You are on page 1of 1

BUWAN NG WIKA 2018

Piyesa ng DAMLAY PUP para sa SABAYANG PAGBIGKAS 2018


FILIPINO, WIKA NG SALIKSIK
Jennifor L. Aguilar
Nagpupumilit, naggugumiit, nagsusumiksik
Pinipilit, ginigiit, sinisiksik
Wikang Filipino’y ihanay sa mga wika ng daigdig
Makamit ang antas maigng wika ng saliksik
Hindi mararating ni hindi maihahambing
Maging higanteng wika’y suntok lamang sa dilim
Hangga’t walang bait, buti at panalanging taimtim
Na gamitin sa saliksik ang wika nating angkin
Sa mga paaralan, ni hindi nga pinapansin
Mga guro’t administrador, napakababa siyang tinuturing
Matatalinong usapin, debate’t mga sulatin
Ni hindi maipilit na gamitin lang man din
Sa larang-medikal, naririnig ba natin?
Mga terminolohiya ng sakit at gamot na generik
Hindi nga mabigkas ng pasyenteng namimilipit
Kasama na niyang namatay hanggang sa mailibing
Maging sa hudikatura, may puwang bang nakalaan?
Pobreng Pilipinong nasasakdal, sa Ingles pinagtatalunan
Nakulong na’t lahat, nabulok sa bilangguan
Hindi man lamang nakapagtanggol sa wika niyang alam.
Hindi magtatagumpay at walang mararating
Wikang mahal natin kung ganito itinuturing
Tuluyan siyang masasadlak, mananatiling alipin
Mabibilanggo’t magkakasakit hanggang tayo’y lisanin
Simulang pahalagahan, gamitin nang gamitin
Talastasan sa tahanan at komunidad natin
Sa simbahan, paaralan, ospital o hukuman
Senado at Kongreso, hanggang sa Malakanyang
Itakda itong wika ng aklat at kasaysayan
Agham, matematika at diskursong pangkaunlaran
Itanim ito sa dila at mga kabataan
Hanggang sa tumubo’t magbunga sa henerasyong dadaan
Pagka’t Filipino’y wikang mabalasik
Kung magpupumilit ay may makakamit
Kung maggugumiit, tuluyang makasasapit
Kung magsusumiksik, magiging wika ng saliksik

You might also like