You are on page 1of 4

Sagisag-panulat / Pen Name: Eli Eli

Sanaysay

Paksa: Wikang Filipino sa Pagpapataas ng Kalidad ng Edukasyon.

“Ang wika ang siyang nagpapahayag ng kaisipan at mithiin ng isang bayan”. Isa

sa mga katagang binitawan ng ating Ama ng Wikang Pambansa na si Manuel L

Quezon. Pagbibigay diin na ang wika ang nagiging instrumento ng isang bansa upang

magkaisa at makamit ang mithiin nito.

Bilang isang mamamayan, marami tayong tanong sa ating isipan na

nakakaapekto sa ating mga galaw at kilos sa araw-araw o mga tanong na

nakakaapekto sa ating desisyon sa buhay. Mula sa ating musmos na kaisipan at

inosenteng kaalaman tungkol sa ating mundong ginagalawan, wika ang siyang naging

daan sa ating pagkatuto.

Mula sa ating elementarya hanggang sa pagtungtong natin ng kolehiyo, wika ang

siyang naging pundasyon ng ating pagkatuto. Sa pagturo sa atin ng isang katutubong

alpabetong latino ng wikang Pambansa na kung tawagin ay ABAKADA hanggang sa

makabuo tayo ng pantig, ng isang salita, makagawa ng isang parirala at makabuo ng

isang pangungusap na may tamang balarila ay masasabi nating hinubog tayo nito

upang maging isang indibidwal na may sapat na karunungan sa pag gamit ng ating

wikang Pambansa. Hindi lingid sa ating kaalaman kung gaano tayo hinubog ng ating

wika bilang isang tao. Ito ang ating nagiging instrumento sa komunikasyon kung saan

nabibigyan tayo ng pagkakataon na makapag bahagi ng ating ideya at obeserbasyon

tungkol sa isang bagay o paksa. Sinasabi rin nila na ang wikang Filipino ay ang ating
hininga dahil ito ang nag bibigay ng buhay sa atin sa araw-araw. Dahil ito ay katunayan

na tayo ay buhay at may kakayahan na umugnay sa ating kapwa na gumagamit din

nito.

Ang isang tao na gumagamit ng Wikang Filpino ay nangangahulugang siya ay

isang Pilipino ngunit bakit ang ibang Pilipino ay ikinakahiya ang sariling wika? Ito ba ang

sinasabing mahalaga at mahal raw ng mga mamamayan ang sariling wika ngunit kahit

gamitin man lamang ito sa simpleng pakikipagusap ay di magawa dahil sa mga

masasamang ideya, at kuro-kuro na namuo sa isipan ng ibang tao o mga banyaga

tungkol sa Pilipino na dahilan na ikahiya ang sariling wika. Kung mahalaga talaga sa

mga Pilipino ang Wikang Pambansa ay gagamitin ito kahit kailan at saan man

magpunta.

Maraming iba't-ibang wika sa ating bansa dahil sa malawak nating kapuluan o

tinatawag ding barayti ng wika. Sabi nga ng marami na ang Wikang Ingles ang mas

mahalaga kumpara sa Wikang Filipino dahil ang Wikang Ingles ang pangunahing

linggwahe na mas ginagamit ng karamihan kahit saan man magpunta sa buong mundo.

Pero para sa mga Pilipino at sa mga taong mas nakakaintindi sa kahalagahan ng ating

Wikang Filipino, ito ang sumisimbolo sa katauhan bilang isang Pilipino, makakaya ring

mapaunlad ang sariling bansa kahit ang sariling wika lamang ang ating gamitin. Sabi pa

nga ng bayaning Pilipino na si Dr. Jose Rizal "Ang hindi marunong magmahal sa

sariling wika ay higit pa sa malansang isda." Kaya pahalagahan ito at mahalin ng buong

puso, hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Dahil tunay na mahalaga ang wikang

filipino sa kasalukuyan dahil nagpapatunay ito na mayroong sariling wikang

maipagmamalaki ang mga Pilipino


Malinaw sa atin na ang wikang Filipino ay ang kasangkapan ng pagkakaisa ng

isang bayan o komyunidad. Pero alam niyo ba na higit na malaki rin ang ambag nito sa

ating antas ng edukasyon at sa antas ng pagkatuto ng ating mga mag aaral?

Sa bawat aspekto ng pag-iral ng tao ay ginagamitan ito ng wika, kapag

nagpapalitan ng mga sikreto sa pagitan ng malalapit na kaibigan, kapag sumasagot sa

klase o nagsusulat ng iba't ibang term paper, sa mga oras ng review para sa eksamen,

sa simpleng pagtatanong ng mag aaral sa kaniyang guro, lahat ay gumagamit ng wika.

Dito nakasalalay ang epektibong pagkatuto at matagumpay na paghahatid ng mga

ideya sa ibang tao. Ngunit gaya nga ng nabanggit kanina, kailangang hasain ang wika

sa isang kaukulang lebel upang magamit ito nang maayos. Kaya naman may mga

kurso tayo sa grammar o balarila, at sa literature o panitikan. Sa pamamagitan ng mga

kursong ito, lumalawak ang pag-unawa ng mga mag-aaral tungkol sa paggamit ng iba't

ibang mga salita upang makamit nila ang kanilang mga nais gawin sa araw-araw.

Ngunit paano ito makikilala ng mga susunod na henerasyon kung sa

kasalukuyang panahon ay unti-unti na itong nakakalimutan at nababalewala? At sa

paglipas pa ng ilang taon ay maging ang simpleng pagsulat ng pangungusap sa wikang

tagalog ay hindi na magawa. Ang tanong ko sa inyo, sa anong paraan mapatataas ng

wikang Filipino ang kalidad at antas ng edukasyon natin ngayon?

Bumalik tayo sa umpisa. Bumalik tayo sa kung paano natin ipinakilala sa ating

mga mag-aaral ang wika nating Pambansa. Mula sa kanilang pagkatuto bumigkas ng

mga salita at kung paano sila sumulat ng isang pangunusap. Simulan ulit natin sa

umpisa kung saan naging isang hininga ito sa bawat Pilipino upang mabigyag buhay
ang kanilang mga ideya. Bumalik sa panahong napakahalaga ng Wikang Filipino sa

buhay ng bawat isa.

Hindi pa huli ang lahat upang magbalik tanay sa mga mabubuting dulot nito. Sa

ating mga Pilipino dapat magsimula itong pagbabago.

Kaya sa aking mga kapwa guro, hinahamon ko kayo. Muli nating buksan ang

ating paaralan para sa Wikang Filipino. Muli nating patatagin at pagtibayin ang wika sa

ating mga programang pampaaralan dahil lubos itong nauunawaan ng mga tagapakinig

at mabilis nilang nakukuha ang impormasyong nais nating iparating. Mas nagiging

interesado sila sa mga impormasyong kanilang naririnig at mas nagiging epektibo ang

ating layunin na sila ay matuto dahil lubos nila itong nauunawaan lalo na ang mga

kapuwa nating hindi nabigyan ng pagkakataon na makapag aral ng wikang ingles.

Hinihikayat ko kayo na gamitin ang ating sariling wika, marahil walang makahihigit kahit

anumang sandata sa pagapatibay ng ating bansa kundi ang pag gamit ng ating sariling

wika na ating tanging tanikala. Itatak natin sa ating isipan na wala ng ibang

magmamahal sa Wikang Filipino, kundi tayo rin mga Pilipino, kaya’t halina’t

pagyabungin natin ang isa sa mga pinaka-iingatang yaman ng ating bansa, ang wikang

Filipino. Handa na ba kayo? Halika at sabay nating bigyan ng aksyon ang sanaysay na

ito. Dahil ang Wikang Filipino, wika ng bawat Pilipino. Ikaw, ako, tayong lahat na Pilipino

ay magkaisa sa pagmamahal ng ating wika sa mundong patuloy na nagbabago.

You might also like