You are on page 1of 1

Tema: May mga Hukom Ba sa Kongregasyong Kristiyano?

“Order in the court!” Iyan ang kalimitang malakas na sigaw ng isang Judge o Hukom sa isang Korte
kapag kinakailangan niyang muling maibalik ang kaayusan sa isang paglilitis. Ang hukom ang taong
nangangasiwa sa paglilitis at dumidinig sa mga saksi at mga ebidensiya, at sa huli ang nagpapataw ng
karampatang hatol sa isang nagkasala o nagpapawalang bisa sa mga inosente. Ngunit kung tayo ang
tatanungin, sa karehong kaayusan kaya, may mga Hukom ba sa Kongregasyong Kristiyano?
Ang ating Diyos na si Jehova bilang isang Diyos ng pag-ibig at kaayusan ay naglaan ng kaniyang
organisasyon dito sa lupa, sa pamamagitan ng mga kongregasyong kristiyano upang mangalaga sa
espirituwal na kaayusan at kalusugan sa bawat lugar sa buong mundo. Kasangkot sa pagpapanatili ng
kaayusan at kalinisan, ang kongregasyong Kristiyano ay maaaring kumilos din laban sa magugulong
miyembro nito na nangangailangan ng disiplina sa espirituwal na paraan, at maaari din nitong itiwalag ang
mga may malubhang pagkakasala at hindi nagsisising miyembro ng kongregasyon.
Maaring maitanong natin, sino kaya ang inatasan ni Jehova na siyang mangangalaga sa kaayusan at
kalusugan ng kongregasyon at siya ding tatayo bilang hukom sa mga usapin na kailangan ayusin sa loob nito?
Buweno, may binabanggit sa 1 Pedro kabanata 5 mga talatang 1 at 2. Pakisuyong samahan nyo ako sa
pagbasa. Dito ay binabanggit “Kaya nga, bilang isa ring matandang lalaki, isang saksi sa mga pagdurusa ng
Kristo at kabahagi ng kaluwalhatiang isisiwalat, nakikiusap ako sa matatandang lalaki sa inyo. Pastulan
ninyo ang kawan ng Diyos na nasa pangangalaga ninyo bilang mga tagapangasiwa, na naglilingkod nang
hindi napipilitan, kundi ginagawa ito nang maluwag sa loob sa harap ng Diyos; hindi dahil sa kasakiman sa
pakinabang, kundi nang may pananabik”. Sa pagbasa natin sa tekstong ito ay ating nalaman na ang mga
elder sa loob ng kongregasyon ang siyang inatasang tagapangasiwa na magpastol sa mga kawan ng Diyos.
Ginagawa nila ito ng may maibiging pagsasakripisyo, kabaitan, pagiging maingat, at may kasiyahan.
Yamang may mga miyembro ng kongregasyon na nagkakasala at nakakagawa ng di-matalino o maling
hakbang, paano naman kaya sila tinutulungan nga mga Elder ng kongregasyon? May binabanggit sa Galacia
kabanata 6 talatang 1, pakisuyong ating basahin, “Mga kapatid, kung ang isang tao ay makagawa ng maling
hakbang nang hindi niya namamalayan, kayong may-gulang na mga Kristiyano ay magsikap na ibalik sa
ayos ang gayong tao sa mahinahong paraan. Pero bantayan ninyo ang inyong sarili, dahil baka matukso rin
kayo”. Sa ating nabasa ay binanggit na ang mga Elder ay maiingat na nagbabantay sa espirituwal na kalagayan
ng kongregasyon at tumutulong sa mga kapatid na nangangailangan ng payo at pagtutuwid.
Paano naman kaya kung may mga miyembro ng kongregasyon na nagkasala ng mabibigat tulad ng
paulit ulit na kasalanan, tagapagpasimuno ng pagkakabaha-bahagi, apostasya, o imoralidad? Dito sa 1
Timoteo kabanata 1 talatang 20 ay mababasa “Kasama rito sina Himeneo at Alejandro, at ibinigay ko sila kay
Satanas bilang disiplina para matuto silang huwag mamusong”. Ang malulubhang pagkakasala ng ilang
miyembro ng kongregasyon ay maingat na sinusuri at binibigyan ng disiplina ng mga elder at bilang
tagapangasiwa sa kalinisan ng kongregasyon, sila ay inatasan din na magtiwalag sa mga nagkasalang ito ng
walang pagkukunsinti bilang disiplina. Sa ginagawang maingat pagsusuring ito ng mga Elder, tinatanggap
lamang nila na totoo ang mga akusasyon kung may dalawa o higit pang mga saksi sa nagawang pagkakasala
at tinitimbang ang mga katibayan batay sa kasulatan at walang anumang ginagawang pagkiling.
Tunay ngang nakakaginhawang malaman na ang ating Diyos na Jehova na siyang Diyos ng pag-ibig at
kaayusan ay bumuo ng organisasyon na patuloy na naglalaan sa atin ng espirituwal na mga bagay at
pantulong sa pamamagitan ng mga elder sa kongregasyon. Nawa ay pahalagahan nating lubos ang
ginagawang mapagsakripisyong atas na ginagawa ng mga elders sa kongregasyon at higit sa lahat patuloy na
magpasakop at pumuri sa Diyos na Jehova upang patuloy tayong makalakad ng matuwid patungo sa bagong
kaayusan na Kaniya ding ilalaan sa hinaharap.

You might also like