You are on page 1of 1

Filipino: Wika sa Pagkakaisa at Kaunlaran

ASOR

“Ang wika sa payak na pagpapaliwanag ay kalipunan ng mga salita na ginagamit sa isang lipunan
at ang bawat lipunan sa daigdig ay may wikang ginagamit na tanging pekulyar sa isa’t isa maging ito ay
nasa anyong pasulat o pasalita”. Ayon sa dalubwikang si Ligaya T. Rubin at sampu ng iba pang katulad
niya… “Ang wika ay saligan ng lipunan at naging kasangkapan upang magkaisa ang mga tao”.

Kagalang-galang na mga hurado, mga masisipag at mapag-arugang guro, mga kapwa kalahok,
mga kababayan, Magandang Buhay!

Isa pong karangalan ang pagkakataong napapabilang ako sa mga kabataang magpapaliwanag at
manghihikayat ukol sa kahalagahan ng wika sa lipunang ginagalawan tungo sa pambansang ugnayan at
pagkakaisa. Ang tema sa LAS 2015 ay napapanahon sapagkat hanggang ngayon may nananatili pa rin sa
paniniwalang tayong mga Pilipino ay watak-watak kung pambansang ugnayan ang pag-uusapan
sapagkat tinuturing na napakalaking hadlang ang pagkakaroon ng wikang rehiyonal sa bansa. Ang
paniniwalang ito ay nauugat sa kapanahunang pinagtilad-tilad ang ating lahi ng mga mananakop.

Totoo, pinaghihiwalay tayo ng mga anyong tubig, may kani-kanyang wika ang bawat rehiyon
maging ang mga lalawigang nabibilang, may pagkakaiba ang punto ng pagbigkas at pagsasalita, subalit,
hindi maiwaglit at matatawaran ang wagas na kulturang namumukod tangi tulad ng bayanihan at
pagkamapitagan.

Sa kasaysayan ng Wikang Filipino nalalaman nating maingat na nagsasaliksik ang mga dalubwika
upang matamo ang wikang mambubuklod sa lahing Pilipino na magbubunga ng kapayapaan at
kaunlaran. Sa pagkakaroon ng samo’t saring katutubong wika na umiiral sa ating bansa, yumayabong at
buhay pa rin ang pambansang wika ng Pilipinas. Natuklasang ang wikang Filipino ng mga Maranao ay
kapantay ng wikang Filipino ng isang taga-Batanes, taga-Batangas o kaya’y taga-Nueva Viscaya. Na ang
salitang “Buligi” na Hiligaynon ay kasingkahulugan ng “Tabangi” at “Tambayayongi” ng mga Cebuano at
sa salitang “Tulungan” ng mga Tagalog. Ayon sa mga Indones “Bhinneka Tunggal Eka” o pagkakaisa sa
pagkakaiba lalo na sa wika. Ang prinsipyong ito ay aking niyayakap at ating yayakaping lubos sapagkat
ito’y nagpapayabong sa wikang Filipino at nagpapatibay sa ugnayan ng matatanda at ng kabataang
henerasyon, at sa lahat-lahat ng rehiyon sa Pilipinas. Paano? Ating igalang ang mga rehiyonal na wika
bilang pagpapalakas sa pambansang wika at sariling pagkatao. Sa katunayan, ang akademikong
pagtuturing sa wikang Filipino ay inaangkop sa uri ng henerasyon antas ng buhay at paksa na sentro ng
talakayan nang matamo ang hinahangad na totoong ugnayan at kaulanaran. Pinapangkat ang mga salita
sa Balabal/Wika ng Kabataan, Lalawiganin, Kolokyal, Pambansa at Pampanitikan.

Bawat tao ay may sariling wika na ginagamit sa pakikipamuhay at pakikisangkot sa kanyang mga
kalahi. Sa pamamagitan ng wika naipahahayag ng tao ang kanyang kaisapan, damdamin, adhikain,
pangarap at pagpapasya. Sa wika rin naipadama ng tao ang sidhi ng samot saring damdamin. Tayong
mga Pilipino ay may kani-kanyang wikang umiiral sa ating lokalidad na nakaambag sa pagbubuo at
pagpapanatiling buhay ng wikang Filipino at pag-uunlad sa ating pagkatao at sa buong kapuluan ng
Pilipinas. Itigil na natin ang pagmamaliit sa rehiyonal na wika sa halip atin itong igalang sa pamamagitan
ng pagtanggap nito sa bokabularyong Filipino at gamiting instrumento sa pagpapatupad sa pambansang
mga layunin.

Mga kababayan, nasa kapanahunan na tayo ng makabago at mabilis na teknolohiya. Iwaksi na


natin ang mga paniniwala at mga saloobing “ang Ilokano ay Ilokano, ang Bicolano ay Bicolano, ang
Tagalog ay Tagalog, iyang Waray laging Waray, ang Cebuano ay Cebuano, ang Hiligaynun ay Hiligaynun,
ang mga Muslim ay sa Muslim, at higit sa lahat… kanya-kanya, tayo-tayo sapagkat nasa iba’t ibang
rehiyon tayo at may kani-kanyang katangiang nagkakaiba tinuturing man tayong kapwa Pilipino”.
Nakalilito? Ang sabi ko po ay “Iwaksi na Natin” sapagkat ang “Divide et Empera” na paninindigan ay
nagpapabansot sa ating pagkatao at pambansang kaunlaran.

Magkaisa na tayo upang makamtan natin ang matagal-tagal na nating inaasam-asam na tunay
na kaunlaran! Ang pangkapuluang wika at wikang pambansa ay mag-aangat lalo sa akin, sa iyo, sa kanya
at sa lahat-lahat ng mga Pilipino.

You might also like