You are on page 1of 17

Senior High School

Komunikasyon at Pananaliksik
sa Wika at Kulturang Pilipino
Unang Markahan – Modyul 4: Mga
Terminong Pangwika

LU_Q1_KomPan_Module4 AIRs - LM
KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK SA WIKA AT KULTURANG PILIPINO
Baitang 11 – Unang Semestre
Modyul 4: Mga Terminong Pangwika
Ikalawang Edisyon, 2021

Karapatang sipi © 2021


La Union Schools Division
Region I

Ang lahat ng karapatan ay ibinibigay sa may akda. Anomang paggamit o pagkuha


ng bahagi ng walang pahintulot ay hindi pinapayagan.

Bumuo sa Pagsulat ng Modyul

Manunulat: Alvin D. Mangaoang


Mga Tagasuri: Justine Carlos G. Villanueva at Ana Jane M. Morales
Editor: SDO La Union, Learning Resource Quality Assurance Team
Tagaguhit: Ernesto F. Ramos Jr.
Tagalapat: Angela Pauline C. Ganuelas

Tagapamahala:
Atty. Donato D. Balderas Jr.
Schools Division Superintendent
Vivian Luz S. Pagatpatan, PhD
Assistant Schools Division Superintendent
German E. Flora, PhD, CID Chief
Virgilio C. Boado, PhD, EPS in Charge of LRMS
Luisito V. Libatique, PhD, EPS in Charge of Filipino
Michael Jason D. Morales, PDO II
Claire P. Toluyen, Librarian II

Inilimbag sa Pilipinas ng: _________________________

Department of Education – SDO La Union


Office Address: Flores St. Catbangen, City of San Fernando, La Union
Telefax: 072 – 205 – 0046
Email Address: launion@deped.gov.ph

LU_Q1_KomPan_Module4
Senior High School

Komunikasyon at
Pananaliksik sa Wika
at Kulturang Pilipino
Unang Markahan – Modyul 4:
Mga Terminong Pangwika
(Mga Konsepto, Gamit at Tungkulin
ng Wika sa Lipunan)

LU_Q1_KomPan_Module4
Paunang Salita

Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating


mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na
gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga
kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ang modyul na ito ay may inilaang Gabay sa Guro/Tagapagdaloy na
naglalaman ng mga paalala, pantulong o estratehiyang magagamit ng mga magulang
o kung sinomang gagabay at tutulong sa pag-aaral ng mga mag-aaral sa kani-
kanilang tahanan.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng
mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung
kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding
pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan.
May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat
gawain at pagsusulit. Inaasahan naming magiging matapat ang bawat isa sa
paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang
magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang
anomang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa
mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro
kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng
SLM na ito.
Sa pamamagitan ng modyul na ito at sa tulong ng ating mga tagapagdaloy,
umaasa kaming matututo ang ating mag-aaral kahit wala sila sa paaralan.

LU_Q1_KomPan_Module4
Sapulin

Binabati kita mahal kong mag-aaral dahil nakarating ka na sa modyul na ito.


Nag-umapay ang mga kaalamang iyong natutuhan sa kahalagahan, kapangyarihan
at antas ng wika sa nakaraang modyul. Magtiyaga ka pa sa pag-aaral para mas
mapayabong pa ang iyong kaalaman sa iba pang konseptong pangwika. Tara na’t
simulan na natin.

Wika ang instrumento ng tao sa pakikipagtalastasan sa kaniyang kapwa. Sa


pamamagitan nito’y naipapahayag niya ang kaniyang kaisipan at damdamin. Wika
pa rin ang nagbubuklod sa mga tao upang magkaisa sa pagkilos tungo sa kanilang
ikalalaya at ikauunlad. Wika pa rin ang gamit sa pagdukal ng karunungan (Mag-
atas et al. 2006).

Ang Modyul 4 ay tatalakay sa mga terminong pangwika gaya ng unang wika,


pangalawang wika, wikang pambansa, wikang opisyal at marami pang iba. Ang
pagiging inklusibo ng wika ay magbubunga ng masiglang damdamin ng pakikiisa at
pakikisangkot mula sa iba’t ibang komunidad wika o pangkat etniko sa bansa dahil
maghahatid ito ng mensaheng sila’y kabahagi sa pagpapayabong ng wikang
pambansa na siyang ibig mangyari ng batas.

Sa modyul ding ito, inaasahang ilalapat mo pa rin ang iyong kakayahan sa


pananaliksik lalo na ng paggamit ng iyong kaalaman sa modernong teknolohiya.

Sa pagtatapos ng modyul na ito, inaasahang mahahasa mo ang sumusunod:

Mga Pinakamahahalagang Kasanayang Pampagkatuto (MELC)


1. Natutukoy ang mga kahulugan at kabuluhan ng mga konseptong pangwika
(F11PT-Ia-85); at
2. Nagagamit ang kaalaman sa modernong teknolohiya (facebook, google, at iba
pa) sa pag-unawa sa mga konseptong pangwika. (F11EP-Ic-30)

Mga Tiyak na Layunin:


1. Natutukoy ang katuturan ng iba’t ibang terminong pangwika;
2. Napaghahambing ang konsepto ng Bilingguwalismo at Multilinguwalismo,
at Homogeneous at Heterogeneous na Wika;
3. Nakapanonood ng isang dokumentaryong may kaugnayan sa isyung pang-
wika; at
4. Nakasusulat ng isang talumpating nagbibigay ng opinyon sa pamamagitan
ng paggamit ng modernong teknolohiya.

Kaibigan, handa ka na bang madagdagan ang iyong kaalaman sa mga


terminong pangwika? Kung oo, tara na’t pag-aralan na natin ang mga ito.

LU_Q1_KomPan_Module4
Aralin
Unang Wika, Pangalawang
4 Wika at Marami Pang Wika

Simulan

Sa bahaging ito, isagawa mo muna ang paunang pagtataya ng iyong kaalam


sa paksang ating matatalakay. Huwag kang mag-alala, madali lamang ito. Alam
kayang-kaya mo.

Gawain 1: Profiling
Panuto: Dugtungan ang sumusunod na pahayag. Isulat ang sagot sa iyong sagutang
papel.

1. Ang unang wika ko ay ______________________________________________


____________________________________________________________________
2. Ang mga pangalawang wikang ginagamit ko ay ______________________
3. at __________________________________________________________________
4. Ang pambansang wika ng ating bansa ay ___________________________
____________________________________________________________________
5. Ang mga opisyal na wika ng ating bansa ay _________________________
____________________________________________________________________
6. Ang mga wikang ginagamit bilang panturo sa aming paaralan ay ____
____________________________________________________________________
7. Ang malawakang ginagamit na wika sa aming probinsya ay _________
____________________________________________________________________
8. Ang wikang pinakanaiintindihan sa ating bansa ay _________________
____________________________________________________________________
9. Ang wikang instrumento ng pagkakaunawaan ng buong mundo ay___
____________________________________________________________________
10. Ang ilan sa halimbawa ng katutubong wika na alam ko ay ___________
____________________________________________________________________

Humahanga ako sa iyong pagsagot sa gawain! Ngayon atin nang alamin ang
iba pang mga konseptong pangwika.

LU_Q1_KomPan_Module4
Lakbayin

Mga Terminong Pangwika

Unang Wika
➢ Multilingguwal ang mga mamamayan ng Pilipinas. Bunsod ito ng heograpikal
at sosyolongguwistikal na salik. Gayonpaman, marami mang wika ang
mayroon sa Pilipinas, ang wikang unang natutuhan, ginagamit sa
pakikisalamuha at unang nakapagbatid ng mga kaalamang magiging
kasangkapan sa pang-araw-araw na buhay ang tinutukoy na Unang Wika.
➢ “Mother Tongue” ang tawag sa akademikong termino ng unang wika. Ito ay
sapagkat sa inang nagsilang nanggaling ang wikang ito. Wika nga ni
Panganiban, “sinusong wika” ito ng anak sa kaniyang nanay. Ito ang wika ng
pagmamahal ng ina sa kaniyang isinilang na anak: pag-aaruga, pagtuturo,
paggabay at higit sa lahat, kung paanong huhubugin bilang tao ang sariling
sanggol.

Pangalawang Wika
➢ Anomang kasunod na mga wika na matututuhan ng isang tao pagkaraang
matutuhan ang kaniyang unang wika ay tinatawag na Pangalawang Wika.
Halimbawa, ang isang Ilocano na natuto ng Iloco bilang unang wika at natuto
ng English, Filipino at Mandarin ay masasabing may unang wikang Iloco at
mga pangalawang wikang English, Filipino at Mandarin.
➢ Ilan sa mga salik sa pagsibol ng pangalawang wika ay ang migrasyon at
emigrasyon, bunsod ng hanapbuhay, pag-aasawa, edukasyon at mga polisiya.

Wikang Pambansa
➢ Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas at may konstitusyonal na batayan
ang pagiging pambansang wika nito. Sa unang bahagi ng Artikulo XIV,
Seksiyon 6 ng Konstitusyong 1987, nakasaad na, “Ang wikang pambansa ng
Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at
pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.”
➢ Filipino ang sumisimbolo sa ating pambansang pagkakakinlanlan. Filipino
ang ating wikang pambansa dahil sa wikang ito tinatalakay ang mga bagay-
bagay ukol sa bansa. Ito ang ginagamit at gagamitin ng mga Pilipino. Ang
wikang Filipino ang nagbabandila sa mundo na hindi tayo alipin ng alinmang
bansa at hindi tayo nakikigamit ng wikang dayuhan.
➢ Mahalaga ang pagkakaroon ng pambansang wika sapagkat ito ang nagdadala
sa atin ng pambansang pagkakaisa at pagbubuklod. Mahalagang pagyamanin
at pahalagahan ang ating pambansang wika, ang isa sa mga natatanging
pamana ng ating mga ninuno at nagsisilbing yaman ng ating lahi.

Wikang Opisyal
➢ Tinatawag na opisyal na wika ang isang wikang binibigyan ng natatanging
pagkilala sa konstitusyon bilang wikang gagamitin sa mga opisyal na
transaksyon ng pamahalaan. May dalawang opisyal na wika ang Pilipinas –
ang Filipino at English.

LU_Q1_KomPan_Module4
➢ Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 7, “Ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay
Filipino, at hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, English.” Bilang
mga opisyal na wika, may tiyak at magkahiwalay na gamit ang Filipino at
English. Gagamitin ang Filipino bilang opisyal na wika sa pag-akda ng mga
batas at mga dokumento ng pamahalaan. Bukod sa pagiging pambansang
wika at isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas, gumaganap din ito bilang
Lingua Franca o tulay ng komunikasyon sa bansa.
➢ Samantala, gagamitin naman ang English bilang isa pang opisyal na wika sa
Pilipinas sa pakikipag-usap sa mga banyagang nasa Pilipinas at sa
pakikipagkomunikasyon sa iba’t ibang bansa sa daigdig. English ang
itinuturing na Lingua Franca ng daigdig. Ito ang ginagamit ng mga tao mula
sa iba’t ibang bansa para mag-usap at magkaunawaan.

Wikang Panturo
➢ Ito ang wikang gamit sa mga paaralan kung paanong matatamo ng mga mag-
aaral ang leksyong dapat matutuhan. Bukod sa pagiging pambansang wika
ng Pilipinas, iniatas din ng Konstitusyon ng 1987 ang paggamit ng Filipino
bilang wikang panturo. Tinatawag din itong “Medium of Instruction” o MOI.
➢ Sa Pilipinas, ang mga wikang Spanish, Japanese, English at mga
pangunahing wika sa Pilipinas ang ginamit na MOI sa iba’t ibang panahon.
Sa mga ginamit na MOI napakalaki ng impluwensiya ng wikang English.
Lubhang dinakila ng mga Pilipino ang paggamit ng naturang wika sa dahilan
na ring nagbunsod ng hanapbuhay o ikabubuhay ang paggamit ng wikang
English. Gayonpaman, ang paggamit ng wikang banyaga bilang MOI ay
sinasabing hindi ganap na nagiging epektibo. Hindi diumano naipahahayag
ng isang tao ang sariling talino o karunungan kung hindi ang unang wika ang
kaniyang gamit.
➢ Sa kasalukuyan, kinikilala ang paggamit ng unang wika o “Mother Tongue”
bilang MOI mula Kindergarten hanggang Baitang 3. Ang pagkilos na ito’y
bunga ng pananaliksik na isinagawa ng mag-asawang Dekker katuwang ang
dating Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino ang lingguwistang si Dr.
Ricardo Ma. Duran F. Nolasco sa Lubuagan, Kalinga.
➢ Sa naturang pag-aaral na isinagawa, humigit-kumulang sa loob ng sampung
taon at pinondohan ng World Bank ay natuklasang higit na mataas ang iskor
ng mga mag-aaral sa eksaminasyon sa mga asignaturang gumagamit ng
kanilang pangunahing wika, ang Lubuagan bilang wikang panturo. Sa
natura ring pag-aaral ay inilahad ng mga mag-aaral at guro na higit silang
nakapagpapahayag at nagkakaunawaan kung ang unang wika ang gagamitin.
➢ Ang Lubuagan Elementary School ay kinikilala na ngayon bilang modelo ng
Mother Tongue Based Multi-Lingual Education (MTB-MLE) dahil sa
tagumpay nitong nakamit na pinakanangunang paaralan sa pambansang
pagsusulit na isinagawa ng Kagawaran ng Edukasyon, taliwas sa resultang
natamo nito may 15 taon na ang nakararaan kung saan ang paaralan ay
tinuring na isa sa pinakahuli sa kapareho ring eksaminasyon.

Lingua Franca
➢ Tumutukoy ang Lingua Franca sa tatlong konseptong pangwika:
pinakagamiting wika sa sentro ng kalakalan, wikang nabuo bunga ng
magkausap na magkaibang wika at dominanteng wika ng iba’t ibang larangan
ng pag-aaral o disiplina.

LU_Q1_KomPan_Module4
➢ Tumutukoy ito sa wikang palasak o malawakang ginagamit at naiintindihan
sa isang lugar. Nagsisilbi itong tulay ng wika upang magkaintindihan ang iba’t
ibang mga pangkat etnolingguwistiko.
➢ Sa mga taga-norte, ang Lingua Franca nila ay Iloco, sa bansang Pilipinas,
Filipino ang Lingua Franca at sa buong mundo ay English.

Bernakular na Wika
➢ Ito ang tawag sa wikang katutubo sa isang pook. Hindi ito barayti ng wika
tulad ng dayalek, kundi isang hiwalay na wika na ginagamit sa isang lugar na
hindi sentro ng gobyerno o ng kalakal. Tinatawag din itong wikang
panrehiyon.

Gawain 2: Tukuyin Mo!


Panuto: Tukuyin ang hinihingi ng sumusunod na mga tanong o pahayag. Isulat ang
sagot sa sagutang papel.
___________________ 1. Tumutukoy ito sa wikang palasak o malawakang
ginagamit at naiintindihan sa isang lugar.
___________________ 2. Ang wikang panturo ay kilala rin sa katawagang ______.
___________________ 3. Ano ang mga opisyal na wika ng ating bansa?
___________________ 4. Ano ang pambansang wika ng Pilipinas?
___________________ 5. Ito ang tawag sa wikang katutubo sa isang pook.
___________________ 6. Tumutukoy ito sa anomang wikang natututuhan
matapos matutuhan ang unang wika.
___________________ 7. Ang unang wika ay kilala rin sa tawag na __________.
___________________ 8. Ano ang ibig sabihin ng MTB-MLE?
___________________ 9. Ito ang wikang kasangkot sa pananaliksik upang
mapatunayan ang pagiging epektibo ng unang wika sa
pagtuturo.
___________________ 10. Anong paaralan ang naging modelo ng MTB-MLE?

Konsepto ng Bilingguwalismo at Multilingguwalismo

Bilingguwalismo
➢ Ito ay tumutukoy sa paggamit ng dalawang wika. Isang pananaw sa pagiging
bilingguwal ng isang tao kung nakapagsasalita siya ng dalawang wika nang
may pantay na kahusayan (Bloomfield).
➢ Nangyayari ang bilingguwalismo dahil na rin sa kakayahan ng tao na
makipag-interak partikular na sa pakikipag-usap. Maaari ring dahilan nito ay
ang tiyak na pangangailangan ng isang indibidwal na gamitin ang
pangalawang wika na makaadap sa lipunan. Sa pangyayaring ito, walang
malay ang isang tao na unti-unti niyang nalilinang ang pangalawang wika
tungo sa tinatawag na bilingguwalismo.
➢ Ang pagiging bilingguwal ng mga Pilipino ay nagaganap na mula pa noong
panahon ng mga Kastila ngunit hindi lamang pormalisado. Naging pormal
lamang ito nang ipatupad ng National Board of Education taong 1973, DO. No.
25 1974 na may pamagat na “Implementing Guidelines for the Policy on
Bilingual Education”. Layunin ng order na itong makalinang ng isang lipunang
may sapat na kakayahan sa paggamit ng Filipino (Pilipino pa noon) at English
bilang panturo sa iba’t ibang asignatura sa bawat antas.

Multilingguwalismo
➢ Nangangahulugan ito ng paggamit ng tatlo o mahigit pang wika sa isang
partikular na lugar. Sa bansang tulad ng Pilipinas na may humigit-kumulang

LU_Q1_KomPan_Module4
180 na umiiral na wika, hindi kataka-takang maging multilingguwal ang
nakararaming populasyon. Ito rin ang tawag sa patakarang pangwika na
nakasalig sa paggamit ng wikang pambansa at bernakular na wika (katutubo)
bilang pangunahing midyum sa pakikipagtalastasan at pagtuturo, bagaman
hindi kinakalimutan ang wikang global bilang isang mahalagang wikang
panlahat.

Mga Bansang Multilingguwal


1. Ang Morocco ay bansang may apat na opisyal na wikang ginagamit – ang
Arabic, French, Spanish at Amazigh.
2. Ang Bolivia ay may 36 na wikang ginagamit sa anomang antas ng
komunikasyon.
3. Ang India ay may 23 wikang ginagamit. Pangunahin ang Hindu,
Malayalam, Tamil, Kannada at Telugu.
4. Ang Belgium ay may tatlong opisyal na wika: Dutch, French at German.
5. Ang Switzerland ay may apat na pangunahing pambansang wika – ang
German, French, Italian at Romansh.
6. Ang Luxembourg ay may tatlong opisyal na wika – ang Luxembourgish,
French at German.

Ang Homogeneous at Heterogeneous na Wika

Homogeneous na Wika
➢ Homogeneous ang wika kung ang ispiker o grupo ng nagsasalita ay
gumagamit lamang ng isang wika. Subalit ang ganitong anyo ng wika ay bihira
nang matatagpuan sa mundo. Homogeneous ang sitwasyong pangwika sa
isang bansa kung iisa ang wikang sinasalita ng mga mamamayan dito.
Gayonpaman, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng mga dayalek kahit isang
wika lamang ang ginagamit sa isang bansa dahil likas lamang sa mga
tagapagsalita ng isang wika na magkaroon ng ilang pagbabago sa bigkas ng
mga salita at sa pagbuo ng mga salita at mga pangugusap. Sa kasalukuyan,
ang mga bansang maituturing na homogeneous ay ang North Korea at Japan.

Heterogeneous na Wika
➢ Ang wika ay Heterogeneous kung nagtataglay o binubuo ito ng magkakaibang
elemento at taglay nito ang iba’t ibang anyo o barayti ng wika. Ayon kay
Bloomfield (1918) “hindi kailanman magkakatulad ang anomang wika. Dala
ito ng magkakaibang pangkat ng mga taong may iba’t ibang lugar, interes,
gawain, pinag-aralan at iba pa.” Heterogeneous ang sitwasyong pangwika sa
Pilipinas dahil maraming wikang sinasalita sa bansa.

Lingguwistikong Komunidad
➢ Ang lingguwistikong komunidad ay isang termino sa sosyolingguwistiks na
tumutukoy sa isang grupo ng mga taong gumagamit ng iisang uri ng barayti
ng wika at nagkakaunawaan sa mga espisipikong patakaran o mga
alituntunin sa paggamit ng wika. Gayondin, nagkakasundo ang mga
miyembro ng lingguwistikong komunidad sa kahulugan ng wika at
interpretasyon nito at maging kontekstong kultural na kaakibat nito.
➢ Ayon kay Yule (2014), ang wika at pamamaraan ng paggamit nito ay isang
porma ng panlipunang identidad at ginagamit, malay man o hindi, upang
ipahiwatig o maging palatandaan ng pagiging kasapi ng isang tao sa isang
tiyak na grupong panlipunan.

LU_Q1_KomPan_Module4
➢ Gayonpaman, kailangang tandaan na hindi lahat ng nagsasalita ng isang
wika ay kasapi sa isang tiyak na lingguwistikong komunidad. Halimbawa ang
isang Aleman ay maaaring mag-aral ng wikang Filipino, ngunit hindi
kailanman siya magiging kabilang sa lungguwistikong komunidad ng mga
taal na Filipino. Ibig sabihin, ang pagkakaiba-iba ng paraan ng paggamit ng
isang wika ay nagtatakda rin ng iba’t ibang lingguwistikong komunidad sa
loob nito.

Galugarin

Gawain 3: Makabuluhang Hambingan


Panuto: Ihambing ang sumusunod na konseptong pangwika. Gamitin ang
talahanayan sa pagsagot sa iyong sagutang papel.

Bilingguwalismo Multilingguwalismo

Homogeneous na Wika Heterogeneous na Wika

Gawain 4: Para sa Akin…


Panuto: Sagutin ang sumusunod na tanong sa inyong sagutang papel.
1. Bilang isang mag-aaaral, ano ang iyong magagawa upang mas maipalaganap
pa ang paggamit ng wikang Filipino sa isang multilingguwal na komunidad?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________

2. Bilang isang mag-aaaral, nanaisin mo bang multilingguwal ang atake ng


proseso ng pagtuturo at pagkatuto sa paaralan? Bakit? Patunayan ang iyong
sagot.
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________

LU_Q1_KomPan_Module4
Palalimin

Gawain 5: Online Talumpati, Wagi!


Panuto: Pumili ng isa sa mga paksang nasa kahon at sumulat ng isang talumpating
nagbibigay opinyon at nanghihikayat sa iyong sariling posisyong sa isyung
binigyang-pansin. Maaari mong i-access ang link upang mas mapatibay ang iyong
gagawing awtput. Isaaalang-alang ang rubrik sa pagtataya ng susulating talumpati.
Maaari mo itong isulat sa iyong sagutang papel o ‘di naman kaya’y i-post sa facebook,
google classroom at iba pang online platforms na sasabihin ng iyong guro.

Mga Pagpipilian:

Implementasyon ng MTB-
https://www.youtube.com/watch?v=2UjTp4Htc4U
MLE sa paaralan
Pagtanggal sa asignaturang
Filipino bilang core subject https://www.youtube.com/watch?v=P-iZ9vpfzpg
sa Kolehiyo
Namamatay na wikang
https://www.youtube.com/watch?v=zS2PiTGPY7w
katutubo

Rubrik sa Pagtataya ng Awtput

Krayterya Napakahusay Mahusay Katamtaman Papaunlad Nangangailangan


(20) (16) (12) (8) ng gabay (4)
Nilalaman Nakapaglahad Mahusay na Nakapaglahad ng Nakapaglahad ng Hindi
nang buong nakapaglahad ng ilang mga patunay kakaunting nakapaglahad ng
husay ng iba’t mga patunay na na susuporta sa patunay na patunay na
ibang mga susuporta sa isyu. isyu susuporta sa isyu susuporta sa isyu
patunay na
susuporta sa isyu.
Hikayat Nakagamit ng Nakagamit ng Katamtamang Papaunlad ang Nangangailangan
mga katangi- mga salitang nakagamit ng pagkakagamit ng ng gabay sa
tanging salitang nanghihikayat mga salitang mga salitang pagsulat at
nanghihikayat ayon sa tunguhin nanghihikayat nanghihikayat paggamit ng ng
ayon sa tunguhin ng talumpati ayon sa tunguhin ayon sa tunguhin mga salitang
ng talumpati ng talumpati ng talumpati nanghihikayat
Gramatika Mahusay na Nailapat ang Katamtamang Papaunlad ang Hindi nailapat ang
nailapat ang wastong nailapat ang pagkakalapat ng wastong gramatika
wastong gramatika sa wastong wastong sa talumpati
gramatika sa kabuoan ng gramatika sa gramatika sa
kabuoan ng talumpati nang talumpati talumpati
talumpati may kakaunting
kamalian

LU_Q1_KomPan_Module4
Sukatin

Mahusay! Binabati kita dahil nakaabot ka sa parteng ito. Tiyak marami kang
natutuhan sa iba’t ibang mga aralin sa Modyul na ito. Ngayon, ating tatayahin ang
iyong kaalaman sa nakalipas na mga aralin.

PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. Panuto: Basahin at unawain mo ang sumusunod na tanong. Isulat sa iyong
sagutang papel ang letra ng tamang sagot.
_____ 1. Ayon sa Artikulo XIV, Seksyon 7 ng 1987 Konstitusyon, ang wikang
opisyal ng Pilipinas ay _________________.
A. Filipino B. Filipino at Ingles
C. Mother Tongue D. Tagalog at Ingles

_____ 2. “Si Pedro ay nakapagsasalita ng mga wikang Iloco, Filipino, English ay


Pangasinan na may pantay na kahusayan.” Anong terminong pangwika
ang tinutukoy ng pangungusap?
A. Bernakular B. Bilingguwalismo
C. Multilingguwalismo D. Wikang Pambansa

_____ 3. “Ang nakamulatang wika ni Maria mula nang siya’y bata ay wikang
Kankana-ey.” Ano ang tawag sa nakamulatan o sinusong wika?
A. Katutubong Wika B. Pangalawang Wika
C. Unang Wika D. Wikang Opisyal

_____ 4. “Ang wika ng mga taga-Pangasinan ay Pangasinan o Pangasinense at


ang wika ng mga taga-La Union ay Iloco o Ilocano. Ang mga ito’y wikang
katutubong natatangi sa bawat pook.” Ano ibang termino para sa
wikang katutubo?
A. Wikang Bernakular B. Wikang Opisyal
C. Wikang Pambansa D. Wikang Panturo

_____ 5. “Wikang Filipino ang palasak na ginagamit sa Pilipinas samantalang


wikang Ingles naman ang pasalak na ginagamit sa buong mundo.” Ang
terminong pangwikang tinutukoy ay _____________________.
A. Heterogeneous B. Homogeneous
C. Lingua Franca D. Multilingguwalismo

_____ 6. Ang sumusunod ay mga salik sa pagsibol ng pangalawang wika


MALIBAN sa isa.
A. bunsod ng hanapbuhay B. emigrasyon
C. migrasyon D. unang wika

_____ 7. “Ang guro namin ay nagtuturo gamit ang dalawang wika – Filipino at
English.” Anong terminong pangwika ang tinutukoy ng pahayag?
A. Bernakular B. Bilingguwalismo
C. Multilingguwalismo D. Wikang Pambansa

LU_Q1_KomPan_Module4
_____ 8. Ito ay isang termino sa sosyolingguwistiks na tumutukoy sa isang
grupo ng mga taong gumagamit ng iisang uri ng barayti ng wika at
nagkakaunawaan sa mga espisipikong patakaran o mga alituntunin sa
paggamit ng wika.
A. Heterogeneous B. Homogeneous
C. Lingguwistikong Komunidad D. Wikang Bernakular

_____ 9. Ang Pilipinas ay isang multilingguwal na bansa, sa katunayan, ito may


humigit kumulang _______ na umiiral na wika.
A. 180 B. 560
C. 1,800 D. 5,600

_____ 10. Ang sumusunod ay mga dahilan kung bakit mahalaga ang
pagkakaroon ng Wikang Pambansa MALIBAN sa isa.
A. Ang pagkakaroon ng pambansang wika ay nagdudulot ng
estandasdisasyon.
B. Ang pambansang wika ang nagdadala sa atin ng pambansang
pagkakakilanlan at pagbubuklod.
C. Ang pagkakaroon ng pambansang wika ang dahilan upang mas
makilala sina Quezon at iba pang opisyal ng KWF.
D. Ang pagkakaroon ng pambansang wika ay nagdudulot ng
armonisasyon sa lahat ng mga wikang katutubong umiiral sa
bansa.

B. Panuto: Basahin at unawaing mabuti ang sumusunod na pangungusap. Isulat


sa iyong sagutang papel ang (✓) kung ang pangungusap ay Tama at kung ito’y
mali, isulat naman ang () saka isulat sa sagutang papel ang salita / mga
salitang nagpamali sa pangungusap.
___________________ 1. Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng Konstitusyong
1987, ang pambansang wika ng Pilipinas ay Tagalog.
___________________ 2. Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 7, ang mga opisyal na
wika ng Pilipinas at Filipino at English.
___________________ 3. Sa kasalukuyan, kinikilala ang paggamit ng unang wika
o “Mother Tongue” bilang MOI mula Kindergarten
hanggang Baitang 6.
___________________ 4. Ang Pilipinas ay isang bilingguwal na bansa.
___________________ 5. Sa kasalukuyan, ang mga bansang maituturing na
homogeneous ay ang North Korea at Japan.

Pagbati sa iyong kahusayan!


Matagumpay mong nalampasan ang mga
gawain kaalinsabay ng pagkatuto mo sa iba’t
ibang aralin. Natutuwa ako’t hindi ka
sumuko sa ating paglalakabay. Ipagpatuloy
mo lang iyong kasabikan sa kasunod na
modyul – Modyul 5: Komunikatibong Gamit ng
Wika sa Lipunan.

10

LU_Q1_KomPan_Module4
LU_Q1_KomPan_Module4
11
ARALIN 4 (Unang Wika, Pangalawang Wika at Marami Pang Wika)
SIMULAN
Gawain 1: Profiling Iba-iba ang sagot
Gawain 2: Tukuyin Mo!
1. Lingua Franca 6. Pangalawang Wika
2. Medium of Instruction (MOI) 7. Mother Tongue
3. Filipino at English 8. Mother Tongue Based Multi-Lingual
Education
4. Filipino 9. Lubuagan
5. Bernakular na Wina 10. Lubuagan Elementary School
GALUGARIN
Gawain 3: Makabuluhang Hambingan Iba-iba ang sagot
Gawain 4: Para sa Akin… Iba-iba ang sagot
PALALIMIN
Gawain 5: Online Talumpati, Wagi! Iba-iba ang sagot
SUKATIN
PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. B.
1. B 6. D 1.  – Tagalog
2. C 7. B 2. ✓
3. C 8. C 3.  – Baitang 6
4. A 9. A 4.  – Multilingguwal
5. C 10. C 5. ✓
Susi sa Pagwawasto
Sanggunian
Carpio. P.D.S., et.al (2016). Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang
Pilipino. Malabon City: Jimczyville Publications.

Mga Potensyal na Sagabal sa Komunikasyon. Nahango noong Hulyo 24, 2020 mula
sa https://www.tagaloglang.com/potensyal-na-sagabal-sa-komunikasyon.

Komunikasyon - Akademikong Filipino tungo sa Epektibong Komunikasyon. Nahango


noong Hulyo 24, 2020 mula sa
https://www.slideshare.net/1777414445/komunikasyo.

Mga Sangkap at Proseso Ng Komunikasyon. Nahango noong Hulyo 24, 2020 mula sa
https://www.scribd.com/document/271188474/Mga-Sangkap-at-Proseso-Ng-
Komunikasyon.

Unang wika at Pangalawang wika. Nahango noong Hulyo 24, 2020 mula sa
https://www.slideshare.net/ArJayBolisay/unang-wika-at-pangalawang-wika

12

LU_Q1_KomPan_Module4
Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa:

Department of Education – SDO La Union


Curriculum Implementation Division
Learning Resource Management Section
Flores St. Catbangen, City of San Fernando, La Union 2500
Telefax: 072-205-0046
Email Address:
launion@deped.gov.ph
lrm.launion@deped.gov.ph

11

LU_Q1_KomPan_Module4

You might also like