudang magkatulad ang ating mga adhikain at hinaing.

“Pablo. Tama na. Alis.”

Alam ko. Alam ko kung bakit mo sinabi sa harapan ng maraming tao na isa akong
pabigat sa buhay mo. Hindi ko naman inakalang ganyan ang iyong naramdaman sa akin—sa
ating pagiging magkatoto.

“Beatriz. Paumanhin. Mag-usap tayo.”

Naalala ko naman kung paano ako naging mukhang tanga sa mga mata ng madlang
walang-alam sa nangyari sa pagitan nating dalawa. Gayunpaman, ako pa rin ang lumabas na
maysala dahil umiyak ka noong nais kong maunawaan kung ano talaga ang iyong iniibig. Luha.
Luha ang aking natanggap sa huli, subalit ako dapat ang naghinagpis dati dulot ng iyong
kamalian.

“Pablo. Sabi tama na nga!”

Nandito ako ngayon malapit sa liwasan ng paaralan. Tinatamasa ko ang ating mga
alaala—mga alaalang ililibing naman sa paglipas ng panahon. Ang iyong larawan ay mistulang
itinaga sa bato. Ang mga mata mo ay tila mga bituing kumikislap sa langit. Ang iyong mga
sulyap ay nagpapabilis ng tibok ng aking puso. At tunay na lumilipad ako sa himpapawid kapag
naririnig ko ang mga tawa mo.

“Beatriz. Humihingi ako ng isa pang pagkakataon. Sana’y hiling ko ay matupad mo.”

Isang pagkakataon. Isang pagkakataon lamang ang hiningi ko sa iyo noon. Bakit hindi
mo pa binigay? Hanggang sa panahong ito ako ay nagugulumihanan sa mga sinabi mo.
Magkaibigan ba talaga tayo? O isa ka rin sa kanila? Ang mga balimbing sa ibang baitang?

“Patawad, Pablo. Hindi ko talaga masasabi ang dahilan.”

Habang dumadampi ang mahalumigmig na hangin sa aking mga pisngi, sukdulang


damdamin ang nananaig sa akin. Mga indayog ng himig na aking sinusulat animo’y
humahagulgol sa pighati at poot. Ika nga, isang pahimakas—pahimakas ng ating salaysay bilang
magkasangga.

“Beatriz. Hindi ko na kaya.”

Mapait man sabihin ang mga salitang hindi ko inakalang wiwikain ko, ito ang tamang
hatol ng tadhana sa ating dalawa. Hindi mo man ako mamahalin ulit, ako ay nalulugod pa rin
sapagkat ikaw ay aking nakilala. Ipinagtagpo man tayo, ngunit iba ang sinulat ng Panginoon sa
aklat ng buhay.
“Pablo. Salamat. Salamat talaga.”

Ilang oras na lamang, takipsilim na. Lulubog ang araw, ang kadiliman ay aapaw. Ang
pag-asa ng bagong umaga ay yayakapin ko. Ipinapaubaya na kita kung sinuman ang magiging
katuwang mo sa huli—sapagkat ang iyong kasiyahan ay kasiyahan ko rin. Mabigat man sa aking
kalooban, patuloy ko namang tatahakin ang daang makulimlim. Datapwat, iba na ang aking
tanglaw sa lansangan, walang kaparis ang ilaw mo sa iba.

Ibinaba ko ang aking panulat at tiniklop ang papel dahil tapos na ang aking obra
maestra—isang awit na alay sa kalunusan ng ating pagsasama.

Paalam munting kaibigan…recuerdame (alalahanin mo ako). Sabes quién soy, incluso en


el futuro (alam mo naman kung sino ako sa kinabukasan).

Atentamente (Taus-puso), Pablo.

You might also like