You are on page 1of 2

Pangalan: Sunshine Mela D.

Canete
Kurso at Seksyon: BSED Major in Filipino – 1B

ASIGNATURANG FILIPINO AY PAYABUNGIN AT PAGTIBAYIN, HUWAG PATALSIKIN

Nang nilikha ng Diyos ang sanlibutan biniyayaan niya ng kakayahang magsalita ang bawat tao. Wika
ang siyang ginawang kasangkapan ng mga taong ito upang magkaroon ng pagkakaisa’t pagkakaunawaan.
Bawat bansa ay mayroong sariling wika, dito sa bansang Pilipinas, Wikang Filipino ang itinuturing na Wikang
Pambansa. Ang wikang ito ang siyang sumisimbolo sa ating pagkakakilanlan, kultura, at pinagmulan. Ngunit,
sa paglipas ng panahon tila harap-harapan ng pinapaslang ng Comission of Higher Education (CHED) ang puso
ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng pag-alis ng asignaturang Filipino bilang core subjects sa kolehiyo. Mariin
naming tinututulan ang memorandum na ito sapagkat mawawalan ng bisa at kahalagahan ng wikang
nagbubuklod sa mamamayang Pilipino. Ang wikang atin ay nararapat pagtibayin at payabungin hindi
binabasura’t isinasantabi lang!

Peligrosong hakbang ang inihain ng CHED na Memorandum Order No.20, Series of 2013 o ang batas
nag-aalis ng panitikan at asignaturang Filipino bilang core subjects sa kolehiyo. Ayon sa nabanggit na
komisyon, ang memorandum na kanilang ikinasa ay bahagi ng pagpapaunlad ng Edukasyong Pilipino sa antas
ng kolehiyo bunsod ng implementasyon ng batas K-12. Layunin din nito na magbigay ng kalayaan sa mga
mag-aaral na kumuha ng anumang iba pang asignaturang naisin nila at upang magdulot ng kabawasan sa mga
asignaturang kailangan pag-aralan. Ngunit, ang mga dahilang ito ay hindi sapat na rason upang permanenteng
alisin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo sapagkat may mas marami pa rin itomg maidudulot na negatibong
epekto.

Unang una na riyan ang pagkawalan ng trabaho ng mahigit 100,000 guro sa Filipino. Ang epektong ito
ay maaaring magdulot ng mataas na porsyento ng kahirapan sa bansa. Pangalawa, magkakaroon ng kalituhan sa
ideya at impormasyon kung paano gamitin ang pormal na wika at pananalita. Marami pa rin nga sa
sambayanang Pilipino ang nalilito sa paggamit ng “ng” at “nang”, “din” at “rin”, at “rito” at “dito.” Pangatlo, sa
paglipas ng panahon maaaring makalimutan natin ang wastong paggamit ng Wikang Filipino at ang kahulugan
ng mga malalalim na salita. Pang-apat, unti-unting malulusaw ang Kagawaran/Departamento ng Filipino sa
kolehiyo at unibersidad at Panglima, dahan-dahang mapapalitan ng mga banyagang salita ang ating Wikang
Pambansa.

Kung susuriin ng mabuti ang inihaing CHED Memorandum, malinaw na lumalabag ito sa iba't ibang
mga batas. Una, sa Batas Republika Bilang 7104 ng Pilipinas na naglalayong ipakilala at panatilihin ang
Wikang Filipino. Pangalawa, sa Batas Pambansa Bilang 232 o ang batas na nagpapatatag at nagpapanatili ng
isang integredad na sistema ng edukasyon at pangatlo, sa Batas Republika 7356 na may layuning paunlarin ang
sining at kultura sa bansa.

Mariin ding tinutulan ng Alyansa ng Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) at


Pambansang Samahan Sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSSLF) ang ikinasang memorandum ng
CHED. Ayon sa mga nabanggit na organisasyon, maraming probisyon ng Konstitusyon ang malalabag
kaugnay ng pambansang edukasyon, kultura, wika at polisiya sa paggawa. Suportado din ng mga kilalang
unibersidad tulad ng Unibersidad ng Pilipinas- Dillema (UP-D), De La Salle University (DLSU), Ateneo De
Manila University (ADMU), University of Sto. Tomas (UST), at Polytechnic University of the Philippines
(PUP) ang paglaban kontra CHED Memorandum Order No. 20.

Iminumungkahi naming wakasan na ang CHED Memorandum No. 20 sapagkat hindi lamang ito
nagdudulot ng malawakang pagbabago pagdating sa sistema ng edukasyon kundi nagbibigay rin ito ng
negatibong pagbabago sa iba't ibang aspeto ng ating buhay. Ang asignaturang Filipino ay mahalaga upang
mahulma ang kaalaman ng mga mag-aaral at mamamayan. Wika ang puso at simbolo ng ating lahing
pinanggalingan kung kaya't kapag ito ay permanenteng mawawala para na rin nating hinayaang makalimutan
ang lahat ng itinuro ng mga guro sa Filipino, at para na rin nating binalewala ang dugo't pawis na puhunan ng
ating mga bayani upang ipaglaban ang tinatamasang kalayaan sa bansa. Hindi kailangan alisin ang Filipino
upang magkaroon ng mas mataas ng estado sa edukasyon, ang kailangan natin ay pagtibayin ang wikang atin
upang ang susunod na henerasyon ay may sariling wika pang madadatnan. Ating ipagtanggol ang wika at
panitikang Filipino sapagkat ito ay ating tungkulin bilang Pilipino!

Ayon nga kay Gat. Jose Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang
isda: kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” Kung ikaw ang tatanungin, hihigitan mo
pa ba ang hayop at malansang isda?

You might also like