You are on page 1of 14

Maikling Kwento

ni Eros Atalia

SI INTOY SYOKOY NG KALYE MARINO

Intoy! Intoy! Bangon! Alig! May alig! Bumalinghat sa kanya ang tawag na iyon.
Tinig iyon ni Mang Amor. Halos magiba ang kanyang pintong yari sa
pinagtagpi-tagping lawanit, plywood at palapa ng niyog. Pagbukas nya ng
pinto ay bumulaga si Mang Amor na hawak ang sagwan habang may supa pang
sigarilyo. Gaya ng dati, nakamaong lang itong shorts at hubad. Nakahambad
ang sunog-sa-araw at tubig-alat na katawan. Ngunit ang nag-aagaw na itim at
uban na buhok ay hindi nagpapahalatang anak-dagat si Mang Amor.

Ay! Digrasyaw bo! Bilis, baka may masagip pa tayo, pabateng itinapon ang
paubos nang sigarilyo sa tulay na kawayan. Tinapakan. Isiniksik sa pagitan ng
mga kawayan. Dumura. Sumunod ka na, ibababa ko na ang lunday.

Putang ama, alig. Nakow po! Patay tayo nyan. Bakit ngayon pa? Bakit ngayon
pa? ang rapido ng tanong ni Intoy sa sarili habang minamadali ang paghahanda
sa gagamitin. Salaming panisid, gwantes, kutsilyo, boya, pamadyak, plehe at
straw. Isinuot ang shortpants na panlusong. Wala nang panahon para magkape.
Sa ganitong panahon, oras ang kalaban. Dalawang basong tubig ang almusal.
Nagpahabol pa ng isang lagok ngunit di nya nilunok. Ibinabad sa bibig.
Habang lumalabas ng bahay ay minumog ang tubig. Sinulyapan ang relos sa
dingding. Menos dyes para mag-alas sais. Ibinuga ang minumog sa tulay na
kawayang kadikit ng pinto ng kanyang bahay.

Kadugsong ng kanyang bahay ang pantalan. Doon binabara ni Mang Amor ang
lunday nito para matingnan-tingnan at magamit agad kung kinakailangan.
Nakababa na ang lunday. Akmang gagaod na si Mang Amor. Pandalas sya ng
baba. Dahil kung hindi, madali itong tumaob. Di tulad ng mga bangkang de-
katig, matatag sa tauban. Yun nga lang, di maipasok ang mga de-katig sa gitna
ng mga baklad.

Pano nyo nalaman?

Kay Enoc. Mag-aahon sana sya. May order ng limang sako ang Baclaran.
Naunaha sya ng alig. Lalos daw pati pabitin at palutang.

1
Kakaputok pa lang ng araw. Malamig pa ang hanging labi ng nagdaang gabi sa
palabas na Nobyembre at papasok na Disyembre. Maliban sa plastic, goma,
sako, at kung ano-anong basura ay may mangilan-ngilan pa ring patay na water
lily na sumasabit sa kanilang sagwan. Water lily na tangay mula pa sa look ng
Maynila, galing sa tubig-tabang. Pagkaraan ng ilang araw na animo kusang
pagpapatianod mula sa Maynila patungo sa dalampasigan ng Cavite, maninilaw
hanggang sa maging kulay bulok na kahoy ang lulutang-lutang na dating
matingkad na berdeng halaman na kinilala sa tawag na water lily. Ngunit ang
lamig ng umagang iyon ay hindi makapigil sa ilang magtatahong na maisalba pa
ang kanilang tanging kabuhayan mula sa pesteng alig na dumadalas na ang
dalaw nitong nakaraang mga taon. Nakita nilang marami na ring pumalaot para
sagipin ang pwede pang sagipin.

Kitang-kita nila ang animo’y natapong hugas-bigas sa dagat. Kalat-kalat.


Mainit-init. Sumasabay sa agos at galaw ng dagat. Malas na lang at siguradong
ubos ang madadaanang tahong, talaba o halaan ng pesteng hugas-bigas na ito.
Swerte ang naiwasan, sa ngayon, pero bukas-makalawa ay para itong
nakakalokong bumabalik. Iyan ang alig.

Ano, Amor… ano balita sa’yo? Intoy Syokoy, tapos mo dyan, daanan mo ang
pwesto ko. Magpapalinis ako sa’yo, sabi ng isa.

Si Kapitan nga raw, lalos ang trentang bila. Ako rin Koy! Pahabol ng isa pa.

Tango lang ang sagot ni Intoy. Tuloy ang kanyang gaod. Ayaw nyang ipahalata
kay Mang Amor na umooo agad sya sa iba gayong hindi pa tapos ang
obligasyon nya sa matandang amo. Magkahalong tuwa at lungkot ang dala ng
alig sa araw na iyon. Tuwa, dahil kung maraming tinamaan ng alig, tiyak bukas
at hanggat sa mga susunod na araw ay maraming may tahungang magpapalinis
sa kanya. Kikita sya ng malaki. Lungkot dahil, bukas o sa mga susunod na araw
pa sya kikita. Ngayon nya kailangan ng pera. Ngayon nya sana aanihin ang
sarili nyang tanim na tahong. Ang mapagbebentahan ng sarili nyang maliit na
tahungan sana ang tatapos ngayon sa mahaba nyang paghihintay. Pero paano
nya pupuntahan ang sarili nyang tahungan? Magkasama sila ngayon ng amo
nya upang silipin at sagipin ang tahungan nito. Hindi rin alam ni Mang Amor
na mayroon syang sariling baklad. Baka isipin na ninanakaw nya ang binhi,
kawayan, straw, plehe at boya nito at inilalagay nya sa kanyang pwesto. Wala
syang sariling bangka. Tanging bangka-bangkaang gawa lang sa pinagdugtong-
dugtong na sako ng bigas na nilagyan ng styrofoam ang nagsisilbi nyang balsa.
Hindi iyon uubra na pagpatungan ng mabibigat. Kung sya nga na bihasa na sa
pagbabalanse sa lunday ay tumataob pa sa kanyang balsa, ano pa kaya ang
ikakarga ditong tahong?
Di hamak na mas malaki ang kikitain nya sa pagpapalinis ng mga baklad sa mga
susunod na araw. Sapat na para makapagsimula syang muling magtanim sa

2
kapiraso nyang pwesto. Sobra pa nang kaunti. Ngunit ngayon nya kailangan
ang pera.

Sa unang pwesto ni Mang Amor sila pumunta. Itinali ng matanda ang lunday sa
isa sa mga nakausling tulos ng kawayan. Dalawa ang pwesto rito ni Mang
Amor. Bawat isa ay may tiglimang bila. Ang bawat bila ay may di kukulanging
trenta y sais na kawayan. Kung sisilipin mula sa itaas, maitutulad sa isang
malaking agaw-bitin. Yun nga lang, may mga paang nakatulos sa dagat.

Marahan silang bumaba. Ramdam nya agad ang init ng alig. Malinaw-linaw pa
rin naman sa ilalim kahit na namumuti ang ibabaw ng dagat. Inisa-isa nya ang
haligi ng bila. Nandoon at nakakulumpon ang mga tahong na halos pambenta
na ang laki. Nilapitan nya ang mga ito. Sa kaway ng kanyang mga kamay at
sikad nya sa ilalim ng dagat, lumikha ito ng bahagyang pagkilos ng tubig. At
iyun na. Lumuwa ang laman ng tahong. Naiwan ang mga balat na nakakapit sa
kawayan. Naglabusaw ang tubig. Lumansa lalo ang dagat. Pinuntahan nya ang
pabitin at palutang. Ang pabitin ay ang mga tahong na nakabitin sa pagitan ng
mga tulos samantalang ang palutang ay tahong na nakabalot sa lambat na
pinalulutang ng styrofoam na nakatali sa pagitan ng mga poste. Sinenyasan nya
si Mang Amor. Ginilitan nya ang kanyang leeg sa pamamagitan ng hintuturo.
Tila nagsasabing “nasintensyahan na ang tahong”. Umiling si Mang Amor.
Isinenyas ng matanda ang mas malalim na parte ng kawayan. Kahit parehas
nilang alam na mas madaling mamatay ang tahong sa mas malalim,
nagbakasakali pa rin sila. Umahon muna sya para kumuha ng hangin. Pinuno
ang baga. At saka sumisid. Umahon na si Mang Amor. May edad na ito at
hindi na kaya ang mas malalim.

Si Intoy ang bihasa sa lahat ng magtatahong sa Kalye Marino. Kaya nga sya
tinawag na “Intoy Syokoy” dahil pra nga raw itong syokoy na nakatatagal sa
ilalim ng dagat. Para bang may hasang ito tulad sa isda. Bagamat
maipagkakamali na rin si Intoy sa syokoy. Sunog ang balat sa araw at asin.
Maligasgas. Makapal. At kahit bagong ligo pa sya ng tabang, ‘wag lang di
pagpawisan ng kaunti ay amoy dagat agad sya. Kulay kalawang ang buhok. Di
nya na kailangang magpa-highlights pa ng chestnuts o blond. Bilugan ang mga
mata na pirming mapula dahil sa hapdi ng tubig-alat. Malalapad ang mga palad
at mahahaba ang daliri. Payat na mahahaba ang mga braso’t kamay, hita’t binti.
Madaling lumubog, madaling lumutang sa dagat. Mahahabang malalapad ang
kanyang mga paa na kapag kanyang pinagdikit sa pagsikad ay aakalain mong
buntot nga ng isda. Wala pang tumatalo sa kanya sa bilisan ng paglangoy,
palaliman at patagalan ng pagsisid. Mapamatanda o mapabata panis lahat sila
kay Intoy Syokoy. Sa edad nitong desisais, mukha na syang beynte singko pero
parang katawan ng trese anyos. Unat ang kanyang mga kalamnan, balat, buto’t
litid sa paglangoy at pagsisid. Ngunit walang makaing matinong sustansya ang
mga bahaging ito kung kayat sila-sila na lang ang nagkakainan. Di tulad ng mga

3
swimmer na atleta, bato-bato’t malalapad ang katawan na umbok ang masel. Si
Intoy, bato nga. Pero parang isang buhay na posteng kongkreto.

Sisid si Intoy. Nangabay sa mga tulos ng kawayan. Hinihila ang sarili pababa sa
pamamagitan ng pabaligtad na pag-akyat sa palosebo. Inuga nya ang mga
pahalang na kawayan. Kinuskos ang mga nakakapit na tahong. Umalsa ang
mga laman, lumabusaw lalo ang tubig. Wala syang gaanong maaninag.
Ipinasya nyang umahon na. Isang sikad pataas.

Sisinghap-singhap syang umahon. Tinanggal ang salamin pangdagat.

Ano?

Walwal! Kisay tayo, Mang Amor

Ay! Digrasyaw bo.

Nagpasya silang tignan ang natitirang tatlong bila ni Mang Amor sa laot.
Madalas napapatawad ng alig ang laot. Di na nito kayang malason ang malayo
sa pampang. Malakas na ang alon doon at nadadala ng ragasa ng tubig ang
peste. May kalayuan nga lang ang pwesto ni Mang Amor. Mangangalay sila sa
kakasagwan at baka hindi nila mailigtas ang pwede pang mailigtas. Binilinan ng
matanda si Intoy na maghihintay na lang sa lunday at babalikan sya ng amo
gamit ang bangkang de motor at saka hihilahin ang lunday sa laot. Nakisabay
na lang pauwi ang matanda sa isang kinawayang kapwa mangingisda para
maidaan sa kanyang pantalan. Maililigtas pa ang tahong kung maiaahon agad
ito. Ang palatandaan, kapag sa pagsisid ay nakabuka ang mga ito ngunit kapag
ginalaw ay kusang magsasara. Maibebenta pa kahit sambot-puhunan man lang.

Sinamantala iyun ni Intoy. Pandalas syang gumaod papunta sa kanyang pwesto.


Mga dalawandaang metro ang layo noon sa pwesto ng kanyang amo. Wala
syang palatandaan sa kanyang baklad di tulad ng iba na may mga bandila o
boyang malalaki. Basta’t kinabisa nya na lang kung san iyon. Di halatang may
tahungan sa kanyang piniling pwesto, kasi nga, di nakausli ang mga kawayan.
Maliliit na kawayan lang ang kanyang ginamit. Di pansinin kumbaga. Sobra lang
ang mga iyon sa kanyang mga pinagtrabahuhan. Sinabi nya na lang na gagawa
sya ng balsa-balsang kawayan. Isang bila lang iyun. Iilang tumpok ng semilya
ang kanyang inilagay doon buhat na rin sa isang nagpatanim. Sobra ang
semilya, kapos sa kawayan. Wala nang pabitin at palutang. Magastos sa straw,
styrofoam at plehe ang mga iyon. Puro tali na lang sa bila ang ginawa nya. Sya
lang ang gumawa ng lahat ng iyon. Natutunan nya yun simula noong sya’y
nuwebe anyos pa lang. Sa pamamagitan ng pagsama-sama sa mga nagtatali,
naglilinis, nagbabaon, nag-aahon at kung anu-ano pang trabahong may
kinalaman sa pagtatahong. Masasabing isa na sya sa batikan sa larangan ng

4
pagtatahungan. Wala nga lang sapat na kapital para makapagtanim nang
malakihan.

Sa gulang na lima natuto na syang lumangoy nang itulak sya ni Bertong Baka
palabas ng pantalan. Tawanan ang mga kalaro nya. Sina Yeyeng Tikol, Boyet
Bagol at Doray Langaw. Narinig nya ang tawanan ng lahat kahit pa na
sisinghap-singhap sya.

Yaaah! Si Intoy Kuting, di makalangoy, kantyaw ni Bertong Baka.

Kuting! Kuting! Kuting! ang sigaw nina Boyet Bagol at Yeyeng Tikol.

Kuting pa noon ang bansag kay Intoy. Tatay nya kasi si Landong Pusa. Mahilig
manghuli ng pusa para gawing pulutan. Namatay ito nang tumalon mula sa
pantalan dahil sa sobrang kalasingan. Tuhog ang leeg at tagos sa balakang ang
tulos ng kawayan ang eksenang tumambad isang umaga sa pantalan.
Pagkalibing ng tatay ay nawala na ang ina. Balita’y sumama na sa isang drayber
ng bus at iniuwi ng probinsya.

Tumigil sa pagtawa si Doray nang mapansing hindi na yata makakawag ang


kalaro. Baka nalulunod na si Intoy.

Uy, ang langaw, nag-aalala sa kuting, alaska ni Yeyeng Tikol.

Pag namatay ang kuting, lalangawin naman, hirit ni Boyet

Sinagip din sya ng mga kalaro. Bagamat umiiyak si Intoy at nagtatawanan ang
kalaro, nakuha pa rin nilang magbiruan.

‘Tang ‘na ka, kuting ka kasi kaya takot ka sa tubig, si Boyet uli.

Sa dami ng nainom mong dagat, mamaya, pati utot mo at dighay, amoy dagat,
alaska ni Yeyeng Tikol.

Simula noon, palihim na nag-aaral lumangoy si Intoy. Sa una ay pakuya-kuyapit


pa sya sa mga poste sa silong ng mga bahay. Hanggang sa poste ng pantalan.
Hanggang maglipat-lipat na sya ng poste ng mga pantalan. Hanggang sa kaya
nya nang makipaghagaran-taya sa mga kalaro. Sya ang laging panalo sa karera
sa paglangoy. Sya ang pinakamatagal sumisid. Di baling makainom sya ng tubig
at magkasugat-sugat sa mga nakausling kawayan o poste, basa’t doon man lang
ay ituring syang magaling, sa paglangoy at pagsisid.

5
Sa kanilang magkakaibigan, si Berto ang pinakamalakas. Punggok na malaki
ang katawan. Bato-bato. Tagaigib ba naman ng tubig-tabang sa buong iskinita
nila kung hindi lumaki ang katawan at mapunggok. Tinawag itong baka dahil
atungal-baka si Berto pag pinapalo nang kanyang nanay. Gala, malakas ang loob
at may kakulitan. Kasama nya ngayon ito sa inuupahang maliit na bahay-
bahayan sa tabing dagat. Kasalukuyang tagahugas ng bus. Madaling araw ang
pasok, bago magtanghali ang uwi.

Si Boyet ay binansagang bagol kasi nahuli itong nangungupit ng bagol sa


tindahan. Bata pa lang daw kumakana na. ewan kung likas na malikot ang
kamay. Naging batikang manananggal (ng sinampay, gamit, bisekleta) sa
kanilang baranggay at pinagkaisahan na gulpihin ng taong bayan. Hanggang sa
hindi na makita. Ang huling balita ay nakakulong daw ito ngayon sa Maynila.

Si Yeyeng Tikol sana ang matalino sa kanilang lahat. Ito lang ang nakatuntong
ng mataas-taas na pinag-aralan kung hindi lang nagkaletse-letse. Matapos
maglimang taon sa Saudi ang kanyang ama, umuwi itong una ang ulo at
isinunod na lang ang katawan. Noong maliliit pa sila, pirming nakapasok ang
kamay ni Yeye sa loob ng shorts. Nagtitikol daw. Nang magbinata , di na sya
tinawag na Yeyeng Tikol, Ariel na (ito ang tunay nyang pangalan), di na raw
pwede ang tikol. Malaki na kasi kaya Ariel Burat na sya ngayon. Nahilig mag-
aral kahit walang laman ang bulsa at tyan, natutong mag-shabu. Kaya’t si
Yeyeng Tikol o Ariel Burat ay madalas nasa kanto ng Kalye Marino, nagtatawag
ng mga dalagitang naglalakad habang ipinapakikita ang pagbuburat.

Si Doray Langaw… ano ba ang kadalasang kwento ng lumaki sa iskwater na


walang pinag-aralan, na iniwan ng mga magulang at tumayong ina’t ama sa
dalawang nakababatang kapatid, na may itsura naman kahit papaano basta’t
maliligo lang at magsisipilyo, magpulbos ng kaunti at lipstik? E, di puta. Di
naman. Di naman puta si Doray Langaw. Pakangkang lang daw ito sa mga
mambabasnig. Ang basnig ay malaking bangka na tumatagal nang ilang linggo
sa dagat. Sari-saring isda ang huli ng mga ito. Pagkadaong sa katihan o
barahan, magbebenta ng isda ang mga mambabasnig sa namamakyaw sa
pandawan. At dadayo doon si Doray. Tilapya naman nya ang kanyang ibebenta.
Huhugasan sa hapon para maagang mabenta. Mabilis kasi itong mabilasa sa
gabi. Kasi naman, kahit disisyete pa lang ang kanyang tilapya, para na itong
kwarenta ‘y singko anyos na galunggong. Kung malakas ang benta, maagang
gagarahe si Doray. May pambili na ng pagkain at bigas. Kung mamalasin at
babaratin ang kanyang tilapya, palit-isda na lang. Okay pa rin. Ibebenta na lang
nya kinaumagahan ang isdang ipinambayad sa kanyang inilakong tilapya noong
nakaraang gabi.

Gaya ng inaasahan ni Intoy, lalos din ang kanyang tahong. Sa kalkula nya,
maibebenta nya sa pakyawan nang tatlong daan ang laman ng kanyang

6
tahungan. Sya at ang mga tulad nya na naghintay ng anim hanggang pitong
buwan, na namuhunan ng sipag mula sa pagtatanim, pagbisita kada ilang araw,
paghihigpit sa mga taling maluluwag, pagtatanggal ng mga kumapit na basura,
pagluluwag ng mga sobrang sikip na pagkakatali. Malamang, mga kinseng
galon sa beynte pesos bawat isa. Matatapos na sana ang kanyang paghihintay.
Nagkaayos na sana sila ni Doray.

Agad syang bumalik sa lugar na pinag-iwanan sa kanya ni Mang Amor. Maya-


maya pa ay dumating na ang amo. Hila-hila ng bangkang de motor ang
kinasasakyan nyang lunday. Tumataas na ang araw. Sumisilaw na sa kanyang
mata ang repleksyon nito sa dagat. Wala sa loob nya ang paglimas ng tubig sa
lunday. Saan sya kukuha ng pera? Paano na ang usapan nila ni Doray? Pwede
kayang bumale na agad sa kanyang lilinisan?

Toy, kung talagang kursunada mo ang tilapya ni Inday dapat bayaran mo rin
‘yun. Kahit pa magkakaibigan tayo, abay bisnis is bisnis, sabi ng titser natin
sa H.E., si Bertong Baka.

Ulol! ‘Tang ‘nang ‘to, sama ng isip. Wala pa sa isip ko yung iniisip mo. ‘Yan
ang napapala mo sa pakikiusyoso sa kwentuhan ng mga drayber at konduktor.

Eh! Kung kuskusin din kaya kita tulad ng pagkuskos ko sa bus? Di ka pa


kasi nakakatotkans kaya ka ganyan magsalita. Totoy ka pa! Tagal na nating
tule, totoy ka pa rin!

At ikaw… matanda na? Buwan lang ang itinanda mo sa akin ‘no? Row por ka
talaga!

Palkups ka talaga? Apat na ang natotkans ko. Si Jenny Kikay, nilibre ko lang
ng McDo at ibinili ng t-shirt sa ukay-ukay, nakalaykay ko na ang kiki ni
Kikay. Kaya lang amoy ukay-ukay din ang puday ni Kikay. Maluwag na rin.
Si Che-che Tatse, niyari ko nang patuwad sa pantalan ni Mang Amor. A, yun,
syinota ko talaga muna. Ako nakauna dun. Si Neneng Bayag, syinota ko rin.
Pero pakiramdam ko, ako ang syinota. Dito ko sa ‘ting kinana ‘yun. At ang di
ko makakalimutan… si Selyang Kuto. ‘Yun ang dumonselya sa akin.

Napatigil si Intoy sa paghihimay ng straw na pagbabalutan ng similya. Inusisa


ang sinabi ng kaibigan. Kilala kasi si Selyang Kuto na dating star ng beerhouse.
Halos nagbibinata’t nagdadalaga na ang mga anak nito at napabalitang
kinukuto. Di nya alam kung inaabatan lang sya ng reaksyon ng kasama sa bahay
na washer ng bus. Baka nga nagbibiro ang kaibigan.

O, lalong lumalaki ang mata mo. Lalo kang nagmumukhang lasing na syokoy.
Wala ng kuto ‘yun. Magaling na nung kinana nya ako. At por yur

7
inpurmesyun, di ko binayaran ‘yun. Sya pa ang nagpainom. Kursunada
siguro ako. Pabertdey nya raw sa akin. Sya ang nakaberdyin sa akin sa edad
na kinse.

Kursunada nga ni Intoy si Doray. Matagal na. Kahit na noong mga bata pa sila.
Di nya alam. Di naman maganda si Doray. Busangot ang nguso at bahagyang
nakatikwas ang ilong. May katabaan at tulad nyang pwede ring makaliskisan
ang balat. Siguro ay ang malamlam nitong mga mata. Siguro dahil parehas
silang wala ng mga magulang. Siguro dahil sa maagang bumalikat ng mga
kapatid. Siguro ay maagang namulat sa pagtatrabahong tulad nya. O dahil
palakaibigan ito di tulad nyang tahimik. Kaya nga raw ito tinawag na Doray
Langaw dahil laging nakadapo sa tumpukan ng tao. Bata, matanda, kapwa
babae o mapalalake, kilala o hindi. Alam na nya at ng buong Kalye Marino ang
trabahong paglalako ng tilapya ni Doray. Sa gabi, pupunta ito sa barahan ng
basnig malapit sa Philippine Navy, sa likod ng City Hall. Makikipagtawaran sa
mga mambabasnig. Sa kwento ni Berto at ng mga kakilalang mangingisda,
pwede na raw sa dalawandaan. Syempre, doon sa batuhan o sa mismong
bangka, o kaya sa basnig, o kaya sa mga pantalan pinupusta ang tilapya ni
Doray. Kapag bilog ang buwan, walang gaanong kita ang mga mambabasnig,
isda ang bayad sa tilapya nito. Payag na rin si Doray. Kinabukasan, ilalako
naman nya ang mga ito. O kaya dadalhin sa palengke, sa isang plangganita
kadalasang asubi, kangkay, samaral, banak, bangus-alat o tamban, sa daanan ng
tao… ibinebenta ni Doray ang mga isda. Minsan, sa awa nya kay Doray, binibili
nya agad ang lako nito kahit pa may huli rin syang isda o binibigyan sya ng
parte ni Mang Amor sa pangingilaw sa gabi o pamamandaw sa hapon.

Mabait sa kanya si Doray dahil maliban kay Berto, ito lang ang nagtityagang
makinig sa kanyang mga kwento at pantasya. Si Doray lang ang nagpapaalala sa
kanya na mas maswerte sya kaysa dito. Na sya ang pinakamagaling na
maninisid, magtatali, mag-aani at maglilinis ng tahong. Sya ang pinakamabilis sa
languyan. Sya ang pinakatumatagal sa sisiran. At si Doray lang sa buong Kalye
Marino ang tumatawag sa kanyang pangalan nang di kakabit ang “syokoy”. Di
nya alam kung may gusto rin sa kanya si Doray. Baka kasi nagpapasalamat lang
ito sa madalas nyang pag-aabot ng bungkos ng tahong dito. Baka naman,
pinaglalakuan na rin sya ng tilapya nito kapalit ng maraming bungkos ng
tahong.

Marami ang umaasa sa tahungan. Ang Kalye Marino ay hindi Kalye Marino
kung wala ang mga magtatahong. Sinasabi ng mga matatanda na tinawag ang
kanilang lugar na Kalye Marino simulang gawing Base Militar ng mga
Amerikano ang dulo ng kanilang lugar na pinangalanang Sangley Point Naval
Base. Ang tumbok daw ng kanilang kalye ang unang gate ng Sangley Point.
Kayat sa kanilang kalye dumadaan ang mga sundalong Amerikano para
maglabas-masok sa base. Marines o marino ang kadalasang sundalong dinadala

8
sa Sangley. Nilipat lang ang gate sa tumbok ng pangunahing lansangan dahil
may napatay na puti nang makasagasa ito ng batang naglalaro sa Kalye Marino.
Balita’y sa sobrang kalasingan, nakaladkad ang bata hanggang sa gate.

Maraming dumayo sa kanilang lugar dahil sa trabaho. Shoeshine, sastre, driver,


bugaw, puta, tindero at kung anu-ano pa. dumami ang dumayo sa Lungsod ng
Cavite para makipagsapalaran sa pangakong kaunlarang dala ng bawat barkong
nag-aangkla sa baybayin ng Kalye Marino. Sumigla ang transportasyon.
Dumami ang tao. Lumaki ang palengke. Nagkaroon ng sinehan. Libangan.
Putahan. Sugalan. Dumami ang simbahan. Kayat ang pampang ng Kalye Marino
ang sinimulang tayuan ng barung-barong. Sa simula’y mga dalawampung bahay
lang daw ang kulang sa isang kilometrong kalsadang sumasanga mula sa
pangunahing lansangan patungo sa base. At ngayon nga ay ilang metro na ang
sinakop ng mga bahay mula sa pampang papuntang dagat. Di daw pinapansin
ang tahong noong panahon ng mga Amerikano. Ginagawa lang daw itong pain
sa isda. Ang mga tahong ay kusang tumutubo sa mga batuhan o breakwater,
barkong lubog, mga poste ng bahay pampang. Maraming mangingisda sa Kalye
Marino noong panahon ng Amerikano. Suki ng mga ito ang mga puti lalong lalo
na sa malalaking isda, hipon, alimasag, pusit, pating, talaba at iba’t ibang lamang
dagat. Dumami ang tao sa mga pampang ng Lunsod ng Cavite. Dumami ang tao
sa pusod, dibdib at bituka ng lunsod. Dumumi ang dagat. Pinalitan ng burak
ang dating buhangin. Sa paglisan ng mga Amerikano at paglipat ng base sa
Olongapo, marami ang naglupasay sa lungkot at pagkalugi. Nagsara ang
maraming beerhouse, kainan, patahian, pasadyaan ng sapatos at iba pa.
nawalan ng trabaho. Nawalan ng pag-asang makapag-asawa ng Amerikano ang
mga puta. Nabaling ang pansin ng iba sa dagat. Marami ang pumalaot. Ngunit
katagalan, mas marami pang plastic at basurang nalalambat kesa isda.
Sumasabit ang mga kawil sa tela, sako at lata. Pinalitan ng burak ang dating
puting buhangin ng pampang. Kayat tahong ang pinagdiskitahan ng ibang
dating mangingisda.

Trenta’y singko pesos kada galon ang benta ni Mang Amor at Intoy sa tahong
kapag tingi. Sa mga walang wala, ulam na ito maghapon. Sabawan lang, tiyak na
may mahihigop at mailalaman sa kumakalam na tyan at may pang-ulam sa
maghapon ang isang pamilya. Ibang usapan at presyuhan kapag pakyawan. Ibig
sabihin, lahat ng laman ng tahungan, aanihin. Libo ang turingan dito. Naging
popular ang Cavite dahil sa tahong. Partikular ang Lunsod ng Cavite. Partikular
ang Kalye Marino. Manamis-namis daw ang tahong hango sa baybayin ng Kalye
Marino. Haka ng matatanda, dahil daw sa agos mula sa Maynila-Bataan. Hula
naman ng ibang lasenggo ay dahil sa ebak ng tao. Kunsabagay, lahat naman ng
idinideposito sa banyo sa lahat ng pampang ng Lunsod ng Cavite ay sa dagat
ang diretso. Maging ang tambakan ng basurahan ng lungsod na ito, sa pampang
din sa likod ng sementeryo matatagpuan.

9
Isinuot ni Intoy ang salaming panisid at pamadyak. Mapapalaban sya ng sisiran.
May kalaliman ang pwesto ni Mang Amor. Nagdoble sya ng gwantes. Mas
makapal ang taliptip sa kawayan sa laot. Higit ng hininga. Sisid. Sikad at
padyak habang kagat-kagat nya ang kutsilyo. Binaybay nya ang mga bila.
Niluluwa na ng mga tahong ang sarili nitong laman. Lumabusaw ang tubig.
Binisita nya ang mga pabitin. Gamit ang kutsilyo, pinutol nya ang isa sa mga ito.
Dumiretso sa isa sa mga palutang. Pinutol nya rin. Umahon. Ipinakita sa amo.
Nakanganga ang lahat. Wala na ang laman. Nadale ng alig.

Sabi ng ibang beteranong magtatahong, kelan lang daw nagkaroon ng alig.


Nagsimula lang daw ito nitong huling dekada. Ang paniniwala, dahil sa labis na
dumi na ng dagat. Ang paniniwala ng iba, ang alig daw ay ang dumi. Kemikal at
lasong nakaimbak sa mga pusali, imburnal at kanal ng lungsod na nabasa’t
natuyo sa loob ng ilang buwan. At kapag bumuhos ang malakas na ulan, iaagos
ang ragasa ng tubig patungong pampang, lilikha ito ng kawalan ng balanse ng
lamig, init, alat at iba pang kemikal at mikrobyo sa dagat. Kung tuba ang
ikinamamatay ng isda, at red tide sa tao, alig naman ang sa tahong at mga
lamang dagat.

Paano ba nya sasabihin kay Doray ang lahat? Na gusto nya ito. Kung mahal,
hindi nya alam. Basta’t kung may magagawa lamang sana sya, ayaw nya itong
makikita sa barahan ng basnig. Kung pwede lang sana, sabihin nya na kay
Doray na tutulungan nya na lang ito sa pagbuhay sa dalaw nitong kapatid.
Kaso, alam nyang di sapat ang pagseserbisyo nya sa mga tahungan. At ang
kaunti nyang tanim na tahong ay di rin uubra. Kada anim na buwan ba naman
umani ng tahong at lagi pang inaabot ng alig, gaganahan pa ba syang
magprisinta ng tulong kay Doray? Si Doray na nga lang yata ang ‘dalagitang’
may itsura sa kanilang looban. Kung hindi man mukhang sirena sa imburnal,
madalas na mukhang igat ang mga kababaihan sa kanilang eskinita. Minsan,
kapag naliligo sila sa dagat ni Bertong Baka, makikisabay ito kasama ang
dalawang kapatid. Tinuturuang lumangoy ni Doray ang mga ito. Sa laki ng
tyan, ika nga ni Berto , para daw itong mga buteteng laot. Siyang-siya si Intoy na
makita ang pagkakahapit ng t-shirt sa may katabaang katawan ni Doray tuwing
aahon sa dagat at magpapahinga sa pantalan. May kung ano syang
nararamdaman na di nya ginusto. Marapat sabihing ayaw nya nga. Pumapalag
ang palos sa kanyang short pants. Kumikiwal-kiwal. Kumikibot-kibot. Di nya
alam kung dahil lang sa pagkakatuli nila ni Berto noong nakaraang taon.
Syosyotain nya rin kaya si Doray tulad ng ginagawa ni Berto? At pagsyota na,
gagawin rin kaya nila ni Doray ang ginagawa ni Berto kina Jenny Kikay, Cheche
Tatse, Neneng Bayag at Selyang Kuto? Ayaw pa nyang isipin ‘yun. At hindi pa
sya marunong, tuturuan kaya sya ni Doray? ‘Yun ang lalo nyang ayaw isipin.
Pero paano nga nya sasabihin kay Doray? Gusto nya ba itong mahalin o anuhin
lang. O mahalin at aanuhin din pagkatapos.

10
Kagabi lang, nang hihilahin ni Intoy ang mga inorder na kawayang ibinagsak
mula sa Maragondon sa barahan ng basnig, nakita nya doon si Doray. Kausap
ang ilang mambabasnig. Iniwasan nya ng titig ang kababata. Bagamat alam ni
Doray na alam nya at ng buong taga-Kalye Marino ang trabahong pagbebenta ng
tilapya sa mga mambabasnig, ano’t parang nahihiya pa rin sya para dito? Sige
ang tali nya sa mga kawayan para hilahin ng bangkang de motor at ilalagay sa
silong ng kanyang pantalan. Binayaran nya ang nag-deliver ng kawayan.
Inabutan sya ng singkwenta pesos. Parang komisyon na yun sa kanyang pag-
order sa kausap.

Intoy! alam nyang si Doray ‘yun.

Kunwa’y di nya narinig. Pandalas sya ng lakad papunta sa bangka. Tinawag


syang muli ni Doray, sunud-sunod na. Di na nya maiiwasan.

Anyong sinino nya pa ang tumatawag. Maliwanag ang kalangitan. Bilog na bilog
ang buwan at waring nagbubunyi ang lahat ng mga bituin. Nasinagan ng
liwanag si Doray. Puting t-shirt at shorts na dilaw ang suot nito. Nakatsinelas.
Bahagyang pinapula ang labi at litaw ang layo ng kulay ng mukha sa leeg gawa
ng kulapol ng pulbos. Basa pa ang buhok. May labi pa ang bango ng shampoo at
sabong pampaligo. Inihatid sa kanya ng hanging habagat ang samyo ng bagong
paligong kababata. Di magkandatuto si Intoy sa pagbatak ng tali para mag-start
ang motor ng bangka.

Uy, ‘kaw pala. Anong ginagawa mo dito? Gabi na ha? Sino naiwan sa mga
kapatid mo? repeke ng kanyang tanong. Kahit alam nya ang sagot sa kanyang
mga tanong. Ano kaya’t sumagot si Doray ng ganito: “Kabron ka talaga. Alam
mo naman na nandito ako para magpakangkang. Natural gabi. Gabi lang
naman bumabara ang mga basnig. At alam mong walang naiiwan sa mga
kapatid kong natutulog na.”

Mahina ang huli. Bilog ang buwan. Wala akong maiuuwi. Di bale, baka
bukas, siguro.

Di nakapagsalita si Intoy. may naglaro sa isip nya. Ano kaya kung sabihin nya
kay Doray na sya na lang magbabayad? Pero di nya aanuhin si Doray. Pauuwiin
nya lang ito. Para bang gusto nyang iligtas si Doray mula sa mga asal pating na
mambabasnig. Mga pating na basta’t makakuha lang ng tyempo, sasakmalin
agad ang maliliit na isda. Pero alam nyang ilang ulit nang nasakmal ang tilapya
ni Doray. Paulit-ulit. Minsan nga, ayaw na ng ibang mambabasnig. Paitlugan na
raw ang tilapya ni Inday. Gusto nila na mas sariwang tilapya. Mas mahal nga
lang. Okay lang daw, sulit naman. Habang tumatagal ay pababa nang pababa
ang presyo ni Doray. Noong una, hanggang limang daan nabibili ang kalakal ni
Doray. Pero makalipas ng dalawang taon. Swerte na ang tatlong daan. Kaya

11
doble ang kayod nito. Mula alas sais hanggang mga alas dose. Sa barahan,
marami ang tulad ni Doray. Alas sais ay labasan na ng mga paninda. Inilalako sa
mga parukyano. Pag may bumili, ayos na. Boundary na. Yung iba, uulit pa.
Pangreserba ‘ika nga sakaling tumumal ang bentahan kinabukasan. Pagsapit ng
mga alas nwebe, alas dyes, pababa ng pababa ang kanilang presyo sa paniniwala
ng mga basnig na bilasa na sila. Nakailang pisil at pindot na sa kanilang tilapya
ang mga mambabasnig. Kung talagang matumal, dumadayo pa ang mga ito sa
Villamar Beach sa Noveleta. Mga magpupukot naman ang aalukan ng tilapya.
Kaso, mas nakakatakot daw dun. Marami sa tulad nila ang nagkasakit. Na-red
tide ika nga. Wala pang ganoong tapang si Doray.

Pasabay naman, kung uuwi ka na.

Oo ba.

Sa loob ni Intoy, sayang din ang kinse pesos na ibabayad ni Doray sa dyip. Isang
sakay mula sa barahan hanggang sa may simbahan. Tapos mula simbahan, isa
pa uling dyip pa-Sangley. Kung lalakarin, medya oras din. Delikado, gabi na.
Ibinaba nya si Doray sa kanyang pantalan. Bandang bukana ng iskinita ang
bahay ng kababata.

Naberdyin ka na ba, Intoy? Balita sa ‘kin ni Berto, di pa raw. Sya daw madami
na. Yabang nun ‘no? Madami na raw syang na-ano. Eh, king sinu-sino lang
naman ang mga ‘yun. Sina Jenny Kikay na inanakan ng mga kundoktor at
drayber, si Neneng Bayag na pekpek palit-bato, si Selyang Kuto na
tinatanggihan na sa basnig at si Cheche Tatse, ekskyus lang ‘no, mas mataba
pa sa akin ‘yun. Ang mga type talaga ni Baka… ‘la pala sya. ‘Kaw, type mo ba
ang tulad ko? ang parang walang anong tanong ni Doray. Alam ni Intoy na si
Bertong Baka ang nagnguso kay Doray. Di nya alam kung matutuwa sya o
magagalit sa kaibigang washer. Di nya alam kung talagang nagmamalasakit sa
kanya ang kaibigan o ibinubugaw lang talaga sya. Di nya alam kung
nakikipagsyota na sa kanya si Doray o simpleng pinaglalakuan lang sya ng
tilapya nito.

Sige, bukas, di ako pupunta sa barahan. Puntahan kita dyan sa inyo.

Ha, a, e, si Berto, e…

Sus, pakipot pa ‘to. Alam ko naming gabi ang alis ni Baka at umaga na ang
uwi. Basta, mga ala una, baka may makakita sa atin, e. Iwan mong bukas ang
pinto mo.

May gusto rin ba sa kanya si Doray? O baka naman magpapaano lang sa kanya?
Kung magpapaano ito sa kanya, gusto ba talaga iyon ni Doray o may bayad?

12
“Bisnes is bisnes” ika nga ni Berto. Baka nga. Ampanget. May bayad. Ibig
sabihin nun di rin sya mahal. Pero, nagbebenta naman ng tilapya si Doray sa
kung sinu-sino lang, bakit hindi pa sya ang tumangkilik sa paninda ng kababata?
Mabuti na yun, kung sya naman ang kakain ng tilapya ni Doray, gusto nya
talaga ito. O mahal na siguro.

Halos hindi makatulog si Intoy nang gabing iyon. At napagpasyahan nya na


kailangan nya ng pera. Kung sakaling humingi ng kabayaran si Doray, hindi sya
mapapahiya. At ang nasa isip nya nga ay ang hanguin ang lahat ng tahong nya
at ipapakyaw sa mga nagtitinda sa kanilang kanto. Bagsak presyo na. Kahit
tatlong daan, payag na sya. Bibili sya ng pandesal at mantikilya, kape’t asukal sa
panaderya sa kanto para may pagkain sila. Bibili rin sya ng shampoo at sabong
mabango. Puro sabong panlaba na lang kasi ang natitikman ng kanyang ulo at
katawan. Bibili rin sya ng Colgate. Baka amoy dagat pa sya, nakakahiya naman.
Baka maalat ang laway nya, nakakahiya naman. Pag-alis ni Berto, saka siya
naglinis ng bahay. Baka makahalata kasi ang kaibigan kung maaga nya itong
gagawin. Maglalaba rin sya ng kumot at punda. Ibinibilad nya sa araw ang
banig at unan. Mag-iipon sya ng tubig-tabang.

Ngunit ngayon, pinatay ng alig ang sagot sa mahabang paghihintay ni Intoy.


itutuloy pa ba nya? Ano ang ikakatwiran nya kay Doray? Na wala syang pera?
Paano kung gusto pala talaga sya ni Doray at hindi ito nagbabayad? Baka
naman magalit sa kanya ito at isiping itinuturing nya rin tulad ng pagturing sa
kanya ng mga mambabasnig?

Sige ang murang pa-Chavacano ni Mang Amor. Digrasyaw bo, kabron!

Pinagpuputol ni Mang Amor ang mga pabitin at panabit. Si Intoy, kinayas nya
ang mga bila at poste. Tinanggal ang mga balat ng tahong na wala nang laman.
Lumalabo ang tubig sa tuwing babagsak sa burak ang mga bungkos ng patay na
tahong. Awtomatiko at mabilis ang kilos ni Intoy kahit wala sa loob ang trabaho.
Lalo pang lumalabo ang tubig sa mga laman ng tahong, lumulutang sa paligid
na umaalsa mula sa kinayas na tahong sa mga bila at posteng kawayan. Ilang
oras lang at malinis na dalawang pwesto ni Mang Amor. Bukas na nila itutuloy
ang paglilinis sa iba. Pahapon na. gutom na sila at giniginaw hatid ng hanging
pasko. Nanguluntoy na ang kanilang balat sa kamay at talampakan. Sugat-
sugat ang kamay ni Intoy sa talim ng mga taliptip at tahong. Di sya
naipagtanggol ng manipis at magupok nyang gwantes.

Gabi. May taklob ang nakahanda nang pandesal at mantikilya. Katabi ng kanin
at ulam na ipinagtabi ni Berto kaninang hapon bago ito umalis para maghugas
ng bus. May mainit na tubig sa termos. Nakahanda na rin ang tinging kape at
asukal. Salamat sa isandaang paunang bayad sa kanya ni Mang Amor sa
paglilinis ng mga pwesto maghapon. Ngunit hindi sya nakapaglinis ng bahay.

13
Hindi nya rin nalabhan ang kumot at punda ng unan. Di nya rin naibilad ang
banig at unan. May tubig-tabang na naigib si Berto. Pero di pa sya naliligo.
Nag-aasin na ang tubig-dagat sa katawan ni Intoy. matigas na ang kanyang
buhok. Naaamoy ni Intoy ang sarili na maalat. Nasa gawing pintuan lang sya.
Nakaupo at nakaunat ang mga hita’t binti sa tulay na kawayan. Inaaninag sa
liwanag ng malamlam na bumbilya ang mga sugat ng kamay. Mahapdi. Pero di
na kumikirot. Sanay na sya. Naramdaman nyang lumalangitngit ang tulay na
kawayan. Iniluwa ng dilim si Doray. Nanulay ang bango ng bagong paligong
bagong dating. Naka-shorts at t-shirt ito. Basa pa ang buhok.

Inalig daw halos lahat?

Oo e. Malas nga. Pati yung kapraso kong pwesto, di pinatawad. May


pinaglalaanan pa sana ako nun. Sige ang kukot nya sa sugat. Gusto mong
kumain? May kape dyan, pandesal at mantikilya.

Hinawakan ni Doray ang kanyang kamay. Sinuri ang mga sugat. Hinalikan ito.
Inakay sya paloob ng bahay.

A, Doray, kasi…
Hayaan mo na, makakabawi ka rin sa susunod.

Pininid ni Doray ang pinto.

-wakas-

14

You might also like