You are on page 1of 2

SPOKEN POETRY

Entry of Pedro P. Cruz Elementary School

BAKIT AKO? KAYA KO BA?


(Sining ng Pag-asa: Mukha ng Guro, Mukha ng Pag- asa)
Isinulat ni: Ellen Grace Fallarcuna- Fruelda

Bata pa lamang ako gusto ko nang maging inhinyero


‘Di dahil gusto ko ng numero pero sadyang tingin ko ang pagpaplano ay hindi biro
Nagsumikap ako upang makarating sa kolehiyo at makuha ang pinapangarap kong kurso
Ngunit, dahil sa ‘di inaasahang pagkakataon lahat nang ito ay nagbago.

Oo, nagbago!
Nagbago, nang makita ko ang realidad ng mundo na,
imbes na mag- aral ang mga bata, sila’y nagtatrabaho
Nang mamulat ako sa kahalagahan ng pagkatuto,
Nang masaksihan ko ang mga batang landas ay naliliko
at tinanong ko ang sarili ko kung anong magagawa ko?
Ako’y litong- lito kung alin ba ang susundin ko
Yung kagustuhan ko ba o yung tawag ng pagbibigay- serbisyo?

Minsan natanong ko, Bakit ako?


Bakit ako ang isa sa mga pinili para sa bokasyong ito?
Kaya ko ba?
Kaya ko bang gampanan ang mga responsibilidad na kaakibat nito?
Na tila palaisipang pilit kong hinahanapan ng kasagutan kung
Bakit isa ako sa mga gurong kailangang humubog sa kanilang kinabukasan?
Bakit isa ako sa dapat maging mabuting halimbawa sa mga kabataan?
Bakit isa ako sa kailangang tumayong pangalawang magulang sa paaralan?
Bakit isa ako sa dapat tumulong sa pagbuo ng kanilang pagkatao?

Mahirap! Ngunit sa kabila ng lahat ng mga tanong at pagdududa,


Napagtanto ko na, kaya ko pala.
Kaya ko palang magbigay- inspirasyon sa mga mag- aaral
At kaya ko palang magturo ng mga aralin at kagandahang- asal
At kaya ko palang magtiyaga sa pagpapabasa kahit sila’y mabagal
Dahil nauunawaan naman nila ang pagpapaliwanag habang tumatagal
Kaya ko palang magbigay ng pag- asa sa kabila ng kanilang pagpapagal
At napakalaking bagay pala sa kanila ang aking mga pangaral
Na sa isip at puso nila’y nakakintal.

Kaya pala, kaya pala ako naririto


Dahil kailangan nila ng taong sa kanila’y aagapay
Dahil kailangan nila ng taong magpapayabong ng talentong taglay
Gaya ng pagkanta, pagsayaw, pagguhit at pagkulay
Dahil kailangan nila ng gagabay sa kanilang paglalakbay
Kailangan nila ng titingin at sasaway
Sa mga pagkakamali at magtatama sa mga desisyon nila sa buhay.
Kaya pala!
Palagi kong ipinaaalala sa kanila na sa bawat araw na lumilipas
Anomang bagay na maaaring matutuha’y di dapat pinalalampas
Sapagkat ang mga karanasang kanilang haharapi’y magiging lakas
Tungo sa pagsuong sa panibagong bukas
Dahil wala akong ibang hangad kundi’y ang makatulong
At hinding- hindi magsasawang edukasyo’y isusulong
Sapagkat naniniwala akong ito lamang ang magiging lunas
Upang iba't ibang mukha ng problema’y tuluyan nang magwawakas.

Oo, isa lamang akong simpleng guro,


Na ipinagpapasalamat ang pagkakataong makapagturo
Naglilingkod nang sapat at tapat
At ginagawa ang makabubuti para sa lahat
'Pagkat gaanoman karami ang mga tanong kung bakit ako at kaya ko ba?
Ang mahalaga, hindi ako tumigil, hinding-hindi titigil at patuloy na magbibigay ng pag-asa.

**************************************************

You might also like