Ang panitikan ay may kaugnayan sa kasaysayan dahil ang pag-aaral
ng kasaysayan ay kinapapalooban ng damdamin, paniniwala, kultura at
tradisyong makikita sa panitikan. Ang panitikang Filipino ay ang pagsasalita o pagsusulat na nagpapahayag ng damdamin ng mga Pilipino tungkol sa kanilang buhay, panlipunang pag-uugali, paniniwalang politikal, at mga paniniwalang kanilang pinanghahawakan.
Para sa akin, ang panitikan ay marapat lamang na pag-aralan sa
paaralan dahil makakatulong ito sa pambansang pagkakakilanlan at pagkakaisa ng mga Pilipino. Sinasalamin ng panitikang Filipino ang mga tradisyon, kaugalian, paraan ng pamumuhay at mga isyu noong panahong ito ay naisulat at kung minsan ay naglalaman ng mga magagandang kuwento. Iniwan ng ating mga ninuno ang panitikang Filipino para mapalawak, at mapagyaman ang ating kaalaman rito. Nararapat lang na tayong mga Pilipino ang unang tumatangkilik o magbabasa ng mga likha ng ating kababayan, kaya panahon na para ipakita o ibahagi ito sa iba. Nakakatulong din ito sa atin para makipag-ugnayan sa iba, napapatunay ito sa tuwing nagbabasa tayo ng mga teksto na nanggaling sa ating kinalalagyan.
Marami sa ating mga bayani at ninuno ang nagbuwis ng buhay para
sa ating panitikang Filipino, na kumakatawan sa malayang pag-iisip ng ating mga katutubo. Sila ang patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga Pilipino na ipagpatuloy ang mas ganap na pananaliksik ng ating panitikan. Malaki ang naitulong sa atin ng panitikan mula noon at hanggang ngayon, dahil ito ang naging dahilan ng repleksyon ng bawat panahon at pagkakakilanlan ng ating kultura. Dahil dito, naging mulat ang isipan ng mga Pilipino upang ipaglaban ang bansa laban sa mga mananakop. Sinasalamin at kinakatawan ng panitikan ang kulturang Pilipino. Pinapaunlad din nito ang edukasyon at kaalaman ng mga mamamayan. Malawak ang panitikan ng Pilipinas, marami pa tayong pagaaaral na kaylangang marating upang ito ay lubos na maunawaan at maitanghal ng mabuti upang makamit natin ang makabayang kaisipan. ]