You are on page 1of 1

Multo ng Nakaraan

Nakakabangungot. Nakakatakot.

Naranasan mo na ba? Iyong tipong nais mong maging kumportable sa bawat desisyon na iyong
hahamakin ngunit biglang susulpot ang pagkakamali na iyong nagawa sa iyong nakaraan? Iyong bigla
bigla kang mapapaisip kung tama ba talaga ang iyong tinatahak na daan? Kung bakit sa dinami-rami
nga naman ng pagkakataon, bakit ngayon pa? Bakit ngayon pa ako binagabag ng multo ng nakaraan
na dapat ay kinakalimutan dahil alam kong ako’y natuto na?

Nakakabangungot sapagkat sa kabila ng lahat, bigla-biglang susulpot ang multong ito na


gumagambala sa atin. Pati ang ating pagtulog ng mahimbing at ang ating panaginip ay hindi nito
palalampasin. Iyong tipong pinapaalala nito sa atin kung ano ang mga kasuklam-suklam at ang mga
hindi magagandang nagawa natin. Tila ba na ang multo ng nakaraan ay pinipigilan tayong pagsisihan
ang nagawa nating hindi maganda sa nakaraan. Ang multo ng nakaraan na humaharang sa ating
pagbabago at pagkatuto. Ang multo ng nakaraan na bangungot ang dala sa ating mahimbing na
pagtulog.

Nakakatakot dahil kapag hinayaan natin ang multong ito na manatili sa ating isipan, tayo’y kanyang
sasapian. Sa kanyang pagsapi sa ating isipan, mawawalan tayo ng dahilan para sa pagpapatawad sa
ating sarili kapag tayo’y nakakamit ulit ng isang kamalian. Bakit ba parang ayaw niya tayong bigyan ng
panahon para itama ang ating mga kamalian? Hindi na ba tayo maaaring magbago ng katauhan?
Nakakatakot dahil sa multo ng nakaraan na nagsisilbing paalala ng ating mga kamalian, nananatili
tayong walang usad at walang natututunan.

Kaya sa aking multo ng nakaraan, tama na ang pagpaparamdam. Kailangan na kitang ihatid sa iyong
paroroonan nang mabigyan ko ang aking sarili ng kapatawaran.

You might also like