You are on page 1of 2

"Filipino at mga katutubong wika; kampeon sa pagtupad ng inaasam na Adhika"

-Justine Kate Balinbin

Pantablay, tampipi, salipawpaw— mga terminong Filipinong bahagi ng lumang talasalitaan

Bisaya, B'laan, Hiligaynon, Maguindanao, Maranao


— iilan sa mga wikang katutubong umusbong sa lupang sinilangan

Alinsabay sa malayang pag-ikot ng dalawang kamay ng orasan,


naibabaon na sa limot paunti-unti ang ritmo ng ating kasaysayan
Yaring sumasalamin sa ating kultura't pagkakakilanlan
Datapuwat may magagawa tayo upang ito'y maisalba sa paglahong tuluyan;
mga patinig sa alpabeto'y ikintal lamang sa puso't isipan

I. (A)tensyon
Kilalanin at bigyang pansin ang kahalagahan ng Filipino at mga katutubong wika
Namnamin niring bawat kumpas ng mensaheng dala gaya ng isang musika
Gabay ito sa pagsulong at pagpapalaganap ng aktibong pakikiisa't pakikibahagi
Upang sa mga suliraning panlipunan ay magwagi

II. (E)dukasyon
Matibay na integrasyon ng sariling wika sa larangan ng agham at teknolohiya
Susi sa pag-angat ng lebel ng kaalaman, kamalayan, at pagpapasya
Minanang kaalaman hinggil sa medisinang herbal, likas na yaman, at agrikultura
Uusli bilang gintong pinaraan sa apoy, 'di mabilis masira at may kariktang walang kapara

Yaong bitbit na mga karunungan ay magsisilbing matulis at mabalasik na sandata sa paglikha ng mga
bagay na makabuluhan:
ligtas at mabisang gamot, mura bagamat de kalidad na kagamitan, at organikong produktong
pangsakahan
Tunay na duduyanin tayo nito papunta sa kasaganaan

III. (I)nklusyon
Walang wikang superyor, lahat ay pantay-pantay
May kan'ya-kan'yang natatanging kuwentong dalisay
Kaakibat nito ang puntong: anuman ang katutubong wikang ibinubulalas ng bibig, nararapat itong
marinig
'Wag ng hintayin pang bangungutin tayo ng mga paslit nang bumabalisbis nilang luha

Dulot ng kauhawan sa pagtanggap sa kanilang perspektib at hinuha

IV. (O)rganisasyon
Kinakailangang malinaw din ang daloy ng pagsasakatuparan ng nabuong pananaliksik
Tulad ng isang gulay, sa sustansya dapat ito'y hitik
Sustanyang nanggagaling sa suportang pinansyal ng pamahalaan
Samahan pa ng masamyo at malinamnam na pintakasi sa bawat mamamayan

V. (U)sad tungo sa pagbabago


Mula ngayon, umalpas tayo sa tanikalang sa'tin ay gumagapos

Paniniwalang ang mga kinalakihang dunong ay mananatiling estangkado sa pag-agos


Nananalaytay na dugong Pilipino ay ipangalandakan:
kabutihan, katapangan, at kahusayan
Isabuhay natin lalo ang pagiging ilaw sa karukhaang pilit nating nilalabanan

Pananaliksik at paglikha'y payabungin, Filipino't katutubong wika’y buhayin!

You might also like