Hindi madali ang buhay ng isang mag-aaral lalo na’t nadagdagan ng dalawang taon ang aming gugugulin sa High School o ang tinatawag na Senior High School. Ngunit maituturing na makabuluhan ang pagbabago sa sistema ng ating edukasyon upang ang bawat mag-aaral ay mahasa sa iba’t-ibang larangan, sa akademiko, teknikal, o bokasyonal man na kurso. Bago ko tahakin ang unang yugto sa mundo ng Senior High o ang Grade 11, wala akong kamuwang-muwang kung ano ang posible kong kahihinatnan ko sa instutusyon na aking papasukin. Nakadama ako ng takot na baka mangapa ako sa bagong kapaligiran. Nangangamba kung paano sila pakikisamahan. Nagugulumihanan ako sa mga agam-agam na nabuo sa aking isipan. Sa bawat hakbang ng aking ginagawa, pabigat ito ng pabigat. Sa bawat bagong mukha ng aking nakikita para akong isang pinto na unti-onti sumasara. Ngunit pinili ko pa rin magpatuloy. Nang tuluyan na akong pumasok bilang mag aaral sa online class, muli kong nakita ang mga pamilyar na pagmumukha ng aking mga kaibigan. Lubos na kaligayahan ang aking nadama, sa kadahilanang hindi na ako mag-isa na haharapin ang hamon ng buhay sa Senior High School. Hindi naging madali na magkakasama sama kami sa iisang seksyon. Halos isang linggong nagpapakilala sa isa’t-isa hanggang masaulo ang bawat pangalan. Nabuo sa aming isipan ang iba’t-ibang impresyon. Ngunit sa paglipas ng araw at buwan mas nakilala namin ng lubusan ang bawat isa. Unti-unting bumubuo ng matatag na samahan. Dito namin natutuhan kung paano magbigay galang sa bawat mag-aaral at mga guro. Kung paano gamitin ng tama ang oras sa makabuluhang bagay. Nasubok rin ang aming kakayahan na panagutan at resulbahan ang mga bagay na aming ginawa. Tumulong ng hindi humihingi ng anumang kapalit at bumuo ng tunay na pagkakaibigan. Dumating ako sa punto kailangan kong unahin ang sandamakmak na gawain kaysa sa kumain. Gumugol ng higit na oras at misan nga’y wala ng tulugang nagaganap matapos lamang ang pananaliksik na aming ginagawa. Sa dami ng gawain sa paaralan minsa’y nagdulot din ito ng hindi inaasahang karamdaman. Minsa’y hindi na rin namin magawang ibalanse ang buhay estudyante at buhay kabataan. Hindi ko naman masisisi ang aming mga guro na sandamakmak kung magbigay ng gawain. Dahil alam kong lahat ng iyon ay para sa aming kinabukasan at paghahanda upang harapin ang mundo ng trabaho. Nakita ko na rin kung paano magtiyaga ang mga guro upang maturuan kami ng mabuti. Iba’t- ibang estilo ng pagtuturo at pakikihalubilo ang kanilang ipinamalas upang maintindihan namin ng lubos ang bawat detalye at ideya ng kanilang itinuturo. Sa bawat araw na tinuturuan nila kami, laging nanaig ang pagiging ina, ama, kapatid at bilang kaibigan namin. "Ipagpatuloy at pagbutihin ang nasimulan", ito'y nagsilbing paalala sa amin ng mga guro, na anumang estado ng aming kaalaman at buhay sa kasalukuyang ito ay maaari pa itong gumanda't umunlad. Nakasalalay ito sa atin, kung kaya pa nating pagbutihin ang pag-aaral, gawin natin. Lalo na kapag nararamdaman natin ang naising pagbutihin ito. Lahat posible kapag mayroon tayong naisin at determinasyong maabot ang ating minimithi. Alam kong hindi pa rito nagtatapos ang aking tatahakin dahil simula pa lamang ito. Maaaring mas mahirap pa ang bago kong kakaharapin na hamon ng buhay at ang lahat ng aking karanasan ang magsisilbing pundasyon upang matarog pa ang aking marating. Sa bawat mag- aaral, lagi nating tatandaan na marami pang oportunidad na magbubukas para sa atin at buong lakas nating harapin ang hamon ng buhay. Anumang hirap ang ating danasin, ito ang bubuo ng ating pagkatao't katapangan. Lahat ng ating ginagawa sa kasalukuyan ay kapakinabangan sa ating kinabukasan.