You are on page 1of 7

Pangkat V.

Filipino bilang Wikang Pambansa


Malinaw na ang wika ay isang mahalagang kasangkapan na ginagamit upang
maiparating ang mga nasasaloob na ideya at damdamin ng isang tao. Hindi lamang ito isang
paraan ng pakikipag-usap natin sa kapwa kundi ginagamit din natin ito upang makipagkaibigan,
makipagtalakayan at maibahagi ang ating iba’t ibang opinyon at kaisipan. Sa buong kasaysayan,
maraming mga bagay, sitwasyon at pangyayari na tumutukoy sa kahalagahan ng wika sa mga
tao, sa ating kapaligiran at higit lalo na sa ating bansa.
Ang wika ay hindi lamang kumakatawan sa isang tao. Ito ay kumakatawan din sa
pangunahing pagpaparating sa iba ng panlipunang pagkakakilanlan. Sa maikling salita, ang wika
ay tumutulong na mapanatili ang mga damdamin ng kultura, sining at pagkabansa ng isang
bayan. Ang wikang Filipino, na siyang pambansang wika sa Pilipinas ay ang wikang ginagamit sa
lahat ng sulok ng bansa. Ito ang nagsisilbing sinturon upang maitali ang mga mamamayan
upang maging isa sa kanilang mga diwa, pangarap at kalsadang tinutugpa. Mahirap na isipin
kung walang sariling wika na magiging daan upang magkabuklod-buklod ang mga hiwa-hiwalay
na isla ng Pilipinas. Maaaring magdulot ito ng mga kaguluhan at hindi pagkakaunawaan. Kahit
na sa anumang anyo, sa pamamagitan man ng pagsusulat o pagsasalita, ang wika ang
pinakamabisang paraan upang maihatid ang mga kaisipan at mapanatili sa madaling hakbang
ang kasaysayan at mga tala ng mga sinaunang Pilipino. Sa ganitong pagkakataon, malalaman ng
mga kasalukuyang mamamayan ang mga hakbangin na ginawa noong una upang maituloy ito sa
mabuting paraan at maiwasan ang mga hindi magagandang pangyayari noon. Ito ang ilaw na
magiging tanglaw ng mga Filipino upang mapabuti pa ang mga gawain. Ito rin ang magsisilbing
lakas upang maisakatuparan ang mga naudlot na pangarap noong simula pa.
Sa paglipas ng panahon, mapatutunayan na ang wika ang siyang pinakamahalagang
sandata upang maiparating ng isang bansa sa kanyang mga mamamayan ang mga pangyayari,
kasaysayan at bahagi ng ekonomiya nito. Gayundin naman na ang wika ang siyang sentro ng
mga mamamayan upang maihugos sa kanilang pamahalaan ang kanilang mga hinaing.
Naipadarama ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang sariling wika ang kasidhian ng kanyang
damdamin, ang lalim ng kanyang pagkatao, ang katangian ng kanyang ginagalawang
kapaligiran, ang lawak ng kanyang kultura at sining, ang kabihasaan niya sa anumang larangan
at ang katotohanan ng kanyang pag-iral. Sa kabuuan, ang wika ang nagsisilbing kaparaanan
upang maging isang ganap na tao ang isang tao at maging isang ganap na bansa ang isang
bansa.

Part I. Pamagat ng Artikulo


Wika mo! Wika ko! Wika natin ay wikang Filipino!
“Ako’y isang Pinoy!” simpleng salita na may malalim na kahulugan kung lubusan natin
itong sususuriin. Paano nga ba natin mapapatunayan ang ating tunay na pagmamalaki bilang
isang Pilipino? Kung ating titignan, maraming paraan hindi ba? Subalit ang pinaka mahalaga ay
ang paggamit natin ng ating sariling wika. Bilang panimula, nais kong itanong kung batid nga ba
natin ang kahulugan ng salitang “wika”? Ano bang wika ang ginagamit mo? Mahalaga ba ang
wika sa buhay ng bawat tao? Paano ba ito makakatulong sa pag-abot ng magandang bukas na
inaasam natin? Marahiltayo ay napaisip nang malalim o napabuntong hininga, ngunit hayaan
mong bigyan namin ng kasagutan ang mga katanungan sa iyong isipan. Maraming pagkakataon
na hindi sapat ang simbolo, galaw, kumpas at iba pa upang maipahayag ang tunay na kahulugan
ng isang bagay. Dito pumapasok ang kahalagahan ng wika – ito ang pangunahing midyum
upang maipahayag natin ang ating saloobin at opinion ayon sa nilalaman ng ating isip at
damdamin sa ating kapwa. Ito ang ginagamit natin sa pang-araw-araw partikular na sa
komunikasyon.
Kung wala ang wika, paano natin mapapanindigan ang ating mga prinsipyo at paniniwala
sa buhay? Hindi ba’t napakahalaga ng wika? Tunay nga naman! Sapagkat sa pamamagitan nito
magagampanan natin ang isa sa pangunahing tungkulin dito sa mundong ibabaw at ito ay ang
magbahagi ng kaalaman. Bawat bansa dito sa mundo ay may kanya-kanyang wika na ginagamit
upang matalos ang malawak na pagkakaintindihan ng bawat isa. Kung ang iba ay may salitang
Ingles, Niponggo, Mandarin, Spanish at marami pang iba, dito sa Pilipinas, “Wikang Filipino” ang
tawag sa pangunahing wika o “mother language” ng bansa. Ang Pilipinas ay binubuo ng Pitong
libo at isang daang mga pulo na pawang pinaghihiwalay ng mga malalaking karagatan dito sa
ating bansa. Bawat mga mamamayan sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas ay mayroon ding sariling
wikang kinagisnan. May kanya-kanyang kultura, wika at paniniwala batay sa lahing
kinabibilangan. Maraming salita ang ginagamit sa bansa tulad ng mga sumusunod: Pampango,
Waray, Visaya, Cebuano, Ilokano, Bikolano at iba pa. Subalit namumukod tangi pa rin na ang
WIKANG FILIPINO. Ito ang nagsisilbing buklod ng sangkapilipinuhan upang makamit ang
kaunlaran at kaayapaan na ating pinapangarap. Ito ang landas tungo sa pagkakaisa. Wikang
Filipino ang daan upang ang galit at poot ay maiwaksi sa ating mga puso at tunay na
pagmamahalan ang siyang maghari dito. Hindi pa huli ang lahat, maari pa nating simulan ang
nararapat Maniwala, Magtiwala at Umaksyon! Wika mo! Wika ko! Wika natin ay wikang
Filipino! Anuman ang lahi mo. Iba man ang kultura at kulay ng balat mo, Ikaw, Ako, Tayo ay
tunay na mga Pilipino! Wikang Filipino ay bukod tangi at nag-iisang wikang Filipino maghahatid
ng panibagong pag-asa. Saan mang panig ng mundo tayo tumungo. Iba’t-ibang lahi man ang
ating makahalubilo. Taas noo nating ipagmamalaki na ang dugong nananalaytay sa atin ay
dugong Pilipino. Wkang Filipino: Noon, Bukas at sa darating na Henerasyon. Wikang Filipino,
Hanggang kamatayan ay baon.

Part II . Pangunahing Paksa


Pangunahing biyaya ng Diyos ang wika. Dahil sa wika, ang buong mundo ay
nagkaintindihan; ang mundo ay pinag-uugnay – ugnay ng global na komunikasyon at kariktan ng
teknolohiya. Mahalaga at di mawawalay na bahagi ng pakikibaka ng sambayanag Pilipino para
sa isang bansang tunay na malaya at nagsasarili ang pagtataguyod sa wikang Pambansa.
Ang pambansang wika ng Pilipinas ay FILIPINO na katuparan ng pangarap ni Pangulong Manuel
L.Quezon na wikang panlahat . Ang wikang pambansa ay pinayayabong,pinayayaman at
pinatatag ng lahat ng wikang ginagamit sa bansa.Nakapaloob ito sa Pambansang Awit,
Panunumpa sa Watawat at sa lahat na sagisag ng kalayaan at kasarinlan.Tungkulin ng bawat
Pilipino na pag- aralan gamitin, pangalagaan, palaganapin, mahalin at igalang ang mga wikang
ginamit sa bansa. Alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041 s. 1997 na Nagpapahayag ng Taunang
Pagdiriwang tuwing Agosto 1 – 31 bilang Buwan ng Wikang Pambansa na nilagdaan ng
Pangulong Fidel V. Ramos na ang mangunguna sa pagdiriwang ay ang Komisyon ng Wikang
Filipino (KWF). Isa sa dahilan kung bakit wala pang katumbas na salitang Filipino ang
napakaraming Ingles na salita ay dahil sa matagal na panahon na hindi natin ito pinaunlad. Ang
wikang Ingles ang nagamit at ginagamit natin na instrumento upang umusbong ang ating bansa.
Kaya naman ang Ingles ang napalawak natin habang ang wikang Filipino naman ay mistulang
hindi na nagagamit at nabibigyang ng tamang pansin.
Sa modernisadong mundo na ating ginagalawan napakaraming suliranin ang makikita sa
paggamit ng wikang Filipino kasama dito ang mga sumusunod:

 Hindi pagbigay ng tamang pagpapahalaga ng mga paaralan sa tamang paggamit ng


wikang Filipino.
 Kakulangan ng kaalamanan sa mga makabagong pamamaraan ng pagturo.
 Miskonsepsyon sa gamit ng wika.
 Kamalayang makadayuhan na nagdadahilan ng kawalan ng interes ng mga
magaaral sa sarili nating mga panitikan.
 Kakulangan sa bokabularyong Filipino/Tagalog.
 Ang kaisipan na madali lang ang asignaturang Filipino.
 Maling pagbigkas ng mga salita na nagsasanhi ng pagkakamali sa pagbaybay o
intindi ng wikang Filipino.
Filipino bilang pambansang wika na mayroong katumbas na layunin ito ang nakasaaad
sa Artikulo XIV, Seksyon 6 ng 1987 Konstitusyon kung saan nagpapatukoy dapat ginagamit at
dapat gamitin sa politika, edukasyon, lipunan, at kultura. Nakasaad rin sa Kautusang
Tagapagpaganap Blg. 335, ayon sa KWF - sa paniniwala na ang malaganap na paggamit ng
wikang Filipino sa opisyal na mga transaksyon, komunikasyon, at korespondensya sa mga
tanggapan ng pamahalaan ay magbubunga ng higit na pagkaunawa at pagpapahalaga ng mga
mamamayan sa mga programa, proyekto, at gawain sa buong bansa. Ito'y magsisilbing
instrumento ng pagkakaisa at kapayapaan para sa pambansang kaunlaran.
Malaking bahagi sa ating buhay ang ginagampanan ng ating pambansang wika na
nagsisilbing tulay tungo sa pagkakaroon ng pagkakaintindihan at pagkakaunawaan ng bawat
mamamayang Pilipino. Naglalayon na pukawin ang puso't isipan ng bawat isa hinggil sa ating
pinagmulan at nagsisilbing simbolo ng pagkakakilanlan ng ating pagkaPilipino.

Part III. Paraan ng Pagtitipon ng Datos


Noong ika-26 ng Marso 1946, nagpalabas si Pangulong Sergio Osmeña ng Proklamasyon Blg.
35, na nagtatalaga ng petsang mula ika-27 ng Marso hanggang ika-2 ng Abril bilang Linggo ng
Wika. Noong ika-23 ng Setyembre 1955, iniutos naman ni Pangulong Ramon Magsaysay sa
pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 186 na ang Linggo ng Wika ay ipagdiriwang mula ika-13
hanggang ika-19 ng Mayo. Ang pagbabago ng petsa ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika ay bilang
paggunita sa kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon, ang tinaguriang “Ama ng Wikang
Pambansa”. Dahil sa paglilipat na ito ng petsa ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika, naging
imposible para sa mga estudyante at guro ang makilahok dito. Pagkatapos ng Himagsikan sa
EDSA noong 1986, inilabas ni Pangulong Corazon Aquino ang Proklamasyon Blg. 19 noong ika-
12 ng Agosto 1988, upang pagtibayin ang pagdedeklara ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika mula
ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto kada taon. Upang higit pang pagtibayin ang mga naunang
proklamasyon hinggil sa Linggo ng Wika, idineklara naman ni Pangulong Fidel V. Ramos ang
buong buwan ng Agosto bilang Pambansang Buwan ng Wika sa pamamagitan ng Proklamasyon
Blg. 1041 noong ika-15 ng Enero, 1997. Sa kasalukuyan, ipinagdiriwang pa rin ang Linggo ng
Wika at Buwan ng Wika sa Pilipinas. Opisyal itong nakatala sa listahan ng mga kultural na
pagdiriwang sa bansa.
Sa ating mayamang salita, madali nating makikita ang iba’tibang impluwensya na siyang
nakapagbago at humulma sa pagkatao ng mga Filipino. Samakatwid ang wika rin ay maari ring
maging batayan ng ating nakaraan at kultura. Kaya ang “Buwan ng Wika” ang isa sa mga
pagkakataon natin upang ito ay pagyabungin at ipagmalaki. Pagkakataon din ito upang iparating
sa ating mga kababayan na ang ating pambansang wika ay hindi lamang para sa
pakikipagkomunikasyon ngunit siya ring pundasyon ng ating pagkakakilanlan bilang isang
indibidual at bilang isang bansa. Ang Buwan ng Wika ay isang taunang pagdiriwang sa Pilipinas
na ginaganap tuwing buwan ng Agosto. Ito ang pinalawig na pagdiriwang ng Linggo ng Wika na
pinalawig noong Enero 15, 1997 sa pamamagitan ng Proklamasyong Bilang 1041 ni dating
Pangulong Fidel V. Ramos. Kadalasang ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika sa mga paaralan.
Kaugnay nito, maraming mga kaganapan ang maaaring gawin upang ipagdiwang ito, gaya ng
sabayang pagbigkas, balagtasan, paggawa ng slogan, paggawa ng mga sanaysay pagbigkas ng
mga tula, pagsasayaw ng mga katutubong sayaw at pag-awit ng mga katutubong awit.
Upang mas mapaunlad ang ating Wikang Filipino laging ugaliing gamitin ang ating wika sa
magagandang bagay at huwag natin itong abusin. Ang wika ay isa sa napakahalang aspeto
upang maging maunlad ang isang bansa at ito ang siyang sumisimbolo sa ating pagkakakilanlan.
Gamitin ito ng wasto at tama at mahalin para na rin sa bawat isa sa ating mga Pilipino. Sinasabi
na ang wika ay isang paraan ng komunikasyon kung kaya’t dahil sa wika nagkakaintindihan ang
lahat ng tao. Iba’t-ibang wika sa bawat lugar, komunidad, at bansa. Mahalaga ang wika ng isang
bansa katulad ng Wikang Filipino. At ito ay sumisimbolo sa kultura nating mga Pilipino kung
sino, ano, at meron tayo.

Part IV. Buod ng mga Pangunahing Kaisipan


Ang ating bansa ay isang kapuluan kayo hindi nakapagtatakang magkaroon tayo ng iba’t
ibang wika at diyalektong ginagamit. Paano kayo magkakaintindihan kung ang dalawang nag-
uusap ay gumagamit ng kanilang kinamulatang wika, halimbawa, isang taga-Pampanga at isang
taga-Iloilo? Sa ganitong sitwasyon, kailangan ang isang wikang nauunawaan at kapwa nila
sinasalita.
Ang Pilipinas ay isang bansang may mga mamamayang gumagamit ng magkakaibang mga
wika at wikain. May walong pangunahing wikang umiiral at ginagamit sa iba’t ibang panig ng
kapuluan: Tagalog, Cebuano, Ilocano, Hiligaynon, Bikol, Waray, Kapampangan, at Pangasinense.
Sa ilalim ng programang Mother-Tongue-Based-Multi-Lingual Education (MTB-MLE) ng
Kagawaran ng Edukasyon, tinutukoy ang 19 na wika upang gamiting midyum sa pagtuturo at
bilang isang asignatura ng mga mag-aaral sa una hanggang ikalong baitang. Ito ang dahilan kung
bakit nadama ang pangangailangang dapat magkaroon tayo ng pagkakaunawaan at pag-iisang
damdamin bilang mga Pilipino tungo sa pagbuo ng isang malaya, maunlad, at matatag na bansa.
Hindi magaganap ang komunikasyon kung wala itong magiging daan, may tagapagsalita man,
may mensahe man, at may tatanggap man. Ang wika ang daan o instrumento ng komunikasyon
sa tulong na rin ng mga senyas kung minsan.
Ano ang Wika?
Ang wika, ayon kay Jose Villa Panganiban, leksikograpo at lingguwista, ay paraan ng
pagpapahayag ng damdamin at opinyon sa pamamagitan ng mga salita upang magkaunawaan
ang mga tao. Samantala, ayon naman sa lingguwistang si Henry Gleason, ang wika ay
masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na isinaayos sa paraang arbitraryo. Ang mga
tunog (sounds) ay hinugisan o binigyan ng mga makabuluhang simbolo (titik) na pinagsama-
sama upang makabuo ng mga salita (words) na gamit sa pagbuo ng mga kaisipan (thoughts).
Sa kabilang dako, ano naman ang wikang Filipino?
Maraming nag-aakala na Tagalog din ito. Maging sa ibang bansa, Tagalog din ang opisyal
at pambansang wika na kinikilala at itinuturo ng mga lingguwista at ginagamit sa mga programa
sa wika. Kaya mahalaga at kailangan ang maliwanag at nauunawaang depinisyon ng wikang
Filipino. Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Board of Commissioners ay nagpalabas ng
Resolusyon Big. 92-1 na naglalahad ng Batayang Deskripsyon ng Filipino. Isinulat ito sa Ingles at
isinalin sa Filipino nang ganito:
Ito ang katutubong wika, pasalita at pasulat sa Metro Manila, ang Pambansang Punong
Rehiyon, at sa iba pang sentrong urban sa arkipelago, na ginagamit bilang wika ng
komunikasyon ng mga etnikong grupo. Katulad ng alinmang wikang buhay. ang Filipino ay
dumaraan sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng mga panghihiram sa mga wika ng
Pilipinas at mga di katutubong wika at sa ebolusyon ng iba’t ibang baryedad ng wika para sa
iba’t ibang sitwasyong sosyal at para sa mga paksa ng talakayan at matalisik na pagpapahayag.
Sinusugan naman ito sa Resolusyon BIg. 96-1: Amending the Working Definition of Filipino as
Stated in Resolution 92-1.
Ang Filipino ay ang katutubong wika na ginagamit sa buong Pilipinas bilang wika ng
komunikasyon ng mga etnikong grupo. Katulad ng iba pang wikang buhay, ang Filipino ay
dumaraan sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng panghihiram sa mga wika ng Pilipinas at
mga di katutubong wika at sa ebolusyon ng iba’t ibang barayti ng wika para sa iba-ibang
sitwasyon, sa mga nagsasalita nito na may iba’t ibang sanligang sosyal at para sa mga paksa ng
talakayan at iskolarling pagpapahayag. Wika ang salamin ng kultura ng isang bansa, ang wikang
Filipino ay salamin ng kultura ng Pilipinas. Kung ang ating kultura ay maunlad sa teknolohiya,
ang wika natin ay tiyak na magkakaroon ng ibang katawagan sa mga bagay na teknolohikal gaya
ng magneto-generator, computer, fax machine, Internet, l-text, e-mail, at iba pa. Kapag may
pangangailangan, tulad sa mga makabagong teknolohiya at agham, tiyak na lilikha ng mga
bagong salita na pupuno sa kakulangan ng ating wika.
Ang tuon ng Wikang Filipino ngayon ay intelektuwalisasyon o modernisasyon upang
ito’y magamit nang mabisa sa mga pangangailangan at sa mga pagbabago sa kasalukuyan at sa
darating na milenyo. Ito ang dahilan kung bakit binago ang ating alpabeto mula abakada.
Nakasalalay ngayon sa mga kamay ng kasalukuyang henerasyon ang hinaharap ng ating wika.

Miyembro:
Adame, Reina Jane
Alcones, Aivan Jay
Aquino, Ian Philip
Asi, Kyla Jane
Bongon, John Glennier
Cabello, Cristina
Cahigan, Apriljoy
Candido, Nizza
Capiral, Marion Andrei

You might also like