You are on page 1of 3

PANTAWID PAMILYANG PILIPINO PROGRAM

FAMILY DEVELOPMENT SESSION


BATAS LABAN SA TRAFFICKING RA 9208

Q: Ano ang krimen na “trafficking in persons”?


A: Ito ay ang panghihikayat, pagbabyahe, paglilipat, pamamahala, pagtatago o pagtanggap ng
mga tao, may pahintulot man o wala ng biktima, sa loob man, patungo o palabas ng bansa, sa
pamamagitan ng pagbabanta o puwersa, o anumang uri ng pamimilit, panlilinlang, pang-
aabuso ng kapangyarihan o katayuan, pananamantala sa kahinaan ng iba, o ang pagbibigay o
pagtanggap ng kabayaran o benepisyo upang makamit ang pahintulot ng isang tao na may
awtoridad o superbisyon sa iba, na may layon ng pananamantala at pang-aabuso, kabilang ang
prostitusyon, sapilitang paggawa, at pagbebenta ng parte ng bahagi ng katawan ng tao.
Ang pangangalap, pagbabyahe, pamamahala sa mga bata o pagtanggap sa kanila mula sa iba na
may layon ng pananamantala ay tinuturing din na “trafficking in persons” kahit wala ang mga
kaparaanang nakasaad sa itaas.

Q: Anu-ano ang mga aktong itinuturing na paglabag sa ilalim ng batas?


1. Pangangalap, pagbabyahe, pagtataglay, pagbibigay o pagtanggap ng tao sa anumang paraan,
na may pangako ng trabaho, lokal man o sa ibang bansa, para sa nakatagong layunin ng
prostitusyon, pornograpiya, sapilitang trabaho o pang-aalipin.
2. Ang pagpapakilala o pagpapares para sa kita o anumang uri ng materyal o ekonomikong
benepisyo, sinuman, kabilang ang babaeng Pilipina, sa isang banyaga, para sa kasal na may
layong makamtan, mabili, maipagbili o maipagpalit ang biktima at kalauna’y isangkot sya sa
prostitusyon, pornograpiya, sekswal na pananamantala, sapilitang trabaho o pang-aalipin.
3. Ang pag-aalok ng kasal, peke man o hindi, upang makamtan, mabili, maipagbili o maipagpalit
ang biktima at kalauna’y isangkot sya sa prostitusyon, pornograpiya, sekswal na
pananamantala, sapilitang trabaho o pang-aalipin.
4. Ang pagbubuo ng mga tourism packages na naglalayong mag-alok ng mga tao para sa
prostitusyon, pornograpiya o sekswal na pananamantala.
5. Ang pagbabayad sa tao para sa prostitusyon o pornograpiya.
6. Ang pag-aampon o pagtulong sa proseso ng pag-ampon para sa mga layunin ng prostitusyon,
pornograpiya, sekswal na pananamantala, sapilitang trabaho o pang-aalipin.
7. Ang pangangalap, pagtanggap, pag-ampon, paglilipat o pagdukot sa isang tao sa
pamamagitan ng pananakot, puwersa o dahas upang tanggalan at ibenta ang bahagi ng
katawan ng biktima.
8. Ang pangangalap, paglilipat o pag-ampon sa isang bata upang siya’y isangkot sa mga
armadong pagkilos, sa loob man o labas ng bansa.
Iba pang mga akto ng paglabag:
1. Ang pagpapagamit o pagpapaupa ng bahay o kahit anong gusali upang magamit ito sa
trafficking.
2. Ang pag-isyu, paglilimbag o pamamahagi ng mga sertipiko na pawang nagmula sa kahit
anong ahensya ng gobyerno, ito man ay peke o mga sertipikong hindi pa nagagamit upang ito
ay magamit sa trafficking.

1|Page
PANTAWID PAMILYANG PILIPINO PROGRAM
FAMILY DEVELOPMENT SESSION
3. Ang pag-aanunsiyo, paglalathala, pagbabalita o pagpapamigay sa anumang paraan ng kahit
anong materyales na nagpo-promote ng trafficking.
4. Ang pagtulong sa panlilinlang upang makamit ng mga dokumento na kailangan upang
makalabas ng bansa mula sa mga ahensiya ng gobyerno na naatasang mag-sagawa ng
registration sa mga taong nais lumabas ng bansa para sa layunin ng trafficking.
5. Ang pagtulong sa pagpasok o paglabas mula sa bansa sa mga paliparan o daungan ng mga
taong mayroong huwad na dokumentong panglakbay upang makatulong sa trafficking.
6. Ang pag-kumpiska, pagtago o pag-sira ng pasaporte, o anumang dokumentong panglakbay
at iba pang personal na dokumento ng mga biktima upang itaguyod ang trafficking o upang
pigilan sila na makaalis o makahingi ng tulong mula sa gobyerno.
7. Ang paggamit sa serbisyo ng isang tao na sapilitang pinagta-trabaho o inaalipin.

Q: Ano naman ang qualified trafficking?


1. Kung ang biktima ay bata—may gulang na mababa sa 18 o sinumang 18 pataas ang edad
ngunit walang kakayahang alagaan ang kanyang sarili laban sa pananamantala sanhi ng
anumang pisikal o mental na kondisyon;
2. Kung ang pag-aampon ay ginawa sa ilalim ng “Inter-Country Adoption Act of 1995” na may
layong isangkot ang biktima sa prostitusyon, pornograpiya, sekswal na pananamantala,
sapilitang trabaho o pang-aalipin.
3. Kung ang krimen ay isinagawa ng sindikato--isinagawa ng tatlong tao o higit pa na
nagtutulungan o kung malawakan na isinagawa laban sa tatlong tao o higit pa;
4. Kung ang may sala ay kamag-anak, magulang, kapatid, guardian, o taong may kapangyarihan
sa biktima o kung ito ay opisyal o empleyado ng gobyerno;
5. Kung ang biktima ay dinala sa prostitusyong sangkot ang pulisya o militar.
6. Kung ang may sala ay miyembro ng militar o pulisya.
7. Kung sanhi ng trafficking, ang biktima ay namatay, nasiraan ng bait, napinsala ang katawan, o
nagkasakit ng HIV o AIDS.

Q: Sinu-sino ang maaaring mag-file ng kaso ng trafficking?


Maaring mag file ang sinuman sa sumusunod:
1. Ang mismong biktima ng trafficking;
2. Ang mga magulang, asawa, kapatid, mga anak o legal guardian ng biktima.
3. Sinumang may personal na kaalaman sa anumang paglabag ng RA 9208;

Q: Saan dapat i-file ang kaso?


A: Ang kasong kriminal sa ilalim ng RA 9208 ay dapat i-file sa korte ng lugar kung saan ginawa
ang krimen, o kung saan man naganap ang alinmang elemento ng krimen, o kung saan
naninirahan ang biktima kung kailan nangyari krimen.

2|Page
PANTAWID PAMILYANG PILIPINO PROGRAM
FAMILY DEVELOPMENT SESSION
Q: Ano ang parusa sa paglabag sa RA 9208?
A: Ang sinumang mapatunayang nagkasala sa ilalim ng Sec. 4 ng RA 9208 ay mapaparusahan ng
pagkakulong ng dalawampung (20) taon at magbabayad ng multang hindi bababa sa isang
milyong piso (P1,000,000.00) ngunit hindi tataas sa dalawang milyong piso (P2,000,000.00).
Ang sinumang mapatunayang nagkasala sa ilalim ng Sec. 5 ng RA 9208 ay mapaparusahan ng
pagkakulong ng labinlimang (15) taon at magbabayad ng multa na hindi bababa sa limandaang
libong piso (P500,000.00) ngunit hindi tataas sa isang milyong piso (P1,000,000.00).
Sa kaso ng qualified trafficking, ang may sala ay mapaparusahan ng habambuhay na
pagkabilanggo at magbabayad ng multa na hindi bababa sa dalawang milyong piso
(P2,000,000.00) ngunit hindi lalampas sa limang milyong pisyo (P5,000,000.00):
Ang sinumang bibili o magbabayad ng serbisyo ng biktima ng trafficking ay mapaparusahan sa
unang pagkakataon ng anim (6) na buwan na community service at magbabayad ng multa na
limampung libong piso (P50,000.00). Para sa mga susunod na pagkakataon, ang parusa ay
pagkakulong ng isang (1) taon at pagmumulta ng isandaang libong piso (P100,000.00).

Q: Ano ang proteksyon ng batas para sa biktima ng trafficking?


1.Upang mapangalagaan ang karapatan ng biktima, ang pagdinig sa kaso ng trafficking ay
confidential. Mahalaga ang privacy ng biktima at akusado sa anumang antas ng imbestigasyon
ng kaso.
2. Hindi rin maaaring parusahan ang biktima para sa mga krimeng nagawa lamang bilang
pagsunod sa mga kagustuhan ng may-sala.
3.Mapasailalim sa witness protection program kung kinakailangan.
4.Iba pang suportang serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan:
1. Lugar na matitirhan (DSWD)
2. Counseling (DSWD)
3. Libreng serbisyo panlegal (DOJ/POEA)
4. Mga serbisyong medikal at sikolohikal
5. Mga programang pangkabuhayan
6. Pagtulong sa edukasyon ng batang biktima

3|Page

You might also like